Voters’ Registration

Lunes, oktubre 29, ngayon ang una sa huling tatlong araw ng voters’ registration sa Comelec.

Alas-4 palang ng madaling araw ay bumangon na sa higaan si Michael. Malamig na ang panahon dala ng malamig na hangin ng amihan sa huling tatlong araw ng buwan ng  Oktubre. Hinahanap pa ng kanyang katawan ang humiga sa dekutson nyang papag at magsiniksik sa kanyang malong.

Pero kailangan nyang bumangon. Ngayong araw ang itinakda niya sa sarili para magparehistro. Ang totoo ay hindi ito ang unang beses na magbalak magparehistro si Michael. Pangatlo na nya ito.

Nung unang parehistro nya ay kakadisi-otso pa lamang nya. Nasa unang taon sa kolehiyo sa Technological University of the Philippines sa kursong Computer Science. Magkakasama sila ng kanyang mga kaklaseng pumunta sa COMELEC. Patapos na ang deadline ng rehistrasyon nang pumunta sila. Mas maaga nga lang sya ngayon.  Sa huli, hindi din sila nakatapos dahil dahil cut-off na raw ang masiserbisyuhan ng mga staff ng araw na yun.

Sa pangalawang pagkakataon ay graduating na si Michael sa kanyang pag-aaral. Tulad ng dati ay papalapit na rin ang deadline nang pumunta sya para magparehistro. Kakatapos lang ng malakas na bagyo kaya wala masyadong dumagsang mga tao para pumila. Hapon na nang dumating sya sa city Hall. Sa tantya nya ay may isang daang tao lang ang mga nauna sa kanya. Nakakuha kaagad sya ng form na agad ding pinil-apan. Nang ipapasa na nya sana, malas naman dahil tapos na ang office hour. Pinababalik sila kinabukasan. Pero hindi na bumalik pa si Michael. May seminar syang naka-schedule sa Bataan ng limang araw kaya aabutan na sya ng huling araw ng parehistro. Idinagdag nalang nya sa koleksyong campaign election materials ang nakuhang registration form.

Pumunta na sa banyo si Michael para gawin ang kanyang pang-umagang ritwal. Nakasabit sa kanyang kanang balikat ang tuwalya, brief, t-shirt at pantalon na pang-alis.  Sumampa sa bowl na naka-palaka style at saka tumayo uli para magsabon ng kamay. Binasa nya ang kanyang kamay at braso, nagwisik ng tubig sa kili-kili saka pinunasan ng labakarang basa na may sabon. Sumalok ang dalawang kamay  ng tubig sa balde para basain ang buhok. Hindi na sya naligo dahil malamig ang tubig. Katwiran nya, naligo naman na sya kagabi. Isa pa tiyak naman na maraming tao ang dadagsa para pumila. Marami silang amoy alimuong pagnagkataon. Hindi na rin sya mapagbibintangan. Isinuot nya ang mga damit bago lumabas ng banyo.

Matapos ang mga ritwal ay dumerecho sya sa kusina para magtimpla ng mainit na kape yung brown. Saka nagsandok ng bahaw na kanin sa kaldero at inihalo sa kape. Sarap na sarap si Michael sa kanyang almusal. May mga patak ng kape na tumatalsik sa kanyang pisngi. Pinagmamasdan nyang natutulog ang kanyang mga kapatid sa sahig na nilatagan ng banig. Nagsipilyo pagkatapos ay nagsapatos at kasunod ay lumabas ng bahay. Dahan-dahan nyang isinara ang pinto para hindi magising ang mga natutulog na kapatid sa sala.

Madilim pa noon sa kalsada ng Odelco- bahagi ng Brgy. San Bartolome. Sa bandang bukana ng riverside nakapuwesto ang bahay nila Michael. Wala na kasi ang mga poste ng ilaw sa kalsada. Bago ang huling eleksyon nang ipalagay ito ng noo’y incumbent na mayor sa Quezon City. Nang matalo ay pinatanggal nya ito bago matapos ang termino. Kaunti daw kasi ang bumoto sa kanya sa lugar nila Michael.

Dahan-dahan syang naglakad sa malubak na daan papunta ng kanto sa kanilang lugar. Iniiwasan nya ang mga lubak at tubig-baha sa paligid. Lalo pang mahirap para sa kanya dahil pataas ang kalsada papuntang kanto kaya madulas. Nang marating ang outpost, sumakay sya ng orange na tricyle at ng City Bus na airconditioned pagdating ng Quirino Highway papuntang SM North. Sa aircon bus sya sumakay para presko sa pakiramdam. Kahit kasi alas-5 palang ng umaga ay mainit na rin sa kalsada. Alam nya ang matinding siksikan, pagkayamot at matagal na tayuan na kakaharapin nya mamaya sa pila. Pinili nya ang City Bus- ang unang Airconditioned bus na biyaheng Novaliches dahil tiyak na sa oras na ito ay makakaupo sya sa byahe.

Akala ni Michael, aabutin lang ng kalahating oras at makakarating na sya ng City Hall. Pero may 35 minuto na syang naipit sa traffic sa congressional avenue padugtong ng Edsa. Dalawangpung minuto bago mag-alas-6 nang dumating sya sa terminal ng jeep sa SM North papuntang City Hall.

Alas-6 impunto, nakarating na rin sa wakas sa lugar. Nanibago siya sa hitsura ngayon ng city hall. May mga bagong tayong nagtatayugang gusali. Isa sa mga nag-u-opisina dito sa bagong gusali ang kanyang dating scholarship program- ang SYDP (Scholarship for Youth Development Program) .

Nilapitan nya ang isang guwardiya na abalang inaayos ang pila ng mga tao. Hindi kaagad sya nakapagsalita dahil madami ang mga nagtatanong. “Sir, saan po ang pila ng mga taga-District 5?”

“Dyan halo-halo na lahat dyan”, sagot ng guwardiya.

Nalula ang mata nya sa dami ng taong naroon na sa lugar. Marami sa mga ito ay ala-1 palang ng madaling araw ay nakapila na. Makakaramdam na sana sya ng paghanga sa lahat ng mga taong iyon at iisiping silang lahat ay maagap; kung hindi nga lang nya naalala na huling tatlong araw na nga lang pala bago ang deadline. May dalawang taon nang bukas para sa rehistrasyon ang COMELEC pero wala masyadong pumunta. Pero ngayon na malapit na ang palugit ay saka sila nagdagsaan. Agad syang pumila sa dulo. Mabilis namang humaba ang bilang ng mga taong sumunod sa kanya.

