Ang Pagtibag sa Apat na Haligi ng Hustisyang Pangklima ng Mayayamang Bayan

Sa nakalipas na dalawang dekada, nasaksihan ng mundo ang pinakamapinsala at pinakamalulupit na trahedya sa kasaysayan. Taong 2004,nang maganapap ang mapaminsalangTsunami sa rehiyon ng Timog at Timog-Silangang Asya, na nag-iwan ng libu-libong taong namatay. Sa taon ding iyon nanalasa ang Hurricane Katrina sa Estados Unidos (pinaka-makapangyarihang bansa sa mundo) na nag-iwan ng daan-daang patay at libu-libong pinsala sa mga ari-arian.

Napaluhod maging ang Japan nang perwisyuhin ng magkakasabay na lindol at tsunami na dumulo sa nuclear meltdown ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant – na nakaapekto sa kanilang ekonomiya at kumitil sa maraming mamamayang Hapones. Sa kasalukuyan, tinatayang higit 200 milyong tao ang tinatawag na Climate Refugees o mamamayang napilitang lumikas sa kanilang komunidad dahil sa epekto ng mga natural disasters. Pinakamalaki o 40% dito ay mga mamamayan sa rehiyon ng Asya Pasipiko.

Malaking problema sa maraming bansa ang labis na pagbaba ng produksyon sa agrikultura at pangisdaan na siyang dahilan ng lumulobong bilang ng mamamayang naghihikahos sa pagkagutom at kahirapan.

Sa Pilipinas, higit 7, 000 ang pinaslang ng trahedya sa Ormoc noong 1990 na sinundan ng flash flood at pagguho ng lupa sa Guinsaugon, St. Bernard, Leyte. Higit libo naman ang napaslang sa Real, Infanta, Nakar-Quezon sa kasagsagan ng bagyong Winnie noong 2004. Taong 2009 nang pinadapa ang pusod ng Kamaynilaan at mga karatig probinsya sa Luzon ng bagyong Ondoy, daan-daan din ang patay at higit P52 bilyon ang inutang ng gobyerno para sa rehabilitasyon. Pinakamalaking hambalos sa bansa ang trahedyang dala ng bagyong Yolanda (Pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo) saVisayas noong 2013 na nag-iwan ng higit 6,000 patay, 1,779 nawawala, at bilyun-bilyong pagkawasak ng ari-arian.

Tinatayang mga siyentista na magtutuluy-tuloy, madalas at mas mapinsala ang mga kalamidad na dadanasin ng tao sa kasalukuyan. Kung kaya mula sa dating pagtanggi, ngayon ay kinikilala na ng mga Nagkakaisang Bansa ang pinakamalupit na banta sa pag-iral ng tao – ang Pagbabago ng Klima o Climate Change.

Taong 1991, sa kumperensya ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC), kinilala ang malaking responsibilidad ng tao bilang pangunahing maysala sa pag-init ng klima ng daigdig. Sa ilalim nito, nabuo ang prinsipyo ng Karaniwan Subalit Hindi Pantay na Responsibilidad (Common But Differentiated Responsibility) bilang pagtugon sa epekto ng pagbabago ng klima. Sang-ayon dito, higit na may tungkulin ang mayayamang mga bansa (Global North Countries) sa paglalatag ng mga makakalikasang programa para mapigilan ang malubhang epekto nito sa mamamayan lalo sa mga mahihirap (Global South Countries) na bansa.

Isinisisi sa mayayamang bayan gaya ng Estados Unidos at mga kanluraning bansa, ang pagkasira ng kalikasan at pag-init ng mundo mula sa historikal na pandarambong nito sa likas-yaman bilang hilaw na materyales at sangkap sa kanilang pagpapaunlad-simula noong rebolusyong industriyal, 1700’s. Yumaman ang ilang bansa subalit higit na nalugmok sa pagkabangkarote ang madaming maliliit na bayan dahil sa pagsalo ng mga epekto bunsod ng pagkasira ng kalikasan.

Napormalisa sa UNFCC ang progresibong batayan ng Hustisyang Pangklima sa pagsisikap ng mga mahihirap na mga bansa. Dito nabuo ang Apat na Haligi ng Hustisyang Pangklima: 1. Mitigasyon, ang pagbabawas ng emisyon ng CO2 ng mga bansa sa norte sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang istilo ng pamumuhay at pagbabawas ng mga proyektong-industriyal na mapanira sa kalikasan; 2. Adaptasyon, kinakailangang pondohan ng Global North ang mahihirap na nasyon para maka-angkop sa panahon ngayong nariyan na ang epekto ng Climate Change; 3. Pagsasalin ng mga Teknolohiya, pagpasa at pagbibigay ng mga makinarya na magagamit ng mga bayan sa pag-aangkop at pagkontrol sa epekto ng mga kalamidad, 4. Pinansya, o pagpopondo at pagbabayad ng Norte ng kanilang Climate Debt o utang sa mga mahihirap na bansa na nasalanta ng mga natural na trahedya na dulot ng pang-aabuso sa kalikasan ng mga negosyo ng Norte.

Nakakalungkot, dahil sinisikutan ng mayayamang mga bansa ang tungkuling ito sa pamamagitan ng paggigiit ng mga Market based Approach at Clean Development Mechanisms (CDM) o pagsasaalang-alang sa kita at negosyo bago tugunan ang usaping pang-klima; gaya ng sustainable mining, clean coal at clean nuclear, gayng lantad nang ito ang mga numero unong mapanira sa kalikasan at nag-i-emit ng sobra-sobrang karbon sa atmospera.

