Bangungot


Katarungan para kay Ka Cathy Alcantara, biktima ng Extra Judicial Killings sa Central Luzon.

Katarungan para kay Ka Cathy Alcantara, biktima ng Extra Judicial Killings sa Central Luzon.

Nakahiga ako sa isang mahabang pulang sopa. Hindi ko kailangang ibaluktot ang katawan ko dahil sakto sa laki ko ang haba ng upuan. Kasama ko noon si Osang, dati kong ka-kolektib at kasama sa youth sector. Nasa loob kame ng isang may kaluwangan na bungalow na bahay, mataas ang walang kisameng bubungan. Nakaupo siya sa may bandang bintana. Nakakasilaw ang sikat ng araw sa katanghalian.

Tulad ng dati, naka-6-pocket na pantalon na grey si Osang at talagang nag-aagit ang fitted na lila nyang suot na t-shirt. Kaisa Ka na Kaisa Ka! Maingay ang paligid, mukhang marami kameng kasama sa lugar. Tinanong nya ako kung may kilala akong Cathy.

“Siya kasi ang organizer sa lugar na ito.”

Sabi ko, “dalawa ang alam kong Cathy sa Kilusan. Naalala ko yung dating y.s sa Sta. Mesa na ngayon ay laylo na, pero binanggit ko ang pangalan ng isang kasama: “Cathy Alcantara?”

Pagkabanggit ko ng pangalan na yun, bigla ako nanginig at nanigas, naging mapusyaw ang paligid, nakatingin ako sa kisame, parang ang layu-layo nito sa akin. Hindi ako tinulungan ni Osang, nawala na siya sa aking paningin. Nawala na rin ang ingay ng mga tao na kasama namin doon sa malaking bahay. Nakanganga ang bibig kong nakatingin sa malawak at walang kisameng bubong. Parang ako nalang mag-isa ang naroon sa loob ng bahay.

Naiiyak ako dahil naalala ko na noon kung sino ang pangalan na nabanggit ko. Si Ka Cathy Alcantara, biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Central Luzon noong 2005 sa Abucay, Bataan. Kasagsagan ng Extra-Judicial Killings sa panahon ni GMA, maghahatid sana ng pagkain  si Ka Cathy sa mga kasamang magsasaka sa isang lugar sa Abucay na noon ay nag-a-asembliya, nang bigla siyang tambangan at pagbabarilin ng mga naka-motor na kalalakihang pinaghihinalaang elemento ng militar. Parang napapanuod ko ang eksena ng pagpaslang. Patay kaagad ang kasama.

Alam ko na na binabangungot ako. Nakikita ko mula sa bird’s eye – view ang kaawa-awa kong hitsura. Nilalabanan ko ang lamig at panginginig. Nakabuka ang aking bibig. Umuugong sa aking pandinig. Malamig. Pinipilit ko gumalaw. Pumiglas. Napasigaw: “Mmmmaaaa…..Maaaammmm…..MaaaaMaaaaaa!” Nagising akong pinangingilabutan. Napaupo at sinapo ang mukha. Takot na takot. Nagtindigan ang mga balahibo. Kasagsagan ng bagyong Maring, dinidelubyo ng matinding pag-ulan at baha ang buong Calabarzon at Kamaynilaan at mga karatig lalawigan, pinakiusapan ako ng kuya ko na doon sa bahay nila sa Cavite muna matulog ng ilang araw para magbantay.

Mag-isa lang ako sa loob ng bahay. Mas lalo akong natakot. Niligid ko ng paningin ang kwartong tinutulugan ko. Wala nga talaga akong kasama.

Alam kong nagising ako na ang sinisigaw ay mama. Walang pinag-iba sa mga sundalo, rebelde, lumpen o kahit na sinong matapang na tao na pagdating sa bingit ng kamatayan ay huling babanggitin at tatawagin ang kanilang mga nanay. At tulad ng mama ko, isa ding ina si ka Cathy. Isang inang pinaslang at naulila ang mga anak, at hanggang ngayon ay naghahanap ng katarungan.

