PORK BARREL


ni Jose Corazon de Jesus
(nalathala sa pahayagang Taliba, Setyembre 19, 1925)

Ang Lehislatura, kung pag-iisipin
ay matatawa ka di man patawanin,
bawat kinatawan
sa unang pagsigaw
ay kaban ng bayan
ang kinakaltasan.
Ang Lehislatura, kung pag-iisipin
ay matatawa ka di man patawanin.

Ang k’warta ng kaban di alam kung ga’no
ay panay na gastos ang bawat proyekto.
Dapat na ibigay
ang salaping iyan
sa daan, sa tulay
ng irog kong bayan.
Ang k’warta ng kaban di alam kung ga’no
ay panay na gastos ang bawat proyekto.

Mayr’ong diputadong ano’t napahalal
malayo ang tenga sa punong katawan.
Proyekto ng daan
ay isang milyon daw
kahit na mamatay
ibang kawanihan.
Mayr’ong diputadong ano’t napahalal
malayo ang tenga sa punong katawan.

Sa batas ng baya’y wala nang naisip
kundi ang panggasta at kahig ng kahig.
Ang ibang tanggapa’y
siyang liliitan,
ang kamara naman
itong dadagdagan.
Sa batas ng baya’y wala nang naisip
kundi ang panggasta at kahig ng kahig.

Maturingan lamang na nakapagharap
ng batas, payag na kahit ito’y butas.
Mina man ng yaman
sadyang magkukulang
kung labas-labasan
at walang pasukan.
Maturingan lamang na nakapagharap
ng batas, payag na kahit ito’y butas.

Itong Pork Barrel na sistema ngayon
nag-aagawan na sa may kaning baboy.
Katiting na yaman
ay balitaktakan,
may damit ay hubdan,
pustura’y damitan.
Itong Pork Barrel na sistema ngayon
nag-aagawan na sa may kaning baboy.

Dapat ay magkaro’n ng isang esk’wela
ang lahat ng mga kinatawang tanga…
at wala nang laman
ang kaban ng bayan,
sadsad na sa pampang
sagwan pa nang sagwan.
Dapat ay magkaro’n ng isang esk’wela
ang lahat ng mga kinatawang tanga…

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s