Aurora Phenomenon: Ang gabi ng Paglisan ni Tatay

Aurora PhenomenonKung magkakaroon ako ng pagkakataong ibalik ang mga nagdaang araw, buwan at taon parang iyong tema sa pelikulang Somewhere in Time(1979); gusto kong balikan ang petsang Oktubre 8, 1998.

Tanda ko pa ang gabing iyon ng biyernes pasado alas-6 ng gabi na kami pinauwi ng titser naming si Ms. Vidal dahil ang grupo namin ang cleaners sa aming silid-aralan. Madilim na nang magsimula kameng maglakad pauwi ng Ibayo sa lugar namin kasabay ang mga kaibigan at kaklase kong si Noel at Ranjit.

Kakaiba ang langit nang gabing iyon. Parang may nagaganap na digmaan sa kalangitan. Sari-sari ang kulay; may bughaw, puti, indigo at pulang nagsasanib-sanib sa malawak na kalangitan at bumubuo ng isang malapad na pabilog na imahe. Ngayon ko na lamang nalaman na Aurora phenomenon ang tawag sa pangyayaring iyon. Pero anupaman ang tawag doon ay hindi ko makakalimutan ang gabing iyon.

Madalas pa rin ang aking pagtingala sa langit hanggang makarating ako sa pintuan ng bahay. Nadatnan ko sa loob sina Nanay at Tatay. Noon ay nag-iempake ng mga damit si tatay. Mukha namang hindi sya magtatagal sa malayo dahil isang itim na back pack lang ang kanyang dalahin pero ewan ko ba dito kay nanay; kahit kailan talaga mababaw ang luha. Nakamasid sya sa pag-iempake ni tatay ng mga gamit, patuloy ang pagbaba ng mga luha at pagpunas nito ng kanyang mga kamay. Nakamasid lamang sya at hindi tinutulungan si tatay hindi katulad ng madalas nyang pag-aasikaso dito.

Muntik ko nang isiping nag-away siguro ang dalawa at maghihiwalay na kung hindi nilapitan ni tatay si nanay at hinalikan sa noo sabay punas sa tumutulong luha.

Nagsimula nang mamula ang mga mata ni nanay at mamaga.

Hindi nila ako napansing nakauwi na. Nangingiti lamang akong pinagmamasdan sila.

“Huwag kang mag-alala mahal! Bibisitahin ko kayo tiyak tuwing may pagkakataon.”

“Siguraduhin mo lang kung hindi ay mag-aasawa ako ng iba.”

“Alam kong yan ang hinding-hindi mo magagawa. Maliban kung wala ka nang tiwala sa ating pinaniniwalaan.”

“Syempre hindi ko yun gagawin. Huwag kang mag-alala, aalagaan kong mabuti ang anak nating si Obet. Suportado naman kita sa desisyon mo pero nangangamba lang ako kung kaya kong palakihin si Obet nang mag-isa. Oh heto na pala sya!”

Napalingon silang sabay sa akin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang ngiting iyon ni tatay.

“Malaki na at matalino ang anak ko parang kalian lang!”, sabay yakap at karga sa akin ni tatay. Labingdalawang taon na ako at patapos na sa elemetarya pero at may kabigatan ang timbang pero parang napakadali lang kay tatay na buhatin ako at isampa sa kanyang balikat.

“Obet, malaki ka na. Alagaan mo si nanay ha. Mag-aral ka ng mabuti at maging mabait. Aalis lang muna si tatay.”

“Saan kayo pupunta tay?”

“Magtatrabaho ako anak. Para sa atin at para sa lahat.”, sagot nya sa akin. “At Angela, wala man ako dito kasama nyo pero sabay nating palalakihin ang anak natin. Hindi ako mawawala sa inyo”

Palaisipan sa akin kung anong trabaho ni tatay na para sa amin at para sa lahat. Ilang beses ko ring itinanong kay nanay kung ano ang propesyon ni tatay. Minsan ang sabi nya ay abugado daw si tatay. Ipinagtatanggol nya ang mga mahihirap. Minsan naman ang sabi ni nanay ay titser daw si tatay, tinuturuan nya ang mga inaaaping magkaroon ng edukasyon at kaalaman para maintindihan nila ang kanilang kalagayan at baguhin iyon. Noong huli, sundalo naman daw sya. Sundalo ng mamamayang anakpawis.

