Punong Manggis

Sumibol kang tila usbong ng munggo ang liit
Hinabol ng kusa sa tuwid na tindig ang silahis ng araw,
walang ibang hangad kundi maging
mayabong na puno gaya ng karaniwan.

Sinubok ang iyong tikas ng matinding  init at ulan
ilang panahon ding pineste ang iyong dahon ng mga higad at salagubang.

Hindi na din mabilang ang mga sigwang,

ika’y ninais mapatimbuwang.

Sa paglaon ikaw ay naging isang matayog na puno.
Malinaw ang direksyon ng iyong pagtubo.
Kay inam maging pahingahan ang lilim ng iyong mga sanga.
Kay layo ng iyong pag-usbong sa ganda ng iyong pamumulaklak at pamumunga.

…at hindi ka na nga lamang namumuhay sa pag-iisa,
pagkat tahanan ka na rin ng mga kalaw, maliliit na pikoy at mayna.
Patuloy ang pagtayog ng iyong pag-usbong.
Mula dito’y may katiyakan ang paglago ng kagubatan

——-
alay kay Kasamang Saro
*Manggis ang tawag sa pinakamataas na puno ngayon sa South East Asia na matatagpuan sa Palawan.