Barya


Alas-7 ng umaga. Nag-aabang ako ng bus mula Mandaluyong pa-Nova. Tanging laman ng bulsa ko’y sampung-pisong barya. Sinasalat-salat ko ng mga daliri ng isang kamay ang bagol sa bulsa ko; sinasalat-salat ang nakaukit na mga mukha nina Mabini at ni Bonifacio.

 

Nag-iisa, walang kalansing ang barya sa aking bulsa. Ang kumakalampag ay ang kalam at hilab ng aking bituka na hindi man lang nasayaran ng mainit bago ako umalis. Walang almusal sa opisina ng Kilusan. Simot ang mga botelyang plastik ng kape at asukal. Siguro naman ay may kape sa bahay na pagdarausan ng talakayan sa isang komunidad sa Nova.

 

Pumara ang isang bus na pwede kong sakyan sa loading bay. Sinasalat pa rin ang bagol sa aking bulsa, nag-aagam-agam na sumakay ako. Ang sampung-piso sa aking bulsa ay kulang sa pamasahe hanggang Nova. Tatawaran ko ang konduktor kung papayag ito o ibabayad ang sampung-pisong barya kung hanggang saan ang abutin nito. Kadilakad na lang hanggang lugar na aking pupuntahan.

 

Maaga pa at kukonti pa ang pasahero. Pinili ko ang isa sa mga upuan sa tabi ng bintana sa dakong likuran ng bus. Mas madaling makiusap kung walang makakarinig na iba.  Hindi ako kaagad pinuntahan ng konduktor para singilin. Magdaragdag pa muna siguro ng mga pasahero bago magtiket at maningil.

 

Parang karo sa bagal ang takbo ng bus. At madalas na patigil-tigil upang mangahoy ng maagang mga pasahero. Isinandig ko ang aking ulo sa sandalan ng upuan. Pumikit. Naopuyat ako sa kababasa sa nilalaman ng pinakahuling isyu ng dyaryo ng Kilusan bilang paghahanda sa talakayan:

 

Ang standoof ng Pinas at China sa Scarborough Shoal. Ang pagpapalakas ng pwersang militar ng US sa Asya at ang Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement sa pagitan ng US at Pinas bilang angklahan nito. Ang pagpapatibay ng Senado sa State of Visiting Forces Agreement (SoVFA) sa Australia, ang pangunahing ayudante ng US sa bagong estratehiya nito sa Asya-Pasipiko…

 

Habang nagrirepaso para sa talakayan ang aking isip, tinighaw ko ang aking gutom sa mabangong amoy ng binusang mani ng isang ambulant vendor na umangkas para ilako ang paninda. At nanaginip na bumili ako ng isang botelya ng malamig na malamig na mineral water.

 

Bayan! Pagulantang akong nagising. Mabilis na sinalat ang sampung-pisong bagol sa aking bulsa. Naruon pa. Hindi ako tiniketan at siningil ng konduktor. Inilabas ko ang aking kamay na nakaipit na sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo ang sampung-pisong barya na tanging kayamanan ko sa araw na iyon.

Tumayo na kasabay ng nagtayuan ding mga pasahero para magsibaba. Hawak ko ang aking bagol kung sakaling sisitahin ako ng konduktor.

 

Ni hindi tumingin sa akin ang konduktor. Kahit pa palingap-lingap ako dito habang pababa na ng estribo. Nagulat pa ako nang humugong ang makina ng bus at muling umandar . Kasabay ng palatak ko ng Yes! biglang dumulas ang bagol sa pagitan ng dalawa kong daliri; nalaglag sa paanan ko, gumulong, at bago ko nahabol ay tuluy-tuloy na nahulog sa imburnal sa di-kinalayuan sa aking kinatatayuan.

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s