Yanig

Higit isang linggo na ang nakakaraan pero mainit pa rin ang mga balita tungkol sa epekto ng 7.2 magnitude na lindol sa Bohol, umaga noong Oktubre 15. Umabot ang pagyanig sa mga karatig probinsya sa Visayas tulad ng Cebu, Negros, Leyte, at Iloilo hanggang ilang bahagi ng Mindanao.

Nasira ang maraming national heritage-century old churches, natural parks gaya ng Chocolate Hills at nag-iwan ng halos 200 patay, higit 600 sugatan, 11 na nawawala at bilyun-bilyong halaga ng mga nawasak na mga ari-arian. Hanggang ngayon ay may sunud-sunod pang mga aftershocks na tinatayang aabot na sa higit 2, 000. Karaniwang tanawin ang mga nagugutom at namamalimos na pamilya sa daan, nag-uunahang mga tao sa pagkuha ng relief goods, mga nagkakasakit dahil walang mapagkunan ng malinis na tubig at libu-libong nawalan ng tirahan na nagkampo sa mga open-fields.

Habang sinasamantala ng ilang kawatan ang pagkakataon para makalikom ng pera mula sa pribado at pampublikong pondo para sa pansariling kapakinabangan, gaya ng paggiit ng lehislaturang gamitin ang kanilang pork barrel at ang Disbursement Acceleration Program o DAP para daw sa mga biktima (kung mapupunta nga ba sa mga biktima?), gayong pinapatigil ng Korte Suprema ang paggamit nito.bohol-earthquake-2013-008

Inaamin kong huli ko na nabalitaan ang lindol na iyon sa Visayas dahil tulog pa ako dahil may hang-over. Nag-alala ako sa mga kamag-anak namin sa Cebu at Bohol. Ang lola ko sa Loon na higit 80 na ang edad ay naumpog sa puno ng niyog dahil dali-daling tumakbo palabas ng gumuguho nilang bahay.

Napaisip ako, kung nagkataong dito sa Kamaynilaan nangyari ang lindol,  malamang patay na ako dahil sa pagkakampante.

tangis at taghoy

ay sumaliw sa hangin

Ay! O kay dilim

 

.

Sirang pamana:

mga paslit at ang bansa

ay naulila.

Advertisements

Haiku ng isang gala at makulit

Bukangliwayway

Sumisikat din
Ang araw sa silangan
Ng kamalayan

Dapithapon

Namamaalam
Ang araw sa kanluran
Sa mga hangganan

Hangin

Ay! Sinasayaw
Ng hangin ang mga dahon
Ng dapithapon

Tuwid na daan

Tuwid na daan
Ang anilang landasing
Pangangamuhan

Puno

Nakatimbuwang
Ang malabay na puno
Ng mga pangako

 

Malikmata

Malikmata lang
Ito bang kaunlarang
‘di maramdaman?

 

Punla

 

Tinta ang punla

t’wing nakikipagniig:

pluma sa papel.

 

Palay

 

Sumasayaw s’yang

berdeng bubot sa malay

ginto pagtagal.

 

Bubuyog

 

Lalapit-lapit

itong munting bubuyog

wari bang sabog.

 

Ulan

 

Tumatagiktik

ang buhos nitong ulan

sa’king bumbunan.

 

Gagamba

 

Itong gagamba

ay nagtatahi muli

ng bahaghari

 

Dahon

 

Duduyan-duyan

sa bunganga ng lupa

ang dahong lanta.

 

Ulap

 

Naglalakbay nang

wala ‘ni kapaguran

ang kaulapan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Barya

Alas-7 ng umaga. Nag-aabang ako ng bus mula Mandaluyong pa-Nova. Tanging laman ng bulsa ko’y sampung-pisong barya. Sinasalat-salat ko ng mga daliri ng isang kamay ang bagol sa bulsa ko; sinasalat-salat ang nakaukit na mga mukha nina Mabini at ni Bonifacio.

