Biyahe

Nakadungaw ang aking paningin sa bintana ng sasakyang lulan kami. Mahaba-habang biyahe din ang pupuntahan namin sa isang bayan sa Zambales. Kaya naging katuwaan ko ang magmasid sa magagandang tanawin sa berdeng paligid- mga puno damuhan at malapad na taniman ng palay at tubuhan. Ikinatutuwa ko ring pagmasdan ang malinaw na kalangitan at matatayog na mga ulap.
Hay! Ang gaan sa pakiramdam! Napakapresko sa paningin ang ganitong larawan. Napakalayo nga sa karaniwang imahe ng kamaynilaan – matatayog na gusali, higanteng mga billboard na humaharang sa mga ulap, naggigitgitang mga sasakyan sa walang patid na sikip ng trapiko, at nagmamadaling bulto ng mga tao.
Nagtataka nga lamang ako dahil parang kami lang ni Mang Gusting, ang pinakamatanda sa grupo at direktor ng aming teatro, ang interesadong pagmasdan ang paligid. Ang mga kasama kasi naming mga kabataan galing ng syudad ay mas piniling matulog o kaya ay makipagkwentuhan sa may tatlong oras na biyahe.
Hindi kaya sila nasasabik namnamin ng kanilang mga mata ang bihirang tanawin sa labas? Hindi ba nila ikinatutuwa ang lumikha ng iba’t ibang imahe mula sa kumpol ng mga ulap?
Heto nga’t sa malayo, nabuo ko ang imahe sa aking isip ang kulumpon ng ulap na tila isang asong poodle na maputing-maputii na para bang nakalundag sa bundok para masalo ang Frisbee plate.
Naisip kong may dala nga pala akong kamera. Napakaganda makuhanan ng litrato ang ganitong mga larawan. Para sa akin, kailangang makunan ito ng larawan dahil mabilis ang paggalaw ng mga bagay dala ng ika nga’y modernisasyon. Baka ilang sandali pa ay kakainin na rin ng paatras na pag-unlad ang tanawing ito at tuluyan na lamang maging ala-ala.
Mula dito ay nagkapagpasya akong hindi matutulog o aabalahin ang sarili sa ibang gawain sa may tatlong oras naming biyahe.
Kailangang tumatak sa aking diwa ang panginginain sa damuhan ng mga kalabaw at baka. Sa pagtanaw ko sa mga nagliliparang mga migratory birds, ay para naring kasabay nila akong lumilipad sa himpapawid. Lumilipad at payapa ang isip!
Samantalang ang kabundukang tanaw sa malayo ay para na ring nangungusap at nagpapa-abot ng pagbati.
Sayang nga lamang at kami na lamang ni Mang Gusting ang nakakakapagpahalaga sa biyahe namin ito.
Sa biyaheng ito, hindi ako matutulog. Maalala ko man lang na bahagi pa rin ako ng mundo at may dapat na saysay ang bawat gawin para sa ikapagpapanatili ng mga tanawing ito.

Advertisements

Isang Eksena

“Para ka nang nakakaawa Hades!”,
Ang minsang paninita sa akin ni Zeus.
Hindi mo pa rin ba matanggap
ang minsang pagpatong ng buwan sa araw?
Hindi ka ba masayang malaya na si Prometheus?
Hanggang kailan mo sisisihin
Ang malamlam na kislap ng mga tala?
Kailan ka pa sasangkot
sa labanan at agawan ng dilim at liwanag?
Tularan mo ang ilog Styx,
na biyaya’t sagana ng sibilisasyon
Sa panahong panatag ito.
Subalit pamatay na daluyong sa panahon ng bagyo.

