Manumbalik

Ni Sarah Jane Espiritu

Nais na manumbalik ang sigla
Halakhak sa umaga, pagmulat ng mata
Babatiin silang kay saya
Bawat umaga may pag-asa

Iiwasang malungkot
Hindi na hahayaang malugmok
Sila’y umaasa na’yan ay makakaya
at muli ika’y makakasama

Gagampan ng may ngiti sa mga mata
Mananatiling kaisa,
Sa simulai’t adhika

Balik-panulat

ni Sarah Jane Espiritu

Matagal na ring
Itinago ang panulat
Kinimkim ang kirot,
Pait at hirap

Gusto kong mabuhay
Nais na muling sumulat
Magbuklat ng mga aklat
Ayoko ng manumbat

Panandaliang lalayo
pupunta sa sulok, mag-iisip
Lilikha ng obrang iaabot
Sa libro ng karanasa’t kasaysayan

Isang akdang sasalamin
sa konkretong kalagayan
Laganap na pag-iral ng iilan
sa payak na buhay ng karamihan

Tama
Bakit nga ba hihinto?
Maaring lumayo,
pero hindi ang sumuko

oh sige, pahinga muna

Pero sa kabila ng panlulumo
ay huwag bitiwan
at mahigpit na panghawakan
prisipyong tangan-tangan

Magpatuloy kasabay ng bawat bukas
sa walang katapusang pagkilos.

Ang Pagtibag sa Apat na Haligi ng Hustisyang Pangklima ng Mayayamang Bayan

 

Sa nakalipas na dalawang dekada, nasaksihan ng mundo ang pinakamapinsala at pinakamalulupit na trahedya sa kasaysayan. Taong 2004,nang maganapap ang mapaminsalangTsunami sa rehiyon ng Timog at Timog-Silangang Asya, na nag-iwan ng libu-libong taong namatay.  Sa taon ding iyon nanalasa ang Hurricane Katrina sa Estados Unidos (pinaka-makapangyarihang bansa sa mundo) na nag-iwan ng daan-daang patay at libu-libong pinsala sa mga ari-arian.

Napaluhod maging ang Japan nang perwisyuhin ng magkakasabay na lindol at tsunami na dumulo sa nuclear meltdown ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant – na nakaapekto sa kanilang ekonomiya at kumitil sa maraming mamamayang Hapones. Sa kasalukuyan, tinatayang higit 200 milyong tao ang tinatawag na Climate Refugees o mamamayang napilitang lumikas sa kanilang komunidad dahil sa epekto ng mga natural disasters. Pinakamalaki o 40% dito ay mga mamamayan sa rehiyon ng Asya Pasipiko.

Malaking problema sa maraming bansa ang labis na pagbaba ng produksyon sa agrikultura at pangisdaan na siyang dahilan ng lumulobong bilang ng mamamayang naghihikahos sa pagkagutom at kahirapan.

Sa Pilipinas, higit 7, 000 ang pinaslang ng trahedya sa Ormoc noong 1990 na sinundan ng flash flood at pagguho ng lupa sa Guinsaugon, St. Bernard, Leyte. Higit libo naman ang napaslang sa Real, Infanta, Nakar-Quezon sa kasagsagan ng bagyong Winnie noong 2004. Taong 2009 nang pinadapa ang pusod ng Kamaynilaan at mga karatig probinsya sa Luzon ng bagyong Ondoy, daan-daan din ang patay at higit P52 bilyon ang inutang ng gobyerno para sa rehabilitasyon. Pinakamalaking hambalos sa bansa ang trahedyang dala ng bagyong Yolanda (Pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo) saVisayas noong 2013 na nag-iwan ng higit 6,000 patay, 1,779 nawawala, at bilyun-bilyong pagkawasak ng ari-arian.

Tinatayang mga siyentista na magtutuluy-tuloy, madalas at mas mapinsala ang mga kalamidad na dadanasin ng tao sa kasalukuyan. Kung kaya mula sa dating pagtanggi, ngayon ay kinikilala na ng mga Nagkakaisang Bansa ang pinakamalupit na banta sa pag-iral ng tao – ang Pagbabago ng Klima o Climate Change.

