Busyador

Nakatingin sa ulap sa gitna ng pag-aagaw ng liwanag at dilim sa madaling-araw
abala ang isip sa pagbalik sa mga ala-ala ng nagdaan
ang  alapaap na tanaw ay larawan
ng masasayang gunita ng mga mahal.

nakaupo sya sa kanyang pugad.
Sinasamyo ang malamig na hangin sa Silangan,
tila musika at halakhak ng masasayang sandali
ang daluyong ng mga alon sa Pasipiko.

Subalit hindi sya naglalakbay.

isip at puso lamang nya ang may paggalaw

ngunit katawan ay tila tuod na maghapong nakabantay
sa mga pugad ng mga mapaglarong ibong Balinsasayaw.

Nakamasid sa paligid sa tuwi-tuwina ang mga mata,
subalit hindi sa paghihintay ng pagbabalik
ng kanyang anak o asawa.
Handang magtanggol laban sa mga magtatangkang
magnakaw ng pugad na kung saan siya lamang
ang may pahintulot na kumuha.

napapanis ng walang saysay ang kanyang mga laway,
nasanay nang maging manipis ang tono ng boses sa pag-iisa,
na syang kabaligtaran ng laway ng ibong binabantayan.
nadudurog at humihina ang pundasyon ng mga bundok,
subalit matibay sa araw-araw ang dalawa nyang paa at braso.

at ang mga pugad na kanyang maani,
katumbas na’y salapi, inumit sa ibong may-ari.
mga pugad ng balinsasayaw na pagkamahal-mahal,
sa kawalang palad ay hindi nya man lang matitikman ang sabaw.

Namumugad siyang walang inakay.
Siya na tanging nasa pugad ngunit walang naghahatid ng pagmamahal.

Ilang taon na ring hindi kapiling ang pamilya,

Parang Alcatras ang islang binabantayan upang kumita.

Sumisikat at lumulubog ang gintong silahis ng araw,
hinahawa at niyayakap ng kanyang sinag ang mga alon sa dagat.
subalit sa lahat, siya lamang ang nag-iisa’t walang karamay
sa gitna ng malawak na pusod ng dagat.

Advertisements

Lipunang Bilangguan

Ang bayan nati’y bilanggo!
Bihag sa kuko at dikta ng dayuhang kapitalistang bayan-
Galaw ng pulitika, kultura at ekonomiya’y kontrol ng iilan
Tinitiyak ng mga pinunong- bayang iniluklok sila.

Kultura natin ay second class kung ituring
Baduy, mumurahin, local at jologs na ‘di dapat kilalanin,
Nakatungo tayo sa usong idinikta ng dayuhang merkado
Bilanggong katulad nyo ang kulturang Pilipino.

Kababaihang ‘di makaagapay sa pagsunod sa makalalakeng lipunan
Biktima ng seksismo, militarismo at kabi-kabilang pagsasamantala
Pundidong ilaw ng tahanan sa hungkag na sistema-
Na ang pagtrato sa inyo’y sekundaryong lakas sa paggawa.

Kabilang nyong bilanggo ang aking pamilya.
Lulong ang isipan sa pagtinging ang anak ay puhunan ng pag-asa
Makipot ang interes na para sa kani-kaniya,
Binubuklod ang isip sa pagtinging ang pag-ahon ay nasa ibang bansa.

Ako man din ay bilanggo,
Nakakulong ang isip sa pagdidili-dili at pagsasawalang kibo.
Mahabang panahon ko’y nakakahon sa pantasya at paglalaro.
Matagal na ring ikinulong sa akalang ang mundo lang ay eskwela, bahay at libro.

Kung kaya ikaw, ako at tayong lahat ay bilanggo.
Nakapiit sa kawalan ng tanglaw ng kahapon at ng daan kung saan patungo,
Higit limang sentenaryo na ang nagdaan,
Patuloy tayong nasa karsel ng kawalan ng kalayaan.

Mapalad ang mga paslit na hindi pa isinisilang;
Mga pantas na nilayasan ng katinuan,
Mga yumaong sa impyerno nakatughay ng kapayapaan;
‘Pagkat di na nila dama ang siphayo at kahirapan.