Napansin ni Michael na marami sa mga nakapila ay mga kabataan. May pailang mga matatanda at ilang sa middle age na mga nanay at tatay na lumiban muna sa trabaho o sa gawaing bahay. Dalawa ang naglarong paliwanag sa utak ni Michael: una; dahil patotoo itong bata pa ang populasyon ng Pilipinas. Mayorya sa bilang nito ay mga kabataan, pangalawa; katulad nya ay mahilig sa cramming ang mga kabataang ito. Sa huli nalang naghahabol. Sa huli humuhusay at gumagana ang isip. Parang assignment o school project lang yan e.

“Oh Jhay, Erik, napakahaba mga anak ng pila! Huwag na tayong makipagsiksikan pa dito. Puntahan na natin  si tita Anna mo sa Engineering Department. Nagtatrabaho yun dito. Gagawa  yun ng paraan para makatapos tayo kaagad”, utos ng isang nanay, na kay aga-aga naka-make-up na, sa kanyang dalawang anak na lalakeng nakapila sa unahan ni Michael.

Leche anong Engineering Department? Sa Comelec nagpaparehistro hindi sa opisina ng mga inhinyero”, isip-isip ni Michael. “saka alas-6 palang ano! Sino ang kakausapin nyo sa engineering department, mga multo? May alam ba sa proseso ng rehistrasyon ang mga multo? , sa isip nya kungsabagay may mga ghost voters tuwing eleksyon. Pero iba pa rin naman yun.

Iginala nya nalang ang paningin para maglibang sa pagmamasid sa mga taong kapwa nya nakapila. Ang gawaing ito ay madalas nyang ginagawa kapag nasa matataong lugar. Pagmamasdan ang pinagkakaabalahan ng mga tao sa paligid, hahanapan sila ng mga kamukhang artista na komedyante o horror artist o kaya naman kamukha ng mga kakilalang mga tao.

Pa-spiral ang pila nila. Sa tantya nya ay may 30 kurbang linya silang nakapila sa gitna ng dalawang mataas na gusali sa likod ng city hall. Sa bawat kurbang linya ay may 50 silang nakapila. May isang mahaba pang pila papunta malapit sa opisina ng COMELEC na karugtong ng pila nila Michael dito sa pagitan ng dalawang gusali.

May mga kurbang linya ng pila na nakatagilid paharap sa kanila ni Michael, ang iba naman ay nakatalikod. Sa sunod na pila sa gilid nila Michael, bahagya siyang nakapaharap sa grupo ng mga kababaihang dalaga. Nakasuot ng manipis na leggings at  nakadamit ng maiksing sleeveless na t-shirt ang mga ito. Umiral ang kalikutan ng isip ni Michael. Napangiti. Prinactice nya ang estilong tinatawag nyang pornographic glimpse shot. Iyon bang sulyap sa dibdib o sa puwetan o sa harapan ng mga chicks pero hindi halatang sinulyapan dahil dagling babaling ang paningin sa ibang direksyon. Pero dahil “pornographic glimpse shot” iyon, tatatak at mananatili ang magandang imahe sa kanyang isip.

Limang kurbang linya naman sa unahan ng kanilang pila, ay nakatayo ang limang madre nakasuot ng brown na habit – kasuotan ng madre. Ang unang dalawa ay nakasuot ng cornette o  belong pantakip sa kanilang ulo. Nakapusod naman ng buhok ang nasa huling tatlo na hindi pansin ang init sa longsleeve na brown at pinatungan ng itim na sleeveless na coat nilang suot. Lahat sila ay may hawak na rosary at tahimik lang na nakatayo.

Sa loob-loob ni Michael: ano kaya ang pinagdarasal nila? ‘lord sana umuwi na itong mga maiingay na mga kabataan sa harap namin’, o kaya ‘lord  sana matapos na ang makalabas baricus veins na pilang ito!’. Napahagikhik si Michael. Lumingon sa kanya ang lalakeng nasa unahan. Nagtaka sya sa malaking paso nito sa leeg.

Biglang may tumapik sa kanya na nagpatigil sa kanyang pangiti. “Iho! Hoy Iho!”, sambit ng nanay na kaninay ay nakapila sa unahan nya  kasama ang dalawang anak. “ ‘diba ikaw ang nasa likuran naming sa pila kanina? Babalik na kame dito uli. Nakakuha kame ng form at nakapila na sana dun sa unahan. Pinauna kasi yung mga may hawak at tapos nang mapil-apan ang form. Kaya lang hindi tinanggap yung sa amin. Wala daw kasing tatak ng Comelec ang papel namin. Bwisit! Ahahahahaha”, natatawang paliwanag ng nanay.

Pinasingit ito ni Michael. Sa isip nya uli, Buti nga! Belat nyo mga hambog! Sinabi nang sa COMELEC dumerecho hindi sa engineering department e. Ano kayo ngayon?, “Sige po nay balik na kayo dito”, nakangiting sagot ni Michael.

Maya-maya pa ay dumating ang mga gwardiya ng compound ng city hall. May nakasabit sa katawan nilang shotgun at inayos sandali ang pila ng mga tao saka nagsalita, “Announcement po! Para sa mga taga-Districts 2,5 at 6 lang ang pila na ito. Ang mga taga-1,3 at 4 ay dun na kayo dumerecho sa unahan. May hiwalay kayong pila dun!”, sigaw nito.

Napakamot sa pagkadismaya ang madaming umalis sa pila. “Bakit ang sabi nung una dito lahat pipila sabay babawiin”, reklamo ng kabataang lalake. “Dapat kasi inaayos nyo ang proseso nyo dito. Kanina pa pala kame nag-aksaya ng oras”, bulyaw naman ng isang tatay.

“e pasensya na po napag-utusan lang po kame sir” paliwanag ng guwardiya.

Halos hindi nabawasan ang dami ng mga naiwan dahil napakadami pa rin nilang nasa pila.

Maya-maya pa bumalik muli ang guwardiya. Nag-abang ng kung anong sasabihin nito ang mga tao. Tumigil sa paglibot ng paningin si Michael. Sa guwardiya ang buo nyang atensyon.

“Paumahin po pero umuwi nalang po kayong lahat na nandito. Cut-off na po kanina pa, 550 lang ang pinaparehistro kada-araw! Uulitin ko po, magsiuwi na po kayong lahat. Bumalik nalang kayo dito bukas ng madaling araw!” walang kahirap-hirap na paliwanag ng guwardiya.

Akala mo ay katumbas lang ng dali nito ang paggising mula sa malamig na umaga ng oktubre o  ang pagpunta sa city hall mula sa kani-kanilang mga bahay ng mga taong nandito.

“Putang-ina naman! Naglolokohan ba tayo dito! Ang laking abala. Nung huwebes pa ako pabalik-balik dito”, pagmumura ng maliit na ale sa likuran ni Michael. Nagpanting ang tenga nya sa malakas na sigaw ng ale.

