Manalig sa bisa ng Vicks Vaporub

Ang paglilibang sa panahon

ng problema’t kalungkutan

Ay tulad ng pananalig sa bisa ng Vicks Vaporub.

Kaginhawaan ang dulot ng lamig ng menthol

sa bawat pagpahid

Sa damdaming nilalagnat

Ng pangungulila

At pampaampat sa pagtulo

Ng magkahalong luha at sipon.

Napapaluwang nang bahagya

Ang mga daluyang namamaga

Sa samu’t saring bara

Dala ng sakit, galit at pangamba.

Subalit sakaling mawala na ang bisa,

Babalik ang balaraw ng mga problemang

Hindi pa nga pala natutumbok

Para maitama.

Huwag mong isipin ang suliranin

Wika nga nila.

Hayaan mong ikaw ang isipin nila.

Ipagpapasalamat mo, ganun pa man,

Ang panandaliang ginhawa. 

Advertisements