 

Nag-iisa, walang kalansing ang barya sa aking bulsa. Ang kumakalampag ay ang kalam at hilab ng aking bituka na hindi man lang nasayaran ng mainit bago ako umalis. Walang almusal sa opisina ng Kilusan. Simot ang mga botelyang plastik ng kape at asukal. Siguro naman ay may kape sa bahay na pagdarausan ng talakayan sa isang komunidad sa Nova.

 

Pumara ang isang bus na pwede kong sakyan sa loading bay. Sinasalat pa rin ang bagol sa aking bulsa, nag-aagam-agam na sumakay ako. Ang sampung-piso sa aking bulsa ay kulang sa pamasahe hanggang Nova. Tatawaran ko ang konduktor kung papayag ito o ibabayad ang sampung-pisong barya kung hanggang saan ang abutin nito. Kadilakad na lang hanggang lugar na aking pupuntahan.

 

Maaga pa at kukonti pa ang pasahero. Pinili ko ang isa sa mga upuan sa tabi ng bintana sa dakong likuran ng bus. Mas madaling makiusap kung walang makakarinig na iba.  Hindi ako kaagad pinuntahan ng konduktor para singilin. Magdaragdag pa muna siguro ng mga pasahero bago magtiket at maningil.

 

Parang karo sa bagal ang takbo ng bus. At madalas na patigil-tigil upang mangahoy ng maagang mga pasahero. Isinandig ko ang aking ulo sa sandalan ng upuan. Pumikit. Naopuyat ako sa kababasa sa nilalaman ng pinakahuling isyu ng dyaryo ng Kilusan bilang paghahanda sa talakayan:

 

Ang standoof ng Pinas at China sa Scarborough Shoal. Ang pagpapalakas ng pwersang militar ng US sa Asya at ang Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement sa pagitan ng US at Pinas bilang angklahan nito. Ang pagpapatibay ng Senado sa State of Visiting Forces Agreement (SoVFA) sa Australia, ang pangunahing ayudante ng US sa bagong estratehiya nito sa Asya-Pasipiko…

 

Habang nagrirepaso para sa talakayan ang aking isip, tinighaw ko ang aking gutom sa mabangong amoy ng binusang mani ng isang ambulant vendor na umangkas para ilako ang paninda. At nanaginip na bumili ako ng isang botelya ng malamig na malamig na mineral water.

 

Bayan! Pagulantang akong nagising. Mabilis na sinalat ang sampung-pisong bagol sa aking bulsa. Naruon pa. Hindi ako tiniketan at siningil ng konduktor. Inilabas ko ang aking kamay na nakaipit na sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo ang sampung-pisong barya na tanging kayamanan ko sa araw na iyon.

Tumayo na kasabay ng nagtayuan ding mga pasahero para magsibaba. Hawak ko ang aking bagol kung sakaling sisitahin ako ng konduktor.

 

Ni hindi tumingin sa akin ang konduktor. Kahit pa palingap-lingap ako dito habang pababa na ng estribo. Nagulat pa ako nang humugong ang makina ng bus at muling umandar . Kasabay ng palatak ko ng Yes! biglang dumulas ang bagol sa pagitan ng dalawa kong daliri; nalaglag sa paanan ko, gumulong, at bago ko nahabol ay tuluy-tuloy na nahulog sa imburnal sa di-kinalayuan sa aking kinatatayuan.

 

 

Pinta Pintor Pintakasi

Ako si Macky Boy, isang batikang pintor. Beinte nuebe, pero disisyete palang nagpipinta na mapa-bato man o bakal, kabisado ko yan sir. Taga- Area D ako sa Dasma. Doon karaniwang trabaho ng mga tao, sa construction. Relocation kasi yun ng mga galing sa iba’t ibang iskwater na lugar sa Tondo, Paranaque, Quezon City, kung saan-saan, kaya magulo dun sa lugar namin. Kabaligratan sa mga santo at santang ipinangalan sa mga kalye at iskinita sa lugar namin ang talamak at lantarang mala-impyernong kalakalan ng shoplifting, droga, baril, gun-for-hired, akademya ng budul-budul gang, at putahan.

