Paniningil


Malamig ang ihip ng hangin isang gabi ng oktubre pero mas malamig ang nadaramang magkahalong kilabot, takot, galit, at paninisi sa loob m

Paniningil

o. Nanginginig ang buo mong katawan. Hindi mo maramdaman ang bawat hakbang ng iyong paa at ngatog ng tuhod dahil nasa kawalan ang iyong isipan habang paakyat ng pader papuntang bubungan ng isang bungalow’ng bahay ni nanay Dolor.

Wala kang ibang iniisip kung hindi si Yami. Si Yami na kani-kanina lang ay kasa-kasama pa ng inyong grupo wala pang apat na oras ang nakakaraan. Ngayon ay alas-10 na ng gabi pero parang napakalayo na ng ikinilos ng mga kamay ng orasan.

-tol alis lang muna ako. Kailangan kong maimiting ang sangay sa barrio Matictic, Paalam ni Yami.

-tol kailangan mo ba talagang imiting sila sa ganitong sitwasyong may kainitan?

-babalik din ako kaagad tol. Idaos ko lang ang pulong tapos mag-aasikaso ng paktura natin.

-o sige tol. Tantyahin mo ang area at magmatyag sa mga kilos.
Kaninang buong maghapon lang ay tatlong gunggong ang itinumba ng team kaya tiyak na makilos ang mga bopols sa
buong bayan para hanapin ang grupo. Sikat na naman kayo sa masa. Napasabay ka sa malakas na tawa ni Victor habang ninunuestra kung paano nya pinuruhan yung isa sa mga gunggong kanina sa target area. Masaya kayong lahat dahil walang nangyaring aberya sa assignment. Ngayong gabi sana ay pahinga nalang tapos maghihintay ng atas sa kailangang bulabugin sa bayan para madivert ang atensyon ng mga bopols at huwag isiping may malaking kaganapan ang pang-rehiyong komite sa taas.

Bukas ng umaga iniisip mo na sanang sumilay kay Lara, isa ring barkada, dahil dalawang linggo na rin kayong hindi nagkikita. Sa kabilang bayan lang naman siya paniyak mo kaya madali kayong magpapanagpo.

Si Victor at Jeremy ay papayagan mo din sanang makipamyesta sa barangay Sto. Rosario bukas ng hapon at nang makakain naman kayo ng masarap na karne ng aso pampainit sa malamig na sikmura. At kayo ni Yami ang magkasama na pupunta sa area nila Lara. Ikaw kay Lara, siya naman kay Sam.

Matatandaan mo bigla, simula pa bata ay magkasama na kayo ni Yami. Magkaklase kayo sa isang rehabilitation center ng institusyong itinayo para sa mga anak ng mga barkada na namatay o nakulong o di kaya nabaldado sa maraming dahilan ng paggampan sa gawain. Madali mong nakasundo si Yami dahil parehong barkada ang mga magulang nyo. Magkatulad din kayo ni Yami na maagang namatayan ng ama. Kaya lang magkaiba ng kinamatayan at kung sino ang pumatay.

Ang tatay mo ay namatay sa engkwentro sa pagitan ng mga bopols at ng barkada ng tatay mo. Ang tatay naman ni Yami ay pinatay ng barkada dahil naging makapili. Pero ganun pa man, walang masamang tinapay si Yami sa barkada. Ang totoo ay napakalaki ng pagpapahalaga nito sa organisasyon.

Simula noon ay naging sanggang dikit na kayo ni Yami. Naputol lang ang pagsasama nyo nung nagpasya kang tunguhin ang ibang arena ng barkadahan. Doon sa lugar na mas matalik mong kaibigan ang bakal kaysa sa barkada, dahil ito ang depensa at opensa mo anumang pagkakataon.

Nagulat ka nalang isang araw, mahigit dalawang taon ka na noon sa CS nang makita mo uli si Yami. Doon na rin pala sya nadestino at nasa gawaing underground na rin pala sya ngayon. Mainit ang kamayan ninyo ng matalik mong kabarkadang matagal mong hindi nakita. Sa pagkakita sa kanya, ay ngayon mo na nga lang napansin na nagmature na pala kayo ngayon mula sa dating uhuging mga bata sa rehabilitation, ngayon ay mga barkada nang gumagampan ng isa sa pinakamahirap na responsibilidad sa organisasyon.

