Bangungot

Katarungan para kay Ka Cathy Alcantara, biktima ng Extra Judicial Killings sa Central Luzon.

Katarungan para kay Ka Cathy Alcantara, biktima ng Extra Judicial Killings sa Central Luzon.

Nakahiga ako sa isang mahabang pulang sopa. Hindi ko kailangang ibaluktot ang katawan ko dahil sakto sa laki ko ang haba ng upuan. Kasama ko noon si Osang, dati kong ka-kolektib at kasama sa youth sector. Nasa loob kame ng isang may kaluwangan na bungalow na bahay, mataas ang walang kisameng bubungan. Nakaupo siya sa may bandang bintana. Nakakasilaw ang sikat ng araw sa katanghalian.

Tulad ng dati, naka-6-pocket na pantalon na grey si Osang at talagang nag-aagit ang fitted na lila nyang suot na t-shirt. Kaisa Ka na Kaisa Ka! Maingay ang paligid, mukhang marami kameng kasama sa lugar. Tinanong nya ako kung may kilala akong Cathy.

“Siya kasi ang organizer sa lugar na ito.”

Sabi ko, “dalawa ang alam kong Cathy sa Kilusan. Naalala ko yung dating y.s sa Sta. Mesa na ngayon ay laylo na, pero binanggit ko ang pangalan ng isang kasama: “Cathy Alcantara?”

Pagkabanggit ko ng pangalan na yun, bigla ako nanginig at nanigas, naging mapusyaw ang paligid, nakatingin ako sa kisame, parang ang layu-layo nito sa akin. Hindi ako tinulungan ni Osang, nawala na siya sa aking paningin. Nawala na rin ang ingay ng mga tao na kasama namin doon sa malaking bahay. Nakanganga ang bibig kong nakatingin sa malawak at walang kisameng bubong. Parang ako nalang mag-isa ang naroon sa loob ng bahay.

Naiiyak ako dahil naalala ko na noon kung sino ang pangalan na nabanggit ko. Si Ka Cathy Alcantara, biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Central Luzon noong 2005 sa Abucay, Bataan. Kasagsagan ng Extra-Judicial Killings sa panahon ni GMA, maghahatid sana ng pagkain  si Ka Cathy sa mga kasamang magsasaka sa isang lugar sa Abucay na noon ay nag-a-asembliya, nang bigla siyang tambangan at pagbabarilin ng mga naka-motor na kalalakihang pinaghihinalaang elemento ng militar. Parang napapanuod ko ang eksena ng pagpaslang. Patay kaagad ang kasama.

Alam ko na na binabangungot ako. Nakikita ko mula sa bird’s eye – view ang kaawa-awa kong hitsura. Nilalabanan ko ang lamig at panginginig. Nakabuka ang aking bibig. Umuugong sa aking pandinig. Malamig. Pinipilit ko gumalaw. Pumiglas. Napasigaw: “Mmmmaaaa…..Maaaammmm…..MaaaaMaaaaaa!” Nagising akong pinangingilabutan. Napaupo at sinapo ang mukha. Takot na takot. Nagtindigan ang mga balahibo. Kasagsagan ng bagyong Maring, dinidelubyo ng matinding pag-ulan at baha ang buong Calabarzon at Kamaynilaan at mga karatig lalawigan, pinakiusapan ako ng kuya ko na doon sa bahay nila sa Cavite muna matulog ng ilang araw para magbantay.

Mag-isa lang ako sa loob ng bahay. Mas lalo akong natakot. Niligid ko ng paningin ang kwartong tinutulugan ko. Wala nga talaga akong kasama.

Alam kong nagising ako na ang sinisigaw ay mama. Walang pinag-iba sa mga sundalo, rebelde, lumpen o kahit na sinong matapang na tao na pagdating sa bingit ng kamatayan ay huling babanggitin at tatawagin ang kanilang mga nanay. At tulad ng mama ko, isa ding ina si ka Cathy. Isang inang pinaslang at naulila ang mga anak, at hanggang ngayon ay naghahanap ng katarungan.