Subalit ang bawat pagkabilanggo ay may paglaya,
Hangga’t may nagtatangan ng sulo ng maka-uring paglaya.
Wika nga ni Ka Amado Hernandez– “Habang may bastilya’y may bayang gaganti”
May pangako ng paglaya sa mga mamamayang ‘di habang buhay magtitimpi.

——
Alay sa mga bilanggong pulitikal ng NBP at Bataan Provincial Jail.
3-9-10

Tigbak

Paano sa damdamin ng tibak ang mawala sa pagkilos?

Para siyang makata na nawalan ng inspirasyon sa pagsulat,
ng paring nahubaran ng abito,
ng pulis-trapikong nawalan ng silbato,
ng karpinterong nawalan ng pako at martilyo.

Para siyang kapeng walang krema,
Kantang walang saliw na tugtog ng gitara,
pelikulang paulit-ulit lang ang eksena,
at pagkaing walang kalasa-lasa.

Sa pagkain  kumbaga sa sinaing, lata,
Kumabaga sa pinangat,walang gata,
Kumbaga sa pancit, walang sahog.
At kumbaga sa binatog, sunog.

Para bang isdang kinaliskisan,
Para bang walang kapa na batman at superman,
Para bang garapong walang laman,
At para bang kambing na sobrang ginatasan.

Tila isang ibong walang pakpak,
Tila kaingero na walang itak,
Tila gasera na walang gasak,
At tila tumirik na sasakyan na walang humahatak.

‘ika nga nila- sa kilusan ay malawak ang mundo.
’ika nga ay malawak ang tanaw mo
Bakit parang ibig ko ding lumayo?
Para naman akong halu-halong walang yelo.

——
Alay sa mga kasamang nagpapahinga.
8-8-12

Ugong ng Sasakyan

 

nag-iisa akong naka-upo sa isang silya – nagmamasid sa kung saan at nakikinig sa mga ugong ng nagdadaang mga sasakyan

Nakaupo ako sa lugar na ninakaw ng katahimikan

Kung saan kaskas ng walis at ugong ng mga sasakyan ang tanging nauulinigan.

Sa ilang sandal, nakatakas ako sa gulo,

Sa ingay at siphayo ng lipunang ginagalawan ko.

Ikinatutuwa ko ang pag-iisa!

Walang gulo, walang utos, walang daing na negatibo;

At walang nakikisangkot sa kung ano ang gusto ko.

Sa oras na ito, ang batas ay ako at ako ang mundo!

Tanaw ko ang mga taong nagdaraan

Ngunit ni isa sa kanila ay hindi ko pansin

At wala din naman akong pakialam!

Ang mahalaga, sa pag-iisa ay nakahnap ako ng kapayapaan.

Subalit ginagambala ako ng ugong ng mga sasakyan,

Ang pagsadsad ng gulong sa pagpreno

Maging mga businang nakakatuliling sa pandinig!

Hay! Biglang naglaho ang pangarap kong katahimikan.

Di ko man ibig ay bumalik ako sa katotohanan

Ang realidad ng aking pag-iral.

Dumaan sa harap ko ang isang maluwang na sasakyang pang-mayaman

Habang tumirik naman isang kakarag-karag na pampublikong sasakyan

Na ang mga sakay ay siksikan.

Habang sandamukal ang mga taong

Kanina pa nag-aabang ng masasakyan;

Nakakunot ang noo na para bang nilayasan na ng kaligayahan.

Pauwi na lamang mula sa maghapong kayod ay ito pa ang hangganan.

At halos katabi ko lamang; mga pulubing nagkalat sa lansangan.

Nakatilad ang mga palad pansalo sa barya ng kung sino ang may mahabag

Naka-upo silang nag-iisa na tila nilayasan na ng pag-asa.

Ipinapagtaka nila ng husto ang pagkausap ko sa kanila kani-kanina.

Sila at ako ay naghahanap ng panandaliang kapayapaan

Sa parkeng tulad nito na nakakagaan ng kalooban.