Ewan ko ba! Hindi ko maintindihan si nanay. Basta ang paniwala ko, mabuting tao si tatay. Wala man sya madalas sa bahay pero tinitiyak nito na lagi syang makauwi sa mga importanteng okasyon tulad ng kaarawan ko at ni nanay, anibersaryo ng kanilang kasal at noong araw ng pagtatapos ko sa Elementarya. Sya pa nga ang nagsabit sa akin ng medalya at pinagsisigawan sa mga kapitbahay namin na Valedictorian daw ako na anak nya.Noong araw na iyon, pinilit nya akong magtabi kameng tatlo nila nanay sa pagtulog. Naiilang na ako noon dahil binata na ang tingin ko sa sarili.

Sa sumunod na lingo, dumating sa amin ang isang masamang balita. Biglang hinimatay si nanay sa pagkabigla. Si tiya Pura ang humahagulgol na nagkwento sa akin na masamang balita.

Sa isang morgue sa Siniloan, Laguna ko muling nakita si tatay. Yakap-yakap ako ng mahigpit ni nanay. Walang patid ang pagtulo ng kanyang luha at pagpalahaw. Wala nang buhay si tatay. Para syang si Hesus na may butas ang dalawang palad. Ayon sa nag-embalsamo sa kanyang katawan, ginawa na raw nila ang lahat ng magagawa para pagandahin ang ayos ng bangkay ni tatay. Lumiit sya sa dating laki dahil nabasag ang kanyang dalawang tadyang, basag ang bungo mula sa tama ng bala sa kanyang noo, at may ama rin ng baril ang kanyang mga paa.

Sa burol ni tatay, nakausap pa namin ang isang nagpakilalang kaibigan ni tatay. Ang sabi nya, matapang at modelo daw si tatay sa katatagan at husay. Noong gabi daw na mapatay siya, galing pa siya sa isang kumperensya ng mga magsasaka sa isyu ng hatian sa ani na palay. Inilalaban ng mga magsasaka na 70% ng ani ay dapat mapunta sa mga magsasaka at 30% lamang dapat sa hindi nagpakapagod na panginoong may lupa. Pero kabaligtaran nito ang gusto naman ng huli. Isa si tatay sa tumutulong sa mga magsasakang ito para hindi masunod ang pagiging gahaman ng may-ari ng lupa.

Sabi pa nya, sinundan daw ng mga kalalakihan si tatay. Tumuloy si tatay sa isang komunidad. Nang bandang alas-11 ng gabi ay kinubkob ng mga armadong kalalakihan ang komunidad. Kinumpiska nila ang lahat ng gamit pang-komunikasyon ng mga residente. Sa pinaka-gitna ng lugar na iyon ay ang bahay ng pamilyang tinutuluyan ni tatay.

“Nang tiyak nang kontrolado nila ang buong komunidad, sumigaw silang lumabas at sumuko na si Abner- ang tatay mo. Alam ni Abner na kapag lumaban sya ay madami ang madadamay kaya payapa syang lumabas ng pinto para sumuko. Pinaluhod sya ng mga armadong kalalakihan. Tinanong kung sya ba si Abner, at nang sinabi nang huli na sya nga- bigla syang binaril sa magkabilaang paa. Nagkaka-kandirit sa sakit si Abner. Masaya at nagtatawanan ang mga kalalakihang nakatingin sa kanya. Nang malaon ay napaluhod sya. Saka lumapit ang isang lalake at tinutukan sya ng baril sa ulo. Itinaas ni Abner ang kanyang dalawang kamay para protektahan ang kanyang ulo. Nang biglang pinaputukan sya ng baril. Tumagos sa dalawa nyang kamay ang bala papunta sa kanyang noo. Doon ay natiyak kong patay na sya. Pero hindi pa sila nakuntento. Pinagbabaril nila ng ilang ulit. Sabay-sabay ang limang tao na pinuntirya ang dibdib nya. Nakikita ko pa kung paano nagtalsikan ang mga dugo at gutay-gutay na lamang loob ni Abner. Nakikita ko pa kung paano nila winalang-hiya ang batas na umano’y pinagtatanggol nila.”

Hindi pa man natatapos ang kwento tungkol sa pagkamatay ni tatay ay hinimatay muli si nanay. Ako naman ay hindi na napigilan ang malakas na pagtangis. Noon ko lang nagawa ang ganoon kalakas na pagngawngaw.

