Ang pag-aaral ay Pagsusugal!

sugalItaas ang iyong noong aliwalas. Ikaw kabataan ng aking pangarap! – Jose Rizal (La Juventud Filipina)

Elementarya  –

Magsisimula sa maliita’t barya-baryang taya.

Sampu ang kuwaderno – nuwebe piso kada piraso,

Isang daan bawat libro, sikwenta ang lapis, pantasa at krayola;

Tatlong daan sa sapatos, bag  at uniporme

kung tag-ula’y dalawang daan sa payong at  kapote,

ang natirang tatlong daan sa matrikula

para sa walong buwan.

Sampung piso ang baon sa araw-araw.

 

Sa sekundarya –

Natuto ng kaunti sa karanasan.

Lalakihan ng bahagya ang pusta sa sugal.

Ngunit wala pa ring balik sa pinuhunan.

Dalawang daan bawat libro, nadagdagan pa ng apat ang kwaderno

Mula nuwebe piso ngayo’y bente ang bawat piraso.

Isang libo sa dalawang pares ng polo-jacket at slacks na itim,

Para sosyal piliin ang bag, sapatos, at medyas na may dating.

(Iyong may larawan ng mga artistang laging trending sa twitter)

Isang libo na ang singil ng matrikulang pambayad daw sa maintenance ng building

Suweldo  ng drayber, gwardya, dyanitor at tagadilig ng halaman sa hardin.

Kahit pa ang mga iyon ay iisang tao lang din.

Habang beinte singko na ang baon ngunit kulang pa rin.

 

Sa kolehiyo-

Ay! Big time ka nang sugarol.

Big time din ang bangka sa casino –

mga dambuhalang kapitalista at gobyerno mismo.

Saan ka tataya sa U-Belt, Intra-Taft

o mga Unibersidad sa  kahabaan ng Diliman ?

Tiyak nang panalo kung pupusta

Sa La Salle, Ateneo, U.P, San Beda, UST,

U.E, FEU, CEU, Mapua at Letran.

Kung hanap mo kasi’y kalidad na edukasyon,

Makakamit mo ‘yun kung ipupusta muna:

Sakahan sa probinsya, buong benta sa kopra,

Inaning kalabaw-mangga, budyet sa kasal ni ate Milda,

pang-opera sa sakit sa puso ni Ama…

Kung sa bawat sugal may amuyong at babakas,

Kahulugan nito’y pag-aralin mo ang kapwa mo iskolar,

Sa pagbayad mo ng P1, 500 bawat yunit sa Registrar,

Mayroon ka nang kapwa-estudyanteng mapag-aaral.

Kung maliit naman ang pamusta’y tumaya ka sa SUCs’

Sa job-hunting nga lamang, hindi ka preferred at priority.

Konting tiis na lamang daw sabi ni nanay.

Tatlong taon pa’y makakabawi na sa pusta’t isinugal.

Kanina nga’y maaga pa’t nakakunot na ang noo.

Nag-iisip. Nag-aalala…

Binibilang-bilang kung sapat na ang perang pamusta.

San Lazaro, Sta. Ana saan na patungo ang aking karera?

Sa pag-aaral ngayon kung saan ang kinabukasan ay isinusugal muna?

 

Advertisements

Tag-ulan

ulanMalapit na muli ang pagdating ng tag-ulan

Muli kong maririnig ang tagiktik

Ng naghahabulang kabayo

Sa bubungan.

Nasasabik na akong palutangin

ang mga bangkang-papel sa kanal,

humulma ng kabihasnan mula sa mga putik

at mula dito’y lumikha ng dike-

pangharang sa ragasa ng tubig mula sa bukid.

Maliligo ako’t magkikipaglaro ng habulan

Sa mga kababata kong sina Apong, Balong

At Intoy,

Maglalakbay kame at mamimitas ng bunga

Ng atis at bayabas sa kabilang sitio.