Taong 1991, sa kumperensya ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC), kinilala ang malaking responsibilidad ng tao bilang pangunahing maysala sa pag-init ng klima ng daigdig. Sa ilalim nito, nabuo ang prinsipyo ng Karaniwan Subalit Hindi Pantay na Responsibilidad (Common But Differentiated Responsibility) bilang pagtugon sa epekto ng pagbabago ng klima. Sang-ayon dito, higit na may tungkulin ang mayayamang mga bansa (Global North Countries) sa paglalatag ng mga makakalikasang programa para mapigilan ang malubhang epekto nito sa mamamayan lalo sa mga mahihirap (Global South Countries) na bansa.

Isinisisi sa mayayamang bayan gaya ng Estados Unidos at mga kanluraning bansa, ang pagkasira ng kalikasan at pag-init ng mundo mula sa historikal na pandarambong nito sa likas-yaman bilang hilaw na materyales at sangkap sa kanilang pagpapaunlad-simula noong rebolusyong industriyal, 1700’s. Yumaman ang ilang bansa subalit higit na nalugmok sa pagkabangkarote ang madaming maliliit na bayan dahil sa pagsalo ng mga epekto bunsod ng pagkasira ng kalikasan.

Napormalisa sa UNFCC ang progresibong batayan ng Hustisyang Pangklima  sa pagsisikap ng mga mahihirap na mga bansa. Dito nabuo ang Apat na Haligi ng Hustisyang Pangklima: 1. Mitigasyon, ang pagbabawas ng emisyon ng CO2 ng mga bansa sa norte sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang istilo ng pamumuhay at pagbabawas ng mga proyektong-industriyal na mapanira sa kalikasan; 2. Adaptasyon, kinakailangang pondohan ng Global North ang mahihirap na nasyon para maka-angkop sa panahon ngayong nariyan na ang epekto ng Climate Change; 3. Pagsasalin ng mga Teknolohiya, pagpasa at pagbibigay ng mga makinarya na magagamit ng mga bayan sa pag-aangkop at pagkontrol sa epekto ng mga kalamidad, 4. Pinansya, o pagpopondo at pagbabayad ng Norte ng kanilang Climate Debt o utang sa mga mahihirap na bansa na nasalanta ng mga natural na trahedya na dulot ng pang-aabuso sa kalikasan ng mga negosyo ng Norte.

 

Nakakalungkot, dahil sinisikutan ng mayayamang mga bansa ang tungkuling ito sa pamamagitan ng paggigiit ng mga Market based Approach at Clean Development Mechanisms (CDM) o pagsasaalang-alang sa kita at negosyo bago tugunan ang usaping pang-klima; gaya ng sustainable mining, clean coal at clean nuclear, gayng lantad nang ito ang mga numero unong mapanira sa kalikasan at nag-i-emit ng sobra-sobrang karbon sa atmospera.

 

Bukod dito, ipinapasa ng Global North countries sa Global South na gawin ang kanilang responsibilidad sa reforestation, paglalatag ng maka-kalikasang programa, at iba pa; sa pamamagitan ng off-set at carbon trading gaya ng REDD (Reduction of Emission from Deforestation and Degradation in Developing Countries) o pagbibili ng carbon credits mula sa mahihirap na bansa para angkinin bilang kanilang proyekto sa pagtugon sa Climate Change. Habang business as usual ang mayayamang mga bansa sa pandarambong ng kalikasan at pag-i-emit ng mga karbon sa atmospera ng mundo.

 

Buuhan at lahatan ang gampaning dapat gawin ng sangkatauhan sa pagkontrol sa pagbabago ng klima at pagsolusyon dito. Kung iilan lamang bansa ang tumatalima sa pagsasalba ng kalikasan, habang patuloy naman sa pagsisira ang ilang mga nasyon sa ngalan ng kita at negosyo, sa esensya ay walang paghupa ang pagkitil natin sa ating mundo- ang nag-iisang tahanan nating mga tao. ###

 

STEP-Sierra Madre

October 3, 2014

 

 

Kung tayo ay matanda na

niMarinel Martin

kungtayo’y matanda na, saka lang ba tayo magtatanim

saka lang ba tayo tutulong upang mundo’y paunlarin

abutan mo pa kayang mundo’y ligtas at magiliw. ..

