Ni Elmer Aresgado
Hindi pa man ngumingiti ang araw ay makikita ang bulto nilang nakaabang sa tarangkahan ng NFA.
Hinihintay ang pagdating ng mga trak lulan ang libong kaban ng bigas.
Waring mundo ang libong sako ng bigas na binubuhat nilang mga Atlas papasok-palabas
sa imbakan upang makatighaw sa gutom na sikmura ng mga may kapasidad bumili.
Para silang kalabaw na nakasingkaw sa pagkakamada
ng ga-toreng Garing na pagkain. Hatak sa trak, atang sa balikat,
buhat – lakad pasok-labas sa imbakang gusali.
Maliwanag na grasya kung ang sako’y magkabutas at nakalatag sa sahig ang mga butil,
Kahit papaano’y may madadakot para maibulsa;
animo’y kalapati silang tumutuka sa mga masasagip na butil
maka-limang hugas pa’y puwede nang pangsaing ng pamilya.
Sa maghapong kayod-marinong buhatan, pas-anan, balyahan…
Isang gintong mahirap hanapin ang sisenta pisong katumbas ng kanilang lakas-paggawa –
Sisenta pisong ipambibili nilang maghuhurnal ng isang latang sardinas at isang kilong mayapang NFA na bigas.
Like this:
Like Loading...