“Pasensya na po talaga, napag-utusan lang po ako.”

Nagtuloy pa ang ingay sa malaking pagkadismaya ng mga tao.

Alas-8 y kinse ng umaga. May dalawang oras nang nakatayo sa pila si Michael. Ilang minuto nyang ninamnam ang esensya ng sinabing impormayon ng guwardiya.

Naalala ni Michael ang laman ng balita kagabi. Mag-ama laban sa mag-ama ang magkalaban sa local na mga posisyon sa syudad ng Caloocan. Jinkee Pacquiao, may bahay ni pambansang kamao Manny Pacquiao, tatakbong Vice-Governor sa Saranggani. Samantalang tatakbo muling congressman sa nasabing probinsya ang sikat na boksingero. Kuya Germs at basketball legend na si Jaworski, posibleng makaharap sa mayoralty election ni Bistek sa Quezon City. Jackie Enrile, tatakbo upang ipagpatuloy ang legacy ng matandang Enrile sa Senado. Sa Camarines Sur, maglolong Villafuerte ang maghaharap sa pagka-gobernador ng lalawigan. Sa Pampanga naman tatakbo muli si dating pangulong Arroyo bilang kongresista, kaalyado ng mag-inang Pineda na tatakbo sa posisyon ng gobernador at bise-gobernador.

“75% mga kapuso ho, inuulit ko 75% ng mga pulitiko sa bansa ay kabilang sa political dynasty o pamilya at angkan na nasa pulitika sa Pilipinas. Ito’y sa kabila ng mariing pagbabawal ng konstitusyon 1987 sa pagkakaroon nito”, inuubong pagbabalita ni Mike Enriquez.

Sa isip ni Michael, ‘’tang ina walang pagbabago. Sila-sila lang  din naman ang pagpipilian. Ano pang dahilan ko para magparehistro?’

Sa gitna ng maraming mga taong naroon pa rin sa pila na nag-aabang na bawiin ng guwardiyang kanina lang ay nagsalita, ang kanyang inannounce; mabilis na naglakad si Michael.

Hindi nya tiyak kung bago ang susunod na eleksyon ay magpaparehistro pa syang muli. Pupunta sya sa circle para magbasa ng kanyang binabasang nobelang ‘Satanas sa Lupa’ ni Celso Al. Carunungan.###

Kailangan pa nga ba talaga dapat?

Kailangan pa nga ba talaga dapat?

Huling Uwi ni Gerald

Si Gerald, sa kanyang huling pag-uwi.

Gaya ng karaniwang araw, alas-3 ng hapon ay  mabilis na naglalakad sa kalsada ng Dela Fuente St.  si Gerald pauwi ng kanilang Headquarters. Pagdating sa gate ay gaya pa rin ng dati, hindi nya pinansin ang guwardiyang nakabantay. Ewan ba kung bakit napipreskuhan sya dito. Hindi nya katulad yung panggabi na guwardiya na madalas nyang kabatian at kung minsan nga ay hinahatiran pa niya at ng mga kasama ng kape o  pagkain.

Mabilis syang pumanhik ng hagdan paakyat sa 4th floor kung saan silang lima sa collective ay nakatira. May kamahalan ang upa sa may limang-palapag na residential ngunit lumang building na ito. Sumatutal ay aabot sa P5,000 kada-buwan  ang gastos ng collective sa upa dito na hirap nilang paluwalan kung hindi nga lang talaga kailangang-kailangan nila ng HQ malapit sa mga estratehikong unibersidad na kanilang ino-organisa ay pihong hindi sila uupa dito.

“Iba ang katangian ng Maynila kung sa organizing ng Y.S (Youth Sector) dahil magkakatabi ito. Ikaw ang magsasawa sa mga unibersidad na malilibutan. Paglabas mo ng gate ng U.E mula Baste at CEU naroon ang FEU, lakad sandali pakanan sa Sampaloc ang UST, tawid ka at lakad kaunti ang U.M at N.U at mula doon ay napakalapit nalang ng PUP, EARIST at UERM. Halos gate nga lang ang pagitan ng mga eskwelahan ”,  naaalala pa niya ang mismong sambit na ito ni Ka Saro; ang Political Officer ng Y.S collective nila Gerald.

Tatango-tango habang ngising aso naman ang apat pa nyang kasama habang si Gerald na pilyo ay dino-drawing na pala ang itsura ni Ka Saro habang nagkukwento ng general character ng kanilang Area of Responsibility. Hindi naman sa hindi nirirespeto ni Gerald ang kanilang P.O. Ang totoo ay malaki ang paghanga nito dito.  Si Ka Saro ang pinakabatang kadre at kalihim ng Seksyon noong dekada ’80 sa P.U.P at kahit Y.S palang sya noon ay pinamumunuan din nya maging ang mga propesor at mga empleyadong progresibo sa loob ng teritoryo.

Biglang napangiti si Gerald habang papaakyat ng hagdan.

Hindi din naman sila maghahanap ng bahay sa loob ng teritoryong komunidad dahil baka imbes ang pokus ay sa estudyante ay baka matali naman ang mga oras nila sa pag-asikaso sa mga problemang maliliit gaya ng sugal, problema sa asawa, pangangaral sa mga anak etc.; dahil tiyak na aaraw-arawin silang aabalahin ng mga nanay o tatay na pwersa. Baka nga din naman walang mga peti-bugoy na estudyante ang sasama sa mga pag-aaral at tatambay sa HQ kung nasa komunidad ito nakapwesto. Mabuti na rin yun total may iba namang kasama ang nakatutok sa pagkonsolida sa mga komunidad.

Pagdating sa 4th floor ay walang kahingal-hingal pa din si Gerald. Tamang-tama nga lang daw  na sa Y.S pa sya ideploy at hindi sa center work dahil mas kailangan ng mga inoorganisang kabataan ang ka-edad nilang makakasabay sa kultura at hilig. Si Gerald ay pasok dun.

Nitong huli kasi ay kakaunti na lamang ang mga nagpu-pultaym sa Y.S, ang madami noong mga pultaym ay nagsi-laylo na sa kung anu-anong mga dahilan. Kaya naman para hindi maiwan ang y.s ay may mga kasamang graduate na sa Y.S organizing sa loob ng higit isa o dalawang dekada na ibinalik muli sa ganitong task. Pero iba ang collective nila Gerald dahil lahat sila ay kabataan talaga liban na nga lamang kay Saro na sa tantya nila ay nasa 40 taon na, pero tantya lang nila yun. Sa Kilusan kasi ay hindi na pinag-uusapan ang edad.

