Aurora Phenomenon: Ang gabi ng Paglisan ni Tatay


Aurora PhenomenonKung magkakaroon ako ng pagkakataong ibalik ang mga nagdaang araw, buwan at taon parang iyong tema sa pelikulang Somewhere in Time(1979); gusto kong balikan ang petsang Oktubre 8, 1998.

Tanda ko pa ang gabing iyon ng biyernes pasado alas-6 ng gabi na kami pinauwi ng titser naming si Ms. Vidal dahil ang grupo namin ang cleaners sa aming silid-aralan. Madilim na nang magsimula kameng maglakad pauwi ng Ibayo sa lugar namin kasabay ang mga kaibigan at kaklase kong si Noel at Ranjit.

Kakaiba ang langit nang gabing iyon. Parang may nagaganap na digmaan sa kalangitan. Sari-sari ang kulay; may bughaw, puti, indigo at pulang nagsasanib-sanib sa malawak na kalangitan at bumubuo ng isang malapad na pabilog na imahe. Ngayon ko na lamang nalaman na Aurora phenomenon ang tawag sa pangyayaring iyon. Pero anupaman ang tawag doon ay hindi ko makakalimutan ang gabing iyon.

Madalas pa rin ang aking pagtingala sa langit hanggang makarating ako sa pintuan ng bahay. Nadatnan ko sa loob sina Nanay at Tatay. Noon ay nag-iempake ng mga damit si tatay. Mukha namang hindi sya magtatagal sa malayo dahil isang itim na back pack lang ang kanyang dalahin pero ewan ko ba dito kay nanay; kahit kailan talaga mababaw ang luha. Nakamasid sya sa pag-iempake ni tatay ng mga gamit, patuloy ang pagbaba ng mga luha at pagpunas nito ng kanyang mga kamay. Nakamasid lamang sya at hindi tinutulungan si tatay hindi katulad ng madalas nyang pag-aasikaso dito.

Muntik ko nang isiping nag-away siguro ang dalawa at maghihiwalay na kung hindi nilapitan ni tatay si nanay at hinalikan sa noo sabay punas sa tumutulong luha.

Nagsimula nang mamula ang mga mata ni nanay at mamaga.

Hindi nila ako napansing nakauwi na. Nangingiti lamang akong pinagmamasdan sila.

“Huwag kang mag-alala mahal! Bibisitahin ko kayo tiyak tuwing may pagkakataon.”

“Siguraduhin mo lang kung hindi ay mag-aasawa ako ng iba.”

“Alam kong yan ang hinding-hindi mo magagawa. Maliban kung wala ka nang tiwala sa ating pinaniniwalaan.”

“Syempre hindi ko yun gagawin. Huwag kang mag-alala, aalagaan kong mabuti ang anak nating si Obet. Suportado naman kita sa desisyon mo pero nangangamba lang ako kung kaya kong palakihin si Obet nang mag-isa. Oh heto na pala sya!”

Napalingon silang sabay sa akin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang ngiting iyon ni tatay.

“Malaki na at matalino ang anak ko parang kalian lang!”, sabay yakap at karga sa akin ni tatay. Labingdalawang taon na ako at patapos na sa elemetarya pero at may kabigatan ang timbang pero parang napakadali lang kay tatay na buhatin ako at isampa sa kanyang balikat.

“Obet, malaki ka na. Alagaan mo si nanay ha. Mag-aral ka ng mabuti at maging mabait. Aalis lang muna si tatay.”

“Saan kayo pupunta tay?”

“Magtatrabaho ako anak. Para sa atin at para sa lahat.”, sagot nya sa akin. “At Angela, wala man ako dito kasama nyo pero sabay nating palalakihin ang anak natin. Hindi ako mawawala sa inyo”

Palaisipan sa akin kung anong trabaho ni tatay na para sa amin at para sa lahat. Ilang beses ko ring itinanong kay nanay kung ano ang propesyon ni tatay. Minsan ang sabi nya ay abugado daw si tatay. Ipinagtatanggol nya ang mga mahihirap. Minsan naman ang sabi ni nanay ay titser daw si tatay, tinuturuan nya ang mga inaaaping magkaroon ng edukasyon at kaalaman para maintindihan nila ang kanilang kalagayan at baguhin iyon. Noong huli, sundalo naman daw sya. Sundalo ng mamamayang anakpawis.

Ewan ko ba! Hindi ko maintindihan si nanay. Basta ang paniwala ko, mabuting tao si tatay. Wala man sya madalas sa bahay pero tinitiyak nito na lagi syang makauwi sa mga importanteng okasyon tulad ng kaarawan ko at ni nanay, anibersaryo ng kanilang kasal at noong araw ng pagtatapos ko sa Elementarya. Sya pa nga ang nagsabit sa akin ng medalya at pinagsisigawan sa mga kapitbahay namin na Valedictorian daw ako na anak nya.Noong araw na iyon, pinilit nya akong magtabi kameng tatlo nila nanay sa pagtulog. Naiilang na ako noon dahil binata na ang tingin ko sa sarili.

Sa sumunod na lingo, dumating sa amin ang isang masamang balita. Biglang hinimatay si nanay sa pagkabigla. Si tiya Pura ang humahagulgol na nagkwento sa akin na masamang balita.

