Maganang Kasabay sa Pagkain ang mga Bayani at Kasama

(7 pantig bawat taludtod)

O kay sayang kumain

Kung kapiling sa mesa

Mga bayani’t kasama

Saliw ng kwento’t tawa.

 

Ang mga Luna’y kalmado

Kung mayroong dinengdeng,

Bagnet, puque – puque,

Pantulak lang ay basi.

 

Si Andres Bonifacio,

Mayro’n ding paborito:

Kanyang ulam na alok

Ay lechon na manok.

 

Ito namang si Pepe,

Ganado po palagi,

Kung luto ni Theodora’y

Tinola sa kawali.

 

Limot na nga ang pagod

Sa maghapong aralan,

Kung ang nilagang bangus

Ni ka Boy malantakan.

 

Balewala ang paos

Sa talakayang-masa,

Kung luto ni ka Marie’y

Sinigang na Imelda.

 

Tanggal tiyak ang antok

Kung ang ulam ay tuyo;

Sawsaw sa suka, toyo;

May kamatis at buro.

 

‘di naman kalabisan

Kung may meryenda minsan:

Isang piling na saba,

Si sir Fidel may dala.

 

Kay simple ng ligaya

Ng bayani’t kasama,

Ang magsalong kumain

Ay langit sa tuwina.

 

Ngunit mas maligaya

At walang kasing saya,

Kung baya’y makakain:

Kalayaang hangad nya!

____

Pasintabi kay Bertolt Brecht sa kanyang tulang “the Bread of the People” (Das Brot des Volkes) na sinalin ni Jose Lacaba – “Kalayaan ang Kanin ng Bayan”

Koleksyon ng mga Diyona para kay Andres Bonifacio

Nang mahati ang Katipunan

Katipunang pinatid

Ng mga taksil na burgis,

Pinagdugtong ni Andres.

 

Paratang ni Daniel Tirona

Minsan nang inismiran,

S’ya umano ay mangmang,

Sa sining ng digmaan.

 

Nagluwal ang kanyang Kamatayan sa Bundok Buntis

Nang siya ay pinatay

Doon sa bundok Buntis,

Masa’y nanganak: galit!

 

Abaniko ni Bonifacio

Abanikong pamaypay

Ang tinda ni Andres,

Pambugaw sa alferes.

 

Bonifacio : baryang sampung piso  

Ako ay nainsulto

Nang put’lan nyo ng ulo’t

Naging ‘sang sampung piso.

 

Panawagan ni Andres Bonifacio

Salaysay ay iwasto:

Sinong unang pangulo

Nitong bayang Tagalog?

 

Pangaral  ng Bayani

Mga kasama tandaan,

H’wag itigil ang laban

Hanggat dayuha’y nar’yan.

 

Maraming Anak si Andres Bonifacio

Sila ang aking anak:

Mga binhing nagmimithi

Ng aking mga pangarap.

 

Sandugo

Kapwa Katipunero

ay Pinagbuklod-buklod,

ng pulang sandugo.

 

Tondo: Paraiso ni Bonifacio

Ang mga ingay at gulo
ng bayan niyang Tondo,
wari ‘sang paraiso.

 

Kweba Pamitinan

Sa dakong yun ang kuta,
ipunin ating lakas,
sa muling pagbalikwas.

 

Pagkilala sa Masa ni Bonifacio

Huwag ipagkamaling
Katipunan ay ako,
lagi nang lahatan ‘to.

 

Hanggang kailan may Bonifacio?

Hanggang baya’y bihag pa
ng ganid na dayuhan,
mga Andres ay lalaban.

 

Kusang Lumilitaw ang mga Bayaning tulad ni Bonifacio

Sa panahon ng luha’t
may pagsasamantala,
bayani’y usbong sadya.

 

Sigaw sa Pugad Lawin

Cedula ay punitin,
pagpirapirasuhin,
pang-aalipi’y wak’sin.

Ang pagpapagupit sa panahon ng pagka-upaw

barberyaHindi pa nakakapaso ang sikat ng araw, alas-9 ng umaga, iika-ikang naglalakad palapit sa Deking’s Barbershop si Mang Poli para magpagupit. Malayo pa ay matatanaw na ang nakabungisngis na mukha  bilang babati sa kumpareng barbero na si Tata Deking na noo’y abala sa panggugupit.

“Pare mukhang madami kang kliyente ngayon a!”, bati ni Mang Poli. Sabay uupo sa bakanteng bangko.

