TAAS-MATRIKULA 2015: LUMANG TUGTUGIN, Sayaw sa bubog ang kinabukasan ng kabataan

Ni Elmer Aresgado

Malaki ang papel ng edukasyon sa paghubog ng pang-ekonomiya, pulitikal at panlipunang pagsulong, wika ni Mahatma Gandhi – isang tanyag na tagapagtatag ng demokrasya at kalayaan ng  bansang India.

Subalit paano magiging kritikal na bahagi ang edukasyon sa pagtitiyak ng wastong paggana ng lipunan (structural function) at pag-unlad ng bayan kung iilan lamang kabataan, na tagapagmana ng lipunan, ang may kakayahang makatanggap nito?

Inaprubahan kamakailan ng DepEd (Department of Education) ang mungkahing taas-matrikula at iba pang singilin ng may 1, 246 pribadong paaralan sa elementarya at hayskul para sa taong pampanuruan 2015-2016. Habang higit sa 300 paaralan naman sa kolehiyo at unibersidad ang sinang-ayunan ng CHED (Commission on Higher Education) sa ganun ding pagtaas.

Hindi bababa sa 20% hanggang 30% ang inaasahang taas-matrikula na dagdag na pasanin ng ng may higit 1.5 milyong estudyante sa pribadong mga paaralan sa elementarya at hayskul. Lumalaki ang bilang ng mga mag-aaral sa pribadong paaralan na lumilipat sa mga pampublikong paaralan.

Sa pagtaas ng mga matrikula at iba pang singilin (Other School Fees), inaaasahang higit pang bilang ng mga estudyante ang mapipilitang tumigil sa pag-aaral upang magtrabaho, kung hindi man ay lumilipat sa mga pampublikong paaralan. Idagdag pa ang Kto12 (Kindergarten + 12 years basic education) na magpapahaba ng bilang ng taon sa pag-aaral.

Tinutugunan naman ito ng pagbibigay ng DepEd ng subsidyo sa ilalim ng tinatawag na Education Service Contracting Scheme (ESC) sa may higit 800, 000 estudyante para mag-aral sa mga pribadong eskwelahan at huwag nang lumipat sa mga pampublikong paaralan upang maiwasan ang pagdami (congestion) pa ng mga mag-aaral dito. Ang ESC ay programa sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GATSPE). Nakakatanggap ang mga estudyanteng iskolar ng ESC sa  Kamaynilaan ng P10, 000 suportang pinansyal mula sa gobyerno habang P6, 500 naman para sa mga nasa probinsya.

Nakakalungkot na imbes na sa pagpapaunlad ng mga pampublikong paaralan ilaan ang pondong ibinibigay ng gobyerno sa mga mag-aaral sa pribadong eskwelahan; gaya ng pagdadagdag ng mga silid-aralan, pagdadagdag ng mga libro, taas sahod ng mga guro at iba pang mga pangangailangan ng mga estudyante.

Sa Kolehiyo, matagal nang nakita ang epekto o impact ng mga taas-matrikula. Bultu-bultong mga estudyante sa mga pribado at malalaking unibersidad ang napilitang lumipat sa mga SUCs (State Universities and Colleges) dahilan upang mabago ang dating karaniwan (homogenous) na pangkabuhayang antas ng mga estudyante.

Sa pagdagsa ng mga may kapasidad o maalwang mga mag-aaral sa mga SUCs nagkaroon ngayon ng batayan ang CHED at ang pamahalaan para sa mga dagdag-matrikula, samu’t saring mga singilin sa mga estudyante at ang mga buget cuts sa dahilang lumiliit ang pondo ng CHED at sa pagtinging kaya namang makapagbayad ng mga estudyante.

Naging batayan pa nga ito sa Unibersidad ng Pilipinas upang ipatupad ang iskemang STFAP (Socialized Tuition and Financial Assistance Program) na sa esensya ay pinag-aaral ang mga iskolar na estudyante ng mga kapwa nilang mag-aaral sa unibersidad – na may nakatataas na estado ng kabuhayan.

Malinaw ang repleksyong ipinapakita ng mga taas-matrikulang ito sa kabila ng katotohanang ang edukasyon ay batayan at prinsipal na karapatang dapat na natatamasa ng lahat: higit na nakananaig ang pagturing sa edukasyon bilang negosyo at balon ng tubo at kita kaysa sa serbisyo at reponsibilidad na dapat ibigay sa mga kabataang Pilipino. Sa katunayan, ang mga pinaka-mayayamang mga negosyante sa bansa ay siya ring may-ari ng maraming mga pribadong eskwelahan gaya nila Henry Sy na pag-aari ang National University at Far Eastern University, Lucio Tan ng University of the East, Centro Escolar University ni Emilio Yap, Technological Institute of the Philippines ng pamilyang Quirino, Lyceum of the Philippines ng mga Laurel, atpb. Sa pagkontrol ng mga kapitalista sa edukasyon, naging pangunahing prayoridad ang pagkamal ng kita kaysa pagkatuto at paghahasa sa kasanayan ng mga mag-aaral.

Naging posible ang imposible gaya nang kung paanong ang isang computer college tulad ng STI College na pag-aari ni Eusebio Tanco at VP Jejomar Binay ay siya naging developer ng curriculum ng College of Nursing ng University of Makati at tagapamahala nito.

Tuluyan nang pinaubaya ng estado (state abandonment) ang kanyang obligasyon sa pagtitiyak ng batayang karapatan sa edukasyon ng mga kabataan – sa kamay ng mga negosyante bilang pagtalima sa polisiyang neo-liberal. Wala nang pangil at kakanyahan ang DepEd at Ched sa mga esensyal na dahilan ng kanyang pag-iral bilang tagapagtiyak na ang edukasyon ay napupunan sa mga tagapagmana ng lipunan.

Napapanahon nang singilin ang pamahalaan sa matagal nang pagtalikod nito sa sektor ng edukasyon. Hindi na lamang isyu ito ng mga kabataang-estudyante, mga guro, akademiko at iskolar – kundi isyung pangkalahatan ng mamamayan; sapagkat nakataya ang paghubog ng magiging mukha natin bilang isang nasyon sa hinaharap. Magpapatuloy ang komersyalisasyon sa edukasyon at higit pang-pagpiga nito bilang katasan ng kita at kapital kung tuluy-tuloy ang mga taas-matrikula sa paulit-ulit na mga dahilan.

Malinaw na sa pagkatali sa pagkaalipin ang hinaharap ng mga kabataan hangga’t hindi tapat at maka-estudyante ang mga namamahala sa Kagawaran ng Edukasyon at CHED. Napapanahon nang ilagay sa mga estratehikong posisyon ng mga kagawarang ito ang mga lider nating tunay na makabayan at may kasanayan sa pamamahala ng sektor ng edukasyon upang matiyak na hindi naisasanla ang kapakanan ng mga mag-aaral.

Ngayon, higit kailan man, wastong kumawala na sa neo-liberal na patakaran ang sektor ng edukasyon sa pagturing dito bilang negosyo, at itatag ang isang maka-masa, siyentipiko  (lapat sa praktika at may materyal na silbing mga pag-aaral), at makabayan (nagsisilbing edukasyon para sa pag-unlad ng bansa).

Advertisements