Kwento, Kwenta

ni Sarah Jane Espiritu

Panay ka kwento

Wala namang kwenta

Yan tuloy sa kachichika

Naubos ang kita

Nabutas ang bulsa

Natira ay panutsa

Lumamlam ang mata

Sa uhaw at dusa

Kinalimutan din

Ng mga kakilala

Yamang kinamkam nila

Sayo kaya’y magbalik pa?

Kailan muling giginhawa

Ang kalagayang aba?

Sa sistema’t kulturang

Panay pasakit ang dala

Gamiting sandata ang iyong istorya

Gawing daluyan ng pag asa

Upang mamulat at madama

Ang lipunang makamasa!

*kay Jonas at Aswang, para ang kwento nyo ay magkaroon ng kwenta, mag-organisa at makibaka…

Advertisements

Sa duyan

ni Sarah Jane Espiritu

Kay sarap damhin,

simoy ng hangin

habang dahan-dahang hinehele

ng huni ng mga ibon,

sinasamyo sariwang bulaklak sa paligid,

at wari’y musika sa pandinig

ang banayad na daloy ng batis…

oh sa duyan,

Sa duyan kasama ng aking mahal

Kung pwede lang huwag nang matapos ang sandali

At siya’y lumisan.

Sabay kaming uugoy paparoon pa sa malayo

At papalapit sa pagkamit ng mga pangako

Panatag, masaya at magkasama

Sa duyan ng pakikibaka.

At sa tuwina’y tagpuan ng kalakasa’t kahinaan

Puhunan sa pag-indayog ng pag-asa’t

Pagkilala sa lipunan.

Nang sa duloy mahimbing

sa piling ng masang pinaglilingkuran.

*kay Norman

*Hurnal

Ni Elmer Aresgado

Hindi pa man ngumingiti ang araw ay makikita ang bulto nilang nakaabang sa tarangkahan ng NFA.
Hinihintay ang pagdating ng mga trak lulan ang libong kaban ng bigas.

Waring mundo ang libong sako ng bigas na binubuhat nilang mga Atlas papasok-palabas
sa imbakan upang makatighaw sa gutom na sikmura ng mga may kapasidad bumili.

Para silang kalabaw na nakasingkaw sa pagkakamada
ng ga-toreng Garing na pagkain. Hatak sa trak, atang sa balikat,

buhat – lakad pasok-labas sa imbakang gusali.
Maliwanag na grasya kung ang sako’y magkabutas at nakalatag sa sahig ang mga butil,

Kahit papaano’y may madadakot para maibulsa;
animo’y kalapati silang tumutuka sa mga masasagip na butil

maka-limang hugas pa’y puwede nang pangsaing ng pamilya.
Sa maghapong kayod-marinong buhatan, pas-anan, balyahan…

Isang gintong mahirap hanapin ang sisenta pisong katumbas ng kanilang lakas-paggawa –
Sisenta pisong ipambibili nilang maghuhurnal ng isang latang sardinas at isang kilong mayapang NFA na bigas.

*Kargador

Hamburger ni Sadam

Ni Elmer Aresgado

Sa tapat ng Seconds’ Burger Stand, mapapansin ang ilang gabing pagbisita ni Sadam – isang batang badjao ng Bagong Tuklas o “Sitio Badjao” – isang floating village sa Barangay Dalahican, Lucena City, Quezon. Namimilog at parang bituin na nagkikislapan ang kanyang mga mata habang minamasdan ang iba’t ibang klase ng hamburger na pagpipilian ng mga may kapasidad bumili.

Nananariwa sa isip ni Sadam ang patalastas sa telebisyon ng kanilang kapitbahay- si Sarah Estrella- sikat na artista at modelo ng maraming patalastas ng pagkain, habang nakapikit at nakangiting nilalasap ang jum burger ng sikat na fast food chain na Honeybee burger. Nangingilid sa kanyang labi ang labis na mayonnaise, keso at coleslaw.

Malaki ang impluwesya ng napanuod ng bata sa kanyang konsepto ng kasiyahan. Sa isip niya, mararanasan lamang sa wakas ang tunay na kaligayahan kapag natikman ng tao ang sarap ng burger tulad ng kung gaanong laki ng saya ang naramdaman ni Sarah Estrella sa pagkain nito sa kanyang patalastas.

Ngunit hindi siya basta makakahingi sa kanyang mga magulang ng pambili ng burger dahil kulang pa sa badyet sa pagkain ang benta ng mga huling isda sa pamalakaya ng tatay niyang si Mang Rodolfo na kabilang sa mga maliliit na mangingisda ng Tayabas Bay. Simula kasi nang maglipana ang mga buli-buli, pangulong, putok (dynamite fishing) at lason (cyanide fishing) sa bahaging ito ng Probinsya ng Quezon; lalo nang lumiit ang bilang ng huli ng mga mangingisda.

Dagdag pang alalahanin ngayon ng tatay nya iyong sabing pagdagsa pa ng mga dayuhang mamalakaya at higit pang dami ng mga commercial fishers dahil sa epekto ng pag-amyenda ng batas sa pangisdaan.