ohohohohoho. . . kung uugud-ugud ka na

luntiang paligid, bughaw na langit, sariwang hangin

bigyang halaga para din satin

 

Sa ilang namumuno na hindi pa rin binibigyang pansin

ang lumulubhang kalagayan ng kalikasan natin

ito na ang panahon para tayo ay kumilos, ohohohohoho

mga pinangako nyo noon, magandang programa para sa’ting kalikasan

sana naman ay inyong matupad

 

Hoy! ikaw kabataan gumising ka ang mundo’y arugain

sayang naman ang inyong lakas kung hindi gagamitin

sa pangangalaga ng kalikasan natin. . .

ohohohoho

 

Ipapaalala ko sa’yo ang wika ni Jose Rizal

ang kabataan ang pag-asa ng bayan

kaya’t tayo nang magtulung-tulungan 3x

tono mula sa kantang Kahit Maputi na ang Buhok ko. Si Marinel Martin ay lider kabataan ng STEP-Sierra Madre noon sa Langgas National High School at STEP-Infanta Chapter. Siya ngayon ay nag-aaral ng kursong arkitektura sa isang unibersidad sa Maynila, subalit nananatiling sumusuporta sa adbokasiya ng organisasyon.

Sierra Madre: Ang Dyaryo Natin!

 

ni Sarah Jane Espiritu

Paulit-ulit na usapin at artikulo, PBA: Pulitika, Basketball, Artista; ‘Yan ang pangkaraniwang nilalaman ng mga pahayagan sa ngayon. Kahit ang iba ay walang sense at naitutulong sa mga mambabasa ay patuloy pa ring isinusulat basta ang importante ay makapag-imprenta lamang ng dyaryo alang-alang sa kita at negosyo. Kaya sa kalaunan ay nagiging dahilan pa ito upang idolohin ang ilan sa mga taong kilala at animo’y mga perpekto. Kung ilarawan, purihin, at pagtuunan ng pansin.

Ayon sa  isang manunulat 100% ng mga pahayagan sa Pilipinas, 95% nito ay pinapatakbo ng mga negosyante na ang mga karaniwang negosyo ay nakakasira sa ating kalikasan, gayang: pagmimina, pagpapagana ng mga enerhiya tulad ng Coal-Fired Electric Power Plant na pinakamaruming source ng enerhiya sa mundo.

Sa 800,000 ektarya na saklaw ng buong kabundukan ng Pilipinas nasa 400,000 ektarya ay ang Sierra Madre,  kapag nagpatuloy ang destruction at tuluyan itong nawala,malaki ang mawawala sa buong Pilipinas. Napakahalaga ng ating kabundukan sana ay patuloy natin itong pangalagaan at protektahan.

Kaya’t inihahandog po namin sa inyo Ang  SIERRA MADRE, ang opisyal na pahayagan ng STEP-SIERRA MADRE (Southern Tagalog for Environmental Development and Protection of Sierra Madre). Ang pahayagang ito ay katuwang sa pagtangkilik sa preserbasyon ng ating kalikasan, isinusulong ang kakayahan at kamulatan ng mamamayan. Ang dyaryo po natin ay tumatanggap ng mga opinyon at kontribusyon sa lahat ng kasapi at kaibigan, kabataan ngayon at sasusunod pang henerasyon. . .

Layunin ng organisasyon ang magbigay ng mga pag-aaral, impormasyon, mapanatili ang ganda at pangangalaga sa kalikasan. Pero limitado lamang ang mga kaalaman na ating kayang ibigay kaya kaagapay ang pahayagang SIERRA MADRE bilang isang guro sa kanyang mga nilalamang pahayag, upang hindi maging katulad ng isang usok at hangin na nawawala, lumilipas, ngunit ang mga pahayag ay nananatili at umuukit sa isipan ng mambabasa.