Wika nga ni Ka Gusting na tibak na bago pa ang FQS (First Quarter Storm), “Ang mga kasama sa Kilusan ay lagi nang Y.S sa puso at isip. Parang ako. Sinong magsasabing 35 lang ako?”, sabay kindat. Pagkatapos nito ay tatawa ito ng napakalakas na kahit pa korni ang joke ay napaka-sarap sumabay sa tawa nya kaya tatawa na rin ang lahat.

Inilabas ni Gerald ang susi na may naka-dikit pa na numerong 411. Sa room 411 ang kanilang HQ. Magdadalawang taon na rin silang nangungupahan dito. Masaya na rin ang collective nila sa lugar na ito dahil wala silang ibang pinapakisamahan. Hindi ito tulad ng mga Room for Rent na literal na nasa isang kwarto kayo sa loob ng isang isang bahay na may isang pamilyang lagi nyong kasama at kahalubilo sa ayaw mo man o hindi sa araw-araw.

Bago kasi nila makuha ang HQ nilang ito, nagpalipat-lipat muna ang grupo ng inuupahan sa V. Mapa, Intramuros, San Marcelino St. at Quiapo. Sa lahat din ng ito ay nagpanggap silang 5 na tatlo lang ang tutuloy sa kwarto at  magkakapatid silang tatlo para lang payagang paupahan ang kwarto. Talagang mahihirapan silang lima na maghanap ng kwarto dahil hindi sila pare-parehong lalake na magkakasama.

Magugulat nalang kalaunan ang may-ari ng bahay na madalas lima na ang tumutuloy sa paupahan nyang kwarto hanggang hindi nya na rin pupunain dahil maoorganisa na rin naman ng grupo ang anak nila o kakapalagayan na rin nya ng loob ang mga kabataang ito.

Sina Edna at Grace ay mga graduate ng Technological University of the Philippines(TUP) ng liberal arts  ay mga pultaym na kasama  ng tatlong kolokoy na sina Kokoy, Arthur at Gerald. Si Kokoy ay undergrad ng U.P sa kursong Sociology habang Pol. Sci Graduates naman sa PUP sina Arthur at Gerald. Kasagsagan ng kampanya para sa pagkamit ng hustisya para kay Nicole – ang babaeng ginahasa ng sundalong Kano sa Subic; nang marekrut ang lima mula sa kani-kanilang mga eskwelahan. Sinubaybayan nila ang isyu na yun at nang sa huli nang ma- convict si Corporal Daniel Smith sa Makati RTC ay sama-sama silang nagbunyi sa kasagsagan ng protesta sa labas ng korte hanggang nang bawiin si Smith ng U.S Embassy at tuluyang itinakas papuntang Japan ay nagpasya nang magpultaym ang lima.

Itinutok ni Gerald ang susi sa lock ng pintuan ng kanilang HQ. inaasahan niyang wala pa ang kanyang mga kasama sa oras na iyon. Malamang ay nasa kanya-kanyang pang mga area, mga bandang alas-8 pa ang isa-isang balik ng mga iyon.

Kapag pumapasok sila rito ay madalas naghalong amoy ng usok ng sigarilyo at amoy alimuong na mga panis na damit ni Arthur ang bumubulaga bilang pagtanggap. Kulob ang kwarto kaya nata-trap din sa loob ang usok at amoy ng sigarilyong hinihithit nina Grace at Kokoy.

“Hacchhhu!!!!”, biglang nabahing si Gerald. Ewan kung bakit nitong nagdaang mga linggo ay madalas na ang sipon at pagbahing ni Gerald. Lalo pang tumitindi ito kapag nasa HQ sya nakatigil.

Kapareho na nga nya si  Arthur. Ilang beses na din nagpaabot ng puna si Arthur kela Grace at Kokoy na sa bintana ibuga ang usok o di kaya lumabas nalang kung maninigarilyo dahil hikain at mahina ang baga ni Arthur kaya nakakaapekto ng husto ang usok sa kanya. Nagsimula siyang i-agenda ang paksang ito sa isang meeting at mula dito ay iniakyat kay ka Saro at mula dun ay  umakyat pa nga sa NCR kolektib ang usapin na ito at dahil dito biglang nawala ang amoy ng usok ng sigarilyo sa loob ng kwarto sa loob ng isang lingo. Matapos nito ay muling bumalik ang dati nang gawi, pinuna muli ni Arthur at tumigil muli, matapos ang isang linggo ay iyon na naman hanggang panandaling na-immune na lamang si Arthur.

“Bok bakit ba madaming kasama ang naninigarilyo? Kung minsan pa napuputol ang meeting dahil sa yosi break. Ang masama tayong hindi naninigarilyo ang kailangang makisama palagi sa kanila” naglabas na ng sama ng loob si Arthur.

“Ang paghithit daw ng yosi ang nakakapag-stimulate ng kanilang mga brain neurons para madali silang makapag-isip. Pero wala naming scientific explanation yun kaya malamang na yun lang talaga ang trip nila tol”, sabay ngisi ni  Gerald.

“E paano natin sila mapapatigil sa pag-yosi o kaya naman ay matiyak na hindi tayo makakalanghap ng usok nila? Aba mas delikado kaya ang second hand smoke kaysa sa mismong user ng sigarilyo! Ubos na ang opex ko sa pagbili palang ng Salbutamol para sa hika ko e”, saad ni Arthur.

“eh di ipaskil natin sa improvized bulletin board natin sa dingding na “No Yosi Allowed inside” tutal napagkaisahan na naman natin yan nung nakaraang mga  pulong natin. Hidden Curriculum ang tawag dun tol. Dahil madalas nilang mababasa yun ay paunti-unti susunod na rin sila Grace at Kokoy”, mungkahi ni Gerald.

Ginawa nga ito ni Arthur at tinulungan pa sya ni Gerald. Katabi ito ng mga nakapaskil na mga houserules, tasking at day to day schedules. Hindi naman na ito ikinagulat nina Grace at Kokoy nang makita nila. Ilang panahon pa ay sinunod na nga din nila ang nakapaskil na paalala.

“Hay iba na nga ang amoy ng HQ  ngayon. Ibang-iba sa dati!” Nilibot ng tingin ni Gerald ang kabuuan ng HQ nila. Alam na alam nya kung saang mga puwesto nakahiga ang mga kasama nya dahil pati mga banig at mga kumot ng mga ito ay nakalatag pa din sa sahig. Sa kanang side natutulog sila Edna at Grace tapos nakaharang ang glow in the dark na malaking plastic na lalagyan ng damit ni Edna na nagsisilbing pagitan nila Arthur at Edna. Katabi ni Arthur si Kokoy at nasa pinaka-gilid naman si Gerald. May tig-5 inches na pagitan ang mga nakalatag na banig ng mga ito.