Subalit hindi nawala sa pangarap na isang araw ay makakain ng hamburger at maranasan ang sensasyong naramdaman ng artistang si Sarah Estrella sa pagkain nito. Buo ang kanyang pasya na pagsisikapang makatikim din nito at nang mabawasan ang ilang kakulangan ng para sa kanya ay ganap na pagpapakatao.

Ilang araw na pagtatapik at paghampas sa tambol na gawa sa tatlong magkaka-ibang sukat na tubo na PVC at paggawa ng pi’to mula sa maliit na kawayan ang ginawa ni Sadam para makalikom ng halagang ibibigay sa magulang pandagdag sa gastusin sa bahay at ipon pambili ng hamburger na tulad sa kinain ni Sarah. Animo ay isang disk jockey sa isang sikat na club ang ritmo ng salimbayang hampas at pi’to na nalikha ni Sadam habang nakaupo sa mga istribo ng dyip mula Capitolyo patungong Gulang-gulang, mula Domoit patungong bayan at mula Bayan-Capitolyo patungong Red V.

At sa wakas ngayong gabi ang katuparan ng kanyang pangarap. Nakaharap siyang muli sa tapat ng Seconds’ Burger Stand. Hindi sa Honeybee Burger, dahil ayaw siyang papasukin ng masungit na guwardiya dahil bawal daw mamalimos sa loob. Ayaw niya rin naman doon at baka magkasakit siya sa kakaibang lamig na hatid ng aircon.

Ilang minuto niyang masusing pinagmasdan ang iba’t ibang klase ng tinda doon (ordinary hamburger, cheese burger, ham and cheese burger, footlong sandwich, cheesedog sandwich, egg sandwich, double cheese and double burger patty, etc.). Gaya nang dati, namimilog at kumikislap sa pananabik ang kanyang mga mata. Naglalaway ang kanyang dila at nangingilid sa kanyang labi. Kinikilatis niya nang husto ang pinakasulit at pinakamasarap na hamburger na bibilhin.

Isa-isang nagtitinginan kay Sadam ang mga bumibili. Ang iba’y umalis agad nang makitang may madungis, madilaw at bilad sa araw na buhok, at laylay ang damit na bata sa paligid. Baka anila agawan sila o manghingi ng kanilang pagkain.

“Hoy Boy bibili ka ba? Kung hindi ay bawal mamalimos dito! Natatakot mo pati ang mga customer namin”, sigaw ng crew ng burger stand.
Biglang napatid ang ngiti ni Sadam at lumisan ang kislap ng kanyang mga mata. Unti-unti siyang humakbang palapit sa crew at inilalahad ng musmos niyang palad ang ilang baryang kayamanan.

“May bur-ger po bang ha-la-gang tat-long li-mang pi-so (kinse)?
Napatawa ang nakaupong lalakeng kustomer sa gilid.
“Hindi pala marunong magbasa.”
Hagalpak ng tawa ang crew.
“Pwede na ang isang hamburger sa kinse.”
Hagalpak muli.

At naghintay siyang maluto ang order. Ito ang pinakamahabang patlang na oras sa pakiwari ni Sadam. Nakamasid pa rin sa kanya ang iba pang mga kostumer.

Naaalala niya si Sarah Estrella habang kumakain ng Honeybee Jum burger…

Ang pandidiri at ismid ng mga pasahero ng dyip habang siya’y nagkukonsyerto…

Ang nakakapanliit na tawa ng lalakeng kustomer at crew ng Seconds’ burger…

Ang pangaral ng magulang na kumikitil sa kanyang kaisa-isang pangarap na makakain ng hamburger dahil wala siyang ipambibili…

“Psst! Heto ang order mo!”, tawag sa kanya ng crew.
Pagkaabot, binuklat ni Sadam ang hating tinapay. Sa loob nito ay napakatamlay tingnan ang napakanipis na burger patty, dalawang ikot ng ketsap at isang pahid ng mayonaise.

Umupo siya sa basang gutter ng kalsada. Minamasdan ang inabot sa kanyang pagkain. Hindi n’ya pansin ang nagdaraang mga tao, ugong ng mga tricycle sa pag-aagawan ng mga pasahero, tawaran ng mga tindera at mamimili sa palengke – sa pinaka-abalang oras sa hapon sa Dalahican. Sumubo ng kaunting bahagi at maya-maya pa’y umagos ang walang patid na luha.

Sa matao, madilim at basang bahaging iyon ng Dalahican, makikita si Sadam na umiiyak habang kumakain ng burger… Humahalo ang tumutulong sipon sa kinakain niyang tinapay habang impit ang sigaw ng pagmumura sa crew at kostumer ng Seconds’ burger, ang mga pasahero ng dyip, ang Honey Jum burger at si Sarah Estrella, sa maagang pag-agaw ng kanyang kamusmusan at maagap na pagpapatanaw sa kanya sa kabangisan ng lipunan.