Pinakamatagal akong nagtrabaho dyan sa isang malaking hotel sa Alabang. Kame ang sa maintenance ng pintura ng hotel na yun. Masarap ang pagkain sa unang dalawang araw, pero nung ikatlong araw na ng trabaho, malapit nang mapanis na pagkaing tira-tira ng mga guests ang pinapakain sa amin ng mga boss namin, may bayad pa.

Kaya kabisadong-kabisado ko ang pagpipinta sir. Parte na ng sistema ko ang proseso mula umpisa hanggang matapos, kahit nakapikit pa aregladong matatapos ko ng pulido!

Ganito yan, sa una, lilinisin mo ang pader o kung bakal man ang pipintahan, ng basahan para maalis ang mga alikabok, tapos lilihain mo para kuminis. Kung may  mga bukul-bukol o madaming kalawang sir, gagamitan mo yan ng spatula para matistis.

Tistisin ang kalawang. Parang si Edna sa buhay ko, kalawang. Walang ‘ yang kabit ko na yun, sinira ang umaga ko, gusto na daw nya sumama saken at iiwanan na nya ang asawa nyang seaman na kada-6 na buwan lang kung umuwi sa bahay nila sa Kalentong. Sabi ko sira ka ba? Alam mo, nakahiga ka na sa kama, lilipat ka pa sa sahig? Hindi ka magiging masaya saken! Mahirap lang ako. Kaya kitang buhayin pero simpleng-simpleng buhay lang yun loko!

Ano ba kasi ang nagustuhan mo saken? Puta hindi naman ako gwapo. Mahaba nga ang buntot kong buhok, mukha pang sanggano.Sabagay, sanggano naman talaga kaya nga nabali ‘tong ilong ko dahil pinagtripan ako ng mga pulis dahil sa itsura e.

Putcha naaalala ko na naman. Nung nabali itong ilong ko, nagsumbong ako sa istasyon ng pulis. Tinanong kung sino ang bumanat saken, sabi ko mga pulis po. Lintek, sinikmuran pa ako. Tinanong uli ako sumagot uli ako ng matapat, sinikmuraan nanaman ako. Sa pangatlong tanong hindi na ako sinikmuraan, pinagtawanan nalang. Naunawaan ko, sumigaw ako, “mga tambay po, mga putang inang tambay ang gumulpi saken. Mga Putang inang tambay po! Putang ina nila.

Ang aga-aga nambabarag ka naman e. Mabuti nang magkasya tayo sa ganitong ayos – kabit kita, kabit mo ‘ko. Tapos! Masaya tayong naggagamitan.

Kapag nalinis mo na, sunod mong gagawin ay paglalason. Kapag bato ang pipinturahan, ang gagamitin mo ay concrete neutralizer. Turqo naman ang sa bakal. Sakto lang dapat ang dami kasi kapag masyadong marami ang ipahid mo, magbabakbak ang semento lalo kung manipis ang palitada ng gagong mason nyo. Kailangan mong lasunin para kumapit ang pintura ‘tsaka para mapino ang pag-alis sa kalawang.

Kaya dapat may pang-lason. Lason! Lintek, naalala ko si Harold. Lason sa isipan. Putang ‘nang yun trip ako nun baragin nitong mga nakaraang buwan e. Pinagkakalat sa lugar namin sa area na duwag daw ako. E ‘tang na nya hindi ako takot sa kanya. Gago kung masalubong ko sya sa area may paglalagan sya. Hindi nya kasi matanggap na ako ang trip ni Edna.

Ka-brad ko si Harold. Kababata pa nga namin ni Atan na Mason, na kumuha saken sa proyektong ito dito sa Imus.  Dati niyang gelpren si Edna, na dumadayo lagi sa Area dahil naiinip sa bahay nila sa Kalentong, tiyempong ang mga kaibigang babae ay taga-Area kaya nakilala namin,   pero loko ‘tong si Harold masyado kasing mayabang kaya kumabet saken. Hindi nya yun matanggap kaya gusto akong bawian. E wala na yun pre, babae na ang nagdesisyon e.