Pagdating sa puwestuhan sa tulugan ay matindi ang disiplina ng limang magkaka-kolektib. Bawal magtabi ang babae sa lalake. Kung maaari nga ay hindi din magdevelop ng mga rela-relasyon para matiyak pa din ang pantay ng trato sa isa’t isa. Medyo liberal na rin silang lima dahil hindi na sila naniniwala sa mga programa sa pakikipag-relasyon na nakuha din nila mula sa kanilang P.O na si Saro.

“Basta responsible lang kayo sa paghandle ng buhay relasyon at gawain sa kilusan”, paalala sa kanila ni Ka Saro. “Ayusin nyo din kung may dates kayo isang beses sa isang buwan o may isang activities kayo kada dalawang linggo basta hindi tatapat sa may naka-set na schedule”, dagdag pa nito. Heto na naman ang mga single words na nagiging plural kay ka Saro- ‘isang activities’ ika nga.

Pero hindi naman mahina ang ulo ni Ka Saro. Gaya ng nabanggit na kanina pa ay masasabing political animal ang taong ito. Napapanganga sa talas ng kanyang mga analysis ang mga alyadong mga organisasyon sa Laban ng  Api (LANA) kapag ito ay nagsasalita na kaugnay sa basa sa panlipunang sitwasyon at kung ano ang tamang taktika at estratehiya ng progresibong organisasyon para pakitunguhan ito.

Liberal nga ang limang ito sa kolektib. Isang araw ay nalaman nalang nila na magkarelasyon na pala sina Grace at Kokoy. Piping saksi sa nabuo nilang pag-iibigan ang mga yosi na kanilang hinihithit habang nakatambay sa corridor ng gusali ng kanilang HQ tuwing gabi bago matulog. Habang magkasamang nagyo-yosi ay kung anu-ano na pala ang napag-uusapan ng dalawa. Nalaman nalang nila Gerald ang tungkol dito nang isang araw ay bigla nalang hindi na umuwi sa HQ ang dalawa. Hindi man lang nagtxt o tumawag para magpaalam. SOP pa naman sa kanila ang laging magsabi ng kung uuwi ito o hindi para hindi mag-alala ang mga kasama. Nang sumunod na tatlong araw ay hindi pa din nagpapakita ang dalawa. Nag-aalala na ang grupo dahil baka desaparacidos na ang mga kasama. Kinontak na nila ang lahat ng mga common friends ng grupo at nina Grace at Kokoy pero walang makapagsabi kung nasaan ang dalawa. Ilang beses na rin nila itong minessage sa facebook pero walang reply.

Nang pang-apat na araw ay inusisa ni Edna ang drawer nina Grace at Kokoy. Wala na doon ang mga gamit ng dalawa at sa isang sulok ay may isang papel. Isa pala itong liham.

Mula dito ay nalaman ng kolektib na nagtanan ang dalawa at umuwi sa probinsya ni Kokoy. Buntis na din si Grace ng isang buwan. Labis-labis ang paghingi ng tawad ng dalawa pero nag-abiso din na sana ay igalang ng grupo ang kanilang pasya. Huwag na daw din sana silang hanapin at tuntunin dahil ito daw ang tingin nilang tamang gawin para paghandaan ang pagsilang ng kanilang magiging anak.

Umiyak ng husto si Edna nung gabing yun. Hindi naman dahil may gusto sya kay Kokoy at na-iingit sya kay Grace, kung hindi dahil itinuring na ng grupo na kapamilya ang bawat isa. Para na ngang totoo ang pagpapanggap na magkakapatid sila pero totoo ay higit pa dito ang turingan nila sa isa’t isa. Kaya ang pag-alis ng dalawa ay para na ring pagpanaw ng malapit na kamag-anak o kapamilya.

Tumayo sa drawer sa likod ng pinto si Gerald. Nakasabit pa sa likod nito ang kanyang malaking bag pero hindi nya muna ito nagawang ilapag. Kinuha nya ang kanyang mga libro na nasa loob: Mass, Viajero at Waywaya ni Sionil Jose; Little Red Book ni Mao; Ang Aso ang Pulgas ang Bonsai at ang Kolorum ni Munsayac; Madaling Araw ni Edgardo Maynigo, Bukal ng Tubig at Apoy ni Levy Balgos dela Cruz, Communist Manifesto at Das Kapital ni Marx at Engels; at mga printed na mga e.d at prop. materials. Inilapag nya ito sa higaan ni Arthur. Bumalik sya sa kanyang drawer at ngayon naman ay kinuha ang kanyang mga damitan. Tulad ng dati ay inilapag nya ito sa higaan ni Arthur.

Bigla nalang sumagi sa kanya ang mga ala-ala.

“Susmaryosep naman! Gumawa kayo ng statement kaugnay ng K+12 pero hindi nyo man lang pinasa sa email ng sentro?”, pasigaw na sabi ni Ka Julia. Ang isa sa mga nasa secretariat ng sentro. “At bakit nyo ipi-nost sa website nyo nang walang go signal ng mga matatanda?”

“E ka Julia ipinasa na namin nung nakaraang linggo pa kay Ka Christine”, sagot ni Gerald. Si Ka Christine ay Popular Struggle Commision Officer ng sentro at kalihim ng Secretariat. “Ipinasa na rin namin ito kela  Ka Jogs, Ka Sarah, Ka Gusting at Ka Manuel. Pero wala silang sagot na puna o komento.” Sila naman ang bumubuo ng writers collective ng  Kilusan. Lahat ng mga sulatin at ang pagmimentina ng dyaryo ay naka-atang sa grupo nila.

“Kahit na! Dapat hinintay nyo ang sagot nila. At saka bakit hindi sa email ng sentro nyo ipinadala? Susmaryosep!”, hindi pa man tapos si Gerald ay pinutol na ito ni Ka Julia…

Sinundan ng…

“Scrap VFA Now!!!!”, malakas na sigaw ni Arthur sa isang protesta habang nagmamartsa papuntang U.S embassy. Nangingibabaw ang boses ni Arthur sa lahat ng ingay noon sa kalsada. Ewan kung saan nya kinukuha ang malakas na sigaw e payatot at maliit lang naman ito. Talo pa ng lakas ng sigaw nya ang mga busina ng  mga sasakyan o wangwang ng mga mobile patrol ng pulisya na nag-i-escort sa kanila; o ng mga takatak ng mga nagbibenta ng sigarilyo na nakasunod,  yun pala ay kabilang sa mga intelligence Unit na nakabantay sa grupo.