Subalit ng realidad ay hindi matatakasan.

Sa bawat baling ng mata ay tanaw ang mga senyales ng kanser ng lipunan.

At ang bayan ay dumadaing na ang ingal ay tulad ng ugong ng sasakyan!

 

Hay ang tao!

Hay ang tao!
Tunay na daynamiko
Nakakasayaw, nakakalakad, nakakahalkak
May naka-upo habang lumilikha ng tula.
May mga paslit na naglalaro
Magsising-ibig na para bang ang mundo sa kanila
Ay “ikaw lang at ako”
si manong guwardiya kanina pang nakabisikleta
Pa-ikut-ikot, nagbabantay; ngunit para kanino ba?
Pansin ko ang mga taong kumakain ng cotton candy,
Inilalakong dirty ice cream,
Binatog na mais at taho na mainit,
Chicharon-sawsaw suka at tinapay na stick.
Hay ang tao!
Lakad ng lakad, takbo ng takbo.
Ang patunguhan kaya’y alam ng mga ito?
O baka sadyang ganun lang tayo – walang simula at wala ding dulo.

Minsan natanong ko; Kailan pa ba tayo mamumulat-
na ang buhay ay di’ sulat sa palad at gulong ng tadhana?
na ang bayan ay hirap pagkat tayo’y nagpabaya
sa pagkamit ng ganap at tunay na paglaya!

Subalit sa aking pagkagitla,
Lahat ng tao sa paligid – tumigil sa kani-kaniyang ginagawa.
Sa isang direksyon bumaling ang paningin.
Sabay-sabay tumakbo, naglakad at kumaripas ng matulin.

Natuwa ako sa ganung tanawin!
Natapos na ba ang matagal na pagkakahimlay at pananahimik?
Ika ko nga nung bata pa – pwede na bang mangarap?
Sandali na nga lang ay mag pagbabago nang magaganap!

Ngunit mali! Sabay hampas sa noo.
Kaya pala nagkaripas,
May relief goods ipinapamahagi
Sa mga nasalanta sa bagyo.

Nakakandadong Simbahan

 

Klasikal na istruktura, may gandang kakaiba

Piping saksi sa pag-inog ng kasaysayan

Sa tibay mong tindig marami na ang nakamasid

Simbahan nang sinauna mabuti’t napagmamasdan kita

Gusto kong magdasal, nasok sa loob mo

Masilayan ang bawat nakatago sa iyo

Ibig kong maupo sa iyong kandili

Ako’y damayan sa unos ng pamimighati

Paano mangyayari kung ikaw ay ganito?

Pintuan ay sarado, hindi bukas sa tulad ko

Kandadong malaki, taon  nang naghaharang sa iyo

Kaya sa labas ng pinto, nakatanaw na lamang sa iyo

Ang mga salamin, tila nagmamaramot din

Walang maaninag sa loob ni gagambang nakabitin

Kung sa diyos ikaw nga ay isang tahanan

Wala bang puwang sa kanyang makinig sa mga nagdaramdam?

“sa kasal sa lingo, ikaw ay magbalik”- saad ng hardinero

Ika’y saka lamang bubuksan ang simbahang kaibig-ibig

Maski siya ay halatang sabik, Makita ang simbahang yaman ng nagdaan

Baka sakaling sa dinaramdam ay makagaan

Sa wakas bubuksan ang lumang simbahan

Para lamang sa iilang mapera’t mayaman

Sa kalansing ng barya’t kaluskos ng papel na kuwalta

Possible ang imposible sa simbahang matagal nang nakasara

Ngunit di maglalaon ang aking paghanga

Sa ningning at liwanag ng iyong ilaw at palamuti

Ako ay yayao at mula sa iyo ay may natutunan

Hindi bato ang simbahan, ang tunay na simbahan ay ang tao.

 

Liwasan

 

Ang masa ay parang mga Liwasan
Anumang pilit na pumataas kaysa sa dating narating
Hindi magagawa dahil isa lang siyang Liwasan
Nakaprograma na kung ano ang sayaw at hanggang saan lamang ang dapat akyatin

Ngunit kung masira ang liwasan; sa lindol, sa bagyo,
sa pagbulusok ng nagngangalit na tubig na matagal nang nais umigpaw
mula sa loob nito; bubulusok ang sandamukal na tubig
mararating at dadaluyin ang saan mang direksyong ibig.

