Ang Tunay na Kaunlaran


 

Sila ang mga kabataan sa siyudad na sabik sa palaruang gawa ng kalikasan.

Akala ko, nandito na sa Maynila ang lahat ng pangangailangan ng tao. Sa kamaynilaan matatagpuan ang mga nagtatayugang mga gusali, dambuhalang mga mall, magagarang sasakyan, MRT at LRT, amusement parks at kahit ano na yatang maisip ng tao.

Subalit nagkamali ako. Kahapon ay inimbitahan akong sumama sa outing ng aking kaibigang organisasyon sa Paranaque patungong Tanza, Cavite upang magbigay ng kaunting pananalita sa kanilang selebrasyon ng kanilang anibersaryo.

Madaling araw pa ay nagising na ang mga kabataang kasama ko para magluto ng mga babaunin naming pagkain. Alas-6 na umaga nang tumulak ang apat na jeep kung saan sumakay ang halos 100 kataong kasama namin.

Sa byahe, kitang-kita ko ang kasabikan ng mga tao sa pupuntahan namin. Pupunta kame sa tabing-dagat. Pambihirang araw ito para sa kanilang karaniwang sa masikip at mahirap nilang komunidad ang araw-araw na nakikita. Kakaiba ang araw na ito dahil malinis na hangin, mapunong paligid, at saganang pagkain ang makikita namin. Sa Paranaque ay malapit lamang din sila sa dagat ng Manila bay, subalit kakaiba ang araw na ito dahil malinis ang dagat na pupuntahan ng grupo.

May dalawang oras din ang biyahe papuntang Tanza. Habang nasa daan ay kung anu-ano ang ginagawa ng mga kabataang sa kanilang kasabikan. May nagkantahan, nagtutuksuhan, basta ang ingay-ingay pero masaya ang mood ng lahat. Ang sarap sa pakiramdam habang humahampas ang hangin sa mukha gawa ng mabilis na takbo ng jeep. Sa mga ganitong pagkakataon ang sarap makapag-muni-muni at mag-emo.

Pagdating sa lugar, wala pa man sa dagat ay para na kameng rumaragasa sa malalakas na alon dahil sa maputik at baku-bakong daan papasok ng resort. Naisip ko tuloy, ayos ah – daig pa nito ang mga rides sa star city; libre pa! Hindi nga nagtagal, nastock na ang gulong ng jeep namin dahil sa maputik na daan. Lahat tuloy kame ay bumaba at tulong-tulong sa pagtulak.

Maya-maya pa nasa resort na kame. Dapat may kaunti munang orientation pero may pailan-ilan nang lumusong kaagad sa dagat at panay picturan ang marami. Nakakatuwa naman tingnan ang mga batang nagsiakyatan sa mga puno ng  bayabas ay kumakain sa taas ng puno. Sa kanilang lugar kasi sa palengke nalang sila na nakakakita nito.

Ako naman ay first time manguha ng tahong sa mga batu-batong bahagi ng dalampasigan. Sa pagkatuwa ko nga, tumigil nalang ako nung masugatan na ang kamay at paa ko sa panghuhuli.

Sa pagkain ng tanghalian, nakakatuwang tingnan ang mga tao na nagbibigayan ng kanilang mga inihandang pagkain. Ang  iba naman ay dinarang sa apoy ang mga tahong na kakahuli lang sa dagat at pantay na pinagsaluhan ng lahat.

Ito ang naunawaan kong nawawala na sa ating mga nakatira dito sa syudad. Kung minsan talaga ang kaunlaran ay nagdadala sa atin paatras imbes na abanteng paghakbang. Kung kailan sagana sa pagkain ang mundo dahil sa mabilis na produksyon gamit ang modernong teknolohiya, saka naman naging madamot at kanya-kanya ang mga tao.

Nasa siyudad nga ang maraming mga bagay subalit ang nawala naman ay ang esensyal na mga pangangailan para mabuhay. Lahat dito may bayad, lahat ay may katumbas na halaga, at walang mga puno na napaglalaruan at naaakyat ng mga kabataan. Lahat ng tao ay nagmamadali at hindi mapakaili. Kaya nung Makita ko ang pagbagal ng kanilang mga galaw hanggang sa tuluyang paghinto sa isang lugar at pagbibigayan ng kanilang mga pagkain at kwentuhan, ay para bang ibang mga tao ang nakikita ko. Malayo sa mga karaniwang tao na kahalubilo ko at nakakasabay sa matrapik na byahe sa Edsa, Araneta Ave., Quiapo at  Quirino Highway na mga laging stress at nakakunot ang noo. Ang mga taong iyon na nakita ko ay masasaya at may pagkakuntento.

Sa isang buong maghapong ito, ibang-iba ang mga kananayan, mga tatay at kabataang nakahalubilo ko. Kahit sa isang araw ay tila nakalimutan ng mga taong ito ang mga prolema. Sa isang araw ay nakita ng mga taong ito ang ganda ng simpleng pamumuhay na siyang kabaligtaran naman sa syudad. Sa siyudad na kumplikado, masikip, maingay at puno ng polusyon.

Siguro nga ito ang aral nito. Dapat kasabay ng pag-unlad- kailangan nating  isipin na ang pagbabago ay dapat na nagdudulot ng kagaanan sa pamumuhay ng mga tao. Ang bawat pag-unlad ay dapat na nagdadala ng sustenableng pagbabago sa pamumuhay ng tao. At dapat ang pag-unlad ay nagsisilbi sa lahat  anuman ang uri at katayuan ng mga tao.

Sa tuwing naguguluhan tayo, bumalik lang tayo sa mga lugar tulad nito. At makikita nating ang simple lang ng buhay, pinapakumplika lang ng magulong isip ng tao. Sa puntong ito, walang tunay na pag-unlad kung ang kalikasan naman at kultura ng pagiging makatao ay hindi napananatili.

Tunay na masarap magnilay kapag nasa payapang lugar!

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s