“Scrap VFA Now!”, mabilis namang sagot ng bulto sa agit ni Arthur. Sikwenta lang sila noon. Puro Y.S ang nagmu-mob. Malas pa dahil kasabay nilang nagmu-mob ang mga miyembro ng MASO (Mamamayang Api para sa Sosyalismo) na nagbi-build up na sa Plaza Salamanca. Ungas ang tawag nila sa mga miyembro ng MASO dahil arogante sila kung makitungo sa grupo nila Gerald. Sa oryentasyon nila, contrasts ang lahat ng organisasyong labas sa kanila. Kunwang progresibo ika kaya sila lang sa MASO ang Tunay at Tamang linya. Mahigit 300 ang bulto nila sabi ng isang photogs na dumikit sa amin para icover ang gimik namin.

“Babawi kame sa gimik sir”, saad ni Gerald sabay abot ng P.R (Press Release) sa photogs.

“Hey, Hey U.S.A! How many people have you killed today?!!!” sabay-sabay na agit ng bulto nila Gerald. Papalapit na sila sa plaza Ferguson at tanaw na nila ang mga media na naka-abang sa kanila. May mga videos, may mga photogs. Sa likod nila ang mga pulisyang sa tingin ni Gerald ay nasa 20 lang dahil kailangang hatiin ang hanay nila dahil ang mga ungas ay diderecho ng Kalaw lalabas sa Museyong Pambata papuntang U.S Embassy.

“Ayos ito madami din sila. Mga kasama taas kamao! – U.S Imperialist, No.1 terrorist”, agit ni Gerald. Habang panay ang litrato ng mga photogs at video ng kaabang-abang na aksyon. Sa isang sulok ay ini-interview na ng media ang spokesperson ng grupo na si Edna kaugnay ng epekto ng pagdating sa bansa ni Sec. Hilary Clinton para makipagpulong kay pangulong Arroyo.

“I said NOOOOO!”, sigaw ni Arthur.

“NOOOO!”, ganting sagot ng bulto habang nakikipagtulakan na sa mga naka-truncheon at de-batuta na mga pulis.

“Tropang militar ng Kano dito”, Sigaw muli ni Arthur na hindi pa man natatapos ay naputol nang mag-komand si Edna na sumugod patawid ng Embassy. Mabilis napa-atras sa tulukan ang mga pulis. Hindi umubra ang hawak nilang batuta. Takbo at halhal si Capt. Viray para makipag-nego sa grupo pero walang kommand si Edna. Tuloy ang tulakan, hindi umubra ang batuta ng mga pulis.

Lalong namroblema si Viray  dahil papalapit na rin ang hanay ng mga ungas. Panay ang click ng mga camera ng mga photogs at hindi naman magkandagauga ang nagvi-video. Maging ang mga nakasuot sibilyan na mga animoy naki-usyoso o napadaan lang ay panay din ang kuha ng picture gamit ang digital camera sa pinaghihinalaang mga lider ng grupo.

Pagdating sa gitna ng kalsada ay nag-kommand muli si Edna; “Mga kasama sabay-sabay nating ihagis ang mga dala nating kamatis bilang simbolo ng ating pagtutol sa pagyurak at pambubusabos ng imperyalistang Estados Unidos sa patrimonya at soberanya ng ating bansa.”

Nagliparan ang mga kamatis sa loob ng gate ng embahada. Walang tigil ang pagclick ng mga camera at hindi magkandauga ang mga nagvivideo. Maging ang mga nakasibilyang may hawak na digital camera ngunit sa totoo’y mga intel ay walang patid sa pagkuha ng litrato sa ngayo’y natuntong lider ng grupo na si Edna… 

“Hatcchhuuu!”, nabahing na naman si Gerald. Sa pagkakataong ito ay kusa nang tumutulo ang kanyang sipon. Nagtataka siya kung bakit walang tigil ang pagtulo ng kanyang sipon at madalas na pagbahing gayong wala naman na ang amoy ng sigarilyo nila Kokoy at Grace.

Isa-isa nyang isinilid sa kanyang malaking bag ang kanyang mga libro. Hinalayhay nya ng husto para organisado at nang madaming gamit ang mailagay sa loob. Matapos ang mga libro ay sunod nyang ipinasok ang mga damit. Nagsama-sama na ang mga malilinis at mga maruruming damit sa loob ng kanyang malaking itim na bag. Ang mahalaga ay mahalayhay ng husto nang mas madaming gamit ang mailagay sa loob.

Napuno ang bag subalit mayroon pang mga gamit na natira na nasa ibabaw ng nakalatag na banig ni Arthur. Mabuti nalang at may dala syang shoulderbag. Iyon bang ibinibenta ng S.M Supermarket tuwing Miyerkules dahil hindi sila gumagamit ng plastic na sisidlan ng mga biniling grocery items.

Hinalayhay nya ng husto ang mga gamit para madami ang mailagay sa loob. Inuna nya ang mga pantalon at sinunod ang ilan pang mga damit. Kasunod nito ay ang ilan pang mga e.d at props materials. Sumunod nyang hinawakan ang dyaryo ng Kilusan.

“Huhhh kaya mo sinabing maganda ang dyaryo natin ngayon ay dahil nakapag-contribute ka na naman Gerald ng mga sulatin mo! Ahhahhaahaha!”, sabay hagalpak na tawa ni Ka Gusting. Ang matanda ngunit pusong Y.S na writer ng kilusan.

“Ka Gusting naman hindi sa ganun. Maganda ang dyaryo ‘di hamak ngayon dahil pina-iksi na ang mga artikulo at may mga pictures na sa maraming pahina. Bukod pa syempre dahil nalimbag na rin ang mga sulatin ko. Aba  30 artikulo ang pinasa ko pero isa lang ang na-published. Nai-inspire na rin ako dahil merong isa na pumasa. Ahahhahahaa!”, hagalpak na rin sa tawa na sumabay si Gerald kay Ka Gusting.

Pawisan si Gerald nang matapos nyang isilid ang lahat ng kanyang mga gamit. Hinubad nya ang kanyang damit at pinindot ang buton ng electric fan sa 2. Ewan ba kung bakit ngayon nya lang naisipan na buksan ang electric fan gayong kanina pa tagaktak ang kanyang pawis sa pagsisilid ng kanyang mga gamit.

“Hayyy! Tapos na rin”, sa isip-isip ni Gerald. Ilang linggo na rin syang balisa at hindi masyadong umi-imik. Pansin na nga din ito ng kanyang mga kakolektib na sina Edna at Arthur. Wala namang sinasabing kahit anong problema si Gerald.

