Ang pagtula ko’y pagsasariling sikap

ni Pupong Florentino

 

Sa tuwing sumusulat ng tula

Ay pinaparaos ko ang aking sarili.

Sinasalsal ng aking palad ang lapis at papel

Upang gumuhit ng mga pangungusap,

Habang nagpapantasya ang aking isip

Ng mga imahe, emosyon, paninindigan, hinaing,

Karanasan at pangyayaring magiging paksa;

Kumakatas naman ng mga taludtod

Ang algoritmo ng imahinasyon at pagsulat.

Nakikita ko ang kahubdan ng mga pangyayari.

Nilalabasan ako sa pagitan ng mga saknong

Upang makapag-isip ng karugtong na ideya.

Pansamantala’y nasisiyahan akong nairaraos

Ang ganitong seremonya   

Hanggang hindi pa naipupunla

Ang katuparan ng mga salitang –

Malayang-malaya.

 

—-

*isang uri ng ars poetica

Advertisements

Kalbaryo ni Juan

Ni Leni del Rosario

 

Ramdam – hanggang sa kaibuturan

Ng iyong pagkatao ang talas

Ng pakong pilit na ibinabaon

Sa pagitan ng iyong butuhang palad

Habang nakadipa sa krus

Ng kalapastanganan at pang-aapi…

 

Ramdam – hanggang sa kaibuturan

Ng iyong pagkatao ang hapdi

Habang nakaputong ang koronang tinik

Sa iyong ulong dinadaluyan ng dugong

Humihilam sa mga matang

Hindi na maaninag ang pag-asa…

 

Ramdam,hanggang sa kaibuturan

Ng iyong pagkatao ang hinagpis

Habang nakangisi ang mga bwitre

At ulupong na nakatunghay

Sa iyong katawang halos pinanawan na

Ng ulirat…

 

Ramdam, hanggang sa kaibuturan

Ng iyong pagkatao ang sakit, hapdi

                                         at hinagpis;

Hindi mapalad ang mga inaapi

Habang partuloy sa pagkakapako

Sa bulok na sistemang sinadya;

Mapalad ang mga nagsasakripisyo,

Nakikibaka’t lumalaban — dahil kanila

Ang bukas, ang pinto ng Kalayaan.

                            ***

 

 

 

 

 

 

Huwag Mong Hayaan

Ni Leni del Rosario :

 

Huwag mong hayaang lapain

Ng sistemang hayok na hayok sa laman

Ang pag-asang nasa dulo

Ng masong tangan-tangan.

 

Huwag mong hayaang sipsipin

Ng sistemang uhaw na uhaw

                             ang sariwang dugong

Dumadaloy sa pag-asang

Bumubuhay sa dulo ng karit.

 

Huwag mong hayaang tuluyang mabulag

Ang nanlalabong diwa ng pag-asang

Binabagabag ng panimdim.

 

Huwag mong hayaang maupos

Ang pag-asang gustong humulagpos

Sa kamalayang tinortyur at namanhid

Sa doktrinang mapalad ang mga inaapi

(At kakamtin nila ang Langit.)

 

Huwag mong hayaang matuyot

Ang katas ng pag-asang

Ididilig sa punlang mag-uusbong

Ng pakikibakang magluluwal

Ng pantay na hustisya, karapatan

At malayang lipunan.

 

Huwag mong hayaan…

            Huwag mong hayaan.

 

                        ***

Kalayaang may Habing

ni Leni del Rosario

sa ating lipunan, kalayaan ba’y totoo?
kung mga gahaman ang nakaupo sa pwesto?
pinagsisilbihan malalaking imperyo.
buhay at karapatan, unti-unti naaabo.

kalayaa’y sadyang mailap.
hindi mabanaag sa likod ng ulap.
sa gitna ng laot, hindi maapuhap.
tulad ng buhangin, di makuyom sa palad.

kalayaan, ika’y isang hiyas.
batong dyamante ang iyong katulad.
sa pagdaan ng panahon, marami ang nangahas,
na masilayan ka sa labas ng rehas.

kalayaan, kailan kita mahahagkan?
ang iyong mga ngiti, kailan masisilayan?
katumbas man nito’y buhay at kamatayan
di kailanman titigil, hanggang mahimlay sa iyong kandungan.

Ang pagtula ko’y Pagpaparaos

ni Pupong Florentino

 

Ang pagtula ko’y pagpaparaos sa sarili,

sa panahong nalilibugan akong magsulat.

Sinasalsal ng aking kamay ang lapis at papel

kasabay ng pagpapantasya ng isip

sa kahubdan ng mga imahe, problema, karanasan,

balita’t pangyayari.

Kinakabisa ko ang bawat kurba ng mga linya’t taludtod

upang labasan ako sa pagitan ng mga saknong

at nang magbayo ng karugtong na ideya.

at magkakasya akong itanghal itong aking seremonya,

hangga’t hindi pa naipupunla ang katuparan ng mga salitang:

malayang-malaya!

Huwad na Kasunduan

Ni Pupong Florentino

 

 Huwebes noon,

Ika- 27 ng Marso;

Nagtipon sila sa bakuran ng palasyo

Upang umasa sa matatamis na pangako.

Kapayapaan!