Nawala ang takot ko sa ganoong isipin. Bakit ko nga ba naman kakatakutan si Ka Cathy? Mas nakakatakot ang mga berdugong pumatay sa kanya. Mas nakakatakot si Gloria dahil hindi pa rin siya napaparusahan sa mga kasalanan niya. Mas nakakatakot si Palparan dahil malaya pa rin siyang nakakagala. Mas nakakatakot si P.Noy dahil kunwang mabait, tapat at progresibong namumuno bilang pangulo pero ang totoo ay ibinibenta na sa dayuhan ang bansa natin. Papaanong hindi ka matatakot: buhay na naman ang isyu ng Charter Change na nakasentro sa pagrebisa ng mga nationalist economic provisions ng konstitusyon at pagsulong ng mga neo-liberal na polisiya gaya ng malayang pagpasok ng mga dayuhang investments, 100% foreign ownership sa mga negosyo at natural resources, tax incentives, at pagpapatagal ng tenure ng dayuhang negosyo sa bansa. Habang pabawas nang pabawas ang budyet para sa mga social services gaya ng edukasyon at kalusugan.

Dadagsa na muli ang libu-libong mga sundalong Amerikano sa Pilipinas dahil sa pivot shift o rotational balance ng kanilang puwersa-militar sa Asya-Pasipiko, katumbas ng dami noong may base-militar pa sila dito. Aakalain mong may giyera sibil o digmaang pandaigdig.

Nauuso na nga din ang mga nawawalang mga bata na natatagpuang patay ng mga magulang at may mga bahagi ng katawan na nawawala. Pero  mas nakakatakot sina Napoles at mga mababatas na sangkot sa pork barrel scam na nakayanang pangibabawan ang konsensya na gamitin ang pera ng taongbayan para sa pansariling pagpapayaman. At marami pang kahindik-hindik na mga pangyayari ngayon sa paligid na hindi nailalahad dahil mas trip tutukan ng media ang katakut-takot na pagriremedyo ni Dra. Belo at Dr. Calayan sa mukha at katawan ng mga artista at pulitiko .

Kaya hindi ko dapat katakutan si ka Cathy. Mas nakakatakot silang nabanggit ko sa itaas na pumaslang sa mga gaya niya (at kumakatay sa atin), dahil natakot sila sa mga ipinaglalaban ng isang inang tulad niya – ang makamit ang isang lipunang malaya, may pagkaka-pantay-pantay at kasaganaan sa lahat.

Kaya ano ang dahilan ko para matakot? At kung ganoon ay bakit matatakot sa mga humaharang na ang mga ipinakikipaglaban na iyon ay makamtan? Dapat nga raw tayong matuto sa mga action films ni FPJ: sa panahong dinikdik ka na sa pader ng pang-aapi at pagsasamantala ng kaaway, nasasaid din ang takot hanggang wala ka nang ibang pagpipilian kundi pangibabawan ito at tuluyang lumaban. Mas mainam na nga naman ang mamatay nang may saysay at may ipinakikipaglaban kaysa mautas ang buhay sa walang kakwenta-kwentang bagay. Gaya nang masagasaan sa Commonwealth Highway  kahit may footbridge naman sa malapit at malinaw ang signage ng MMDA na “bawal tumawid may namatay na dito”, o kaya ang mamatay sa pagkalunod sa binabahang underpass sa Quiapo sa kasagsagan ng bagyo sa dahilang “you were not informed” na binabaha ang underpass, o kaya nahulog ka sa billboard na may taas na 40ft. dahil magpapakamatay ka na sana pero biglang nagbago ang isip mo kaya bababa ka nalang pero minalas na madulas kaya mas napabilis ang pagbagsak at nagkadurug-durog ang buto, o kaya ay sumali ka sa Bull run event  nang nakapula ang suot at hindi alam ang gagawin para makaiwas sa toro.