Sa tuwid at maiksing salita’y sinagot ko sya ng ganito:
Punyeta! Pagkatapos ng eklipse,
Ang mundo ay may bago nang pag-inog.
Ang kaso’y hindi man lang ako pinaghanda.
Hindi ko man lang nga nakita ang kanilang pagsasanib.
At paano ako magiging masaya
Sa kalayaan ni Prometheus?
Gayong kapalit na isinakdal si Atlas,
Sa pagbuhat ng bigat ng problema ng mundo.
Nakikipagkaisa lamang ako sa huli mong payo.
Pasasaan pa’t dahan-dahan, unti-unti;
Matatanggap ko rin ang bago ko nang mundo.

Biyaheng Probinsya

Payapang tanawin, sumasabay sa panatag kong damdamin.

Payapang tanawin, sumasabay sa panatag kong damdamin.

Nakadungaw ang aking paningin sa bintana ng malaking puting van na sasakyan ng grupo namin sa teatro papuntang Zambales. May dalawang oras na rin ako sa ganitong posisyon pero hindi ako nakakaramdam ng pangangawit o pagkayamot habang nakaupo sa front seat, katabi ng drayber na si Mang Randy.

Naging libangan sa akin ang makita ang berdeng tanawin: mga puno at damuhan, kabundukan sa malawak na paligid, at nag-aagaw na puti at bughaw na langit at kulumpon ng ulap. Hay! Malamig sa paningin. Magaan sa pakiramdam!

Napakapresko damhin ang paghaplos ng hangin sa braso kong sinadyang inilabas sa siwang ng bahagyang nakabukas na bintana. Pinakiusapan ko si Mang Randy na patayin ang aircon para malanghap namin ang sariwang hangin ng probinsya.

Kailangan itong sulitin, wika ko. Bukas makalawa, pagbalik ng Maynila ay may presyo nang kakambal ang paglanghap ng preskong hangin.

Para akong nakatagpo ng kaibigang panay ang apir sa aking mga pagal na kamay. Napakalayo nga ng ganitong tanawin sa karaniwang mukha ng Kamaynilaan – matatayog na gusali, kaliwa’t kanang billboard, naggigitgitang mga maiingay na sasakyan sa matinding trapiko sa Edsa, at mga nagmamadaling lakaran ng mga tao.

Hindi ko namalayang napapikit na ako habang inaalala ang mga masasayang gunita habang patuloy ang ngayo’y pagdampi ng hangin sa aking mukha, sabay sa pagbilis ng pagmamaneho ni Mang Randy.

Hay! Bigla kong naaalala ang hele ni nanay noong bata pa tuwing pinapatulog kame sa hapon. May pangako syang maghahanda ng maruya pagkagising, kaya magiging mahimbing ang aming pagtulog ng nakababata kong kapatid.

Kasunod noon ay makikita ko ang imahe ni tatay habang ginagawan ako ng laruang kotse-kotsehan. May hawak syang sisidlan ng alcohol na binutasan ng dalawang beses na magkakatapat ang ibabaw malapit sa takip at   dalawang beses muli sa magkatapat na bahagi ang bandang puwetan ng sisidlan. Saka ipapasok ang tingting mula sa walis ni nanay na tinuhugan ng binilog na kapirasong bahagi ng niluma kong tsinelas saka tinakpan muli ng isa pang kapirasong binilog na bahagi para magsilbing gulong. Nakangiti syang pagmamasdan ang kanyang likha. Lalo pang lalaki ang kanyang ngiti habang nakatingin sa akin na sa kanya ay lumalapit.  Iaabot ni tatay ang laruan at masaya kameng maghahabulan na hawak ko ang taling pinulupot sa leeg ng sasakyan kong hila-hila na hinubog ng may pagmamahal, na saglit lamang papawiin ng sigaw ni nanay ng pag-anyaya ng pananghalian.