Apat na araw lamang ang itinagal ng burol ni tatay. Katwiran ni nanay, ayaw nyang mapangibabawan ng imahe ni tatay sa loob ng kabaong ang buhay at masayang larawan nya sa aming ala-ala.

Kaya kung magkakaroon ako ng pagkakataong ibalik ang mga nagdaang araw, buwan at taon parang iyong pelikulang Somewhere in Time(1979); gusto kong balikan ang petsang Oktubre 8, 1998. Gusto kong yakapin si tatay sa kanyang paglisan at tanungin ang dahilan ng kanyang paglalakbay. Gusto kong maunawaan ang kanyang pinaniiniwalaan at ang dahilan kung bakit kailangang pagsilbihan ang mamamayan. Bakit nya pinili ang trabahong magkapantay ang panginabang ng sariling pamilya at ng lahat?

Tanda ko pa ang gabing iyon ng biyernes pasado alas-6 ng gabi na kami pinauwi ng titser naming si Ms. Vidal dahil ang grupo namin ang cleaners sa aming silid-aralan. Madilim na nang magsimula kameng maglakad pauwi ng Ibayo sa lugar namin kasabay ang mga kaibigan at kaklase kong si Noel at Ranjit.

Kakaiba ang langit nang gabing iyon. Parang may nagaganap na digmaan sa kalangitan. Sari-sari ang kulay; may bughaw, puti, indigo at pulang nagsasanib-sanib sa malawak na kalangitan at bumubuo ng isang malapad na pabilog na imahe. Ngayon ko na lamang nalaman na Aurora phenomenon ang tawag sa pangyayaring iyon. Pero anupaman ang tawag doon ay hindi ko makakalimutan ang gabing iyon.

Katulad ng gabing iyon na tila may digmaan sa kalangitan, may digmaan ding piniling harapin si tatay. Ilang panahon pa ay maiintindihan ko rin ang kanilang mga dahilan. ###

Lagi pa ring Kasama

Lagi pa rin kitang kasama
Buksan mo pa ang laman ng aking bulsa,
Naroon ang kaluping* binigay mo isang umaga
At ang keychain na pasalubong nang minsang
Nagbakasyon ka.

Kasa-kasama lang kita
Mula sa pantalon at damit na suot ko kanina.
Nakatago lamang ang porselas at kwintas,
Ang inukit na dampay nandito pa,
At ang pinatuyong bulaklak- mahogany mula Laguna.

Naroon ka rin sa aking sisidlan ng tubig
Sa loob ng pamilyar sayong lalagyan ng gamit.
At ang iyong liham,
Katabi noon ang magkasama nating larawan
Nung minsang inabala tayo ng ulan.

At sa gabi sa pagtulog matapos ang buong araw,
Para na ring kinukumutan ng iyong yakap,
Mula sa malong na sadyang ‘di ko na ibinalik.
Napapawi kasi nito ang lamig sa madaling-araw
At napapanatag ang binabagabag na isipan.

Kaya huwag mong isiping ‘di na kita kasama.
Naroon ka lang sa pulang osong laruan,
Hawak ang pin na nakatatak ang iyong pangalan.
Baon ko sa araw-araw,
Ang masasayang ala-ala ng pinagsamahan.

_____
1-22-13
Para kay A na isang Sister.
*lalagyan ng barya

Kung Paano Naisapraktika ang Sistema ng Hating Kapatid

Mayroon akong tatlong pamangkin – si Rachelle (apat na taon gulang) ang panganay, si Melika (tatlong taon) at si Judith (isang taong gulang) ang bunso. Lahat sila ay babae na anak ng nakatatanda kong kapatid na si ate Michelle.

Kapansin-pansin ang pagkakaiba-iba sa ugali ng tatlo kong pamangkin. Bugnutin, madaldal at matatas magsalita ang panganay; masayahin, matakaw at bubulul-bulol ang pangalawa; habang tahimik, palangiti, at sakitin ang bunso.

Sa pagkain nakadepende ang gana ng panganay sa kung ano ang nakahain. Ayaw nya ng gulay at isda. Magana lamang sya kung prinitong manok ang uulamin. Mabuti iyong pangalawa at ang bunso dahil kahit anong putahe ay magana silang kumain.