 Kaya sige lang pre pagnagkasalubong tayo kahit magdamag tayong magsuntukan hindi kita aatrasan.

Pahingahin muna natin ng ilang oras sir ang pipinturahan para sumuot ang lason. Saka tayo magpapraymer ng pintura. Karaniwan, Flat Latex ang ginagamit na pintura sa bato, tapos flat wall enamel naman ang sa bakal. Pero kung may mas malaking budget kayo sir, mas maganda ang Laquer paint praymer. Hahaluan natin yan ng sapat ng taas ng thinner para palabnawin o maging maganit ang pintura para madaling kumapit  sa bakal man o sa bato.Depende sa pipinturahan ang gagamitin nating roller. Kung sa wall yung ordinaryong laki ng roller ang kailangan. Basta alam na ng hardware yun basta sabihin mo roller. Kung sa bakal naman, halimbawa dyan sa gate na maninipis at magkakalayo ang pipinturahan, baby roller ang gagamitin natin dyan. Pagkatapos, hahabulan natin ng de-uno o de-dos na paint brush para mapinturahan pati yung mga singit-singit. Ganyan sa praymer sir!

Praymer. Parang si Baby, ang asawa ko. Maglalabing-isang taon na kameng mag-asawa. Naka-apat na anak na nga kame e. Sampung taon si Jet, ang panganay. Alam nyang kabit ko si Edna, magkakilala pa nga sila e. Nasabi nya minsan na kung yumaman siya ay tutubusin nya daw ako kay Edna. Ano ako sinanglang kalakal? Tsk.tsk.tsk.

Nagpapadala nga saken madalas ng pera si Edna galing sa padala din sa kanya ng mister nya, pero hindi bigay yun, utang ko yun. Babayaran ko yun. Kung hindi lang kasi dumadalang na ang mga proyekto namin sa construction ngayon, sana kahit papano may pera akong regular na pumapasok at ginagasta para sa pamilya, sa pambababae,sa barkada, sa alak at sa damo.

Papanong hindi dadalang ang mga proyektong pumapasok sa amin, e kapag tiningnan ang biodata namin at makita sa address na taga-Area kame ay malamang sa malamang hindi na kame tanggapin. Naging tatak na kasi sa isipan ng mga tao na magulo ang lugar at mga tao sa amin. Kaya nagkakasya na kame sa mga maliitang proyekto. Kung minsan kahit 300php, 320php, 350php pinapatos ko na may mapasukan lang, kahit ang rate talaga ng pintor, mababa na ang 450php sa isang araw.

Isa pa, kung minsang tatsamba kameng lumusot sa mga malalaking proyekto, gaya nitong huli kong trabaho sa isang hotel sa Alabang, puta kinulimbat naman ng mga inhenyero at foreman ang mga suweldo namin.

Si Baby, hayun napilitan tuloy magtrabaho na rin sa patahian sa Area F para may pandagdag sa kita. Plano kasi naming pabinyagan ngayong bunso namin bago mag-isang taon ngayong Disyembre. Kaya nakakaramdam din ako ng konsensya sa kanya dahil sa mga kalokohan ko pero hindi ko maiwan si Edna. Siya lang kasi nakapagbago saken. Si Edna lang ang nakakapagbulyaw sa akin. Si Baby…

Masilya. Patuyuin natin ng ilang oras sir, maya-maya magmamasilya na ako. May dalawang pagmamasilya sir, yung batak-sarado kapag lahatan mong mamasilyahan para makinis ang pader o ang bakal kapag nag-final coating na, saka para pantay-pantay ang pintura, makikita mo yan kapag nailawan na; yung pangalawa yung ispat-ispat, yun para mapantay mo yung mga lubog na bahagi o kaya para matakpan ang mga butas.

May dalawang halo ng masilya sir, may polituff at hardiner paste para sa mga bakal;  magkahalong flat latex at patching compound naman ang para sa bato. Kailangan alam mo ang tamang timpla ng paghahalo. Huwag kukulang, huwag lalabis dahil maaapektuhan ang coating natin.

