Voters’ Registration


Lunes, oktubre 29, ngayon ang una sa huling tatlong araw ng voters’ registration sa Comelec.

Alas-4 palang ng madaling araw ay bumangon na sa higaan si Michael. Malamig na ang panahon dala ng malamig na hangin ng amihan sa huling tatlong araw ng buwan ng  Oktubre. Hinahanap pa ng kanyang katawan ang humiga sa dekutson nyang papag at magsiniksik sa kanyang malong.

Pero kailangan nyang bumangon. Ngayong araw ang itinakda niya sa sarili para magparehistro. Ang totoo ay hindi ito ang unang beses na magbalak magparehistro si Michael. Pangatlo na nya ito.

Nung unang parehistro nya ay kakadisi-otso pa lamang nya. Nasa unang taon sa kolehiyo sa Technological University of the Philippines sa kursong Computer Science. Magkakasama sila ng kanyang mga kaklaseng pumunta sa COMELEC. Patapos na ang deadline ng rehistrasyon nang pumunta sila. Mas maaga nga lang sya ngayon.  Sa huli, hindi din sila nakatapos dahil dahil cut-off na raw ang masiserbisyuhan ng mga staff ng araw na yun.

Sa pangalawang pagkakataon ay graduating na si Michael sa kanyang pag-aaral. Tulad ng dati ay papalapit na rin ang deadline nang pumunta sya para magparehistro. Kakatapos lang ng malakas na bagyo kaya wala masyadong dumagsang mga tao para pumila. Hapon na nang dumating sya sa city Hall. Sa tantya nya ay may isang daang tao lang ang mga nauna sa kanya. Nakakuha kaagad sya ng form na agad ding pinil-apan. Nang ipapasa na nya sana, malas naman dahil tapos na ang office hour. Pinababalik sila kinabukasan. Pero hindi na bumalik pa si Michael. May seminar syang naka-schedule sa Bataan ng limang araw kaya aabutan na sya ng huling araw ng parehistro. Idinagdag nalang nya sa koleksyong campaign election materials ang nakuhang registration form.

Pumunta na sa banyo si Michael para gawin ang kanyang pang-umagang ritwal. Nakasabit sa kanyang kanang balikat ang tuwalya, brief, t-shirt at pantalon na pang-alis.  Sumampa sa bowl na naka-palaka style at saka tumayo uli para magsabon ng kamay. Binasa nya ang kanyang kamay at braso, nagwisik ng tubig sa kili-kili saka pinunasan ng labakarang basa na may sabon. Sumalok ang dalawang kamay  ng tubig sa balde para basain ang buhok. Hindi na sya naligo dahil malamig ang tubig. Katwiran nya, naligo naman na sya kagabi. Isa pa tiyak naman na maraming tao ang dadagsa para pumila. Marami silang amoy alimuong pagnagkataon. Hindi na rin sya mapagbibintangan. Isinuot nya ang mga damit bago lumabas ng banyo.

Matapos ang mga ritwal ay dumerecho sya sa kusina para magtimpla ng mainit na kape yung brown. Saka nagsandok ng bahaw na kanin sa kaldero at inihalo sa kape. Sarap na sarap si Michael sa kanyang almusal. May mga patak ng kape na tumatalsik sa kanyang pisngi. Pinagmamasdan nyang natutulog ang kanyang mga kapatid sa sahig na nilatagan ng banig. Nagsipilyo pagkatapos ay nagsapatos at kasunod ay lumabas ng bahay. Dahan-dahan nyang isinara ang pinto para hindi magising ang mga natutulog na kapatid sa sala.

Madilim pa noon sa kalsada ng Odelco- bahagi ng Brgy. San Bartolome. Sa bandang bukana ng riverside nakapuwesto ang bahay nila Michael. Wala na kasi ang mga poste ng ilaw sa kalsada. Bago ang huling eleksyon nang ipalagay ito ng noo’y incumbent na mayor sa Quezon City. Nang matalo ay pinatanggal nya ito bago matapos ang termino. Kaunti daw kasi ang bumoto sa kanya sa lugar nila Michael.