Bigla ko naisip ang sarili ko kung nagkataong natuluyan akong mamatay sa bangungot, nasa loob ng isang puting ataul, ang pangit ng kamatayan ko kung nagkataon. Magdadatingan sa aking burol ang mga kaibigan, kamag-anak at mga kasama. Pati na din mga kaaway at naging kaaway ko, dadating din, kukumpirmahin kung ako nga iyong pinaglalamayan, saka makakahinga ng maluwag – “Hay salamat! Nawala na rin ang sakit sa ulo na yan!”

O kaya pagkukwentuhan ang buhay ko ng mga nakakakilala sa akin:

“Yang loko na yan? Mabait yan! Sayang nga maagang namatay.”

“Talaga ba? E ano bang ikinamatay?

“Binangungot.”

-2:07 a.m-

8/21/13

Advertisements

Kiskisan (Friction)

Namamangha talaga ako sa proseso ng pagkikiskisan.

Mula dito ay maraming nabuong mga bagay.

May kiskisang panloob at eksternal, sekundaryo at prinsipal:

Ang mga lupain ay nagdikit at naghiwa-hiwalay,

Mga sasakyan sa kalsada ay huminto at umandar,

Nagawang hatiin ng patalim ang matigas na bagay,

Nalikha ang sining mula sa dating walang pakinabang

At sumiklab ang apoy ng kaunlaran.

 

Ngunit kung pagninilayan,

Maging ang mga lipunan ay nagbago sa pagkikiskisan.

Ang kasaysayan ay nangaral:

Binunsod ito ng pagkakaiba ng mga magkatunggaling puwersa  –

Sa paghihirap ng marami, may  yumamang iilan;

“Hindi ito makatarungan,” usal ng pinahihirapan.

Naglabanan ng bisig, nagkiskisan ng isip,

May nagwagi at may umuwing sawi.

Mula dito’y lumitaw ang panibagong kaayusan,

Mas produktibo kaysa doon sa iniwanan,

At higit pang uunlad kung ito ay susundan

Ng lipunang pamumunuan ng puwersang manlilikha ng kiskisan.

 

At kung titingnan ang ating pinagmulan,

Tao man ay nabuo sa sinapupunan:

Nang ang dalawang magkasalungat na pantas

Ay umindayog sa sarap ng pag-uumpugan.

 

Kaya’t huwag ninyong ipagkamali,

Na itong aming pakikipagkiskisan sa mga paham,

Ay walang kadahi-dahilan,

Sapagkat sa kaguluhan man kaibigan ay mayroong kaayusan.

 

 

 

 

Salamisim sa Madaling-araw

Hindi umubra ang nakakapasong init ng araw ng alas-tres ng hapon para patigilin ang nagkakantyawang grupo ng  mga binatang tambay na nagpupustahan sa larong bilyar sa labas ng aking bahay.

At  kahit pambihira ang hapong ito dahil binisita ako ng kapatid kong si kuya Paul sa aking lungga, hindi namin nagawang makapag-usap ng maayos dahil sa alingawngaw ng ingay sa labas. Wala din naman akong masabi dahil sa pagkapahiya. Paano ba naman ngayon lang ako nadalaw ng kapatid ko ay wala man lang akong maalok na kung anumang makakain o inumin man lang sa kanya at sa kasama nyang pamangkin ko na si Riza. Hindi naman na ako mapapautang ng kahit isang supot ng tinapay o kahit isang ice tubig ni Aleng Mameng. Paano mas mahaba pa sa Edsa ang listahan ng utang ko sa kanya dahil may isang taon na akong hindi makahanap ng maigi-iging kabuhayan.