“Oo pare, malapit na ang pasukan sa eskwela kaya isa-isa nang nagpapagupit ang mga bata. Magpapatabas ka ba pare?”, usisa ni Tata Deking. Ilang buwan na ring hindi nagpapadalaw sa barberya si Mang Poli. Palibasa’y numinipis na ang buhok at halos upaw na ang bumbunan kaya hindi na kailangan masyado ng maintenance.

Dati-rati ay isang beses sa isang buwan ay walang palyang magpapagupit ng buhok si Mang Poli kay Tata Deking. Sa barberya habang ginugupitan, madami silang napag-uusapan: mga usapang tiyak umiikot sa mga isyu ng pulitika, basketball at artista – ‘Ika nga ay PBA.

“Oo pa-trim lang pare.” Sabay hawi pataas sa manipis na nyang buhok. Madali ding bumalik sa bagsak na ayos ang ilang kumpol ng bangs. Nangintab sa repleksyon ng araw ang kanyang bunbunan. Nilibot nya ng sulyap ang mga kabataang nakapilang sunod na gugupitan upang mabawasan ang makakapal at buhaghag nilang buhok. Matapos manligid ng kanyang paningin ay napayuko ito at ilang saglit nanahimik.

Nangising nakatutok sa buhok ng batang lalaking ginupupitan si Tata Deking. Parang lumilikha ng ritmo at melodiya ang paulit-ulit na pagtabas ng matalas nyang gunting sa buhok ng kabataang ginugupitan; at sumasayaw sa hangin ang naputol na kumpol ng buhok, bago lumapag sa sahig.

Kompilasyon ng mga Diyona*

Pagmumulat

Bukas sa ‘ting paggising

Buklatin ang kahapon

May layang dapat kamtin.

 

Kompyuter

Sa pagpindot ng buton,

Mayro’ng mundong umusbong

Bahala na ang gutom.

 

Pagtatanod

Undayan mo ng saksak

Ang magtangkang humawak

Sa laya nating ganap

 

Burgis

Paano ba pumirmi-

Kung saan man lumagi

Isip ‘di mapakali.

 

Kampay

Nang halikan ng yelo

Ang may alak na baso,

Ngumiti ang lasenggo.

 

Price Hike

Tumaas na ang presyo

ng lahat sa merkado

Diyos ko paano ‘to?

 

Pantubos

Simple lang ang hangad ko

Paglaya ng bayang ‘to;

Ang pantubos: buhay nyo.

 

Pagbabalikwas

Nang lumapat ang pluma

Sa papel ng masa,

Nayanig ang sistema.

 

Ang SONA ni P.NOY, kung Buhay lang si Bonifacio

Kung buhay ka KA Andres

Umismid ka nung lunes

Sa SONA ng mga burgis

 

Bolo ni Bonifacio

Masdan kanyang tabak,

Paangat ang tutok,

Pagbaka’y ibulusok.

 

Pag-aagaw buhay, Huling salita ni Andres

Paumanhin Ka Gorya

Yayao akong una

Wala pa mang paglaya.

 

Kung bakit ayaw pakasal sa simbahan ni Bonifacio

Ayaw kong maikasal

Sa lilim ng simbahang

Nagturong tayo’y hangal.

 

Nang nagsumpaan si Andres at Gregoria

Tanda mo ba Gregoria,

Sumpaan ‘tang winika

Saksi ang mga kasama?

 

Matapos ang Digma

Pinapangarap ko din

Matapos itong dilim

Kita sana’y magsupling.

 

Si Andres may Diploma

‘di aral sa eskwela

Taglay nya ay diploma

Pinanday sa praktika.

 

Bonifacio, Proletaryo

Sino ‘tong walang yaman

na sukat protektahan,

Sya’ng nangunang lumaban?

 

Saan humilay ang labi ni Bonifacio?

Sa Cavite pinatay

ngunit na’san ang bangkay?

sa dugo ‘ta nahimlay!

—-

Ang diyona ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng pitong pantig kada taludtod, tatlong taludtod kada saknong at may isahang tugmaan.

“Sa pagkamatay …

“Sa pagkamatay ng aking diwa sa pagkaalala sa paglimot ay nabubuhay ang aking damdamin, pero ibang damdamin. Hindi ko iyon ipapakita, parang walang ano mang mangyari sa akin. Parang hindi ko sya kilala, parang hindi sya mahalaga sa akin, pero kunwari lang iyon… Hihintayin kong siya ang mag-umpisa, ng ngiti, ng pagbati. Parang kuryente akong umaagos sa pananabik, pero nahihiya at naghihinakit.”

-Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Magpahuli Sa Mamang Salbahe
Jun Cruz Reyes