Pamasahe

“Ma’ma para sa tabi!”, malumanay na sigaw ng ale sa drayber ng dyip na sinakyan nya. Alas-10 palang ng umaga, sapat ang oras para maihanda at mailuto pag-uwi sa bahay ang pinamiling pananghalian ng pamilya.

“Ale bayad mo muna!”, nakakunot noo’ng hiyaw ng drayber sa kanya. Nagulat ang ale sa sinabi ng drayber. Kanina lang nung kasasakay pa lamang nya ay nag-abot na kaagad sya ng otso pesos pamasahe sa drayber na ito. Tandang-tanda ng ale na nakapagbayad na sya dahil beinte na lamang na buo ang nasa bulsa nito. Imposible din namang hindi sya matandaan ng drayber dahil nasa likod lamang sya ng driver-seat nakaupo.

“Ale, manloloko ka ah. Siguro’y araw-araw mo ginagawa ito. Akin na’ng pasahepamasahe mo!”

Namula sa pagkapahiya ang ale. Sa tanang-buhay nya’y ngayon lang ito nangyari. “Ilang beses ba ako kailangang magbayad sa inyo ma’ma? Nagbayad na ako ah.”

“Manloloko ka ale. Siguro’y araw-araw mo ito ginagawa!”

“Huwag kang magsalita ng ganyan ma’ma, drayber ka pa naman. Baka makarma ka!” Nanliliit na sa pagkapahiya ang ale. Sinusulyapan nya ang isang lalakeng nakasaksi sa pag-abot nya ng pasahe kaninang kasasakay pa lamang nya sa dyip. Ngunit hindi ito umiimik o sumisenyas. Hindi siya ang nakasalang. Wala siyang pakialam.

“Ale alam ng drayber kung sino ang hindi pa nakakapagbayad! Manloloko ka ale!”

“Putris ka! Paano mo matatandaan lahat?” Puno ang ale ng hinanakit hanggang magsikip ang dibdib at pumusyaw ang kulay ng kanyang paligid.

Kung Sana…

Ginugunita ko ang huling sandali ng ating pagkikita.

Sa isipan ko’y namaalam ako sayo ng halik sa pisngi at mahigpit na yakap.

Halik sa pisngi at mahigpit na yakap.

 

Nagsalungat ang landas natin sa hudyat ng ngiti at matamis na kindat.

Ilang hakbang ng paa palayo ay lumingon tayo kapwa.

Nagtama ang ating mga mata.

Sabay sambit, “magtatagpo pa naman tayo sa huli hindi ba?”

Tumugon ako noon ng, “Oo naman. Magkarugtong ang landas na ating tinatahak”.

Kaya sa isipan ko’y namaalam tayo ng may  halik sa pisngi at mahigpit na yakap.

 

Nakita ko noon ang pagkislap ng kristal sa salamin ng iyong kaluluwa.

Ako nama’y ikinubli ang pangamba sa iling at mapagkunwaring tawa.

“Susulatan mo naman ako ‘di ba?”, usisa ko.

Sagot mo’y, Oo naman. Magkalapit tayong magkalayo.”

Kaya sa isip ko’y namaalam tayo noon sa isang halik sa pisngi at mahigpit na yakap.

 

Hinatid pa nga kita sa terminal para sa iyong biyahe.

Naging mapagbigay ang katahimikan ng gabi.

“May cellphone naman, makakapagkamustahan ba tayong madalas?”, muli mong tanong.

Tugon ko’y, “Bakit hindi kung may pagkakataon?”

 

Kung sana’y ‘di nabilanggo sa isip ang halik sa pisngi at mahigpit na yakap na iyon.

Halik sa pisngi at mahigpit na yakap na iyon…

Samo’t dalangin para sa mga Kupal ng Daigdig

Sa panahong tayo’y supot pa,

Ang banaag ng kupal ang hudyat ng pagkatagpos.

Kupal ang simula ng bagong buhay.

Kupal ang magdidikta ng pagpapanibagong – hubog.

 

Sa mga guro’t estudyanteng ikinulong sa kolonyal at maka-elitistang

katuruan sa kolehiyo’t unibersidad;

ilan sa kanila’y nagnanais matuto ng may katuturang aral:

na matutunghayan lamang  sa kanto, palengke at lansangan  –

Palayain, paramihin ang mga kupal ng daigdig.

 

Sa mga empresa’t pabrika kung saan ang mga manggagawa’y

Biktima ng samu’t saring pagsasamantala

Sa kanilang lakas-paggawa,

Mula sa kanila magmumula ang hudyat ng  pagbabalikwas –

Palayain paramihin ang mga kupal ng daigdig.