Team lider ka na noon sa Semi-Ligal sa buong bayan ng Candelaria, at dahil malapit kayo ni Yami ay ipinasok sya sa Team nyo bilang Political Officer ng Unit. Napuna mo kaagad sa isang linggo pa lang na anlaki ng naitutulong ni Yami para sa pagpapa-angat ng kamulatan ng mga barkadang lokal sa team nyo. Alam mo din kasing mas mahusay sa teorya si Yami kaysa sayo kaya ikinatutuwa mong nasa yunit nyo sya naipwesto.

Kinabibiliban mo rin ang kasipagan ng barkadang si Yami. Kahit anong oras basta gawain ay nakahanda itong suyurin ang kahit na pinaka-looban ng bayan para pulungin at pakilusin ang masa. Katulad ng kaninang nagpaalam sya na aalis sandali. Ang sabi ay pupulungin lang daw ang sangay sa barangay Matictic. Ang totoo ay hindi nga ang sangay ng barangay ang pupulungin nya kundi sangay lang sa isang baryo at kung tutuusin ay hindi na kailangan pang andun sya pero pumunta pa rin.

Hindi naman sa matigas ang ulo ni Yami kundi gustong-gusto nito ang makisalamuha sa masa at gumampan ng gawain. Alam mong ito ang motibasyon ni Yami kaya napapayag ka na rin sa paalam nyang umalis sandali. Napapayag ka kahit pa may parte sa isip mong hindi dapat pinalabas dahil mainit ang sitwasyon sa labas ngayong may tatlong gunggong kayong pinatumba.

Bandang alas-7 y kinse ng gabi may tatlong putok kayong narinig. Hindi kalayuan sa tinutuluyan nyo ang pinaggalingan. Nag-alerto kayo bigla. Nag-tiger jump si Jeremy papunta sa pack nya. Si Victor naman ay sumilip sa siwang ng nakasaradong bintana.

Lahat kayo ay nakiramdam.

Nakita ni Victor ang mga unipormadong mga bopols sa kabilang kalsada sa tapat ng pinupwestuhan ninyo. Biglang nanlake ang mata ni Victor sa takot na sumenyas sayo na may mga bopols sa labas. Humigpit ang kapit ni Jeremy sa kanyang laruan. Ikaw naman ay pinag-aralan ang gagawing aksyon.

Patay na! Mako-corner kami dito, walang pinto sa likod ng bahay.
Sumenyas ka sa dalawang kasama na huwag lumikha ng anumang ingay at maging kampante.

Dinig na dinig nyo ang utos ng isang opisyal ng mga bopols sa labas.

-Hanapin nyo. Tiyak nandito lang ang mga kasama nung tarantadong napuruhan natin.

Kinabahan ka nung marinig yun. Naalala mong bigla na hindi pa nakakauwi si Yami. Nangangamba kang baka may kung anong masamang mangyari kay Yami.

May kinse minuto ding hinalughog ng mga bopols ang mga kabahayan sa pagtawid sa kalsada na tapat ng inyong puwestuhan. Nilulukot mo pa ng husto ang iyong isipan sa kung anong prente ang pwede ninyong magamit sa oras na katukin ang mismong pintuan ng inyong kinalalagyan.

Alam mong mahusay ka sa ganoon. Ilang beses na bang nangyari na ikaw pa ang napagtanungan ng mga bopols kung may kilala ka bang Ka Tom nang hindi nila mapaghahalatang ikaw na pala ang hinahanap nila?

Minsan nga may dala ka pang laruan sa gilid mo nang masalubong ka ng isang platoon ng mga bopols sa feather road nang walang tanung-tanong ang mga bopols na pinadaan ka ng malaya. Sa bagay sa isip mo, paano naman nila ikaw mapaghihinalaang kasapi ng kabarkadahan e nakakaawa tingnan ang malaki at maugat mong mata na tila laging kakagaling lang sa pag-iyak. Medyo hukot pa ang likod na para bang walang kalakas-lakas ng loob na para bang puro hiya sa katawan ang meron.

Pero takang-taka ka dahil wala kang maisip na magandang prente ngayon sakaling kumatok ang mga bopols. Ginagambala ka sa kaligtasan ni Yami – na sa mga oras na iyon ay hindi pa nakakauwi.

Nakahinga ka nalang ng maluwag nang sumenyas si Victor na paalis na ang mga bopols. Ang pakiramdam mo ay parang bukal na tumining matapos malabusaw ng ibinagsak na tamburaw (pansalok ng tubig).