Simula kasi nang tumuntong ako sa edad na 30 ay wala nang gustong tumanggap sa akin sa trabaho kahit man lang sana service crew sa isang fast food chain. Ang tinitingnan palagi ay ang edad at pustura ng aplikante. Malas lang dahil parehong wala sa akin.

Nagkasya nalang kame sa panunuod sa 14 inches kong telebisyon, na tanging kasangkapang dekuryente sa aking palasyo bukod sa isang lumang orasan sa dingding at  isang lamesita sa pagitan naming magkapatid. Iyon nga lamang, parang despalenghado ang dubbing ng pinanunuod naming teledrama sa hapon dahil mas nagingibabaw ang boses ng mga tambay sa labas – nagsasampalan ang mga babaeng karakter sa eksena pero nagtatawanang kalalakihan ang naririnig naming ingay.

Dahil nga dito, mukhang sinusumpong na sa inip at init ang pamangkin kong si Riza na kasama ni kuya Paul . Wala pang anim na buwan si Riza noong huli ko siyang nakita. Iyon din ang huli naming pagkikita ni kuya. Ngayon ay pitong taon na ang bata. Parang kailan lang ang lahat. Hindi ko sila matingnan kahit  napakasaya ng loob kong makita ang kapatid ko at si Riza. Kung hindi sa telebisyon ang mata, ay dudungaw-dungaw ako sa bintana para tingnan ang masasayang mukha ng mga nagbibilyar na kabataan sa tapat. Hindi rin naman ako kinakausap ni kuya. Alam niyang may ego din ako sa katawan kaya pinapakiramdaman nya ako. Tinatantya. Hindi siya nagkusang bumili o magpabili ng anumang pwedeng pagsaluhan sa labas. Alam niyang hindi ko yun magugustuhan.

Inaasikaso na lamang nya si Riza na ngayon ay nagngangangawa na sa sahig na nakatingin kay kuya. Mabilis ang pagtulo ng kanyang luha, tuluy-tuloy ang pagdaloy sa kanyang pisngi. Nagulo na ang kanyang naka-pony tail na ayos ng buhok. Namantsahan na din ng marumi sementadong sahig ang kulay kahel nyang short at ang lila nyang spaghetti shirt.  Sa una ay hindi ko marinig ang dahilan ng kanyang pag-iyak. Tahimik kameng nakasalampak sa pagkakaupo sa sahig dahil wala din akong upuan. Nabenta na ang madami sa mga kagamitan ko sa bahay dahil sa sakit ko sa baga. Hindi ito alam ng kahit isa sa mga kapatid at kamag-anak kahit si kuya Paul.

Mula nang nagsarili ako sa buhay nang mag-asawa at kalaunan ay hiwalayan ng kinakasama, nang mag-trabaho sa Italy at doon naghanap ng ibang makakatuwang sa paglilibang, ay bihira na ako dumalaw sa mga kamag-anak. Para akong naging ermitanyo. Kahit sa looban na ito ng Tanyong ay walang nakakakilala sa akin.

Umusal ng tanong si Riza. Naging malinaw ito sa aking pandinig sa kabila ng naghaharing ingay.

 “Tatay may tunay ba akong magulang? Sino sila tatay?”

“Anak ilang ulit mo na tinanong yan. Huwag mo na kasi isipin yan para hindi ka na malungkot. Kame na ang magulang mo. Hindi ko kilala ang tunay mong magulang.” Pinahid ng kamay ni kuya ang luha ni Riza. Kinabig nya ito palapit sa kanya para yakapin.

 Patuloy sa pagluha si Riza pero nawala na ang palahaw at naiwan  na lamang ang paminsan-minsang paghikbi.

Napalingon ako sa bata. Kinuha ko si Riza mula kay kuya na yapos-yapos ito.

“Halika Riza.” Hawak-hawak ko ang kanyang balikat habang papalapit sa akin. “Kilala mo ba ako? Ako si tito Bert. Ako ang nag-aalaga sayo dati. Tanda mo ba?” Nanginginig ang boses  ko habang sinasambit ko ito na nakayuko kay Riza na kinandong ko at niyayakap ng mahigpit sa aking bisig.