 

Sa kabukiran at parang sa panahon ng gapasan,

Kung saan hanggang may liwanag ng buwan ay naglalamay

Ang mga magsasaka at kasamang nangangarap ng makataong partehan.

Ang marami sa kanila’y hawak ang karet, pang-gilit sa leeg ng gahaman –

Palayain, paramihin ang mga kupal ng daigidig.

 

Sa teatro at tanghalan, telebisyon at sinehan;

Kung saan ipinapalabas ang kultura ng dayuhan

nang makubababawan ang lokal na kultura’t pagkakakilanlan,

ilang artista’y tumanggi sa kislap ng mapang-akit na telon ng tanghalan

at nakadipang inialay ang sarili para sa pagkilala’t pagpapanday

ng ating pambansang sining at kasarinlan-

palayain, paramihin ang mga kupal ng daigdig.

 

Sa panahon supot pa ang kamalayan ng lahat

sa tunay na estado’t mukha ng ating inaaliping bansa,

kinakailangan ang daluyong at baha ng mga mapagpalaya-

Nawa’y dumami’t lumaya ang mga kupal ng daigdig!

Nawa’y dumami at lumaya!

Palayain, paramihin ang mga kupal ng daigdig…

______

Alay kay Ka Eliseo na nagsabing, “Hindi tayo tuldok lamang sa mundo. Tayo ay mga kupal ng sansinukob!”

Eksena sa Piketlayn

ImageAlas-10 ng umaga, pinunit ng mga ahitasyon ng mga manggagawa ng Digitel Employees Union ang katahimikan ng business district ng Makati sa tapat ng PLDT main office. Mas pinainit ang eksena ng nakabarikada at full- battle gear na pustura ng Men in Blue security officers at  Makati Police para harangan ang mga nagwiwelgang manggagawa na ang hawak ay mga plakard at mga bandila.

“Umalis na kayo dito. Labag sa batas ang ginagawa nyo. Nakakaistorbo kayo sa peace and order ng lugar na ito”, nakakunot noong utos sa bulto ng hepe ng pulis.

Hindi natinag sa sigaw ng hepe, nangibabaw sa sigawan ang hiyaw ng isang lider-manggagawa: “Hindi kame lumalabag sa batas.” Inilabas ang makapal na files ng mga papel: “ Heto ang supreme court decision! Sinasaad nito na dapat kameng pabalikin sa trabaho ng PLDT at pasimulan ang CBA (Collective Bargaining Agreement). Naroon sa building na yan ang mga lumalabag sa batas. Kung tunay kayong kawal ng batas ay sila Manny Pangilinan ang hulihin nyo. Hindi kame!”

Sumesenyas ng pagpapatigil ang hepe pero hindi napipi ang manggagawa.

“Kung hindi nyo susundin itong Supreme court order, ay sino pa ang lalapitan namin? Sa 25 kasong dininig sa korte ay naipanalo namin. Ano pa ba ang kailangan naming ipanalo? Saang antas ng labanan ba kailangan kame dalhin ng kaayusang ito?”

Sa gitna ng ahistasyon at girian, naglakad palayo sa bulto ang hepe at nag-utos sa 2nd in command officer: “bantayan nyo ang mga yan!”

Ako

Ako ang akala mo’y hindi ako –

mukhang pilyo’t mapang-asar

ngunit seryoso.

Mukhang ismid at seryoso,

ngunit mapang-asar at pilyo.

Ako ang kamakailan lang 

tumigil sa paglalaro

ng syato at patintero.

Iyong kilala mong mabilis

maglakad at laging pawisan

ay ako.

Ako ang hindi takot sa dilim at multo.

Ako ang mahilig sa fishball,

isaw at betamax;

mahilig sa visual arts

pero laging abstract.

Ako ang apo sa tuhod ni Padre Florentino,

na tinanggihang tanggapin

ang pamanang abito.

Ang hanggang ngayon ay naghahanap

sa direksyon at halaga ng sarili

at totoong ako –

ay ako. 

 

 

 

Makabagong Patintero

Makabagong Patintero

Ito ang paglalaro ng patintero sa makabagong panahon. Ang mamamayan ang patotot, ang mananagasa ay ang tangkeng pandigma.

Ang sabi nga ay moderno na ang panahon ngayon. Pero nakakatakot yata ang modernisasyon, kung kasabay nito ang papadalas at kabi-kabilang digmaan.

Mabuti sana kung digmaan ito ng mamamayan laban sa kahirapan at kawalan ng panlipunang hustisya, pero sa realidad: ang mga digmaan ngayon ay para sa agawan ng merkado at mandambong ng mga likas-yaman para masalba ang naghihingalong negosyo ng mga kapitalista.