Dahan-dahan syang naglakad sa malubak na daan papunta ng kanto sa kanilang lugar. Iniiwasan nya ang mga lubak at tubig-baha sa paligid. Lalo pang mahirap para sa kanya dahil pataas ang kalsada papuntang kanto kaya madulas. Nang marating ang outpost, sumakay sya ng orange na tricyle at ng City Bus na airconditioned pagdating ng Quirino Highway papuntang SM North. Sa aircon bus sya sumakay para presko sa pakiramdam. Kahit kasi alas-5 palang ng umaga ay mainit na rin sa kalsada. Alam nya ang matinding siksikan, pagkayamot at matagal na tayuan na kakaharapin nya mamaya sa pila. Pinili nya ang City Bus- ang unang Airconditioned bus na biyaheng Novaliches dahil tiyak na sa oras na ito ay makakaupo sya sa byahe.

Akala ni Michael, aabutin lang ng kalahating oras at makakarating na sya ng City Hall. Pero may 35 minuto na syang naipit sa traffic sa congressional avenue padugtong ng Edsa. Dalawangpung minuto bago mag-alas-6 nang dumating sya sa terminal ng jeep sa SM North papuntang City Hall.

Alas-6 impunto, nakarating na rin sa wakas sa lugar. Nanibago siya sa hitsura ngayon ng city hall. May mga bagong tayong nagtatayugang gusali. Isa sa mga nag-u-opisina dito sa bagong gusali ang kanyang dating scholarship program- ang SYDP (Scholarship for Youth Development Program) .

Nilapitan nya ang isang guwardiya na abalang inaayos ang pila ng mga tao. Hindi kaagad sya nakapagsalita dahil madami ang mga nagtatanong. “Sir, saan po ang pila ng mga taga-District 5?”

“Dyan halo-halo na lahat dyan”, sagot ng guwardiya.

Nalula ang mata nya sa dami ng taong naroon na sa lugar. Marami sa mga ito ay ala-1 palang ng madaling araw ay nakapila na. Makakaramdam na sana sya ng paghanga sa lahat ng mga taong iyon at iisiping silang lahat ay maagap; kung hindi nga lang nya naalala na huling tatlong araw na nga lang pala bago ang deadline. May dalawang taon nang bukas para sa rehistrasyon ang COMELEC pero wala masyadong pumunta. Pero ngayon na malapit na ang palugit ay saka sila nagdagsaan. Agad syang pumila sa dulo. Mabilis namang humaba ang bilang ng mga taong sumunod sa kanya.

Napansin ni Michael na marami sa mga nakapila ay mga kabataan. May pailang mga matatanda at ilang sa middle age na mga nanay at tatay na lumiban muna sa trabaho o sa gawaing bahay. Dalawa ang naglarong paliwanag sa utak ni Michael: una; dahil patotoo itong bata pa ang populasyon ng Pilipinas. Mayorya sa bilang nito ay mga kabataan, pangalawa; katulad nya ay mahilig sa cramming ang mga kabataang ito. Sa huli nalang naghahabol. Sa huli humuhusay at gumagana ang isip. Parang assignment o school project lang yan e.

“Oh Jhay, Erik, napakahaba mga anak ng pila! Huwag na tayong makipagsiksikan pa dito. Puntahan na natin  si tita Anna mo sa Engineering Department. Nagtatrabaho yun dito. Gagawa  yun ng paraan para makatapos tayo kaagad”, utos ng isang nanay, na kay aga-aga naka-make-up na, sa kanyang dalawang anak na lalakeng nakapila sa unahan ni Michael.

Leche anong Engineering Department? Sa Comelec nagpaparehistro hindi sa opisina ng mga inhinyero”, isip-isip ni Michael. “saka alas-6 palang ano! Sino ang kakausapin nyo sa engineering department, mga multo? May alam ba sa proseso ng rehistrasyon ang mga multo? , sa isip nya kungsabagay may mga ghost voters tuwing eleksyon. Pero iba pa rin naman yun.

