Alak sa Pananaw ni Charlie


alakUmuusok na yelong natutunaw,

Basong nagkakalampagan –

Nagkakamustahan sa maghapong

Pakikipaglaro ng patintero sa gutom at kamatayan

Ng mga karaniwang-taong nabubuhay sa para-paraan.

 

Sa isang lagok ng malamig na rhum,

Makakalimutan ko ang imahe ng pagkabigo.

Lumipas na pala ang limang-buwan nang hindi ko namalayan!

Suweldo ko’y hindi  man lang naramdaman.

Nabaon pa nga sa utang.

 

Sa isang tungga ng lambanog- niyog man o sasa –

Kahit pa walang kasabay na tubig pantulak,

Kaya kong lunukin ng bigla.

Sasaliwan ko pa ng pagkanta,

Hindi ko lang maalala ang kaawa-awang mukha ni  Nena,

Nung paulit-ulit syang ginahasa.

 

At mangasim man ng tuluyan sa tubang bagong ani ni lolo Juan,

Hindi iyon katumbas ng asim ng buhay.

Doon sa katotohanang si Lolo Juan ay ninakawan ng harapan

Ng lupain nyang tanging  kabuhayan;

Ay inari ng dayong mangangamkam

 kasapakat ang batas

Na nilasing sa suhol na yaman.

 

Kaya ituloy na lang ang inuman.

Malimutan man lang sandali ang papatindi pang kahirapan –

Pagtaas ng presyo ng pagkain, langis at sigarilyo,

Pagkatapos nito tiyak said ang bulsa dahil kasabay na ring

Nagmahal ang alak na sentro ng inumang ito.

 

Pero bakit mo pa panghihinayangan yun,

Kung busog naman tayo sa tawanan at kwentuhan

Sa buong magdamag ng ating pagpapakalunod?

Hindi ba’t mabuti na iyong may mababalikan tayong

Ala-ala ng masaya nating pagsasama na sinaksihan

Nitong hindi na mabilang na bilog na Hinebra?

 

Maya-maya pa bago ang sesyong ito ay matuldukan,

Magbanlaw muna ang lahat ng serbesa na ang bula

Ay umaapaw sa basong babasagin.

Para bang pagkatapos ng sigwa at nalabusaw ang lahat,

Kailangang magpatining sa suwabeng inuming

Pangpakalma sa maoy na diwa.

 

Kaya ganito na lamang kung pahalagahan ko ang alak.

Sa impluwensya nya’y nasasambulat ko ang hinanakit sa mundo.

Makakaya kong sapakin ang kahit na sinong Pontio Pilato.

Kahit pa man maliit at payat ang katawan ko,

Maibabasag ko ang walang lamang bote

Sa ulo ng kainuman kong patuloy na nanunukso.

 

Sabi nga sa sikat na kantang narinig ko sa mga mangingisda:

“Sabi ng nanay ko mabuti pa ang maglasing

Huwag lamang umuwi nang mayroong suliranin.”

Lasingin lamang daw ang tiyan huwag ang isip

Sa paniniwalang bukas nang umaga pagkagising

Ay magbabago nang kusa ang daigdig.

 

Kaya alisan nyo na ako ng yaman, anak o asawa.

Kamkamin nyo nang ganap ang lupain, bahay at sinasaka.

Hubaran  ng saplot at  damit kapag ako’y lasing na

O kaya’y pagnakawan ng pera at pitaka,

‘wag lamang ipagkait ang karapatang magpakalango sa alak-

Kung hindi ay uulitin ko ang sinaunang pag-aalsa*.

——– 

Naisulat ko ito habang nasa impluwensya ng alak at kasalukuyang nawawala sa sarili ang kaibigan kong si Charlie, isang gabing nag-iinuman kame.

*Noong 1807 tinaasan ang buwis at tinangkang monopolyohin ng kolonyalistang Pamahalaang Kastila ang produksyon ng Basi- isang uri ng alak na mula sa tubo, sa Ilocos. Dahil dito ay nag-aklas ang mga Ilokano upang labanan ang panggigipit na ito at tinawag na Basi Revolt.

 

    

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s