Kaya ganito ang paglalaro ng patintero sa kasalukuyan. Ang maging maliksi sa pag-iwas sa linya ng larong ang sugal ay buhay at kamatayan.

Mga propisiya sa Game 7 ng Spurs vs Miami:

nbaMay mga relihiyosong mapapamura sa excitement. May mga mapuputulan ng tenga sa barbershop. May matatanggalan ng kuko sa salon. May matatapyasan ng ilong sa mga boutique. Magmamahal ang isda at karne sa palengke dahil tatamarin ang mga matador, tindero, mangingisda. Walang trapik sa edsa at magbabakasyon ang mga pulis dahil nakabakasyon din ang mga kriminal at nagpoprotesta.

Ang mga bagong panganak ay papangalanang Lebron, Wade, Parker, Bosh, Chalmers, Ginnobili, Allen at Duncan; na ang apelyido ay Lason, Bagong-gahasa, Pekwa, Sitsiritsit, Kulisap, at Makabalig-uten. Magkakaroon ng bill sa congress na gawing basketball ang national sports ng bansa.  Mag-aaway muli si Annabelle Rama at Nadia Montenegro dahil sa pustahan. Sasayawin ng mga Cebu inmates ang kantang space jam.

Tatanghaling peoples’ coach(mala – peoples’ champ, kumbaga kay Pacquiao) si Spoelstra. Magkakaroon ng heroes welcome at convoy si Spoelstra na oorganisahin ni Mayor Erap ng Manila. Babalik ang sigla ng PBA pero puro retired players na ng NBA ang mga maglalaro.

Pero tatanghaling kampeon ang Heat at finals MVP si Lebron James.

Sa huli, babalik lang sa normal ang buhay nating mga Pilipino na parang walang nangyari. Aabangan ang susunod na conference ng NBA at aasang ang paboritong team ang sunod na suswerte.

Buhay at Kamatayan ang Kasalukuyan

Sa panahon ngayon, mamamatay sa pagkalunod ang mga hindi marunong lumangoy.

Mabubuhay ang mga taong matututong huminga sa ilalim ng tubig.

Mamamatay ang mga mapapaso sa matinding init,

mabubuhay ang  masasanay sa paso at pagkadarang sa dagat ng apoy.

 

Sa panahon ngayon, papanaw ang mga carnivorous at vegetarian.

Mabubuhay ang mga taong sasampa sa bakod

at matututong magransack ng mga mall at warehouse.

 

Sa panahon ngayon, mamamatay ang kimi at walang paninindigan.

Mabubuhay ang matututong makipaglaban.

 

A, iba na nga ang panahon sa kasalukuyan!

Sa pusikit at lalim ng gabi:

Madamot ang pagkakataon,

Hindi madalaw ng antok

Ang isipang ginagambala

Ng mga alingawngaw

At angasan ng mga kababata kong tambay sa labas.

Sa pusikit at lalim ng gabi:

Mayabang ang kislap ng mga bituin.

Pinapangalandakan ang kanyang katayugan

Habang ikinukumpara ang layo ng espasyong

Sa ami’y namamagitan.

Sa pusikit at lalim ng gabi:

Nagbabadya ang pagbuhos ng ulan

Mula sa salimbayan ng mga kulog

At tagiktik ng patak ng ambon sa bubungan.

Madamot ang pagkakataon,

Kung gagambalain ang pamamahinga 

Ng lamig,

angge,

singasing,

At paggambala ng ingay ng ulan sa pangangarap ko ng gising.

Ngunit mas pusikit at malalim ang banta ng gabi:

Sa napipintong hakbang ng mga naghaharing – uri,

Sa gitna ng pagtulog ng marami:

Sa balaking baguhin ang konstitusyon –

Alisin ang mga makabayang probisyon,

Ibenta ang sa dayuhan ang buong nasyon.

Alisan ng karapatan ang kabataan sa edukasyon,

At ilako ang mga kababaihan para mapunan

Ang pagnanasang sekswal ng mga hayok sa laman.

Isapribado ang anumang serbisyong panlipunan

At hayaang ang merkado ang mangalakal

Sa lahat ng aspeto ng buhay ng mamamayan.

Kailangang magtanod ng sambayanan,

Magsindi ng liwanag,

Maglamay,

Upang hindi na maging pusikit ang kalaliman ng gabi:

Masarap yatang magpuyat,

kung silang iilan sa luklukan ng kapangyarihan ang paglalamayan. 

Aandap-andap

Sumasabay ang pagdilat-pikit ng mata

sa aandap-andap na ilaw sa poste sa labas

Tila nagsisikap pa ring magbigay ng liwanag

sa gitna ng tagsalat.

Ano kaya ang kaganapan bukas?

Saan na nga ba ang katuparan ng pangarap?