Sa isang morgue sa Siniloan, Laguna ko muling nakita si tatay. Yakap-yakap ako ng mahigpit ni nanay. Walang patid ang pagtulo ng kanyang luha at pagpalahaw. Wala nang buhay si tatay. Para syang si Hesus na may butas ang dalawang palad. Ayon sa nag-embalsamo sa kanyang katawan, ginawa na raw nila ang lahat ng magagawa para pagandahin ang ayos ng bangkay ni tatay. Lumiit sya sa dating laki dahil nabasag ang kanyang dalawang tadyang, basag ang bungo mula sa tama ng bala sa kanyang noo, at may ama rin ng baril ang kanyang mga paa.

Sa burol ni tatay, nakausap pa namin ang isang nagpakilalang kaibigan ni tatay. Ang sabi nya, matapang at modelo daw si tatay sa katatagan at husay. Noong gabi daw na mapatay siya, galing pa siya sa isang kumperensya ng mga magsasaka sa isyu ng hatian sa ani na palay. Inilalaban ng mga magsasaka na 70% ng ani ay dapat mapunta sa mga magsasaka at 30% lamang dapat sa hindi nagpakapagod na panginoong may lupa. Pero kabaligtaran nito ang gusto naman ng huli. Isa si tatay sa tumutulong sa mga magsasakang ito para hindi masunod ang pagiging gahaman ng may-ari ng lupa.

Sabi pa nya, sinundan daw ng mga kalalakihan si tatay. Tumuloy si tatay sa isang komunidad. Nang bandang alas-11 ng gabi ay kinubkob ng mga armadong kalalakihan ang komunidad. Kinumpiska nila ang lahat ng gamit pang-komunikasyon ng mga residente. Sa pinaka-gitna ng lugar na iyon ay ang bahay ng pamilyang tinutuluyan ni tatay.

“Nang tiyak nang kontrolado nila ang buong komunidad, sumigaw silang lumabas at sumuko na si Abner- ang tatay mo. Alam ni Abner na kapag lumaban sya ay madami ang madadamay kaya payapa syang lumabas ng pinto para sumuko. Pinaluhod sya ng mga armadong kalalakihan. Tinanong kung sya ba si Abner, at nang sinabi nang huli na sya nga- bigla syang binaril sa magkabilaang paa. Nagkaka-kandirit sa sakit si Abner. Masaya at nagtatawanan ang mga kalalakihang nakatingin sa kanya. Nang malaon ay napaluhod sya. Saka lumapit ang isang lalake at tinutukan sya ng baril sa ulo. Itinaas ni Abner ang kanyang dalawang kamay para protektahan ang kanyang ulo. Nang biglang pinaputukan sya ng baril. Tumagos sa dalawa nyang kamay ang bala papunta sa kanyang noo. Doon ay natiyak kong patay na sya. Pero hindi pa sila nakuntento. Pinagbabaril nila ng ilang ulit. Sabay-sabay ang limang tao na pinuntirya ang dibdib nya. Nakikita ko pa kung paano nagtalsikan ang mga dugo at gutay-gutay na lamang loob ni Abner. Nakikita ko pa kung paano nila winalang-hiya ang batas na umano’y pinagtatanggol nila.”

Hindi pa man natatapos ang kwento tungkol sa pagkamatay ni tatay ay hinimatay muli si nanay. Ako naman ay hindi na napigilan ang malakas na pagtangis. Noon ko lang nagawa ang ganoon kalakas na pagngawngaw.

Apat na araw lamang ang itinagal ng burol ni tatay. Katwiran ni nanay, ayaw nyang mapangibabawan ng imahe ni tatay sa loob ng kabaong ang buhay at masayang larawan nya sa aming ala-ala.

Kaya kung magkakaroon ako ng pagkakataong ibalik ang mga nagdaang araw, buwan at taon parang iyong pelikulang Somewhere in Time(1979); gusto kong balikan ang petsang Oktubre 8, 1998. Gusto kong yakapin si tatay sa kanyang paglisan at tanungin ang dahilan ng kanyang paglalakbay. Gusto kong maunawaan ang kanyang pinaniiniwalaan at ang dahilan kung bakit kailangang pagsilbihan ang mamamayan. Bakit nya pinili ang trabahong magkapantay ang panginabang ng sariling pamilya at ng lahat?

Tanda ko pa ang gabing iyon ng biyernes pasado alas-6 ng gabi na kami pinauwi ng titser naming si Ms. Vidal dahil ang grupo namin ang cleaners sa aming silid-aralan. Madilim na nang magsimula kameng maglakad pauwi ng Ibayo sa lugar namin kasabay ang mga kaibigan at kaklase kong si Noel at Ranjit.

Kakaiba ang langit nang gabing iyon. Parang may nagaganap na digmaan sa kalangitan. Sari-sari ang kulay; may bughaw, puti, indigo at pulang nagsasanib-sanib sa malawak na kalangitan at bumubuo ng isang malapad na pabilog na imahe. Ngayon ko na lamang nalaman na Aurora phenomenon ang tawag sa pangyayaring iyon. Pero anupaman ang tawag doon ay hindi ko makakalimutan ang gabing iyon.

Katulad ng gabing iyon na tila may digmaan sa kalangitan, may digmaan ding piniling harapin si tatay. Ilang panahon pa ay maiintindihan ko rin ang kanilang mga dahilan. ###

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s