Pero kung may pagkakasunduan ang tatlo sa pagkain, iyon na ang paghahanda ng chocolate wafer sa meryenda. Kung gusto mo ngang makita silang pare-parehong masasaya at tahimik, pakainin mo lang sila ng chocolate wafer at tiyak buo na ang araw nila.

Bibigyan sila ni ate Michelle ng tig-iisang supot ng wafer –pantay-pantay, hating-kapatid. Hindi maipinta sa saya ang mga mukha ng tatlong magkakapatid.

Pero tuso ang panganay, binilisan ang paghabhab sa wafer na kinakain. Nang maubos ay inuto ang bunso na mabagal pang kumain na hingin ang wafer at saka kinain.

Nang sumunod na araw, sumabay sa pagkapilya ang pangalawa. Pinagmasdan lang pala ang panganay sa ginawa nito noong nakaraang araw. Nilapitan nya ang bunso at solong inilayo. Pero mas tuso ang panganay, nakita nyang inaakay ng pangalawa ang bunso. Sa huli napagkasunduan ng dalawang matanda na paghatian ang wafer ng bunsong si Judith. Walang natira sa nagngangangalngal na bunso.

Lumipas ang ilang mga araw ay nagpatuloy ang ganoong sitwasyon. Dahil may kabagalan sa pagnguya ang bunso ay kinukuha ng dalawang nakatatandang kapatid ang kanyang meryenda.

Isang araw ng linggo, kumpleto ang pamilya. Naroon sa pambihirang araw na iyon ang ina’t ama ng magkakapatid. Sa oras na iyon ay magmimeryenda muli ng wafer ang tatlong mga paslit.

Makikitang tatawa-tawa ang dalawang nakatatandang magkakapatid. Matatanaw naman ang nangangambang kislap sa mga mata ng bunsong si Judith. Hindi pa man sya nakakapagsalita pero mababasang may pag-aalala syang mapaglamangan muli.

Pero kakaiba ang araw na iyon, isang hapon ng linggo. Nagsumikip sa tabi ng ina’t ama ang bunso. Lumapit din sina Rachelle at Melika. Handa nang paglalangan ang nakababatang kapatid.

Biglang isinilid ni Judith sa bulsa ang parte nyang wafer. Nagulat ang dalawa na noo’y nakapwesto na sa harap nya. Hawak ng magkabilang kamay ang wafer nilang meryenda. Nakatingin sa kanila ang bunso. Sabay hablot sa wafer ni Rachelle at ni Melika. Dinila-dilaan ng bunso ang mga wafer ng dalawa.

Nagulat ang dalawa, ilang sandali silang nakatigil na nakanganga na nauwi din sa pagtangis. Noong hapon na iyon, hindi isa kundi tatlo ang dahan-dahang nginuya ng bunsong si Judith. Mula noon ay hindi na rin inulit ng dalawang nakatatanda ang paglamangan ang bunsong kapatid.

Natuto na silang isabuhay ang sistema ng hating-kapatid!
###

Alak sa Pananaw ni Charlie

alakUmuusok na yelong natutunaw,

Basong nagkakalampagan –

Nagkakamustahan sa maghapong

Pakikipaglaro ng patintero sa gutom at kamatayan

Ng mga karaniwang-taong nabubuhay sa para-paraan.

 

Sa isang lagok ng malamig na rhum,

Makakalimutan ko ang imahe ng pagkabigo.

Lumipas na pala ang limang-buwan nang hindi ko namalayan!

Suweldo ko’y hindi  man lang naramdaman.

Nabaon pa nga sa utang.

 

Sa isang tungga ng lambanog- niyog man o sasa –

Kahit pa walang kasabay na tubig pantulak,

Kaya kong lunukin ng bigla.

Sasaliwan ko pa ng pagkanta,

Hindi ko lang maalala ang kaawa-awang mukha ni  Nena,

Nung paulit-ulit syang ginahasa.

 

At mangasim man ng tuluyan sa tubang bagong ani ni lolo Juan,

Hindi iyon katumbas ng asim ng buhay.

Doon sa katotohanang si Lolo Juan ay ninakawan ng harapan

Ng lupain nyang tanging  kabuhayan;

Ay inari ng dayong mangangamkam

 kasapakat ang batas

Na nilasing sa suhol na yaman.

 

Kaya ituloy na lang ang inuman.