Ang totoo ay napakasigasig nga nito sa gawain. Kaya nitong ikutin ang limang eskwelahan sa isang araw na may productive na output. Isa sya sa nagkayod ng husto noong panahong buuin ang alyansa ng mga estudyanteng organisasyon at konseho sa Intra-Taft para harangan ng kinse minuto ang crossing sa Ayala Boulevard at Taft, sa tapat ng PNU, kasunod ang pagpapabusina sa mga nagdaraang sasakyan bilang protesta sa lumulobong presyo ng langis at pagkain sa bansa dahil sa labis na pagtaas ng inflation rate. Si Gerald pa nga ang naging tagapagsalita ng alyansa at nang maipalabas ang balita sa T.V tungkol sa interview nya ay nagkasagutan sila ng kanyang ama.

Ayaw na ayaw ng ama nya na sumasali sya sa rally at mapasama sa mga aktibistang organisasyon. Taxi driver ang ama ni Gerald at kakarampot ang kita pero pinagtyagaan nitong sa Lyceum nya mapag-aral ang anak kahit mataas ang tuition para makaiwas ito sa aktibismo na tiyak nyang kahahantungan nito kung nasa state university sya nag-aaral.

“Aktibista ka na ha? Anong makukuha mo dyan? Mamumundok ka, ititigil mo ang pag-aaral mo?”, bulyaw ng tatay ni Gerald.

“Hindi Tay! Gusto kong mag-aral. At kaya ako nagsalita laban sa pagtaas ng presyo ng langis at bilihin dahil ayaw kong sa susunod na mga araw ay ako naman ang mapipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa pagtaas ng pasahe at tution sa eskwela. Magkakarugtong ang mga bagay itay. Ang dagdag na presyo ng langis ay nangangahulugan ng pagliit ng iuuwi mong kita sa pamilya tapos susunod ay wala ka na ring budget para sa panggastos namin sa eskwela”, sagot ni Gerald

Napatigil ang ama ni Gerald sa gulat. Nagtaka sya dahil tuluy-tuloy, matalas at malalim na magsalita ang anak mula sa dating tahimik, mahiyain at halos walang mundo kundi bahay-eskwela na nerd na ewan na binatilyo. Nagkamali nga ang ama ni Gerald dahil kahit sa Lyceum pala ay may mga  progresibong organisasyon at ang kanyang anak pa mismo ang numumuno nito.

Nang matuyo ang pawis ni Gerald, kinuha nya ang gunting na nasa loob ng drawer sa kusina. Sinampay nya rin sa kanyang balikat ang isang tuwalya at t-shirt habang hawak ng kanang kamay ang brief at naglakad patungong banyo.

Alas-3 y medya na noon. Alam nyang matagal pa dadating ang kanyang mga kakolektib. Binuksan nya ang shower pero hindi agad nagbasa. Ilang sandali nya munang pinakinggan ang mala-ulan na bagsak ng tubig sa lapag.

“Bok kalahati na ng buwan, wala pa rin bang balita kay Ka Saro kung kailan dadating ang opex natin? pudpod na ang sapatos ko sa kalalakad e”, tanong ni Arthur sa mga kakolektib.

“Hehehe. Si Gerald nga bok ubos na ang isang sakong bigas sa kanila kakanakaw nya para may pagkain tayo e”, sagot ni Edna.

“At sa inyo naman wala nang napkin at panty-liners sa tindahan dahil kinuha mo nang lahat bukod pa sa mga dilatang ulam para sa atin dito”, Patawa ni Gerald.  Tawanan ang tatlo at panandaling kinalimutan ang gutom at dinaan nalang sa kwentuhan ang pagpapalipas ng oras bago ang activity nila sa hapon sa mga area. Pagdating sa mga eskwelahan ay tiyak namang alis ang gutom nila dahil ililibre sila ng tanghalian ng mga miyembrong estudyante na nakakaunawa sa trabaho nila.

Nagbasa na rin ng katawan si Gerald. Nakasandig ang dalawang kamay sa dingding at nakayuko ang ulo habang tuluy-tuloy ang bagsak ng tubig sa kanyang buhok pababa sa kanyang buong katawan.

Maya-maya pa ay kinuha na nya ang gunting. Hinawakan niya ang isang kumpol ng kanyang bulbol at saka ginupit. Binitawan nya ang nagupit na bulbol para mahulog sa inidoro sabay hawak muli sa isang kumpol ng bulbol para gupitin. Isang kumpol pa uli, isa pa at isa pang kumpol. Nang matapos, parang inuka ang kanyang ibaba sa itsura na kahit paano’y kasiya-siya na rin kay Gerald.

Nagkalat sa loob ng bowl ang kanyang mga bulbol. Kasunod ay sumampa sya, palaka style sa bowl para mag-deposito. Nagiginhawaan si Gerald sa pagdeposito nang mga sandaling iyon. Pangatlong araw na ngayon buhat nung huli syang nakapag-deposito. Ang sabi ng isang iridologist na tumingin sa kanyang mata ay dahil daw ito sa madalas na pagkain ni Gerald ng karne at maaalat na pagkain. Hindi daw kasi ito madaling tunawin ng bituka kaya matagal bago madeposito. Lugi ang bangko ika nga ng iridologist ibig sabihin masama ito sa katawan ni Gerald.

Iplinush ni Gerald ang nagsanib na bulbol at lumulutang nyang barko sa loob ng bowl. Magkasanib din itong lumubog pailalim sa nilikhang ipo-ipo ng tubig, hanggang sa tuluyan nang mawala ang magkasanib na bulbol at lumulutang na barko ni Gerald. Sabay hugas sa kanyang likuran at nagbasa muli sa shower.

Nagbasa muli ng katawan si Gerald. Nakasandig ang dalawang kamay sa dingding at nakayuko ang ulo habang tuluy-tuloy ang bagsak ng tubig sa kanyang ulo pababa sa kanyang buong katawan.

Naalala nya si Mina, ang kanyang huling karelasyon na tibak din na nakadeploy sa CAMANAVA para sa organizing ng fisherfolk. Y.S pa sana ito kaya lang mas gusto nyang mag-organisa sa coastal community lalo pa sa mga kababaihang mangingisda.

“Maghiwalay na tayo Gerald. Gusto ko munang hanapin ang sarili ko bok. Gusto kong ayusin ang mga maling konsepto ko sa buhay”, sambit ni Mina.

“Aalis ka na ba sa Kilusan Mina?”, tanong ni Gerald. Hindi alam ni Gerald kung ano ang problema ni Mina. Hindi siya kundi ang kolektib ni Mina ang unang naka-alam ng problema nito. Hindi nga  katulad ng karaniwang gabi sa damuhang bahagi ng Luneta Park ang sandaling ito na magkasama sila.