Iginala nya nalang ang paningin para maglibang sa pagmamasid sa mga taong kapwa nya nakapila. Ang gawaing ito ay madalas nyang ginagawa kapag nasa matataong lugar. Pagmamasdan ang pinagkakaabalahan ng mga tao sa paligid, hahanapan sila ng mga kamukhang artista na komedyante o horror artist o kaya naman kamukha ng mga kakilalang mga tao.

Pa-spiral ang pila nila. Sa tantya nya ay may 30 kurbang linya silang nakapila sa gitna ng dalawang mataas na gusali sa likod ng city hall. Sa bawat kurbang linya ay may 50 silang nakapila. May isang mahaba pang pila papunta malapit sa opisina ng COMELEC na karugtong ng pila nila Michael dito sa pagitan ng dalawang gusali.

May mga kurbang linya ng pila na nakatagilid paharap sa kanila ni Michael, ang iba naman ay nakatalikod. Sa sunod na pila sa gilid nila Michael, bahagya siyang nakapaharap sa grupo ng mga kababaihang dalaga. Nakasuot ng manipis na leggings at  nakadamit ng maiksing sleeveless na t-shirt ang mga ito. Umiral ang kalikutan ng isip ni Michael. Napangiti. Prinactice nya ang estilong tinatawag nyang pornographic glimpse shot. Iyon bang sulyap sa dibdib o sa puwetan o sa harapan ng mga chicks pero hindi halatang sinulyapan dahil dagling babaling ang paningin sa ibang direksyon. Pero dahil “pornographic glimpse shot” iyon, tatatak at mananatili ang magandang imahe sa kanyang isip.

Limang kurbang linya naman sa unahan ng kanilang pila, ay nakatayo ang limang madre nakasuot ng brown na habit – kasuotan ng madre. Ang unang dalawa ay nakasuot ng cornette o  belong pantakip sa kanilang ulo. Nakapusod naman ng buhok ang nasa huling tatlo na hindi pansin ang init sa longsleeve na brown at pinatungan ng itim na sleeveless na coat nilang suot. Lahat sila ay may hawak na rosary at tahimik lang na nakatayo.

Sa loob-loob ni Michael: ano kaya ang pinagdarasal nila? ‘lord sana umuwi na itong mga maiingay na mga kabataan sa harap namin’, o kaya ‘lord  sana matapos na ang makalabas baricus veins na pilang ito!’. Napahagikhik si Michael. Lumingon sa kanya ang lalakeng nasa unahan. Nagtaka sya sa malaking paso nito sa leeg.

Biglang may tumapik sa kanya na nagpatigil sa kanyang pangiti. “Iho! Hoy Iho!”, sambit ng nanay na kaninay ay nakapila sa unahan nya  kasama ang dalawang anak. “ ‘diba ikaw ang nasa likuran naming sa pila kanina? Babalik na kame dito uli. Nakakuha kame ng form at nakapila na sana dun sa unahan. Pinauna kasi yung mga may hawak at tapos nang mapil-apan ang form. Kaya lang hindi tinanggap yung sa amin. Wala daw kasing tatak ng Comelec ang papel namin. Bwisit! Ahahahahaha”, natatawang paliwanag ng nanay.

Pinasingit ito ni Michael. Sa isip nya uli, Buti nga! Belat nyo mga hambog! Sinabi nang sa COMELEC dumerecho hindi sa engineering department e. Ano kayo ngayon?, “Sige po nay balik na kayo dito”, nakangiting sagot ni Michael.

Maya-maya pa ay dumating ang mga gwardiya ng compound ng city hall. May nakasabit sa katawan nilang shotgun at inayos sandali ang pila ng mga tao saka nagsalita, “Announcement po! Para sa mga taga-Districts 2,5 at 6 lang ang pila na ito. Ang mga taga-1,3 at 4 ay dun na kayo dumerecho sa unahan. May hiwalay kayong pila dun!”, sigaw nito.