Bukod dito, ipinapasa ng Global North countries sa Global South na gawin ang kanilang responsibilidad sa reforestation, paglalatag ng maka-kalikasang programa, at iba pa; sa pamamagitan ng off-set at carbon trading gaya ng REDD (Reduction of Emission from Deforestation and Degradation in Developing Countries) o pagbibili ng carbon credits mula sa mahihirap na bansa para angkinin bilang kanilang proyekto sa pagtugon sa Climate Change. Habang business as usual ang mayayamang mga bansa sa pandarambong ng kalikasan at pag-i-emit ng mga karbon sa atmospera ng mundo.

LANCE KATUTUBOBuuan at lahatan ang gampaning dapat gawin ng sangkatauhan sa pagkontrol sa pagbabago ng klima at pagsolusyon dito. Kung iilan lamang bansa ang tumatalima sa pagsasalba ng kalikasan, habang patuloy naman sa pagsisira ang ilang mga nasyon sa ngalan ng kita at negosyo, sa esensya ay walang paghupa ang pagkitil natin sa ating mundo- ang nag-iisang tahanan nating mga tao. ###

Advertisements

Damdamin ng Bayan: Centennial Dam Tutulan

Sa wakas! Kumpletos rekados na ang hinihinging mga sangkap para tuluyan nang itayo ang New Centennial Water Source Project – Kaliwa Dam sa bahagi ng Rizal at Nakar, Quezon na tuntungan sa sunod namang konstruksyon ng dambuhalang Laiban Dam.

Kamakailan ay nagpahayag nang pagsang-ayon ang Pangulong Aquino sa konstruksyon nito sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) na paglalaanan ng higit sa P18.72 bilyon. Ang New Centennial Water Source Project-Kaliwa Dam ay inaasahang magsusuplay at sasagot umano sa kakulangan sa tubig sa Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon. Isa ito sa mga priority PPP projects ng administrasyong Aquino, na may iskemang Built Operate and Transfer (BOT).
Una nang nag-abiso ng interes sa pagpondo at operasyon nito ang mga dambuhalang negosyanteng San Miguel Corporation ni Danding Cojuango, DMCI (David M. Consunji Incorporated) at Ayala Group of Companies – tanyag sa mga proyektong mapanira sa kalikasan gaya ng Plantang Coal, pagmimina at mga sub-standard na konstruksyon. Maging ang ilang lokal na opisyal sa probinsya ng Quezon ay pabor sa nasabing proyekto. Subalit hindi sang-ayon ang mga residente sa mga apektadong komunidad at marami pang mga maka-kalikasang grupo sa planong ito.

Ito ay mag-iimbak ng 600 Milyong Litrong tubig araw-araw, na titipunin mula sa iba’t ibang bahagi ng ilog Agos, Lanating, at Lumutan River- padadaluyin patungong Laiban Dam na dadaan sa conveyance tunnel. Tinatayang palulubugin ang may 9, 000 ektaryang lupa ng Daraitan sa Rizal, Pagsangahan, Nakar at Bgy. Magsaysay, Infanta; maging “Lupang Ninuno” ng mga Dumagat at Remontado. Palilikasin ang higit sa 4, 000 pamilya, at mawawalan ng mapagkakakitaan ang mga mangingisda sa ilog Agos, at patutuyuin ang mga irigasyon at sakahan ng mga magsasaka at magbubukid ng Real, Infanta at Nakar (Metro REINA).
Sinasabing ang pagpapatayo ng dam ay sa ngalan ng pangakong kaunlaran at kasiguruhan sa serbisyo ng tubig sa Kamaynilaan lalong higit sa Metro Reina. Subalit para kanino ang kaunlarang ito?

Kaunlaran ba kung ang totoong motibasyon ng konstruksyon ng dam ay upang magkamal ng malaking tubo at kita ng iilang negosyante? Kaunlaran ba kung masisira at palulubugin ang malaking bahagi ng kabundukan? Kaunlaran ba kung palalayasin sa natural nilang tirahan ang mga katutubo? At anong kaunlaran kung magugutom ang maraming mamamayan dahil sa pagkatuyot ng mga sakahan at iba pang lupang taniman, dahilan para lumiit ang produksyon ng pagkain?

Ang NCWSP – Kaliwa Dam ay maghahatid sa atin sa araw-araw na panganib dahil sa pagkakaroon ng animo ay dagat sa itaas ng bundok, na anumang oras ay pwedeng rumagasa sa kabayanan. Marami nang dam sa bansa gaya ng San Roque at Sual Hydro-power Dam sa Pangasinan, Magat Dam sa Isabela, Pantabangan Dam sa Nueva Vizcaya, Umiray-Angat Transbasin Project (UATP) sa Rizal at Nakar, Quezon (UATP), atbp., subalit lahat ng ito ay hindi natupad ang pangakong pag-unlad sa mga maliliit na mamamayan. Hindi ito paghakbang pasulong kundi paghuhukay ng ating libingan. Wika nga ng mga kapatid nating Dumagat: “Ang lupa ay nilikha ni Makedyapat para sa tao at hindi para sa tubig.”
Laiban Dam sa Rizal