Malimutan man lang sandali ang papatindi pang kahirapan –

Pagtaas ng presyo ng pagkain, langis at sigarilyo,

Pagkatapos nito tiyak said ang bulsa dahil kasabay na ring

Nagmahal ang alak na sentro ng inumang ito.

 

Pero bakit mo pa panghihinayangan yun,

Kung busog naman tayo sa tawanan at kwentuhan

Sa buong magdamag ng ating pagpapakalunod?

Hindi ba’t mabuti na iyong may mababalikan tayong

Ala-ala ng masaya nating pagsasama na sinaksihan

Nitong hindi na mabilang na bilog na Hinebra?

 

Maya-maya pa bago ang sesyong ito ay matuldukan,

Magbanlaw muna ang lahat ng serbesa na ang bula

Ay umaapaw sa basong babasagin.

Para bang pagkatapos ng sigwa at nalabusaw ang lahat,

Kailangang magpatining sa suwabeng inuming

Pangpakalma sa maoy na diwa.

 

Kaya ganito na lamang kung pahalagahan ko ang alak.

Sa impluwensya nya’y nasasambulat ko ang hinanakit sa mundo.

Makakaya kong sapakin ang kahit na sinong Pontio Pilato.

Kahit pa man maliit at payat ang katawan ko,

Maibabasag ko ang walang lamang bote

Sa ulo ng kainuman kong patuloy na nanunukso.

 

Sabi nga sa sikat na kantang narinig ko sa mga mangingisda:

“Sabi ng nanay ko mabuti pa ang maglasing

Huwag lamang umuwi nang mayroong suliranin.”

Lasingin lamang daw ang tiyan huwag ang isip

Sa paniniwalang bukas nang umaga pagkagising

Ay magbabago nang kusa ang daigdig.

 

Kaya alisan nyo na ako ng yaman, anak o asawa.

Kamkamin nyo nang ganap ang lupain, bahay at sinasaka.

Hubaran  ng saplot at  damit kapag ako’y lasing na

O kaya’y pagnakawan ng pera at pitaka,

‘wag lamang ipagkait ang karapatang magpakalango sa alak-

Kung hindi ay uulitin ko ang sinaunang pag-aalsa*.

——– 

Naisulat ko ito habang nasa impluwensya ng alak at kasalukuyang nawawala sa sarili ang kaibigan kong si Charlie, isang gabing nag-iinuman kame.

*Noong 1807 tinaasan ang buwis at tinangkang monopolyohin ng kolonyalistang Pamahalaang Kastila ang produksyon ng Basi- isang uri ng alak na mula sa tubo, sa Ilocos. Dahil dito ay nag-aklas ang mga Ilokano upang labanan ang panggigipit na ito at tinawag na Basi Revolt.

 

    

Hibang ang Manunulat

Hibang ang manunulat,

Kung ang kanyang obra ay puros pantasya at alamat.

Hindi umaalis sa romansa ang istilo at paksa ng mga panulat,

Sentro ang baliw na pag-ibig sa istoryang mahaba,

nagsanga-sanga’t nagsalu-salungat.

Nakakulong ang kanyang isip sa isang mapanglaw na gubat.

Kung saan ang repleksyon at sinag ng realistang araw ay hindi sumisikat.

Mas gusto niyang karakter sila Cinderella at Snow White.

Hindi nya ibig makita ang maputik na kamay nila Jose at Maria.

Para sa kanya ang mundo ay puros kulay at ligaya.

Kahit tanaw nya ang madaming taong natutulog sa bangketa.

Mas naaawa siya sa mga punong nabalian ng sanga,

Kaysa sa mga paslit na namamalimos sa kalsada.

Sa huli, maiinis siya kapag nabasa itong tula.

‘Pagkat iyon siya,

Tapat lamang sa pagiging hibang na manunulat!

______
2-17-10

Litaw-Bato Construction

Nadapa ako kahapon
Nakaramdam tuloy ng hiya
Mga mata ng usurero’y sa akin sumadya
Pigil ang pagngisi, nagtakip ng panyo pagkadaka

Nadapa ako kahapon
Dahil sa batong nakausli
Litaw-bato construction kasi’ng kalsada pagkayari
Ayun tuloy napahiya ako sa dalagang tinatangi
Dahil dito’y nasok ako sa seminaryo upang maging pari

______
2-10-10

Noong nasa Bataan ako, dumaan ang sasakyan namin sa isang malubak na kalsada. Ang sabi ni Tatay Resty na taga-roon, bagong gawa lang daw iyon. Wala pa nga daw isang taon nung matapos. Tinipid at minadali daw kasi ng contractor ang konstruksyon. Pero makalipas lang ang ilang buwan ay nagkabitak-bitak hanggang nasira na kaagad ito. Dahil dito, ang naging tawag nila sa kalsadang iyon ay Litaw-Bato Construction.