Maaakyat ng Liwasan ang taas na ni-minsan ay hindi nagisnan,
Napuntahan at nasilayan
Ito ang panahong lalawak ang pananaw sa paligid nya
Ang tanaw-lakas ng isang anyong hindi na lamang isang makipot na Liwasan

kapag nasira ang fountain na nagkukulong sa natural na daloy ng tubig; bubulusok ang sagana ng tubig na uhaw sa pagdanas ng paglaya.

Sa wakas sila’y naka-igpaw sa artipisyal na kagandahan
Nadanas ang saya ng sariling pagpapasya
Nakamtan ang lakas, ang ganda- na di’ idinikta at hinubog ng iba
Sa wakas sila ay Malaya!

 

Dyipni

Sa dyipni kung saan nagsimula ang lahat.

Brrrmm….! Brrrmm….!

Taltag na ang laman-loob ko, hilung-hilo sa paspasang takbo at kaliwa’t kanang kabig para makapag-overtake ng patok na dyipni na sinasakyan ko. Aba! Napasubo ata ako sa sinasakyan kong ito ah!

Pero ganun pa man, tuwang-tuwa pa rin ako kapag sumasakay sa jeepney. Noong College days, kahit haggard sa maghapong gawain sa eskwela at pag-oorganisa, nawawala ang pressure, stress at tension kapag nakasakay na ako sa 95% Pinoy, 5% Scrapped Military car ng mga Kano; na sasakyan ito.

Habang nasa jeepney, libangan ko nang magsight-seeing ng mga taong hindi ko kakilala at mga kapwa ko pasahero. Mga kapwa ko pasaherong, may iba’t ibang pinanggalingan at iba’t ibang pupuntahan; Hindi magkakakilala pero sa ilang sandali ay walang kimi na makipagtabi at makipaglapit ng katawan sa kapwa pasahero. Gayundin ay mabait na isinusuyo ang bayad ng nasa likod na pasahero papunta sa  tsuper.

Kaming mga pasahero na may iba’t ibang suot; may pamalengke, disente, pangmahirap na gutay-gutay ang damit, uniporme pangpasok sa eskwela at pang mayaman. Buod sa kasuotan, malalaman mo rin kung may kaya ang pasaherong sumakay kung hindi pa man umiinit ang puwet sa upuan ay papara na kaagad. Silang hindi makayanang maglakad kahit ilang hakbang lang ang pupuntahan. Sila iyong napilitang sumakay ng jeep dahil walang masakyang taxi (dahil mga isnabero) o kaya may sariling sasakyan pero coding, o kaya nakasakay na sana sa MRT pero bumaba kaagad sa sunod na istasyon dahil sa sobrang siksikan ay baka hindi na niya abutin ang huling istasyon ay atakihin na siya sa puso. Mabuti pa si Kristo natapos ang mga istasyon pero sa MRT at LRT mahirap na yata tapusin ang lahat ng istasyon kung mala-sardinas na sa siksikan ang mga tao.

Sa dyipni, paborito kong pwesto ang front seat. Katabi ko si Manong drayber. Bukod sa mahangin at kaunti ang katabi ay hindi dito masyadong masikip; higit sa lahat ay nakakakwentuhan ko pa si Manong drayber tungkol sa kartel ng mga oil companies kaya tumataas ng presyo ng langis, Radio Frequency Identification (RFID), katiwalian ng mga ahensyang may kaugnayan sa kanila tulad ng Land Transportation Office, (LTO),Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga kabilang sa Reptile kingdom na: Chocolate Boys, Yellow Boys, Blue Boys at kung anu-ano pang unipormadong traffic officers na nakikipag-kumpetensya sa Metro Manila Development Authority (MMDA) kada syudad sa Metro Manila dahil nasa kalsada ang pera ika.