Gagawa kame ng balsa upang baybayin

Ang  ilog ng Tullahan,

At mag-uuyog ng mga punong mangga

Para manghuli ng salagubang.

Sisilong kame sa pasimano ng malaking bahay ni Manang Belen

Para magpatuyo ng basa naming damit.

Pag-uwi ng bahay, tiyak sermon ang salubong ni nanay.

Ang tugon ko nalang ay –

Pasok sa kaliwang tenga labas sa kanan.

Maya-maya lang ay may inihaw na kamoteng

meryendang ihahain ni nanay.

Isasawsaw ko sa bagoong isda at sasaliwan

Ng paghigop ng kape- pampainit sa giniginaw na katawan.

Kung sana’y tulad lang ng pagdating ng tag-ulan

Ang lumipas!

Aabangan kong  nakadungaw sa bintana – nakasalumbaba,

at sakaling mabasa sa mukha,

lalabas ako’t maliligo sa tilamsik ng nagdaan.

Mapagtitiisan ko

Mapagtitiisan ko…

Ang magmulat sa mga  walang muwang,

Masagap ang maitim na usok ng kaskaserong sasakyan,

Maglakad nang limang kilometro’t pawisan,

Matrapik ng tatlong oras sa Sangandaan

Sa loob ng bus na siksikan

Patungong miting ng kolektiba

Tungkol sa aktibidad kinabukasan,

Mabangga  ng mga nagmamadaling tao sa lansangan

At ilang araw na sumabay sa hunger strike

ng mga Manggagawa ng DEU para sa seguridad sa trabaho

at pakikipagtawaran

sa dambuhalang kapitalistang – Manny Pangilinan.

Mapagtityagaan ko…

…ang araw-araw na debate’t diskusyon,

Magbasa ng makapal na libro ng kasaysayan

At mga balita sa dyaryo ngayon,

Kaya kong makipaghabulan sa mga pulis

Malapit sa U.S Embassy- mula Plaza Ferguson

Bitbit lang ang plakard at sumisigaw ng Yankees Go Home!

Kahit mag-ulam ng sardinas sa limang sunud-sunod

Na maghapon.

Hindi ko iindahin…

Ang hampas ng batuta at truncheon

Ng mga pulis sa harapan ng Malacañang

Bukas ng hapon.

Masaktan man nila ang katawan nami’y

Hindi ang diwang nagsusumigaw –

Hustisya! Karapatang-pantao!

-Ipaglaban!

Mapagtitiisan…

Mapagtityagaan…

Hindi  iindahin…

Patuloy ang pakikibaka

Hanggang sa tagumpay!

Hanggang makamit ang lipunang

May pagkakapantay-pantay!

—-

Sinulat ko ito bago ang aking pagwawating-wating. hehehehe

PAKPAK

ni Jose Corazon de Jesus
1928

Bigyan mo ng pakpak itong aking diwa
at ako’y lilipad hanggang kay Bathala…
Maiisipan ko’y mga malikmatang
sukat ikalugod ng tao sa lupa;
malikikha ko rin ang mga hiwaga,
sa buhay ng tao’y magiging biyaya.

Ano ba ang sagwang sabay sa pagtahak
kundi siyang pakpak ng bangka sa dagat?
Ano ba ang kamay ng taong namulat
kundi siyang pakpak ng kanyang panghawak?
Ano ba ang dahon ng mga bulaklak
kung hindi pakpak din panakip ng dilag?

Ang lahat ng bagay, may pakpak na lihim,
pakpak na nag-akyat sa ating layunin,
pakpak ang nagtaas ng gintong mithiin,
pakpak ang nagbigay ng ilaw sa atin,
pakpak ang naghatid sa tao  sa hangin,
at pakpak din naman ang taklob sa libing.