“May anak at asawa na ako na iniwan sa Pampanga. Edad 17 nang mabuntis ako ng kabaryo naming lalake na pitong taon ang tanda sa akin. Nang manganak ako ay nagpaalam ako sa kanya para lumuwas ng Maynila para magtrabaho bilang sales lady sa S.M pero ang totoo ay gusto ko na silang takasan. Hindi ko naman mahal ang lalakeng iyon noon.” Walang tigil ang patak ng luha ni Mina.

”Nang may inorganisang forum sa kababaihan sa lugar namin sa Bagong Barrio, sumama ako at nakinig. Mula doon ay nagpasya na akong maging myembro ng kilusan hanggang mag-pultaym.”

Walang patid ang daloy ng luha ni Mina. Inakmang yakapin ito ni Gerald pero tinanggihan ito ni Mina. “Nagsisisi ako Gerald. Kailangan ako ng anak ko. Isang linggo pagkasilang nya ay iniwan ko na sya para pumunta dito. Ang asawa ko naman ay halos mabaliw na sa kakahanap sa akin dahil ni-sulat ay hindi man lang ako nagpapadala. Mahal ako ni Karding, Gerald. Kailangan ako ng anak ko!” Naghalo na ang sipon at luha ni Mina sa pinagpupunasan nyang panyo. “Hindi ako aalis sa kilusan, dun na nga lamang ako magpapatuloy sa Pampanga.”

Hindi na nakapagsalita si Gerald. Tinapik na lamang nito ng tatlong beses ang balikat ni Mina. Niyakap siya ni Mina sa huling pagkakataon at tuluyan nang nagpaalam kay Gerald. Naiwan na lamang si Gerald na pinagmamasdan ang unti-unting papalayong likuran ni Mina, habang nakaupo sa damuhan at patuloy ang mapanglaw na pagsayaw ng fountain sa kanyang likuran.

Basang-basa na ang katawan ni Gerald. Nakasandig ang dalawang kamay sa dingding at nakayuko ang ulo habang tuluy-tuloy ang bagsak ng tubig sa kanyang buhok pababa sa kanyang buong katawan.

Kinuha nya ang sabon at nilibot ng kanyang kamay sa kanyang mukha pababa ng leeg, balikat at braso hanggang dibdib at tiyan para sabunan hanggang marating nya ang gitna ng katawan. Hinilud-hilod nya ang kanyang ari at may kakaibang sensasyon na naramdaman.

Naisip nya si Mina at ang hindi isang beses na may nakaw silang sandali na pinagsaluhang gabi sa loob ng isang motel sa Caloocan.

“Ahhhhh Mina!!!”, tila nananaginip sa pag-ungol si Gerald. Naglumikot na ang kanyang kamay sa pag-akyat-baba sa pagbayo sa kanyang pagkalalake.”Ahhhhh shit!!!!!!!” Hindi naman sya madalas magmura o magbitiw ng maruming salita pero bakit masarap sa kanya ang sambitin ang ganung salita?

“Ahhhhhhhhhhh akin ka nalang!!!!!”, sumasabay ang indayog ng katawan ni Gerald sa galaw ng kamay at pagbagsak ng tubig. Napapatango ito sa sarap ng nararamdaman tulad ng isang manok na panabong na tumitingala sa pag-inom ng tubig.

“Ahhhhhhhhh!!!!!”. May tatlong minuto syang nasa ganung porma.  Sabay bumukal ang mainit at malagkit na likido sa katawan ni Gerald. Nagwakas ang indayog ng kanyang katawan. Tumigil ang kanyang pagtingala sa kalangitan.

Tiniklop ni Gerald ang kanyang mga tuhod tila napagod sa kanyang kakatapos lamang na aktibidad. Basang-basa na ang katawan ni Gerald. Nakasandig ang dalawang kamay sa dingding at nakayuko ang ulo habang tuluy-tuloy ang bagsak ng tubig sa kanyang buhok pababa sa kanyang buong katawan.

“Ano na bang balak mong gawin tol? Hindi ka ba magtatrabaho para may ipon ka? Graduate ka naman na, bakit hindi mo yan gamitin?”, tanong sa kanya ng kanyang kuyang si Arnold habang kumakain sila sa isang kainan sa Quezon City.

“Pina-practice ko naman na ang propesyon ko kuya. Wala nga akong pera pero nabubuhay naman ako. Nagagawan ko namang paluwalan ang mga pangangailangan ko”, sagot ni Gerald.

“E paano kung magkapamilya ka na?”

“Marami kaming mga kasama na may pamilya na at may mag-asawa pa nga sa Kilusan na magkasamang gumagampan pero nabubuhay naman ng mahusay. Tama lang, hindi labis, hindi kulang sa mga pangangailangan”, saad ni Gerald na naalala ang kanta ng Asin na ‘Ang Mahalaga’ biglang napalingon sa bintana at tumingin sa kawalan.

Tumindig si Gerald. Kinuha ang nakasampay na tuwalya at pinunas sa buong katawan. Isinuot ang kanyang brief at damit at lumabas sa banyo at isinuot ang kanyang maong na pantalon. Tiniklop nya ang kanyang tuhod at umupo panandali. Ipinatong ang kanyang dalawang kamay sa dalawa nyang malaking bag.

Ilang minuto syang nakalagi sa ganitong posisyon. Nakayuko, nag-iisip. Nag-aagaw ang mga boses at ala-ala sa kanyang gunita.

“Gerald, susmaryosep!”

“Bok ano na?”

“U.S Imperialist! No. 1 Terrorist!”

“Aktibista ka na ha Gerald!”

“Ano na bang balak mo Gerald?”

“Maghiwalay na tayo, Gerald!”

“Gerald Susmaryosep!”

“Gerald…, Gerald…, Gerald…,Gerald…!!!!”

Dali-dali siyang tumindig at sinuot ang itim na malaking bag at sa kaliwang kamay ay hawak ang itim na shoulderbag. Sa kaliwang bulsa ay dinukot ng kanyang kamay ang isang piraso ng papel at idinikit ito sa bulletin board katabi ng paskil ni Arthur na “NO Yosi Allowed Inside”.

Alas-4 y kinse noon. Mas lumala ang pagtulo ng sipon ni Gerald kaysa kanina. Basang-basa na ng magkahalong sipon at pawis ang kanyang panyo. Lumabas sya ng kwarto ng hindi na lumingon para tingnan ang buong paligid. Ang higaan ni Edna, ang higaan ni Arthur at ang dating pwesto nila Grace at Kokoy. Sa isip nya ay tandang-tanda nya ito. Hindi mawawaglit sa kanyang isip.

Inilock nya ang pinto at mabilis na naglakad pababa ng gusali. Gaya ng dati ay hindi nya muling papansinin ang guwardyang naka-duty sa tabi ng gate na para kay Gerald ay presko at masungit.  ###

Maikling kwento

ni Elmer Arisgado