Ang Ating Mundo Bukas

 

Mamumukadkad ang mga bulaklak ng Lily

Aahon ang bayan sa pagkalugmok

Hahanguin ang mga nilunod na pag-asa na masa

Aangkining pantay ang yaman ng bayan

Lalakad, hahakbang kitang tanan ng sabay

Kitang tanan na maghuhudyat ng dakilang araw

Isang layon ang ating tinatanaw-Kalayaan!

Tambulin natin ang ugong ng paghahatol

Ang mga mapagsamantala’y wawakasan

Kakalagin ang tanikalang bahagi ng kasaysayan

Ang tao, ang bayan sa wakas ay lalaban

Ang tao, ang bayan ay magtatagumpay

Nasa atin ang lakas, nasa atin ang bukas

Yan ang ating adhika,

Ang dahilan kung bakit sa ngayon ay mapangahas!

 

Advertisements

Madaling-araw

Kasabay ng lamig sa bukang-liwayway

Ihip ng hangin at sayaw ng mga damuhan

Magkakasama tayong nakabantay

Sa malayo, mga mata nati’y nakatanaw

Mga paa ay nakalapat sa lupa

Ang katawan ay nakasandig sa pawid na dingding

Tangan natin ang malamig na sandata

Pinag-init ng alab ng pakikibaka

Pinagningas ng ating pagtitiwala sa masa

Pinagtibay ng araw-araw nating pakikibaka

Tayo’y parte na ng kasaysayan

Kung saan may pagsasamantala ay mayroong paglaban

Sinusuong ang panganib , nilalabanan ang pangamba

Halukipkip ang liyab ng mga sulong tanglaw ng mga bayaning mapag-alsa

Lumalaban, lumalaban! Binabasag ang kadena ng pag-aagam-agam

Hindi padadaig sa hamon  ng hirap, panganib at kamatayan

Humahakbang tayo at gumagampan

Magpapatuloy, nagpapatuloy; nagbabantay sa mga balakid sa daan

Lalaban, lumalaban sa mapang-aliping sistema ng lipunan

Tatahakin ang landas ng paglaya

Imumulat ang pisak at tulog na mata

Magmumulat magmumulat, parehong magpapaindayog

sa umuugong na tambol ng pagmumulat

saan mang ibayo at lupalop mapadpad

ang tulad nyo at adhika ang laging hawak

itatago, pakaiingatan

sa dibdib na puno ng hambalos at latay ng kahirapan, pagkalugmok

mula sa bigwas ng kaaway

Magbabantay, nakabantay

Gising at mulat sa gitna ng pagkahimbing ng iba

Ilang panahon lang ay gigising na ang marami pa

Mula sa atin magmumula ang daluyong ng mga umalpas na sa

Pagtangkilik sa kasalukuyang sistema

Nakabantay, magbabantay sa gitna ng lamig ng madaling-araw

Nakatindig habang nilalasap ang hanging amihan

Pinagmamasdan ang namumuong liyab ng apoy, ng tuwa

Ng sigwa, ng lindol, ng hapdi, ng pagbangon, ng usbong, ng pagsilang…

Ng ating paglaya!

Sa Kabilang Banda

Nung lunes ang SONA ni P.NOY, kahapon lumaya si Gloria, kanina ang public interview ng papalit na CJ sa Korte Suprema, bukas makalawa-dadagsa ang mga dayuhang sundalo dahil pasado na ang SOVFA!

Sa kabilang banda, mahirap pa rin ang madla. Walang trabaho si Juan, nagpu-puta si Maria.

Nung lunes, kahapon, kanina, bukas – makalawa at sa susunod pa; hindi nagbabago ang sistema kung pagmamasdan lang ng mamamayan ang natural na galaw nya.

 

———-

State of the Nation Address (SONA)

Pres. Nonoy Aquino (P.NOY)

Chief Justice (CJ)

State of Visiting Forces Agreement (SOVFA)

Ang Tunay na Kaunlaran

 

Sila ang mga kabataan sa siyudad na sabik sa palaruang gawa ng kalikasan.

Akala ko, nandito na sa Maynila ang lahat ng pangangailangan ng tao. Sa kamaynilaan matatagpuan ang mga nagtatayugang mga gusali, dambuhalang mga mall, magagarang sasakyan, MRT at LRT, amusement parks at kahit ano na yatang maisip ng tao.