 Bigyan mo ng pakpak itong aking diwa,
at magagawa ko ang magandang tula;
bigyan mo ng pakpak tanang panukala’t
malilipad ko hanggang sa magawa;
bigyan mo ng pakpak ang ating adhika,
kahit na pigilan ay makakawala…

O ibon ng diwa, ikaw ay lumipad,
tingnan mo ang langit, ang dilim, ang ulap,
buksan mo ang pinto ng natagong sinag,
at iyong pawalan ang gintong liwanag,
na sa aming laya ay magpapasikat
at sa inang bayan ay magpapaalpas.

 

Punong Manggis

Muling tanawin, akyatin – ang punong Manggis!!!

Daloy dalumat

Sumibol kang tila usbong ng munggo ang liit
Hinabol ng kusa sa tuwid na tindig ang silahis ng araw,
walang ibang hangad kundi maging
mayabong na puno gaya ng karaniwan.

Sinubok ang iyong tikas ng matinding  init at ulan
ilang panahon ding pineste ang iyong dahon ng mga higad at salagubang.

Hindi na din mabilang ang mga sigwang,

ika’y ninais mapatimbuwang.

Sa paglaon ikaw ay naging isang matayog na puno.
Malinaw ang direksyon ng iyong pagtubo.
Kay inam maging pahingahan ang lilim ng iyong mga sanga.
Kay layo ng iyong pag-usbong sa ganda ng iyong pamumulaklak at pamumunga.

…at hindi ka na nga lamang namumuhay sa pag-iisa,
pagkat tahanan ka na rin ng mga kalaw, maliliit na pikoy at mayna.
Patuloy ang pagtayog ng iyong pag-usbong.
Mula dito’y may katiyakan ang paglago ng kagubatan

——-
alay kay Kasamang Saro
*Manggis ang tawag sa pinakamataas na puno ngayon sa South East…

View original post 5 more words

Busyador

Ngayon ko lang ito muling nabalikan para basahin. Nakakatuwang muling makilala ang isang busyador.

Daloy dalumat

Nakatingin sa ulap sa gitna ng pag-aagaw ng liwanag at dilim sa madaling-araw
abala ang isip sa pagbalik sa mga ala-ala ng nagdaan
ang  alapaap na tanaw ay larawan
ng masasayang gunita ng mga mahal.

nakaupo sya sa kanyang pugad.
Sinasamyo ang malamig na hangin sa Silangan,
tila musika at halakhak ng masasayang sandali
ang daluyong ng mga alon sa Pasipiko.

Subalit hindi sya naglalakbay.

isip at puso lamang nya ang may paggalaw

ngunit katawan ay tila tuod na maghapong nakabantay
sa mga pugad ng mga mapaglarong ibong Balinsasayaw.

Nakamasid sa paligid sa tuwi-tuwina ang mga mata,
subalit hindi sa paghihintay ng pagbabalik
ng kanyang anak o asawa.
Handang magtanggol laban sa mga magtatangkang
magnakaw ng pugad na kung saan siya lamang
ang may pahintulot na kumuha.

napapanis ng walang saysay ang kanyang mga laway,
nasanay nang maging manipis ang tono ng boses sa pag-iisa,
na syang kabaligtaran ng laway ng ibong binabantayan.
nadudurog at humihina ang pundasyon ng mga bundok,
subalit matibay sa araw-araw ang dalawa nyang paa at braso.

at ang mga pugad na kanyang maani,
katumbas na’y salapi, inumit sa ibong may-ari.
mga pugad ng balinsasayaw na pagkamahal-mahal,
sa kawalang palad ay hindi nya man lang matitikman ang sabaw.

Namumugad siyang walang inakay.
Siya na tanging nasa pugad ngunit walang naghahatid ng pagmamahal.

Ilang taon na ring hindi kapiling ang pamilya,

Parang Alcatras ang islang binabantayan upang kumita.

Sumisikat at lumulubog ang gintong silahis ng araw,
hinahawa at niyayakap ng kanyang sinag ang mga alon sa dagat.
subalit sa lahat, siya lamang ang nag-iisa’t walang karamay
sa gitna ng malawak na pusod ng dagat.

View original post