Napakamot sa pagkadismaya ang madaming umalis sa pila. “Bakit ang sabi nung una dito lahat pipila sabay babawiin”, reklamo ng kabataang lalake. “Dapat kasi inaayos nyo ang proseso nyo dito. Kanina pa pala kame nag-aksaya ng oras”, bulyaw naman ng isang tatay.

“e pasensya na po napag-utusan lang po kame sir” paliwanag ng guwardiya.

Halos hindi nabawasan ang dami ng mga naiwan dahil napakadami pa rin nilang nasa pila.

Maya-maya pa bumalik muli ang guwardiya. Nag-abang ng kung anong sasabihin nito ang mga tao. Tumigil sa paglibot ng paningin si Michael. Sa guwardiya ang buo nyang atensyon.

“Paumahin po pero umuwi nalang po kayong lahat na nandito. Cut-off na po kanina pa, 550 lang ang pinaparehistro kada-araw! Uulitin ko po, magsiuwi na po kayong lahat. Bumalik nalang kayo dito bukas ng madaling araw!” walang kahirap-hirap na paliwanag ng guwardiya.

Akala mo ay katumbas lang ng dali nito ang paggising mula sa malamig na umaga ng oktubre o  ang pagpunta sa city hall mula sa kani-kanilang mga bahay ng mga taong nandito.

“Putang-ina naman! Naglolokohan ba tayo dito! Ang laking abala. Nung huwebes pa ako pabalik-balik dito”, pagmumura ng maliit na ale sa likuran ni Michael. Nagpanting ang tenga nya sa malakas na sigaw ng ale.

“Pasensya na po talaga, napag-utusan lang po ako.”

Nagtuloy pa ang ingay sa malaking pagkadismaya ng mga tao.

Alas-8 y kinse ng umaga. May dalawang oras nang nakatayo sa pila si Michael. Ilang minuto nyang ninamnam ang esensya ng sinabing impormayon ng guwardiya.

Naalala ni Michael ang laman ng balita kagabi. Mag-ama laban sa mag-ama ang magkalaban sa local na mga posisyon sa syudad ng Caloocan. Jinkee Pacquiao, may bahay ni pambansang kamao Manny Pacquiao, tatakbong Vice-Governor sa Saranggani. Samantalang tatakbo muling congressman sa nasabing probinsya ang sikat na boksingero. Kuya Germs at basketball legend na si Jaworski, posibleng makaharap sa mayoralty election ni Bistek sa Quezon City. Jackie Enrile, tatakbo upang ipagpatuloy ang legacy ng matandang Enrile sa Senado. Sa Camarines Sur, maglolong Villafuerte ang maghaharap sa pagka-gobernador ng lalawigan. Sa Pampanga naman tatakbo muli si dating pangulong Arroyo bilang kongresista, kaalyado ng mag-inang Pineda na tatakbo sa posisyon ng gobernador at bise-gobernador.

“75% mga kapuso ho, inuulit ko 75% ng mga pulitiko sa bansa ay kabilang sa political dynasty o pamilya at angkan na nasa pulitika sa Pilipinas. Ito’y sa kabila ng mariing pagbabawal ng konstitusyon 1987 sa pagkakaroon nito”, inuubong pagbabalita ni Mike Enriquez.

Sa isip ni Michael, ‘’tang ina walang pagbabago. Sila-sila lang  din naman ang pagpipilian. Ano pang dahilan ko para magparehistro?’

Sa gitna ng maraming mga taong naroon pa rin sa pila na nag-aabang na bawiin ng guwardiyang kanina lang ay nagsalita, ang kanyang inannounce; mabilis na naglakad si Michael.

Hindi nya tiyak kung bago ang susunod na eleksyon ay magpaparehistro pa syang muli. Pupunta sya sa circle para magbasa ng kanyang binabasang nobelang ‘Satanas sa Lupa’ ni Celso Al. Carunungan.###

Kailangan pa nga ba talaga dapat?

Kailangan pa nga ba talaga dapat?

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s