Dalawang Oras ng Isang Relo


ni Jun Cruz Reyes

Kanginong relo ba ang tama?
Alas singko nang mag-umpisa ang sa akin
kasabay ng tilaok ng tandang
at pagpula ng umaga
nang maghalo ang lamig at init
nang pumatak ang mga unang pawis
na idinilig sa inaararong bukid.

Tumitig ako sa langit
di naglagos ang aking mata
lumiliit na ang anino sa aking paa,
si kalakian at ako’y 
naghahabulan na sa paghagok at paghinga
kasabay ng pamimitig ng araro
sa pagitan ng aming mga paa.

Alas diyes pa lang ba?
Sa kabilang relo’y
nag-uumpisa na ng isa pang umaga,
iiwanan sa banyo ang antok
gigisingin ang diwa ng init ng kape,
bubulaga ang umagang nag-uumpisa sa balita,
oras nang gumayak sa trabaho ng aking amo.

Nagtatago sa talampakan ang aking anino,
naghuhudyat ang tawag ng pananghalian.
Mauuna akong magbuklat ng kaldero
ang laman nito’y walang ipinagbago
nagpapalitan ang tinapa at tuyo
kung minsa’y kamatis o talong
o kaya’y asin o bagoong.
bago makakiling ang araw
ubos na pati tutong, simot pati mumo.

Sa kabila, ilang tao ba ang matataranta
sa paghahanda ng pagkain ng isa?
Mula magkakarne at mangingisda
hanggang kusinera, bartender at serbedora,
malalasahan kaya ng amo ang asim at pait
ng pawis na pumatak sa kanyang putahe
ng alak ulam at kape?

Napagod na ang araw, killing na rin si Kalakian
at ako’y nagtatago pa rin sa silong ng sumbrero.
Di pa tapos ang araw ng aking amo,
uunat, maghihikab hanggang maghilik
kasabay ng kanyang magagandang panaginip,
ang pangarap na lambak ng aking kalabaw
kasabay ng pagtitig sa gawaing maiiwan.
Mamaya pag-uwi, kakalkalin ko pa
sa aking binti at paa
ang labi ng kumapit at natuyong putik.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s