Sa Bakuran ng Malacanang


Ang sabi sa commercial kanina sa t.v, ang Malacanan Palace daw ang simbolo ng pag-ahon ng bansang Pilipinas. Kaya kapag pumasok ka sa Palasyong ito, ay repleksyon na rin ito ng kabuuan ng ating pagkabansa.

Dahil dito, nakiliti tuloy bigla ang utak ko. Ang daming naglalarong mga isipin na hindi ko alam kung paano ioorganisa at iisa-isahin.

Lagi nang tanong sa akin noon pa, kung bakit nga ba hindi masugpu-sugpo ang kahirapan sa Pilipinas? Nitong huli tinatayang 52.3% sa mga Pilipino ay kabilang sa below poverty-line.

Bawat tumakbong presidente ay nangako na wawakasan nila ang kahirapan pero bawat presidente din na naluklok ay nagsimula at nagwakas ang pamamahala na problema pa rin ang kahirapan.

Bigla ko tuloy naalala ang salawikain na itinuro sa amin noong elementarya – “Bago mo tingnan ang iba, linisin mo muna ang sariling bakuran”. Oo nga naman siguro dito tayo may malaking problema.

Sa administrasyong Noynoy Aquino, naging slogan niya ang “Tuwid na Daan”. Sabi nito, sa pagtahak sa daang matuwid ay mawawakasan na rin ang korapsyon at kahirapan. Pero balik tayo sa salawikain tungkol sa bakuran. Paano makakapagsimula ng biyahe sa isang tuwid na daan kung ang problemang hindi masulu-sulusyunan ay nananatiling malaki sa mismong bakuran palang? Kung ang sariling bakuran nga ay hindi malinisan, paano pa ang isang buong samabahayan?

Unahin natin sa Malacanan Palace na nasa Malacanang Compound. Biruin mo recently ko lang nalaman na iba pala ang Malacanan sa Malacanang. Sapagkat ang Malacanan Palace ay nasa loob lamang ng Malacanang Compound.

Oh diba palasyo!? Akala ko ba tapos na ang lipunang pyudal ng mga hari at maharlika? E bakit ang presidente ay sa Palasyo pa rin  nakatira? At habang siksikan ang mga mga komunidad sa Maynila, andun ang Malacanan na napakalawak at napakagara.

Nagrereklamo din ang mga Pilipino sa kakulangan  ng mga peace officers sa kamaynilaan, dahil dito minuminuto may nakawan, patayan, panggagahasa at iba pa kahit sa katanghalian na  hindi narerespondihan. Ang Scarborough Shoal nga na teritoryo ng Pilipinas pero hindi mabantayan dahil sa kulang sa kagamitan at muli ay kulang sa mga tauhan. Kumpara nga daw sa New York sa Estados Unidos na may 40, 000 kapulisan; sa Metro Manila ay 5, 000 lang, kaya paano nga naman nito mababantayan ang kapayapaan?

Pero bakit sa Malacanang napakadaming kapulisan at militar na nakabantay? Sobra-sobra na aakalain mong lagi tayong nasa digmaan at nasa bingit ng kapahamakan ang pinuno ng bayan. Naalala ko tuloy ang minsan sinabi ng lider namin noon, kung mabuti ang iyong pamamahala ay wala kang dapat katakutan dahil tiyak na hindi ka ipapahamak ng iyong mga pinamumuan.

Sabi nila kailangan daw magtipid ng kuryente para kahit paano ay mapigil ang global-warming. Lalo pa ngayon na may shortage sa kuryente sa bansa habang pamahal nang pamahal naman ang singil ng MERALCO. Pero bakit muli sa Malacanang, walang patayan ang pagkunsumo sa buong  kaharian higit pa  lalo kung pasko ay punung-puno ng pailaw? Kahit pa nga kung tutuusin iilan lang naman ang may prebilehiyo na makita ito dahil iilan lang din naman ang mga nakakapasok sa Compound ng Palasyo.

Paglabas kaunti ng Malacanang papuntang Mendiola, naroon ang maraming kolehiyo at unibersidad subalit lahat iyon ay mahal ang matrikula at pribado. Akala ko ba batayang karapatan ang edukasyon at pangunahing tungkulin ng pamahalaan ang magtaguyod nito? Subalit sa paglabas mo ng Malacanang ay hindi pang-masang paaralan ang mayroon dito.

Sa Mendiola din ay madalas nangyayari ang mga protesta. Sabi nila ay  may demokrasya kaya malaya ang magprotesta at maghayag ng saloobin. Pero teka bakit mayroong barikada ng mga barbwire, may mga pulis na naka-full battled gear at water canon na nakatutok sa bulto? Ang mga nakadestinong PSG lahat ay nag-alerto? Ayon pinagpapalo ang mga nagrally at tuluyan nang nagkagulo. Hindi ba ang ipinunta lang nila ay iparinig ang problema ng mga karaniwang tao? Bakit hataw ng batuta ang salubong ng mga tagapamayapang mga opisyal?

Sa Recto hindi kalayuan sa Palasyo, naroon naman ang mga nagbibenta ng mga smuggled at piratang  mga  libro. Naroon ang mga tagagawa ng pekeng diploma, i.d, resibo kahit ano! Pati mga basagulerong mga estudyante na  nagpapakadalubhasa na sa leksyong itinuturo sa Recto University ay nagkalat dito. Maging ang mga putang lalake at babae ay naglipana at tila normal nalang ang tanawing naroon ang mga ito. Kung matumal ang benta ay kahit pa-kape lang ay papatusin ng mga ito.

Lakad pa ng kaunti pakaliwa ay patungo ka na ng Quiapo. Dito naman ang bentahan ng mga piratang DVD at smuggled na damit. Sa palibot ay legal ding nabibenta ang mga pamparegla, pampalaglag at iba pang exotic na mga gamot. Iligal ang aborsyon pero makakakita at makakabili ka nito sa mismong tapat ng mga higanteng simbahang nagbabawal sa pagtangkilik dito.

Tawid ka papuntang Raon ay naroon naman ang sandamakmak  na  mga smuggled, surplus at sub-standard na mga electronics at appliances.

Kung itutuloy pa ang lakaran ay mararating na ang Avenida, tumbok sa Divisoria patungo sa komunidad ng Baseco at Parola. Ang mga ito ang mga kilalang pinakamalawak na Urban Poor Communities sa Kamaynilaan. Kahit siksikan na ay araw-araw ding nadadagdagan ang mga nakatira dito na mga lumuwas galing probinsya na nasilaw sa ningning at liwanag ng Maynila.

Sa lahat ng ito, nakakapagtaka pa ba kung bakit patuloy na mahirap ang bayan nating ito? Kung sa palibot nga lamang ng luklukan ng kapangyarihan ang hindi nagkakaroon ng mga progresibong pagbabago, paano pa kaya sa malayong mga probinsya o teritoryo? Ang problemang ito ay hindi lamang saklaw ng Lokal o ng Antas Nasyunal na Gobyerno.

Sa bakuran ng Bahay ng Pangulo, na pinakamataas ng lider ng Bansa, nangyayari ang mga kung “anu-ano”

Sa papalit-palit na rehimen ay patuloy itong  problema pero hindi mabigyan ng katugunan.

Ito ay sapagkat ang  problema mismo ay ang nakaugat na sistemang umiiral. Tanging sa pag-ugat ng problemang ito makikita natin ang kasagutan. Sa huli nasa malapit pa rin sa atin ang solusyon at kasagutan. Ang lahat ay nasa pagsisimula sa ating sariling bakuran.

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s