Lahat tayo ay kasangkot sa mga nangyayari sa kalikasan maging sa lipunan, kaya’t katuwang ng SIERRA MADRE: Ang Dyaryo Natin, halina’t patuloy na mangalaga at magprotekta sa ating inang kalikasan. ###

Envi. Facts Machine: Si Roger Rabel at ang kanyang Siyentipikong Nadiskubre

 

1948, nang ang siyentistang Pranses na si Roger Rabel ay nadiskubreng ang pagbabago ng temperatura ng daigdig ay higit na tumaas pagtuntong ng ika-20 siglo. Pinag-aralan nya ang mga ice caps sa rehiyong artika at sa pamamagitan ng proseso ng carbon dating ay napagkumpara niya ang pagbaba o pagtaas ng klima ng daigdig sa ilang mga siglo. Napansin ni Rabel na simula nang Rebolusyong Industriyal ay naging labis-labis ang dami ng akumulasyon ng mga mapaminsalang kemikal sa atmospera kumpara sa antas ng akumulasyon ng carbon dioxide ilang libong taon na ang nakakaraan.

Sa pagdami ng naiipong mga nakakalasong kemikal sa ating atmospera dahil sa kagagawan ng tao, gaya ng pag-asa sa mga fossil energy source o miniminang karbon (tulad ng coal, langis, natural gas, atbp), walang patumanggang pagkasira sa kagubatan (deforestation) para punan ang walang regulasyong produksyon ng mga produkto sa merkado kahit lampas-lampas na sa kunsumo ng tao; higit na lumala sa panahon ngayon ang dami ng libel ng mga nakakalasong kemikal sa ating kalawakan na siyang dahilan ng nararanasan natin sa ngayong global warming at climate change.

Dambuhalang Peligrong Proyektong Dam

Pinaka-esensyal na pangangailangan ng tao para mabuhay bukod sa pagkain, trabaho, at tahanan – ay ang tubig. Kung kaya sa panahon ng tag-salat, malaki itong biyaya subalit malaking lumbay naman sa panahon ng pagbaha.

Isa ang dam sa pinaka-lumang paraan ng pagkolekta, pagharang at pagkulong ng tubig upang pagkunan ng suplay para sa irigasyon, pangangailangang industriyal, domestik na konsumo sa araw-araw, aquaculture, at elektrisidad (hydropower). Kailangan ang dam upang matiyak na madaluyan ng tubig ang mga lugar na walang malapit na mapagkukunan o kaya naman ay matiyak na may sapat na suplay ng tubig ang mga komunidad sa panahon ng tagtuyot. 1

Nagsimula ang konsepto ng dam sa Mesopotamia sa gitnang-silangan na kumulekta ng tubig mula sa Ilog Tigris at Euphrates upang serbisyuhan ang mga mamamayan sa anumang panahon. Sa Emperyong Romano naman unang napasimulan ang konsepto ng mga malalaki at konkretong reservoir dams na nakakatiyak ng permanenteng suplay ng tubig para sa mga mamamayan sa syudad lalong higit sa panahon ng tagtuyot gaya ng Lake Homs Dam at Subiaco Dam. 1

Ang konsepto ng pagda-dam ay ang pagharang ng katubigan sa ibabaw o ilalim ng lupa (underground streams). Ang pangunahing tinutugunan ng dam ay ang pag-iipon at pamamahala ng tubig, samantalang ang mga dike (floodgates o levee) nito ay ginagamit upang harangan ang ragasa ng tubig sa mga mabababang lugar.2

Sa Pilipinas, mayroon nang 21 naitayong dam, 17 dito ang gumagana. Unang itinayo ang La Mesa dam noong panahon ng mga Amerikano sa layuning suplayan ang pangangailan sa tubig ng Metro Manila na sentro ng komersiyo at ekonomiya ng bansa. Naka-amba naman ngayon ang pagtatayo ng mas marami pang dam sa Visayas gaya ng Jalaur dam sa Capiz at Iloilo; sa Luzon ay ang Bulacan Bulk Water Supply Project sa Bulacan samantalang Sumag River Diversion Project, Kanan Dam, Agos Dam, New Centennial Water Source – Kaliwa Dam Project at Laiban Dam naman ang nakatakdang itayo sa kabundukan ng Sierra Madre sa bahagi ng Tanay, Rizal; Infanta at General, Nakar sa Quezon.

