Sulyap sa Kalikasan

ni Marisol Ungriano

Masaganang kalikasan dapat iniingatan
Kabuhayan ng karamihan ito ang pinagkukunan
Mga sariwang hangin ito ang pinagmulan
Luntiang kapaligiran kay gandang pagmasdan

Ngunit sa kasakiman ng pilipinong naturingan
Nabulag sa kayamanan nawalan ng paninindigan
Putol dito, mina doon ang pamamaraan
Kaya’t mayamang kalikasan nasira ng lubusan

Dating maunlad, ngayon ay napalitan
Limitado na kung turingan ang pinagkukunang yaman
Kawalan at kahirapan ganyan na ang lipunan
Walang malay na taong bayan ngayo’y naaapektuha’t napagbibintangan

Sino ang nagkasala sigaw ng mamamayan
Iringan sa pagitan ng maliit at makapangyarihan
Sino ang sino na dapat parusahan?
Mga mata’y imulat upang ating malaman

Ang mga kagubatan ano na ang kalagayan
Maaliwalas na hangin atin pa bang nararamdaman
Masaganang pamumuhay atin pa bang nararanasan
Nasaan ang katarungan hustisya pa ba’y makakamtan?

Masamang katangia’y ibasura ng tuluyan
Tiwalang taglay muling ipagtibay
Pagkakaisa’t, pagmamahalan nawa’y maging gabay
Upang mahal nating baya’y mapayapa ng tunay!
###

Advertisements

Noon at ngayon

ni lance osvwald t. galario

Bundok at gubat ay lumipas na
Bundok ng plastik siya nang humahara.
Pa’no mababalik sa dating ganda,
Kung tayo mismo ang sumisira?

Noon ang dagat kay asul pa
Ngunit ngayo’y nangingitim na
Maibabalik pa ba ang katubigang kay sariwa
O mas lalong dudumi at masisira?

Noon hangi’y kay aliwalas pang tignan.
Pagkaganid sa tubo, sa pagkasira’y dahilan
Pa’no natin maaayos ang sakit ng kalangitan?
Bunga ng usok ng pandarambong sa kalikasan.

Magtulungan at ayusin ngayon ang kapaligiran
Nang sa hinaharap mayro’n pang pakikinabangan
Pahalagahan natin si inang kalikasan
Nang umunlad ang ating lipunan!

Kung tayo’y matanda na

ni Marinel Martin

kung tayo’y matanda na, saka lang ba tayo magtatanim
saka lang ba tayo tutulong upang mundo’y paunlarin
abutan mo pa kayang mundo’y ligtas at magiliw. ..
ohohohohoho. . . kung uugud-ugud kana
luntiang paligid, bughaw na langit, sariwang hangin
bigyang halaga para din satin

Sa ilang namumuno na hindi parin binibigyang pansin
ang lumulubhang kalagayan ng kalikasan natin
ito na ang panahon para tayo ay kumilos, ohohohohoho
mga pinangako nyo noon, magandang programa para sating kalikasan
sana naman ay inyong matupad

Hoy ikaw kabataan gumising ka mundo’y arugain
sayang naman ang inyong lakas kung hindi gagamitin
sa pangangalaga ng kalikasan natin. . .
ohohohoho

Ipapaalala ko sayo ang wika ni Jose Rizal
ang kabataan ang pag-asa ng bayan
kaya’t tayo ng magtulong-tulungan 3x

tono mula sa kantang Kahit Maputi na ang Buhok ko
si Marinel ay lider kabataan ng STEP-Sierra Madre

Bedo*

ni Lean Ascarraga

Bedo kong ladot Eesenla
Eyen tekatmukan
Tambeng tetaptapan
tangan te masuksok

Ognay de pag-ani
Gyefangan ne kanin
Eyen te anihan
Kamote o eyen
Getangos e ina
Getangos e ama
Getangos kame dyekahedyapan

Baro kong sira
Iisa lang
Walang kasamahan
Agad ay lalabhan
para may maisuot

Kapag panahon ng anihan
Nakain ng kanin
Kung walang anihan
Kamote ma’y wala
Naiyak si ina
Naiyak si ama
Naiyak kami sa kahirapan

____
*Baro/damit
Si Lean Ascarraga ay taga-pangulo ng grupong Dumagat ( Dunong at Dangal ng Makabagong Dumagat)

Ang Lupa

ni Lean Ascarraga

Ang lupa nami’y ginawa
Ginawa ng panginoon
Ang lupa nati’y ginawa
Ginawa ng Panginoon
Hindi ginawa, hindi ginawa
Para sa tubig

On putok na ayenade
yenade ne Makedyapat
On putok na ayenade
katmukan ne Agta
Eyen ne yade
Eyen ne yade
para de orat

—–
Si Lean Ascarraga ay mula sa mga kapatid nating Dumagat at taga-pangulo ng grupong Dumagat ( Dunong at Dangal ng Makabagong Dumagat)

Kami’y Isang Tribu

ni Lean Ascarraga

Kami’y isang tribu,
ang tiraha’y gubat
Pilipinong ligaw- sa amin ang tawag.
Dumagat man kame
sa baybay dagat,
kami’y nagtatanim
at hindi nangungulimbat.

Ngunit nang dumating
itong dayuhan,
sila ang nagsira ng kalikasan.
Kame’y pinaaalis
sa lupang tinubuan
at kanilang inangkin
aming kabuhayan.

Kaya buong tribu,
tayo nang gumising.
At ating bawiin
ang lupain natin.
Dugo man ay dumanak
at buhay ay makitil,
lumaya lamang Ninunong Lupain.
Lumaya lamang ang bayan natin!

Dumagat

ni Lean Ascarraga

Sa tribu ng mga Dumagat
sa ilaya at baybay-dagat,
may problemang sumapit
hindi malunas-lunas.

Kaya’t mula po sa bundok,
bumaba ng kapatagan,
upang kami ay magtanong sa batas panlipunan.

Ngunit kami ay nalungkot,
noon gamin matuklasan;
na ang lupa nami’y kanilang kinamkam
bilang mga tao’y
winalang karapatan
at lalagyan ng proyektong nasabing dam.

Sisirain po nila, mga kabundukan.
Kukunin ang mga likas-yaman.
Ngunit kami’y natatakot
sa sila ay pagbawalan,
dahil kami’y mahirap lamang
hindi kilala ng lipunan.

Ang mga negosyante at gobyerno’y
parang punong nakatayo sa lupain.
Iyong maliliit na halaman sa silong
ay hindi pansin.
Kaya’t kinakailangang ang puno
ay sundutin/yanigin,
upang makitang ang ating hinaing
ay mabigyang pansin.
—-
Nakaamba pa rin ang pagpapatayo ng Laiban Dam o The New Centennial Dam sa Umiray Rizal at Nakar sa Quezon. Kapag nangyari ito, malalagay sa panganib ang mga residente sa lugar at mawawalan ng mapagkukunang hanap-buhay ang marami.