Tulay na Bakal


Tulay na Bakal

Footbridge*

Maaaring inisip nyong simpleng limos lamang ang  inihuhulog ninyong barya sa sisidlan kong lata.

Pero labis ko iyong pinapahalagahan at pinapasalamatan, hindi dahil may pantawid akong pera sa maghapong pakikipagsapalaran sa salimuot ng buhay-syudad;

Hindi sa anupaman!

Kung hindi dahil dito’y napatunayan kong nabubuhay pa ako sa mundo at nakikita’t pansin din ng ibang taong nagdaraan;

Dito sa ibabaw ng bakal na tulay na buhay ko’t libingan.

 

Maaaring maaga pa’y hinusgahan na ninyo ako’t pinaratangan:

Tamad at latak ng lipunan. Parang inakay, nakaabang sa iaabot ninyong gasinong kayamanan sa kabila ng edad at laki ng katawan,

Sa gitna ng pag-uunahan at pagmamadali ng mga tao –

Sa pagtupad ng matatayog ninyong pangarap, masaya na akong naitatawid ang pang-araw-araw na pangangailangan.

Humimpil ako sa isang lugar at iniwanan ang paglalayag sa makasarili’t materyalistikong buhay.

 

Sino ba ang sa simula pa’y ninais nang maging tulad kong  palaboy?

Walang pamilya’t kaibigan, walang bubong na karamay sa init at ulan ng katanghalian,

Walang kumot na panlaban sa lamig ng hangin sa madaling-araw.

Kung hindi lang nasilaw sa kuko ng liwanag ng Kamaynilaan at biktima ng ganid na panginoon sa paggawaan –

Kung  hindi lang nadarang sa pailaw ng lansangan at nahalina sa pagsasayaw ng mga balang.

Kung hindi sana nabiktima ng pag-uumpugan ng mga ruby na sa huli’y akong alikabok ang natistis samantalang isa ako sa maraming sa kanila’y nagpakinang.

 

Ngunit hindi ako naging madamot sa kabila ng inyong paglimot na ako’y mula din sa inyo.

Araw-araw ko kayong pinapatuloy sa aking kastilyo.

Mainam nang isiping bahagi ako ng inyong pagdako sa bahaging iyon at kabilang ibayo,

At napanatag kayo sa banta ng mga rumaragasang buwayang may dalang nakakasilaw na espada sa ilalim ng aking sanktwaryo.

Kaya’t hindi sa anupaman ang dahilan ng aking paglalagi sa daanang bakal.

Mapalad akong payapa ang isipan.

Kaya’t huwag kayong lilikha ng mga salitang magpapaliwanag sa aking kalagayan.

 

Huwag ninyo akong ikahiya, huwag kayong mahabag sa aking pagkadapa.

Larawan lamang ako ng kasalukuyang estado ng lipunan, karugtong ng inyong lumbay at pag-aalala.

Dumadami sa kabila ng pag-unlad ng iba.

Larawang madalas, ikinikibit-balikat at dinadaan-daanan.

Kaya’t huwag kayong lilikha ng mga salitang magpapaliwanag sa aking kalagayan –

Na para bang ang  ako ay ako  lamang,

Dito sa ibabaw ng bakal na tulay na buhay ko’t libingan – ang aking tahanan.

_____

Isang tulang ekphrasis (tawag sa tula tungkol sa isang visual art) para sa sining biswal ni Vonn Adlawan na Footbridge

Advertisements

2 thoughts on “Tulay na Bakal

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s