Pinagmamasdan kong maigi ang malamlam, bilugan at malalim nyang mata. Pamilyar ang mata na iyon, manang-mana sa kanyang ina pati ang maumbok na pisngi at malapad na balikat. Pero hinding-hindi nakuha sa nanay nya ang matangos nyang ilong. Malusog din ang kanyang pangangatawan, sa isip ko para siyang si Dora – ang batang gala. Gusto kong mangiti para malibang si Riza.  

Pinagmasdan akong maigi ng bata. Wala na ang mga hikbi. Tahimik na tahimik, parang nahihiya. Nangingilala, nag-uusisa, naghahagilap ng kung anumang pamilyar na ala-ala kasama siya mula sa salamin ng aking kaluluwa. Nang biglang natigilan si Riza. Nanginig ang kanyang katawan at pumalahaw muli, mas malakas kaysa kaninang pagngawa. May kung anong nahalukay na memorya sa nangungusap kong mga mata.

Bigla-bigla napabangon ako mula sa pagkakahimlay sa aking banig na nasa sahig. Napatingin ako sa orasang nakasabit sa dingding, alas-2 ng madaling araw. Wala na ang ingay ng mga tambay sa bilyaran. Niligid ng aking paningin ang kabuuan ng aking lungga. Naghahanap. Tinitiyak kung may bakas ang pagdalaw ang aking kapatid. Pero wala. Hindi totoo ang lahat. Napaupo ako at sumandal sa sementong dingding saka sinapo ang mukha. Umiiyak na inuusal ang matamis na pangalan ng karugtong kong nawala at pinabayaan.

 

 

 

 

Mga Tanaga*: Kalamayin

Hulagway ng lasinggero

 

Nang halikan ng yelo

Ang may alak na baso,

Ngumiti ang lasenggo’t

Napakamot sa ulo.

 

Buntung-hininga

 

Tumaas na ang presyo

Ng lahat sa merkado,

Kapos pa ang suweldo,

Diyos ko paano ‘to?

 

Burgis

 

Paano ba pumirmi?

Kung saan man maglagi,

Isip ‘di mapakali,

Para ngang kiti-kiti.

 

Virtual World

 

Sa pagpindot ng buton,

May’rong mundong umusbong,

Bahala na kung gutom

Sa buo kong maghapon.

 

Huling salita ni Bonifacio

 

Paumanhin ka Gorya,

Yayao akong una,

Hindi pa man lumaya’t

‘di pa tanaw ang bukas.

 

Kung bakit ayaw pakasal sa simbahan ni Bonifacio

 

Ayaw kong maikasal

Sa lilim ng simbahang

Nagturong tayo’y hangal

At sa yama’y nagkamkam.

 

Sumpaan

 

Tanda mo ba Gregoria,

Sumpaan ‘tang winika:

Magsama ‘gang paglaya,

Saksi ang mga kasama?

 

Bukas sa paggising

 

Bukas sa ‘ting paggising

Buklatin ang kahapon,

May layang dapat kamtin,

May puring babawiin.

 

FashioNA (State of the National leaders’ Attire)

 

Kung buhay ka Ka Andres,

Umismid ka ng lunes,

Sa yabangan ng damit –

Sa SONA ng mga burgis.

—-

Ang Tanaga ay isang katutubong tula na may pitong pantig kada taludtod, apat na taludtod sa isang saknong na may isahang tugma.

Pukpukan

Sumipat ang martilyo

Upang pasimulan ang pagpukpok

Sa sementadong pader.

 

Sa una’y paisa-isa’t nanunukat,

Hanggang bumilis nang bumilis – humagibis

Ang hataw sa ngayo’y umaalimbukad na pader.