Biglang may tumapik sa aking balikat. Bumalik ang aking ulirat. “Tol chichirya muna!”, sabay abot ng plastic ng  Mang Juan ng kaibigan kong si Dan. Hindi pa rin nilulubayan ng aking paningin ang magandang tanawin sa labas. Ni hindi nga din nagambala ng pagnguya ng chicharon ni Mang Juan ang pagbuo ko ng imahe sa ulap na halos ay nakadikit na sa bundok na matatanaw paglampas lang ng Angeles. Kakapasok lang namin ng SCTEX(Subic, Clark, Tarlac Expressway). Bigla akong nangisi sa imaheng nabuo ko sa aking isip mula sa pagtingin dun sa ulap na nakadikit sa summit ng bundok – parang asong poodle na naglalaro ng Frisbee na nakalundag sa ibabaw ng bundok.

Maingay na sa likod. Mukhang gising na ang kasamahan naming si Ed , ang joker ng grupo. Pinipicturan nya pala si Rex habang tumutulo ang laway, na nakasandig sa balikat ng katabi nyang si Anna na ka-teatro din namin. Namamasa na ang balikat ni Anna sa tuluy-tuloy na pagtulo ng laway sa bibig ni Rex.

Hindi ko iyon masyadong pinansin. Masaya kameng magkakasama. Karaniwan na sa amin ang kulitan at asaran. Pero dito muna ang atensyon ko sa bihirang masilayang tanawin. Dito na muna ako sa pagtulala at pananaginip ng gising.

Mas lumalamig ngayon ang hanging bumabangga sa aking mukha. Mas kumakapal din ang mga puno sa magkabilang bahagi ng gilid ng kalsada. Mula sa makapal na punong ito ng mangga ay may ala-alang bumisita.

Si Lea. Siya ang una kong naging kasintahan. Sa kanya ko unang naranasan ang lahat ng unang karanasan. Unang pagkain sa Mang Inasal, unang halik, unang pag-utot sa harap ng hindi kadugong tao, unang taong sinukahan ko noong minsang nilasing kame ni Dan nang makipag-break sa kanya ang karelasyon nyang pinakamamahal, una din syang babaeng inuwi ko sa bahay at pinakilala kay tatay at inay. Syempre kasunod noon ang marami pang una o first time. Iyon nga lamang, sa huli, sya din ang unang babaeng nagpaiyak sa akin. Hindi na daw kasi nya matiis ang pag-amoy ng masama kong hangin, hindi na daw nya masabayan ang trip kong panunuod ng Make way for Noddy at Dora tuwing umaga, hindi na daw nya masikmura ang pagkain ng buro bilang appetizer, wala na rin syang tiyagang sumuntok sa punching machine sa Quantum kapag nagdi-date kame sa S.M, at madami pang hindi na nya matitiis sa relasyon namin.

Wala na nga kame ni Lea. Pero Masaya pa ring balikan ang mga magagandang alaala.

“Ric babangga tayo!”, may kung anong hiyaw sa paligid akong narinig.

Mas malakas kasya dati ang hanging dumadagsa sa aking mukha. Hindi ko maramdaman ang braso kong nakadungaw sa siwang ng nakabukas na bintana.

Parang naging slowmotion ang pagpanaw ng imahe ni Lea sa panunumbalik ng tanawin ng makapal na kulumpon ng puno sa paligid. Umiikot ang aking paligid! Bumibigat ang aking ulo sa harap ng nag-uumikut-ikot na mundo. Hindi ko mabilang ang ang kalampag ng pagbagsak ng bakal na kahon sa kalsadang semento.

May kung anong basa na dumadaloy sa aking ulunan. Nahawi ng pulang tanawin ang berdeng mga puno at puting kalangitan.

Unti-unti akong nilalayasan ng kamalayan…

Ganunpama’y may baon akong masayang gunita sa pagharap sa huling hantungan. ###

 

Ang Kwento ng Kasuputan ni Onse (Bakit Ikaw ba tuli?)

Paalam sa pagkasupot.

Paalam sa pagkasupot.

Nang sinuntok nya ako at pumutok ang nguso, hindi ko yun ininda, hindi ko yun naramdaman. Mas masakit ang panunuksong inaabot ko kay Tony sa tuwing nasasalubong sya sa labasan.