Nawala ang takot ko sa ganoong isipin. Bakit ko nga ba naman kakatakutan si Ka Cathy? Mas nakakatakot ang mga berdugong pumatay sa kanya. Mas nakakatakot si Gloria dahil hindi pa rin siya napaparusahan sa mga kasalanan niya. Mas nakakatakot si Palparan dahil malaya pa rin siyang nakakagala. Mas nakakatakot si P.Noy dahil kunwang mabait, tapat at progresibong namumuno bilang pangulo pero ang totoo ay ibinibenta na sa dayuhan ang bansa natin. Papaanong hindi ka matatakot: buhay na naman ang isyu ng Charter Change na nakasentro sa pagrebisa ng mga nationalist economic provisions ng konstitusyon at pagsulong ng mga neo-liberal na polisiya gaya ng malayang pagpasok ng mga dayuhang investments, 100% foreign ownership sa mga negosyo at natural resources, tax incentives, at pagpapatagal ng tenure ng dayuhang negosyo sa bansa. Habang pabawas nang pabawas ang budyet para sa mga social services gaya ng edukasyon at kalusugan.

Dadagsa na muli ang libu-libong mga sundalong Amerikano sa Pilipinas dahil sa pivot shift o rotational balance ng kanilang puwersa-militar sa Asya-Pasipiko, katumbas ng dami noong may base-militar pa sila dito. Aakalain mong may giyera sibil o digmaang pandaigdig.

Nauuso na nga din ang mga nawawalang mga bata na natatagpuang patay ng mga magulang at may mga bahagi ng katawan na nawawala. Pero  mas nakakatakot sina Napoles at mga mababatas na sangkot sa pork barrel scam na nakayanang pangibabawan ang konsensya na gamitin ang pera ng taongbayan para sa pansariling pagpapayaman. At marami pang kahindik-hindik na mga pangyayari ngayon sa paligid na hindi nailalahad dahil mas trip tutukan ng media ang katakut-takot na pagriremedyo ni Dra. Belo at Dr. Calayan sa mukha at katawan ng mga artista at pulitiko .

Kaya hindi ko dapat katakutan si ka Cathy. Mas nakakatakot silang nabanggit ko sa itaas na pumaslang sa mga gaya niya (at kumakatay sa atin), dahil natakot sila sa mga ipinaglalaban ng isang inang tulad niya – ang makamit ang isang lipunang malaya, may pagkaka-pantay-pantay at kasaganaan sa lahat.

Kaya ano ang dahilan ko para matakot? At kung ganoon ay bakit matatakot sa mga humaharang na ang mga ipinakikipaglaban na iyon ay makamtan? Dapat nga raw tayong matuto sa mga action films ni FPJ: sa panahong dinikdik ka na sa pader ng pang-aapi at pagsasamantala ng kaaway, nasasaid din ang takot hanggang wala ka nang ibang pagpipilian kundi pangibabawan ito at tuluyang lumaban. Mas mainam na nga naman ang mamatay nang may saysay at may ipinakikipaglaban kaysa mautas ang buhay sa walang kakwenta-kwentang bagay. Gaya nang masagasaan sa Commonwealth Highway  kahit may footbridge naman sa malapit at malinaw ang signage ng MMDA na “bawal tumawid may namatay na dito”, o kaya ang mamatay sa pagkalunod sa binabahang underpass sa Quiapo sa kasagsagan ng bagyo sa dahilang “you were not informed” na binabaha ang underpass, o kaya nahulog ka sa billboard na may taas na 40ft. dahil magpapakamatay ka na sana pero biglang nagbago ang isip mo kaya bababa ka nalang pero minalas na madulas kaya mas napabilis ang pagbagsak at nagkadurug-durog ang buto, o kaya ay sumali ka sa Bull run event  nang nakapula ang suot at hindi alam ang gagawin para makaiwas sa toro.

Bigla ko naisip ang sarili ko kung nagkataong natuluyan akong mamatay sa bangungot, nasa loob ng isang puting ataul, ang pangit ng kamatayan ko kung nagkataon. Magdadatingan sa aking burol ang mga kaibigan, kamag-anak at mga kasama. Pati na din mga kaaway at naging kaaway ko, dadating din, kukumpirmahin kung ako nga iyong pinaglalamayan, saka makakahinga ng maluwag – “Hay salamat! Nawala na rin ang sakit sa ulo na yan!”

O kaya pagkukwentuhan ang buhay ko ng mga nakakakilala sa akin:

“Yang loko na yan? Mabait yan! Sayang nga maagang namatay.”

“Talaga ba? E ano bang ikinamatay?

“Binangungot.”

-2:07 a.m-

8/21/13

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s