Kapag yari na, saka ka maglalagay ng tamang dakot sa paleta para pasimulan ang pagmamasilya. Ihanda mo lang ang braso mo sa pangangawit kasi isa ito sa pinaka-matrabahong parte sa trabaho ng pintor sir – pagmamasilya.

Parang pagmamasilya ang pag-aayos ko sa sarili ngayon para sa mga anak ko.  Apat na sila. Magha-high school na si Jet, ang panganay. Ayaw kong magaya sya saken na dinaya lang ang diploma kaya nasabing nakatapos sa high school, kung hindi pa  naging kabit si ate ang isang malibog na principal sa Paranaque kaya nabulungan na gawan ako ng diploma para sa paghahanap ko ng trabaho.

Gusto ko sana makapagtapos silang apat. Mabuti yung nalilibang sila ngayon sa pag-aalaga at pagbibenta ng kalapati para matuto sila ng disiplina at pag-iipon ng pera para may pambili sa kung ano ang gusto nila.

‘tang ina, may apat na buwan na rin pala akong hindi nakakabatak, dahil ‘pag may kaunti akong pera ibinibigay ko na agad kay Nanay bilang parte namin sa bahay. Apat na pamilya ba naman kameng nagsisiksikan sa maliit na bahay ng tatay ko e. Nagpamilya na si ate, si kuya, si bunso at ako pero ‘tang ina lahat kame nasa iisang bahay pa rin. Naggugulangan pa sa ambagan para sa pambayad sa kuryente, tubig, pagkain ng buo at sa anupang gastusin. Katulad ngayon, nagtext si Baby na umuwi ako at tiyaking may pambili ng gatas para kay bunso at bigas para sa lahat. Lintek na yan! Sana pabalihin ako nito ni sir mamaya.

Sir, tuyo na sa bandang unahan, may dalawang oras pa naman bago mag-alas-5, pakunsuwelo ko sayo dahil stay-in naman kame at masasarap ang mga pagkaing luto mo kaya mag-final coating na ako kahit abutin ng alas-7. Namputcha ‘wag lang mambarag yan sila Atan at isiping naninipsip ako sa inyo sir, may paglalagyan sila dito sa “por-pingers” (four-fingers) kong ginawang buckle sa sinturon ko.

Sa final coating sir, ang gagamitin nating pintura sa bato ay semi-gloss latex. Mabilis lang yan matuyo, basta latex kasi water-based yan. Pero sa bakal medyo matagal talaga matuyo. Sa bakal, kung laquer man o flat wall ang  primer na ginamit mo, ang final coating dyan ay quick dry enamel. Ganun pa din ang gagawin tulad ng primer, hahaluan mo pa din ng thinner ang pintura – dalawa yan, may paint thinner o laquer thinner na hinahalo sa enamel o laquer paint, para palabnawin ang pintura. Kapag malapot kasi yan sir, kahit abutin ng ilang buwan, basa pa din ang pinturang yan, oo sir, sabihin ko sayo sir!

‘tang ina, kaya kabisadong-kabisado ko na itong pagpipinta. Dito na ako nagka-edad sa pagpipintura, hindi nila ako maaaning. Namputcha!

Nakakapambarag nga lang ang amoy ng pintura. Dapat dito may kasabay na gin habang nagtatrabaho e. Kung hindi lang pinagbabawal nito ni sir, magpapari ‘ata e. Patikimin ko kaya ito ng Jimenes, yung pinaghalong gin, kopiko at sundae melon juice? Baka sakaling magustuhan ang lasa ng alak. Tapos kung suwabe na sa Jimenez, saka namin papainumin ni Atan ng alak na Putragis at Punyeta- pinaghalong Redhorse, Emperador,  Sprite at Snowbear candy. Namputcha! Manunuot hanggang sa utak ang lamig at tama. Malamang gapang itong si sir kinabukasan at maghihingi ng ama sa nasa itaas, habang kumakanta ng “Lord Patawad”. Pero mabuti nalang may radyo na pinapagana para malibang naman kame. Namputcha nga lang balita ang pinapakinggan.