Kababata ko si Tony, kame nila Kuykoy, J.B, Onel at Rr sa lugar namin sa Maligaya. Magkakasama kameng naglalaro ng agawan base, baseball, football at black 123 sa  bukid. Madami kameng kalokohan kapag magkakasama.

“Hoy Onse supot! Patuli ka na kung hindi mutain ang magiging anak mo.” Yan ang laging salubong saken ni Tony nitong ilang mga buwan kapag nagkikita kame.Palibhasa mga tuli na sila at ako nalang ang natitirang may lambi na nakabalot sa ulo ng aking titi. Noong nakaraang bakasyon nang silang lahat ay nagpatuli sa barberya ni Tata Deking. Tuwing bakasyon ay hindi nalang  buhok ang ginugupitan dito kundi pati narin titi ng mga nagbibinata tulad ng mga kababata ko.

Malas lang dahil hindi ako nakasabay sa kanila noon sa pagpunta sa barberya ni tata Deking. Katwiran ko sa edad  kasing 11 ay hindi pa ako tagpos kaya hindi pa dapat tuliin. Ngayon ay nasa kalagitnaan ng taon sa eskwela, hindi magtutuli si Tata Deking. Ang kahulugan noon ay ilang buwan ko pang titiisin ang kantyaw ng aking tropa.

“Supot na Onse! Mutain ang magiging anak mo nyan. Patuli ka na!” kantyaw muli ni Tony habang naglalaro kame ng basketball nila Kuykoy, J.B, Onel at Rr. Napahiya ako. Nawala ang konsentrasyon sa paglalaro. Hindi gumana ang aking mga peydawey, hook shot at jump shot. Lalong nawalan ng bisa ang aking mga lay-up dahil kahit mga tropa kong sila Kuykoy ay sumasama na rin sa pagtawang pinasimulan ni Tony.

Minsan sa tindahan nila aling Iska habang bumibili ako ng softdrink, kinantyawan nya ako ng ganito sa harap ng maraming tao. Para akong nanliit sa gitna ng halakhakan at hiyawan ng mga tambay na mga binata sa amin. Nakakagalit lalo tingnan ang naglalawa sa laway na bunganga ni Uman habang pinagtatawanan ako. Sa inis ko ay kumaripas na lamang ng takbo pauwi sa amin.

Ilang araw akong nagmukmok sa bahay. Pinagtyagaang sabayan ang trip panuorin na palabas sa t.v ng nakababata akong kapatid-  ang Heidi(anak ng kabundukan) at Sarah( ang munting prinsesa) sa gabi ay ang drama na Ezperansa at Mula sa Puso.Kating-kati na ang paa ko na tumakbo sa  bukid at manghuli ng mga nagliliparang subsob-tae(maliliit na salagubang) sa paglubog ng araw. Hindi ko muna yun magagawa dahil kapag nakita ako ni Tony ay tiyak kakantayawan muli nya ako ng mga katagang nagpapapanting sa aking pandinig.

Akala ko magiging mapayapa na ako pagdating sa eskwela. Ilang lingo na ring bahay-eskwela nalang ang mundo ko dahil sa pag-iwas sa mga kantyaw ni Tony. Pero nakalimutan yatang sa paaralang pinapasukan ko, ay doon din pumapasok si Tony at ang tropa kong sila J.b, Kuykoy, at Onel. Lamang lang sila ng isang taon saken, grade 5 ako at grade 6 silang apat.

Tinakpan ko ang aking mukha at nakayukong sasalubong sa dagsa ng papauwi nang mga grade 6 na sina Tony. Papasok palang kame na mga grade 5. “Hoy Onse supot! Akala mo hindi kita makikita ha. Patuli ka na kung hindi mutain ang magiging anak mo”, bulyaw muli ni Tony sa akin.

