Kalapati

Ginulat ang umaga
Sa pagdakma ni Atan Mason
Sa isa niyang kalapati sa hawla.

Hinimas-himas
Ang balahibo ng alaga,
Pampatingkad sa kulay.
Nang biglang hinugot ang ulo ng kalapati hanggang humiwalay sa leeg.
Sumirit ang dugo at nagkikisay hanggang mapugto ang hininga ng ibon.
“Adobo ka mamaya.”

Sa loob ng hawla,
Isang kalapati
Ang nakaamoy ng dugo ng kapareha.
Tumalilis sa tahanan,
Pinagaspas ang pakpak,

lumipad!

At nangakong hinding hindi,
Hinding hindi na muling babalik.

Kalakal

Tulad ng dati,
Maagang nanaog si Nene
Mula sa looban para mangalakal at nang may pambili ng kape pampainit ng sikmura.

Tinungo nya ang tinibag na kalsada sa Sangandaan na kakatapos lang ilatag noong
Nakaraang taon.

Nasipat nya ang mga hanap na nakausling bakal,
Inihanda niya ang kanyang martilyo pantibag sa nakakapit na bato.

Isang bangkay ng lalake ang natutusukan ng bakal sa dibdib,
Sariwa pang umaagos ang dugo at hinuhugasan ang karumihan ng lungsod.

Napa-iling si Nene,
“hindi pa sasapat sa isang kilo
Ang kalakal.”

Mga Haiku ng pag-i-emote

Tutubi

Munting tutubi
Nakadapo sa palad
Hanap ay habag.

Bubuyog

Lalapit-lapit
Siyang munting bubuyog
Wari bang sabog.

Dahon

Duduyan-duyan
Sa bunganga ng lupa
Ang dahong lanta.

Kulog

Dumadagundong
Ang salimbayang kulog
Sa tiyang lasog.

Manyak na tipaklong

Nagkakandirit
Ang tipaklong palapit
Sa kanyang kabit.

Kabit ng tipaklong

Sabik na sabik
Sa mga yakap at halik
Sa pagbabalik.