Nagtatalsikan ang mga natibag na kapirasong bahagi.

Naglawa ang mga tubig na nagpahina sa pundasyon ng semento.

 

Pukpok, hataw,  pabilis nang pabilis…

Sumasagitsit ang namumuong pawis

Sa ulo ng martilyo dahil sa papainit na klima ng paligid.

Pukpok, hataw, pabilis nang pabilis…

Hanggang pumulandit…

 

Mahal, pumulandit ang malayang tanawin

Nang tuluyang mawasak ang pader

Ng kawalang malay:

nang tumambad sa atin

ang kalawakan ng daigdig.

Tulaan sa Facebook 2013: Mga Nagwagi para sa Hunyo-Hulyo

Tulaan sa facebook winners…

Kalatas: Philippine Literature, Culture, and Ideas

fbicon-textfill-boni

Ikinagagalak i-anunisyo ng mga tagapangasiwa ng “Tulaan sa Facebook,” isang proyekto ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang limang nagwagi para sa unang buwan ng paligsahan. Makakakuha ng libro galing sa University of Santo Tomas Publishing House at Ateneo de Manila University Press ang mga nagwagi at babasahin ang mga diyona sa LIRAHAN sa Agosto 20, 2013, 7-9 n.g. sa Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Quezon City.


Oryang, Oryang, mahal ko!
Dikdikin aking buto
Ibudbod sa sugat n’yo.
German Villanueva Gervacio


ANG MGA WALANG PANGALAN

Kada tulog mo’t gising
Ikaw ay si Andres din
Sa sarili mong giting.

Juancho Marco Plata


ABANIKO NI BONIFACIO

Ang abanikong hawak
matapos iwasiwas
ay gulok na matalas.

Louise Vincent B. Amante


BONIFACIO: BARYANG SAMPUNG PISO

Ako ay nainsulto
Nang put’lan n’yo ng ulo’t
Naging ‘sang sampung piso.

John Michael D. Cruz


PAGGUNITANG ANDRES

Pag di ibig mapukol,
ibong…

View original post 355 more words

Mga Diyona para kay Gat Andres Bonifacio 2

Ala-ala ng Bayani

 

Gunita mo at aral,

Sa amin ngayo’y gabay –

Wastong tuloy magbantay.

 

Salop ng pagtitimpi

 

Bawat angil at hikbi,

Naipong luha’t hapis;

Puhunan sa pagbawi.

 

Batayan ng paghihimagsik

 

Edukasyong lihis,

Dangal ay sa mga hari,

Yama’y inari ng pari.

 

Pulang Panyong nakabuhol sa leeg ni Bonifacio

 

Nagniningning na panyo,

Simbolong pinapula

Ng pinahid na dugo.

 

Ang Dakilang Plebeyo

 

Tulad mo’y si Spartacus,

‘sang dakilang plebeyo:

Dangal ng uri’t tao.

 

Dinilig ng iyong buhay ang tigang na Bayang uhaw sa Kalayaan

 

Lupang salat at tigang,

Punong payat-kalansay,

Dinilig ng ‘yong buhay.

 

Sa Bisperas ng Digma

 

Ngitngit ng hangi’t ulan,

Mapulang takipsilim,

Napipintong digmaan.

 

Ang laro gitna ng digma

 

Ang mabuhay sa digma’y

Para ding paglalaro

Ng pag-ilag sa punglo.

 

Bungo ni Llanera

(Isa sa mga bandila ng Katipunan)

 

Masdan yaong bandilang

May bungo at buto,

Hinabi ng may puso.

 

KaKaKa

 

Letra lang ang KKK.

Ang halaga ay nasa

Alay na buhay’t puso.

 

Ang mga kapatid na lalake ng bayani

 

Procopio at Troadeo:

Kapatid nya sa pusod,

Kasama sa ‘sang layon.