Halos gusto ko nang mamatay nung oras na iyon. Gusto kong biglang maglaho, mag-teleport gaya nang ginagawang technique ni Son Gokou. Gusto kong maglaho sa sobrang kahihiyang supot pa ako. Hindi pa ako tuli at baka maging mutain ang magiging anak ko balang-araw.

Pero teka bakit ko ba ito dinadamdam? Ano ba kung hindi pa ako tuli? At ano ba ang kinalaman ng pagiging supot sa pagiging mutain ng magiging anak ko? Sabi ni Kuykoy nung nagkukwentuhan kame isang gabi, habang naka-upo sa mga manhole na nagpapabigat sa poste ng ring ng court, na kailangan daw matuli ng isang nagbibinata para maging malinis ang katawan. Marumi daw kasi yung mga puti na tinatawag na kupal na nasa ilalim ng mga lambi. Kaya para mawala yun ay dapat matuli para maging malinis.

Sabi naman ng cathecism teacher naming  si Sis. Susan, nagsimula daw yung tradisyon ng pagtutuli na tinatawag na “Rite of Passage” sa mga hudyo noong panahon ni Abraham nang tinuli nya si Isaac. Hudyat ang ritwal na ito na maaari nang hanapan nang mapapangasawa ang binatang edad 12. Tulad ng sa ngayon, ang dahilan nya ay para maging malinis si Isaac.

Kung ganun dahil supot pa ako ay marumi na ako? Paanong yun ang naging pamantayan? Araw-araw akong naliligo bago pumasok sa eskwela at nagsisipilyo ng ngipin, hindi tulad ni Tony na inirereklamo ni Titser Ongchangco ng pagiging dugyutin. Pumapasok  nga ito  na may panis na laway pa ang bibig at gulu-gulo ang buhok na hitik sa lisa.

Napanatag ang loob ko. Dumerecho ng paglalakad papuntang klase. Hindi ko na pinansin ang walang patid na tawanan ng mga kamag-aral pang-aasar sa akin ni Tony. Nagtatawa ang ilan sa kanila kahit tulad ko din namang supot pa. Natatawa sila dahil hindi sila yung inasar pero kung sila yun ay baka sobra pa sa reaksyon ko ang gagawin nila.

Habang nagtuturo si Ms. Pillo ng aralin sa HEKASI(Heograpiya, Kasaysayan at Sibil) kaugnay sa katangian ng Bansang Pilipinas (Likas-Yaman at Yamang-Tao) ay naglalaro sa isip ko ito…

At sino ang supot sa amin? Sila na natatawa dahil mayroong isang bata na supot pa. E sino ba ang sinilang sa mundo na tuli? Sila yata itong supot ang isip. Kapag hindi sumabog ang paputok, tinatawag na supot. Kapag  hindi lumipad ang space rocket ni Dexter sa kanyang laboratory sasabihing supot din. Lahat ng palpak ay supot!

Kung ang kahulugan ng supot ay palpak, e kung ganun ay supot din si Pangulong Ramos at Erap na sinundan ni Gloria at ngayon ay si P.NOY. Dahil lahat sila ay kasuputan ang naging programa at polisiya. Hindi pa rin natatagpos ang pagiging supot sa kahirapan ng mahigit kalahati ng mga Pilipino. Supot ang mga senador at kongresista dahil puro budyet na lang nila ang pinagdidebatehan sa halos buong taon imbes gumawa ng batas. Supot ang Korte Suprema dahil usad pagong pa rin ang pagresolba sa mga kaso tulad ng nangyari sa kapitbahay kong si Mang Ed na pinatay ng isang pulis dahil napagbintangang drug-pusher.