Balik tayo sa kanina. Sa dyipni nakakaintrigang pakinggan ang iba’t ibang kwento ng mga tao habang nasa byahe. May mga estudyanteng pinag-uusapan ang hirap ng mga projects nila pati na mga terror na mga teachers na kung anu-ano ang pinapagawa sa kanila. Minsan nga may nakasakay akong iniaangal ang pagtaas ng kanilang matrikula at nangangambang baka sa sunod na semester ay titigil na siya sa pag-aaral dahil hindi na siya masususportahan ng kanyang magulang. Kitang-kita ko ang lungkot sa kanyang mga mata.

Ang mga nanay naman na papuntang Balintawak upang mamalengke ay kwentuhan tungkol sa buhay ng kanilang kapwa tindera at kanilang pamilya ang baon. Iniiwasan ko mang pakinggan ay naririnig ko pa din ang kanilang pinag-uusapan tungkol sa kontrobersya sa buhay ng kanilang kapwa tindera ng isda na may kalaguyong tambay sa palengke na winawaldas lamang ang kita pansuporta doon sa lalakeng tambay. Maya-maya pa ay napunta na ang usapan sa pulitika. Bakit naman daw itong si senador Miriam Defensor-Santiago, lahat nalang ng naimbitahang testigo sa senado sa impeachment trial kay Chief Justice Corona ay pinapagalitan at binubulyawan nito? Paano naman daw kaya itong paglilitis na ito ay makakapagbago sa kanilang dinadanas na kahirapan? At anu-ano ba ang pinagsasabi ng mga taong naroon ay hindi naman nila maintindihan dahil puros legal na mga termino at malalalim na ingles ang gamit.

Samu’t sari ang emosyon nila, madalas tawa ng tawa kapag napag-uusapan ang mga katuwa-tuwang itsura ng mga suki nila kapag magugulat sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nitong huli nga ay nagtaas na rin ang presyo ng gulay, asukal, prutas at bigas nakaapagtaka nga lamang daw dahil marami naman nito sa Pilipinas.

Apektado na nga raw ang relasyon nila sa kanilang mga mister. Sa hirap ng buhay 24 oras na silang nagtitinda sa palengke, kumita lamang ng sapat pantustos sa pangangailangan ng pamilya. Hanggang ayon, isa-isa na silang naglabas ng kanilang problema. Nakakatuwa silang pagmasdan lalo’t ang ingay-ingay nilang nag-uusap. Ang lahat tuloy ng pasahero ay sa kanila na nakatingin. Ako naman ay lihim na nakikinig at nakabaling sa malayo ang tingin habang pigil ang pagngiti.

Madalas namang nakakasabay ko ang mga walang kasamang pasahero na parang walang paki-alam sa mundo basta may earphone sa dalawang tainga at nakikinig ng musika na pamaya-mayapa ay makakatulog na habang nakasandal sa dingding ng jeep sa likod ng upuan ng drayber.

Tulad nila, kapag nasa dyipni ako, madalas kong pinipwestuhan ang upuan sa likod ng drayber kung may nakaupo na sa front seat. Ang sabi kasi nila ay yun daw ay malayong maabot ng mga holdaper o kaya naman kung may aksidente ay ito ang pinakaligtas na lugar dahil normal na reaksyon ng drayber ang ikabig palayo sa direksyon nya ang babanggaan ng dyip.

Sa dyipni, trip na trip ko ding makinig ng mga pinapatugtog na mga kanta. Paraan ko ito para makaugnay sa mga musikang patok sa pandinig ng masa. Iyon bang mga kanta na tagalized na very literal ang translation kagaya ng “Payong” mula sa kantang “Umbrella” ni Rihanna, at iba pa. May mga rap songs din kapag pinapagtugtog ay nakakakabog sa dibdib at nakakatuliling sa tenga na ang paksa ay tungkol sa buhay ng Gangster, na hindi ko na maintindan ang lyrics dahil sa sobrang bilis ng pagbigkas ala Gloc 9.