“Para sa kapayapaan”, sambit  nila ang simulaing ito.

 

Isinuko nila ang kanilang mga armas

Upang makatanggap ng mga titulo’t kasulatan.

Hinubad nila ang mga unipormeng pandigma,

Upang makapagsuot ng mga magagarang kasuotan.

At sa araw na iyon,

Inusal nila ang mga katagang

hindi kilala ng kanilang mga dila.

Tinapos nila ang okasyon sa pakikipagkamay sa mga taong

Kumitil sa kanilang kasaysayan at nagnakaw ng sibilisasyon.

 

Habang doon sa kanilang bayan,

Ang mga tao’y walang muwang

Sa ginanap na kasunduan.

 

Dumagsa ang mga dayuhan at walang pasubaling

Pumasok sa nakabukas nilang mga pintuan.

Ginamit nila’t pinakialaman ang mga naroong kasangkapan.

Sa ilang sandali, pinunit ng sigaw ang katahimikan.

Pumalahaw ang mga paslit sa pagdilim ng kalangitan.

—–

3 – 27 – 14

Lihim ang ating Pagtatagpo

Sa kalaliman nang gabi,

Habang mahimbing sa pagkakatulog ang lahat;

Sinasalisihan natin –

Ang oras, distansya, at mga reserbasyon sa damdamin –

Upang tulad nang dati ay magtagpo tayong dalawa.

 

Doon sa lilim ng mayabong na punong Narra,

Magkatabi nating pinapanuod

ang pagtatapos ng konsyerto ng araw

upang magpaubaya sa pagpapakitang-gilas ng buwan.

 

Matama nating pagmamasdan ang kanilang mga sining.

Ipagkukumpara man natin ang kanilang kahusayan,

Subalit magkasundo nating pahahalagahan

Ang pagkakaiba-iba.

 

Sa huli: babaling tayo sa tunay na sadya ng ating pagtatagpo –

Tulad nang dati magbibiruan tayo, magkukwentuhan ng mga karanasan

At magdadaingan ng mga suliranin sa buhay.

Dinadamayan tayo ng ihip ng hangin

at mapapayugyog ang puno sa lihim nyang pagbungisngis.

 

Anumang pagkikita ay magtatapos sa pamamaalam.

May ngiting banaag sa paghihiwalay ng landas,

At babalik sa nakahimlay nating mga tahanan.

Bukas ng gabi sa kahimbingan ng lahat,

Aasa tayong muling magtagpo ang ating mga kaluluwa.

 

‘Pagkat sila ay ina

‘Pagkat sila ay  ina,

Alam nila ang halaga ng tahanan.

Para sa pamilya :

Pansangga ito sa buhos ng ulan,

Panlaban sa init at ginaw ng araw at gabi,

Proteksyon sa mga kaguluhan at kawalang-katiyakan sa labas,

At kanlungan sa panahon ng pighati at tagumpay .

 

‘Pagkat sila ay ina,

Pinapanatili nilang malinis at maayos ang kanilang tahanan.

Sanktuwaryo itong saksi sa mabuti nilang pagpapalaki sa mga anak,

Kaagapay sila ng kanilang mga asawa sa pagpapanday ng mga pangarap,

At magiliw nilang pinatuloy ang mga kasamang nagmimithi ng mas maunlad na bukas.

Hanggang maunawaan nila ang mithiing iyon;

At hanggang sa sila na rin ay umako ng tungkuling magmulat sa iba pa.

Mula dito ay mas lumaki nang lumaki ang nalikha nilang tahanan at pamilya.

 

‘Pagkat sila ay ina,

Alam nila ang halaga ng tahanan.

Kaya nang minsang may magtangkang agawin ito sa kanila,

Hindi sila nag-atubiling ito’y ipaglaban.

Tinalikuran nila ang pangaral na ang ina’y pambahay lamang.

Hindi sila natakot  sumuong sa mga bigwas at hambalos ng kaaway.

Sapagkat alam  nilang ang kanilang itinatayong tahanan,

Ay hindi lamang iyong yari sa mga yero, kahoy, semento, bakal at kawayan.

 

Alam nila bilang ina;

na sa  tahanan, kailangang natitiyak ang kasapatan: sa pagkain,

kaligtasan, trabaho’t kabuhayan, edukasyon, tubig at kuryente, pagkakapantay-pantay

at maging nang kalayaan.

 

At hindi nga sila nagkamali!

Hanggang ngayo’y sa kabila ng kanilang paglisan;

 nakabukas ang maaliwalas nilang mga tahanan –

sa ala-ala ng masasaya’t ginintuang mga karanasan

sa kalye’t lansangan ng ating pakikipaglaban;

kasama silang mga ina natin sa Kilusan.    

 

…At mula dito’y natatanaw natin ang itinayo nilang tahanan:

Matatag, maluwang, mataas, makulay.

Ngunit tulad nang iba pang bagay,

maluluma ito’t  matitibag

kung hindi natin mapapanatili ang kaayusan;

Maging ang mga dahilan kung bakit ipinundar natin kasama silang mga ina –

ang isang tahanan.

 

______

Alay sa mga ina’t kasamang Ka Susan at Ka Lilia ng LUPA/KILUSAN – Manila