At supot ang ekonomiya ng bansa dahil hindi pa rin ito makaigpaw sa utang panlabas at pag-asa sa pag-iimport ng mga produkto base sa napag-aralan namin sa HEKASI kanina. Higit sa lahat ay supot ang kamalayan ng mga Pilipino. Dahil nananatiling kolonyal, materialistiko, at tatak alipin ang madami sa mga ito. Parang si kuya Cesar na kapitbahay namin na naniniwalang  wala nang pag-asa ang Pilipinas. Mabuti pa daw sana kung hilingin sa U.S na gawin nila tayong probinsya. Nasa Maligaya lang sya buong buhay nya at naghihintay ng kung anong swerteng dadating. Katwiran nya ay wala namang pinag-iba ang pananatili sa paglayo. Huwag nalang daw kumilos. Huwag nang gumalaw.

Pagka-alas-6 ng gabi, tumunog na ang buzzer. Oras na ng uwian. Tumakbo ako ng pagkabilis-bilis pauwi ng bahay. Hindi dahil may hapdi at humihilab ang aking tiyan kung hindi gusto kong makaharap si Tony, ang tuli kong kaaway.

“Hoy Tony tama na ang pamamahiya mo sa akin. Supot nga ako pero ilang buwan na lang ay matutuli na rin. Ikaw tuli ka nga pero parang supot ka pa rin!” sigaw ko sa kanya nang maabutan ko syang naglalaro ng luksong baka sa bukid kasama ang katropa nyang sina Harlo at Mamong.

Sinuntok nya ako bigla sa nguso. Agad itong sumabog at nagdugo. Siniko ko naman sya sa likod at sinuntok sa sikmura. Napaluhod si Tony sa sakit ng masikmuraan. Tumalikod ako para umuwi ng bahay. Kampanteng matatapos na ang pangangantyaw dahil mayroon akong napatunayan ngayong gabi. Supot nga ako pero mayroong lakas. Mayroong lakas ng loob na makakayang harapin ang labahang puputol sa sobra kong lambi.

Sinuntok ako ni Tony. Sabog at nagdudugo ang nguso sa lakas ng kanyang suntok. Pero hindi ko yun ininda. Hindi ko yun naramdaman. Mas tumimo sa akin ang mga salita nyang ako ang pinatatamaan. Supot nga ako, e ano naman? Bukas makalawa haharapin ko si Tata Deking at puputulin itong sobrang balat sa gitna ng aking katawan.

Kung gusto mo Tony, titingnan ko pa habang ito ay nilalabaha ni tata Deking.

At mula sa leksyong natutunan ko kay Ma’am Pillo ngayong araw tungkol sa katangian ng Pilipinas, susubaybayan ko rin ang kasuputan ng lipunan. Pag-aaralan ko kung saan at kung papaano ako maka-ambag para mapatagpos ito mula sa kanyang kasuputan.

At pusta ko wala akong aray na ibubulong sa hangin. Mas masakit ang salitang binitawan kaysa sa suntok na bumasag at nagpadugo sa aking nguso- na nagpatuli sa akin. ###

Maikling Kwento

Ni Elmer Arisgado

Buwan ng Disyembre

Hindi pa ganap ang lamig at hangin dala ng Amihan
Wala pa ang malakas na indayog ng mga damuhan sa bukid
Makakatulog pa naman sana ng mahimbing sa lalim ng madaling-araw
Dahil wala pa ang batingaw ng kampana ng simbang gabi.

Hindi pa naman dumadalaw ang ingay ng nagka-carolling na mga bata sa labas
Wala pa rin namang naniningil ng regalo na mga inaanak
Makakatulog pa naman sana ng mahimbing sa lalim ng madaling araw
Dahil wala pang dapat ikagambala sa alalahanin ng mga gastusin.

Hindi pa naman dinig ang tilaok ng mga tandang sa likod-bahay
Wala pa rin naman ang sigaw ng mga naglalako ng taho at pandesal
Ngunit bakit hindi mapayapa at makahimbing sa lalim ng madaling araw?
Dahil kaya nagbabalik ang mga ala-ala tuwing sumasapit ang unang linggo ng buwan ng Disyembre?

###