Tahimik ang lahat. Walang imikan habang matamang nakaupong nakalapat ang puwet sa sementong sahig. Nakikiramdam pa rin nang biglang may kumatok sa pintuan. Malakas na katok sunud-sunod sumabay sa malakas na kabog ng dibdib ng tatlong nasa loob ng bahay.

Ikaw ang tumayo para pagbuksan ang pinto. Pilit kinampante ang sarili at pilit hinalukay sa bawat kulubot ng utak kong anong magandang prente.

Pagbukas na pagbukas ng pinto nangusap ang halos aatakihin sa pusong matandang nakasalakot na si Tandang Domeng- isang myembro ng sangay sa Matictic.

-Ka Tom si Ka Yami pinatay ng mga kaaway!

-Ano po?! Pumasok kayo sa loob Tatay Domeng.

-Nasundan kami papunta dito. Mukhang may nag-tip sa kaaway. Pinasama ako ni Yami dahil may dala kaming pagkain nang biglang hinabol kami. Target pala si Yami. Naghiwalay kami ng direksyon. Mas kabisado ko itong lugar kaya nakakubli ako kaagad dyan sa bahay ng pinsan ko dalawang kanto mula dito. Tatlong beses sya binaril sa dibdib dyan sa kabilang kanto sa tapat ng lugar na ito pagtawid ng kalsada.

Parang binuhusan kayo ng malamig na tubig sa masamang balita. Kaagad kayong umalis sa lugar at pinauwi na ang nakikinig sa nerbiyos na si Tandang Domeng.

Hindi ka makapaniwala sa balita. Wala ka sa iyong sarili. Hindi mo namalayan ang paghinto ng pinarang tricycle ni Victor na magdadala sa inyo sa isang baseng bubong sa Dinahican. Hindi mo na nga din namalayan ang pagdating at paghinto ng tricycle sa bababaang lugar.

Saka ka na lamang natauhan nang mapaso ang dila ng mainit at umuusok na kapeng tinimpla ni Nanay Dolor- ang may-ari ng bahay.

-makinig kayo Jeremy, Victor! Pumasok kayo ngayon din sa tropa. Magreport kayo kay Ka Manding ng nangyari. Babalik ako ng bayan para makibalita sa pinagdalhan ng bangkay ni Yami.
Mas lalong namula at nagsilitawan ang mga ugat sa mata mo. Ang kaibahan lang ay hindi mata ng isang nakakaawang nilalang ang mga matang iyon kundi mga mata ng isang mapaghiganti at naghuhurumintadong mandirigma.

Malamig ang ihip ng hangin ng oktubre pero mas malamig ang nadaramang magkahalong kilabot, takot, galit, at paninisi sa loob mo. Nanginginig ang buo mong katawan. Hindi mo maramdaman ang bawat hakbang ng iyong paa at ngatog ng tuhod dahil nasa kawalan ang iyong isipan habang paakyat ng pader papuntang bubungan ng isang bungalow’ng bahay na inyong pinag-atrasan.

-Patawad Yami sana hindi na kita pinayagang umalis. Sana buhay ka pa ngayon tol. Putang ina!!!!

Kinuha mo ang radio at kumonek kay ka Manding…

-Alpha magpapa-alam sana ako. Gigimik lang ako ngayong gabi.
Sabay baba ng radio at hithit ng sigarilyo.

Dali-dali ka ring nagpaalam kay nanay Dolor. Nagsindi ng mumurahing sigarilyong Mighty na malatalahib ang lasa para painitin ang katawan pangdepensa sa lamig ng gabi. Ikinasiya ng iyong lalamunan ang gumuhit na gasgas mula sa paghigop ng usok mula sa mumurahing sigarilyo. Ikinasiya mo dahil may ibang parte ng katawan ang nasaktan hindi na lamang ang kaisipan sa pagkamatay ng isang kaibigan, kabarkada, kababata.

-Putang ina nyo!!!!!!!! Putang ina nyo!!!!!!!!!!! Magbabayad kayo mga
bopols, mga gunggong, mga kaaway!!!!!!

Sa gitna nang madawag na bukirin ni nanay Dolor papuntang kalsada, sumanib sa ihip ng hangin ang iyong bulong patungong sigaw na pagsasambulat.

-Bago matapos ang gabing ito, may limang sagadsaring gunggong at bopols ang biglang huhusay sa pag-intindi ng kung ano ang mangyayari sa kanila. Sa gabing ito ay maniningil ang rebolusyunaryong kilusan ng pautang.###

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s