Subalit nagkamali ako. Kahapon ay inimbitahan akong sumama sa outing ng aking kaibigang organisasyon sa Paranaque patungong Tanza, Cavite upang magbigay ng kaunting pananalita sa kanilang selebrasyon ng kanilang anibersaryo.

Madaling araw pa ay nagising na ang mga kabataang kasama ko para magluto ng mga babaunin naming pagkain. Alas-6 na umaga nang tumulak ang apat na jeep kung saan sumakay ang halos 100 kataong kasama namin.

Sa byahe, kitang-kita ko ang kasabikan ng mga tao sa pupuntahan namin. Pupunta kame sa tabing-dagat. Pambihirang araw ito para sa kanilang karaniwang sa masikip at mahirap nilang komunidad ang araw-araw na nakikita. Kakaiba ang araw na ito dahil malinis na hangin, mapunong paligid, at saganang pagkain ang makikita namin. Sa Paranaque ay malapit lamang din sila sa dagat ng Manila bay, subalit kakaiba ang araw na ito dahil malinis ang dagat na pupuntahan ng grupo.

May dalawang oras din ang biyahe papuntang Tanza. Habang nasa daan ay kung anu-ano ang ginagawa ng mga kabataang sa kanilang kasabikan. May nagkantahan, nagtutuksuhan, basta ang ingay-ingay pero masaya ang mood ng lahat. Ang sarap sa pakiramdam habang humahampas ang hangin sa mukha gawa ng mabilis na takbo ng jeep. Sa mga ganitong pagkakataon ang sarap makapag-muni-muni at mag-emo.

Pagdating sa lugar, wala pa man sa dagat ay para na kameng rumaragasa sa malalakas na alon dahil sa maputik at baku-bakong daan papasok ng resort. Naisip ko tuloy, ayos ah – daig pa nito ang mga rides sa star city; libre pa! Hindi nga nagtagal, nastock na ang gulong ng jeep namin dahil sa maputik na daan. Lahat tuloy kame ay bumaba at tulong-tulong sa pagtulak.

Maya-maya pa nasa resort na kame. Dapat may kaunti munang orientation pero may pailan-ilan nang lumusong kaagad sa dagat at panay picturan ang marami. Nakakatuwa naman tingnan ang mga batang nagsiakyatan sa mga puno ng  bayabas ay kumakain sa taas ng puno. Sa kanilang lugar kasi sa palengke nalang sila na nakakakita nito.

Ako naman ay first time manguha ng tahong sa mga batu-batong bahagi ng dalampasigan. Sa pagkatuwa ko nga, tumigil nalang ako nung masugatan na ang kamay at paa ko sa panghuhuli.

Sa pagkain ng tanghalian, nakakatuwang tingnan ang mga tao na nagbibigayan ng kanilang mga inihandang pagkain. Ang  iba naman ay dinarang sa apoy ang mga tahong na kakahuli lang sa dagat at pantay na pinagsaluhan ng lahat.

Ito ang naunawaan kong nawawala na sa ating mga nakatira dito sa syudad. Kung minsan talaga ang kaunlaran ay nagdadala sa atin paatras imbes na abanteng paghakbang. Kung kailan sagana sa pagkain ang mundo dahil sa mabilis na produksyon gamit ang modernong teknolohiya, saka naman naging madamot at kanya-kanya ang mga tao.

Nasa siyudad nga ang maraming mga bagay subalit ang nawala naman ay ang esensyal na mga pangangailan para mabuhay. Lahat dito may bayad, lahat ay may katumbas na halaga, at walang mga puno na napaglalaruan at naaakyat ng mga kabataan. Lahat ng tao ay nagmamadali at hindi mapakaili. Kaya nung Makita ko ang pagbagal ng kanilang mga galaw hanggang sa tuluyang paghinto sa isang lugar at pagbibigayan ng kanilang mga pagkain at kwentuhan, ay para bang ibang mga tao ang nakikita ko. Malayo sa mga karaniwang tao na kahalubilo ko at nakakasabay sa matrapik na byahe sa Edsa, Araneta Ave., Quiapo at  Quirino Highway na mga laging stress at nakakunot ang noo. Ang mga taong iyon na nakita ko ay masasaya at may pagkakuntento.