 

Ang mga kapatid na babae ng bayani

 

Ay! Maximina’ng bunso,

Esperidiona’ng mahal,

Inspirasyon sa laban.

 

Kartilya ng Katipunan

 

Silang katipunero

Ay gaya ng samurai,

May batas na siyang gabay.

 

Dekalogo

 

Unahin mo ang bayan,

Kabaya’y ipaglaban,

Sarili’y alagaan.

 

Matapos ang isang labanan

 

Mapanglaw ang bituin

Sa dakong Intramuros

Sa gabi ng pagsugod.

 

Magdalo/Magdiwang

 

Mapait ang balitang

Nahati lang ng iba:

Samahang pinag-isa.

 

Sa gabi ng labanan

 

Sa gabi ng labanan,

Dun sa dakong San Juan,

Lumuha’ng kalangitan.

 

Hindi Showtime ang Katipunan,

Na tuntungan sa pagsikat at magpasikat

 

Bayani  kang totoo

Tulad ni Bonifacio,

‘di sabik palitrato. 

[From the web] DEU Braves: Letter of Thanks

Mabuhay ang nagkakaisang manggagawa ng DEU!

Human Rights Online Philippines

DEU Braves: Letter of Thanks.

WE COULD NOT HAVE DONE THIS WITHOUT YOU, THANK YOU!

August 2, 2013

DEU copy

To All Our Sympathizers, Supporters and Well-wishers,

We, members of Digitel Employees Union, would like to extend our heartfelt and cordial appreciation for the help and support you provided us during the time of our struggle.

Thank you for the moral support, financial assistance, principled backing, sound guidance, motivation, encouragement and most of all, for your love and fervent prayers.

Through your aid, we were able to sustain almost four (4) months of our picket activities and protest programs at two (2) different locations, PLDT Main Office at Ayala, Makati and DOLE Office at Intramuros, Manila. You were with us as when we braved the heat, rain and cold nights in the picket line.

You shared our hopes and lifted our morale when we felt weak and unsure…

View original post 149 more words

Tagumpay ang DEU, ang Uri at Sambayanan

Nang ang mga DEU Braves,

nagkaisa’t nagpiket,

amo ng PLDT,

nanginginig ang puwet.

Dala nila’y pruweba,

desisyon ng husgado:

manggagawa’ng panalo

sa lahat ng mga kaso.

Ngunit labis na sakim

ang kapitalista,

itong si Pangilinan

ang sobrang nangunguna.

Hindi nga pinakinggan

ating Korte Suprema,

sapagkat wika nila:

Wala nang batas-batas!

Lahat daw nabibili

ng kanilang mga La-Cash!

Kaya’t nagbarikada

Itong mga manggagawa –

apat na buwang singkad

ni walang panghihina.

’pagkat ang nakataya:

kabuhayan at bukas

ng kanilang mga mahal –

asawa at mga anak.

Sa gitna ng labanan,

Sila ay nagdiskusyon:

isyu nila’y marapat

alam ng buong nasyon.

Sapagkat tanto din ngang

Ang kalagayan nila

Ay repleksyon din lamang

ng sitwasyong kaharap

ng buong manggagawa.

Kaya sila’y nagbalik

Sa mga unibersidad,

Humingi ng suporta

Sa nasa akademya,

maging sa komunidad.

Sa huli nga tagumpay

Ang kanilang nakamit.

Sila sa wakas bayan,

May trabaho na ulit!

Sa kanilang panalo,

Kaaway natahimik,

O nagwagi! Nagwagi-

Ang masa at ang uri!

_____

Larawan mula sa matatapang na mga kasama ng DEU

Larawan mula sa matatapang na mga kasama ng DEU

Taas kamaong pagpupugay sa mga manggagawang bumubuo ng DEU (Digitel Employees Union)! Pinatunayan ninyong sa pagkakaisa at pagtindig ng pinakasulong na uri sa lipunan, walang labang hindi mapagtatagumpayan.