Malalaman mo namang matanda na ang drayber kung ang mga pinapatugtog ay mga kanta ni Matt Monroe, Frank Sinatra at mga rock en roll songs ni Elvis Presley; na alam mo ding bihasa na sa pamamasada dahil bawat kanto nalang yata ay humihinto para mag-abang ng pasahero bukod pa sa mala-karo ng patay ang takbo ng dyipni kahit pa walang trapik at napakaluwang ng kalsada.

Naisip ko tuloy, kung magkapera ako; bibili ako ng dyip at ipapamasada. Malamang ang dyip na iyon ay kakaiba dahil ang tugtugin dun ay mga kanta ng paglaya at pakikibaka. Iniisip ko din na habang bumabyahe ay may suot akong mikropono upang maglinaw ng mga napapanahong isyung panlipunan. Ang dyip na iyon ay bumabyaheng paaralan dahil bahagian ng nalalaman at kuru-kuro ng mga taong sakay hinggil sa napapanahong isyu ang laging libangan habang bumabaybay sa kalsada. Tinitiyak ding ang bawat kumento ay pinapakinggan at pinapahalagahan.

Oo nga pala, mga isyung Panlipunan. Dito sa dyip madalas itong napag-uusapan. Madalas nga kapag kasabay ko sa byahe ang isang kasama ay bigla na lamang kameng magkukwentuhan, ng malakas ang boses para marinig ng iba pa ang usapan naming tungkol sa impeachment trial at ang kaugnayan nito sa ordinaryong mamamayan; isyu ng kontraktwalisasyon, maltreatment at pagkamatay ng mga Hanjin workers; hinggil sa SONA ni P.Noy; epekto ng bagyong Gener sa kabuhayan ng mga Pilipino ng dahil sa kakapusan sa mahusay na Urban Planning sa bansa; at iba pang usapin. Maya-maya ay makikita naming tatangu-tango na ang mga kasabay naming pasahero kung minsan ay mapapansin nalang naming kasama na namin sa kwentuhan na minsan ay sumasang-ayon, minsan naman ay tumutunggali. Mula dito ay may bago na kaming kakilala at sa mga susunod na pagkakataon ay palagi nang nakakasama.

Tuwang-tuwa talaga ako kapag nasa loob ng sasakyang ito. Kung minsan na nag-iisa at mukhang hindi magandang kausap ang drayber ay ikinasasaya ko na lamang tumingin sa malayo at magmuni-muni. Pinagmamasdan ko ang pagmamadali ng mga tao, mga nag-aabang ng masasayan na mga pasahero, namimiling mga tao sa bangketa at iba pang mga ginagawa ng mga karaniwang mga tao. Maya-maya pa ay makikiliti ang utak ko na bumuo ng tula o magsulat ng mga nakikita ko sa paligid.

Habang gumagalaw ang dyip ay nakikita ko ang larawan ng lipunang ginagalawan at kinabibilangan ko.

Isang lipunang magulo, maingay, puno ng kahirapan. Naka-ilang beses na ba akong nakakita ng mga taong grasa, mga batang hamog, mga pamilyang nakatira sa kariton sa bangketa, mga namamalimos na matatanda sa ilang minuto kong nakasakay sa dyip?

Napagtanto ko maya-maya pa, oo nga pala! Ang dyip na ito na lagi kong sinasakyan ay larawan din nga pala ng hirap ng lipunang Pilipino – maingay, magulo at siksikan. Hindi ba basura na ito ng mga sundalong kano matapos nilang iwan noong World War II na nirepaso at kinumpuni lang ng mga Pilipino para muling mapakinabangan?

Mas madami ang dyip sa lansangan, hari nga ng kalsada kung bansagan. Pero noong isang araw sa 11th avenue ay biglang binangga ng isang mamahaling sasakyan. Ang nakabanggang Chedeng ang siyang nagasgasan pero galit pang nilapitan ang drayber ng pobreng dyip at sabay sabi; “bakit daw kasi pahaharang-harang sa daan?”. Natakot ang drayber ng dyip dahil mukhang makapangyarihan ang may-ari ng mamahaling sasakyan, kaya para matapos nalang ay humingi na lamang ng patawad kahit wala siyang kasalanan.