Sa isang buong maghapong ito, ibang-iba ang mga kananayan, mga tatay at kabataang nakahalubilo ko. Kahit sa isang araw ay tila nakalimutan ng mga taong ito ang mga prolema. Sa isang araw ay nakita ng mga taong ito ang ganda ng simpleng pamumuhay na siyang kabaligtaran naman sa syudad. Sa siyudad na kumplikado, masikip, maingay at puno ng polusyon.

Siguro nga ito ang aral nito. Dapat kasabay ng pag-unlad- kailangan nating  isipin na ang pagbabago ay dapat na nagdudulot ng kagaanan sa pamumuhay ng mga tao. Ang bawat pag-unlad ay dapat na nagdadala ng sustenableng pagbabago sa pamumuhay ng tao. At dapat ang pag-unlad ay nagsisilbi sa lahat  anuman ang uri at katayuan ng mga tao.

Sa tuwing naguguluhan tayo, bumalik lang tayo sa mga lugar tulad nito. At makikita nating ang simple lang ng buhay, pinapakumplika lang ng magulong isip ng tao. Sa puntong ito, walang tunay na pag-unlad kung ang kalikasan naman at kultura ng pagiging makatao ay hindi napananatili.

Tunay na masarap magnilay kapag nasa payapang lugar!

 

Tsismisang Umaatikabo

Si eba at adan nagtsismisan

Mula ang balita sa ahas na mapanlinlang

Makamundong prutas daw ay masarap tikman

Dahil dito sila’y pinalayas at pinarusahan

Nang huling Makita ay hubut hubad at tuloy- napagtsismisan

 

Tsismis, tsismis, tsismis

Libangan nang naturingan

Sa mga umpukan sa looban; sa binggohan at peryahan

Lagit lagi may napag-uusapan, laging may napagkukwentuhan

 

May tsismis sa artista: paglaladlad ni Rustom ng kabaklaan

Hiwalayang Kris at James Yap,

sex video nina Katrina at Hayden Kho;

mga patok na laman ng mga usap-usap

 

may kwentong palakasan:

lupet ng relasyong Pacquiao at Krista,

mas gwapo si Cris Tiu kay j.v Casio,

kung hindi pagkabalyado ng mga atletang Pilipino

tulad ni Gorres, makahatid lamang ng dangal sa bayang ito

 

parang showbiz din sa dating ang pulitika:

si Lacson daw ay bading,

si Gloria at Nani ay matagal na daw magkalambutsingan,

si P.Noy umano ay abnoy at si Binay ay nangangaliwa

ang mga kwentong sikat

 

Tsismisan ng magkakapi’t-bahayan, si kuwan ay ganito si kuwan ay ganyan

Buong komunidad ay nagtatagpo, nagkakaugnay-ugnay kasunod

Ay nagkaka away-away,

Sa walang katapusang tsismisang maatikabo

Na pinasimulan nina Eba at Adan

Suntukin ang Mang-aawit

Si Arnel Pineda bokalista ng banda,
Pambansang awit ay kinanta
Pasimula ng suntukan
Bakbakang Pacquaio – Clottey ang eksena

Buong giting ang paghirit
Makapatid litid, birit kung birit
Tanang pinoy ay tumindig at nakisabay sa pag-awit
Tila pangitaing si Pacquaio muling magwawagi

Iyon ang tagpo doon sa Amerika
Lahat ng Pinoy masaya parang may piyesta
Bilib sa husay na kaiba, lalo doon sa dulo-
“ang mamatay ng dahil sayo”, hay piho tila nilampasan pa ang Apo!

Ngunit dito sa bayang Pilipinas
Mamamayan’y nagkunot noo
Narindi sa taas ng kanyang tono
“mali ang ritmo, nilabag ang itinakdang istilo”

Suntukin ang mang-aawit
Lapastangan, parusahan; giit ng institusyong historikal
Ilang ulit nang pinagbibigyan
dapat ngayon, may sampolan!

Samantalang hindi kaila,
Sa araw-araw na galaw ng mga tao
Mula ordinaryo hanggang sa naghahari
Gumagala ng malaya ang mga tulad ni Arnel Pineda,
Ang lapastangang mang-aawit!