Balita! Sa lahat lahat naman ng puwedeng pakinggan balita pa. Nakakaurat kaya makinig ng balita na paulit-ulit: patayan, holdapan, ambush, bulyawan at gaguhan ng mga pulitiko at mga artista.Namputcha! Nakakaurat! Namputcha! ‘Tang ina! Balita!

Lalong nakakaurat, namputchang yan, ang balita tungkol sa Pork Barrel. Pork Barrel nga ba yun? Bilyun-bilyong pera ang nakulimbat ng mga dalubhasa ng kahayupan sa kongreso at senado kasabwat ang mga pekeng NGO. NGO nga ba yun? Ano kaya yun?  Mga pintor din siguro sila sa palagay ko. Pero mapupusyaw na kulay ang gamit sa pagpipintura para pagtakpan ang mga kabuktutan nila.  

Namputcha ilang gagong inhenyero at foreman kaya yun?

Bilyun-bilyon! Samantalang ako dumikit na sa balat sa tagal kong nagtatrabaho ang amoy at kulay ng pintura, wala  pa ding pag-asenso. Hindi pa rin ako natutubos ni Baby sa kabit kong si Edna. Hindi ko pa matiyak ang pag-aaral nila Jet. Wala pang tiyak na masasaing mamaya pag-uwi.Hindi ko pa matiyak kung saan na naman ako maghahanap ng mapagtatrabahuan pagkatapos ng proyektong ito.

Kumpara sa pagpipinta, hindi ko kabisado ang sinasabi sa balita, pero alam na alam ko kung paano naghihirap ang pamilya ko. At heto ako, trabahador, pintor hanggang pagtanda nang walang pagginhawa hangga’t ganyan ang mga ibinabalita.

Namputcha!

 Image                                    Image

Baryang Sampung Piso

Tanging pera sa bulsa ko ay baryang sampung-piso

Nakaukit doon ay si Mabini at Bonifacio.

Ang pera ko nalang ay sampung piso,

May mararating pa kayang malayo?

 

Naglalakad ako noon alas-7 ng umaga.

Nag-aabang ng bus mula Mandaluyong pauwi ng Nova.

Baryang sampung piso ay walang kalansing na nalilikha,

Wala pang almusal at humihilab ang sikmura.

 

Maya-maya pa ay may pumarang bus sa loading bay.

Sumakay ako. Sa bandang hulihan sadyang umupo.

Kaunti ang pasahero, tiyempong hindi kaagad siningil ng kunduktor

Dahil ako ay malayo.

 

Parang karo ng patay ang pag-usad ng trapiko sa Edsa.

Walang pinag-iba sa bara ng tuyung-tuyo kong lalamunan.

Nakakapaglaway ang mga inilalakong mani at tubig mineral.

Gustuhin mang bumili ay hindi magawa dahil hindi sapat ang baryang hawak.

 

Sa wakas nakausad ng bahagya ng sasakyan.

Nag-umpisang maningil ang Mamang naniniket.

Walang tigil ang pagkabog ng dibdib.

Kulang ang pasaheng maibibigay,  paano na yan?

 

Ngarag ang boses nang inusal ng aking bibig ang paroroonan:

“Mama sa Cubao”, kahit ang totoo ay sa Bayan.

Nang-uusisa ang titig ng kausap.

Nakatitig sa aking mata habang ang tiket ay iniabot.

 

Mula noon ako ay nagtulug-tulugan, nagbantay…

Dumagsa ang maraming pasahero sa bandang Santolan.

Lumampas ng Cubao na hindi namura o nasigawan

Ng Mamang kundoktor na hindi ako natandaan.

 

Ang karanasang ito ay hindi ko malilimutan.

Eksenang lihim na karanasan ng maraming tulad kong mananakay.

Salamat kay Mabini at Bonifacio;

Sa kanilang katahimkan!