Sukal

Naglakad-lakad akong ang patutunguhan ay hindi alam.
pinadpad ng dalawang nag-uunahang paa sa lugar na noo’y hindi pa napupuntahan.
Bagamat halhal sa pagod at habol hininga; tagaktak ang pawis at nag-aalala
Pansamantala’y naibsan ang pangamba sa harap ng tanawing napakaganda

Isang lugar iyong magaan sa pakiramdam
Matayog ang mga puno at presko ang hanging hinahalikan ang aking labi
Hangin! Hay ihip ng hanging tinutuyo ang aking pawis
Hinahaplos ang aking buhok, waring inang mapagsuyo sa anak niyang matagal nalayo.

Nagpatuloy sa paglalakad ang mga paang nalimot na ang salitang kapaguran
Narating ang batis at agad nagtampisaw, lumangoy sa tubig na pasalungat sa agos
Dinilig ang tuyong lalamunan at pinunan ang sisidlan
Baon ang ginahawang alaala ng kabataan

Nang makayari ay muling kinuha ang mga gamit
kung saan nahinto ay siyang simula ng pag-awit
muling sinimulan ang pag-uunahan ng mga paa
tinatabig, pinuputol gamit ang sundang ang mga balakid na sanga

Naglalakad akong ang patunguhan ay inalala
ilang sandali pa ay naging pamilyar sa daang tanaw nasa harap na
nakahinga ng maluwag at may pagngilid ng luha sa mata
sa wakas na landas ako’y pauwi na.

Tsismisan

Si eba at adan nagtsismisan
Mula ang balita sa ahas na mapanlinlang
Makamundong prutas daw ay masarap tikman
Dahil dito sila’y pinalayas at pinarusahan
Nang huling Makita ay hubut hubad at tuloy- napagtsismisan

Tsismis, tsismis, tsismis
Libangan nang naturingan
Sa mga umpukan sa looban; sa binggohan at peryahan
Lagit lagi may napag-uusapan, laging may napagkukwentuhan

May tsismis sa artista: paglaladlad ni Rustom ng kabaklaan
Hiwalayang Kris at James Yap,
sex video nina Hayden Kho at Katrina;
mga patok na laman ng mga usap-usap

may kwentong palakasan:
lupet ng relasyong Pacquiao at Krista,
mas gwapo si Cris Tiu kay j.v Casio,
kung hindi pagkabaldado ng mga atletang Pilipino
tulad ni Gorres, makahatid lamang ng dangal sa bayang ito

parang showbiz din sa dating ang pulitika:
si Lacson daw ay bading,
si Gloria at Nani ay matagal na daw ang pagtangi at suyuan,
si P.Noy umano ay abnoy at si Binay ay wika ni Korina’y tila empakto sa lupa,
ang mga kwentong sikat

Tsismisan ng magkakapi t-bahayan, si kuwan ay ganito si kuwan ay ganyan
Buong komunidad ay nagtatagpo, nagkakaugnay-ugnay kasunod
Ay nagkaka away-away,
Sa walang katapusang tsismisang maatikabo
Na pinasimulan nina Eba at Adan

—-
3-1-10

Mahabang Paglalakbay

Ang bawat hakbang may kahulugan at naisin
Sa kalsadang semento o espaltong daan,
Sa lupang kalye o gasgas sa kasukalan,
At pilapil sa mga gilid ng palayan.

Bawat hakbang ng paa, inaalay sa bayan.
Kaliwa’t kanang naglalakad ng may layunin.
Abante pasulong sa gitna ng paglaban-
Inaalay sa masang nasa kumunoy ng kahirapan.

Tinatabig ng paa ang mga damong sagabal.
Katulad ng pagtabig sa mga buwitre
sa iba’t ibang posisyon ng pamahalaan
hinahawi ng tungkod na kahoy ang mga batong madulas,
umiiwas at alerto sa mga tuod.
Tulad sa pagiging kritikal sa mga isyu ng bayan.