E kailan ba makikipagsabayan ang dyip na ito? Dapat ngang maintindihan na mula sa simpleng anyo nya ay umunlad na ng husto ang disenyo nito. Ngayon ay may electronic jeep na rin na pumapasada sa Makati at Mandaluyong. At sa mahabang panahon, nawala na ang mga kotseng kuba at iba pang desinyo ng sasakyan pero ang jeep ay nananatiling nariyan sa kalakalan.

Biglang lumipad ang aking isip sa alapaap. Gusto kong umembento ng dyip na tataliwas sa natural nitong anyo. Isang dyip na pinapatakbo ng tubig at walang itim na usok na binubuga. Ang dyip na iyon ay maluwang sa loob. Hindi na kailangang yumuko sa pagpasok . Hindi baleng hindi puno bago lumarga sa pasada dahil ang laging iniisip naman ay ang pagiging kumportable ng mga pasahero.

Sa dyip ko naunawaan ang lahat ng ito at ngayong pababa na ako sa sasakyang ito ay hinahanap-hanap ko pa din ang pakiramdam habang nakasakay dito. Ang dyip na ito ay nagturo sa akin ng maraming leksyon.

Sa dyip ko unang natanaw ang bulto ng mga taong humihiling ng pagbabago habang nagmamartsa sa daang Mendiola. Noon ay hindi ko nauunawaan ang dahilan ng kanilang ipinapakibaka. Pero sa loob din ng sasakyang ito napag-isip kong tama ang kanilang ipinaglalaban. Ang mga isyung dala nila ay siya ding kani-kanina lang ay amin ding pinag-uusapan ni manong drayber.

Ngayon ay patawid na ako papunta sa bulto na kanina lang mula sa loob ng dyip ay aking pinagmamasdan.

Baryang Sampung Piso

Kung nalalaman kaya nila Bonifacio at Mabini na ilalagay ang mukha nila sa barya, papayag kaya sila?

Tanging barya sa bulsa ko’y sampung piso
Nakaukit doo’y si Mabini at Bonifacio
Ang pera ko nalang ay sampung piso,
May mararating pa kayang malayo?

Naglalakad ako noon alas-7 ng umaga
Nag-aabang ng bus mula Mandaluyong tungong Nova
Barya kong sampung piso sa bulsa’y walang kalansing na nalilikha
Ako nama’y wala pang almusal at hilab na ang sikmura

Natanaw sa wakas ang masasakyang bus sa loading bay
Walang alinlangang sumakay ako
Sa bandang hulihan sadyang umupo
Palibhasa kaunti ang pasahero, tsansang di agad siningil ng kunduktor na nasa malayo

Parang karo ang pag-usad,
trapiko sa kamaynilaan ay parang bara sa lalamunan
Nakakapaglaway ang ibinibentang mani at tubig na mineral
Nag-uunahang mga takatak na umula’t umaraw laging laman ng lansangan

Gustuhin mang bumili mula sa pagkatakam
Hindi magagawa dahil tanging sampung piso na lamang ang tangan
Aamuyin na lamang ang samyo ng mani
Barya kong sampu piso ay itutumbas sa tiket

Nakatakbo ng bahagya, napadpad sa Ortigas ang sinasakyan
Nag-uunat na tumindig ang kundoktor upang simulang maniket
Ako nama’y aktong dumukot ng barya sa bulsa
Ngunit nilintikan pa’t nalaglag ang baryang sampung piso pababa sa kalsada

Inakma kong habulin
Nangingilid na ang luha sa panghihinayang
Mula sa salaming bintana ng bus ay dumungaw
Natanaw ang baryang sampung piso, gumugulong palapit sa imburnal

Mula doon ay walang patid ang kabog ng dibdib
Laman ng bulsa ko ay tuluyan nang nasaid.
Kaisa-isang barya ay tuluyan nang nawala
Paano kung singilin maiaabot ay wala?

Walang magawa mula doo’y napapikit
Baka sakaling makatulog, maibsan ang hinanakit
Makaidlip man lang at sa paggising ay siya nang pagbaba
makaiiwas pang bahagya sa pagkakapahiya