Patuloy ang paglalakad; minsa’y patag, madalas ay lubak.
Maging sa parang o bundok, sa dagat man o sa barrio ang tahak.
Piniling landas ng mga kasamang naunang naghawan,
dekada na ang lumipas.
Ngayon ay landas ding amin namang sinusundan.

Sa paglalakad minsan ay natitisod,
Sa haba ng lakad ay maswerte nang hindi mapulikat.
Ang pagkahulog sa pilapil ay parte ng rebolusyon!
Mapipilay sa pagkadapa, subalit babangon at babangon.

Kakayanin ilan mang paglalakbay
Aalon at susulong sa lahat ng lupalop ng bayan;
Magmumulat at magpapanday-
Hanggang sa wakas na atin na ang tagumpay!

——
11-9-9

Pangangamusta

Kumusta ka na ngayon?
Taglay mo pa din kaya ang ningning at ganda?
Ang pungay ng iyong mata at ngiti mo nariyan pa rin ba?

Ano na bang balita sa iyo?
May nagsabi sa aking sakal-sakal ka daw ng isang dayo
Gapos ang dalawa mong braso
At pinipigilan pati paghinga mo.

Totoo ba ito?

Kamusta na ang iyong mga anak?
Nasabi din na ‘di tulad dating sagana,
Ngayon ay gumagapang ka na sa dusa.

Hindi nga daw nakakapag-aral
Butod ang tiyan sa dami ng bulate
At walang saplot ang talampakan
Habang silang magkakapatid ay naghahabulan.
Dinig ang kanilang tangis sa gutom, gabi man o araw.

Totoo ba ito?

Pasensya ka na dahil hindi man lang ako makauwi sa atin.
Alam mo namang maging ako ay hirap din.
Ilang buwan na nga ring wala akong lupang matanaw
Puros tubig ang paligid sa patuloy kong paglalakbay.

Ay! Ay! Balita ko din ay panay ang iyong pagtangis.
Pagkat may nag-alipusta sa iyong puri
Patuloy ka pa rin bang pinagpaparausan
ng kano, kastila at sakang?
Pati nga daw ang ilan sa mga anak mo ay tuluyan ka nang pinabayaan.

Totoo ba ito?

Wala na nga daw ang iyong ganda
Parati ka pang lumuluha,
Marami pa ang paratang sa iyo na hindi maganda
Ngayon ay nasa karsel at naka kadena pati paa.

Marami na nga raw ang nagbago.
Tuluyan ka nang nawalan ng pag-asang ito’y magbabago.
Altanghap na nga lang noon,
Ngayon ay isang beses at gasino ka nalang kung pakainin.
Kung sa bagay, sino baga naman
Ang gaganahan sa lugaw at pagdidildil ng asin?
May tubig at ilaw ka nga na alam mong iyo
at sagana ka pero ipinagbibili pabalik sa inyo.

Ganito na ba talaga kahirap at kagulo?

Kung ganun ay paano at bakit nangyari ito?

Naaalala ko ang yaman ng iyong bukirin.
Mataba ang lupa at malusog ang mga pananim.
Hanggang dumating ang mga dayong sakim at lahat ng ito’y inangkin.

Ang lahat ng nilinang mo ay wala kang napakinabangan.
Pagdakay iniluwas at ngayo’y tinatamasa ng ibang bayan.
Sa ganitong kalagayan patuloy ang iyong paghihirap,
Ang kasiyahan ay salitang hindi mo na tanda.

‘kita mo nga’t pati ako ay lumayo sa iyo.
Ako ay isa lamang sa mga anak mo!
Sa lahat ng ito, ako’y labis na nagpaapekto.
Sa takot at hirap na dinanas
Ay nagpakalayu-layo at iniwan kang nagdarahop.

Ni hindi na nga kita matawag na ina;
At ang mga anak mo’y kapatid kung di iba!
Sa ibang bayan ako’y nangamuhan.
Kapalit ay pagkatuto na kung nariyan ay
Edukasyong idiniktang komersyo at kolonyal                                                        at batay sa merkadong pangangailangan.

At alam mo ang higit na masakit dito?
Simula pa man ay alam na alam ko ang mga ito
Ang bawat balita at pangyayaring ikinakamusta ko.

—–
2-2-10