Dadagdag ang mga ito sa mga nauna nang naitayong dam sa Pilipinas: sa Luzon – Magat Dam (1.08 B cu. m / 540 MW) ng Cagayan, Matuno Dam ng Ifugao, Binga at Ambuklao Dam ng Benguet, San Roque Dam ng Pangasinan;   Bustos, Angat at Ipo Dam ng Bulacan, Casecnan at Pantabangan Dam ng Nueva Ecija, Lamesa Dam ng Quezon City, Wawa Dam ng Rizal, Calumpang at Caliraya Dam ng Laguna; Sa Visayas –  Bayungan Dam ng Bohol, Manangga Daam ng Cebu, Panay River Dam ng Panay; at Pulangi V ng Bukidnon, Lake Lanao,  Agusan Dam naman sa Mindanao.

 

Tulad ng Laiban dam, ang Chico dam ng Kalinga ay hindi napaganang proyekto dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubo at mga mamamayan.

Inaasahang magdadagdag ang Sumag River Diversion Project ng koleksyon ng tubig sa Umiray – Angat Transbasin Project, habang ang Kanan na isa ding Hydro-electric power plant ay inaasahang ikakabit naman sa Kaliwa Dam at Laiban Dam bilang magkakarugtong na mga proyektong mag-iipon sa katubigan ng Ilog Lenatin, Lumutan at Ilog Kaliwa.

Itatayo ang New Centennial Water Source –Kaliwa Dam Project, na may pondong 18.72php bilyon sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) at may kontratang Build-Operate and Transfer (BOT) mula sa pagpipinansya sa proyekto, pagdidesenyo at konstruksyon ng dam sa loob ng 25 taon at water conveyance system na may kapasidad pagdaluyan ng 2, 400 MLD bilang paghahanda sa dagdag na koleksyon ng tubig mula sa Laiban Dam na upstream ng Kaliwa Dam.

Inaasahang matatapos ang Kaliwa dam sa taong 2020 na magiging pangalawang pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila, pangalawa sa Angat dam sa Bulacan na 97% ng pangangailangan ng tubig ay dito nanggagaling sa kasalukuyan.

Tatlong kumpanya ang nagpasa ng kumpletong bid documents nitong Abril 6, 2015: Megawide Construction Corporation, Abeima at San Miguel Holdings Corporation – sa itinakdang araw ng pagpasa ng Pre-qualification documents na pinangasiwaan ng Prequalifications Bids and Awards Committee ng MWSS. Naging tatlo na lamang ito mula sa 8 interesadong kumpanya sa konstruksyon nito: Prime Metroline Holdings Inc., San Lorenzo Ruiz Builders and Developers Group, Obrascon Huarte Lain S.A., Abengoa Abeinsa Business Development, DM Consunji Inc., San Miguel Holdings Corp., Filinvest Development Corp., at  Megawide Construction Corp..

Itatayo ang dam sa Ilog Kaliwa ng Sitio Kiborosa, Bgy. Pagsangahan, Quezon. May taas itong 60 metro na concrete-faced rock-fill dam (buhos o concrete slab sa upstream face nito) – nagsisilbi nitong pader, na may kapasidad mag-ipon ng 600Milyong Litro ng Tubig kada araw (MLD). May saklaw na 9, 700 ektaryang Watershed Area at 113 ektaryang Reservoir Area. Kabilang sa pondo sa konstruksyon nito ang conveyance tunnel na idudugtong sa sunod na konstruksyon ng Laiban dam at  27.70 km. tunnel at Aqueducts patungo sa Modular Water Treatment Plant (WTP) – curing o paglilinis ng tubig upang maging angkop inumin – na pasilidad ng Manila Water Sewerage System (MWSS) sa Antipolo at Teresa, Rizal.

Inaasahang palilikasin ang may 1, 465 pamilya na maaapektuhan ng pagtatayo nito na pasisimulan ngayong taon (2015) hanggang 2020.

Matapos ang Kaliwa Dam ay saka pa lamang pasisimulan ang konstruksyon ng Laiban dam. Ang Laiban na may taas na 113 metro na concrete-faced rockfill dam na may kapasidad mag-ipon ng 1, 800 Milyong Litrong Tubig kada Araw (MLD) at elektrisidad (hydropower generation) na hanggang 49.50 Megawatts (MW) ay popondohan ng 25.60php bilyon sa ilalim pa rin ng Public-Private Partnership. Matatagpuan ito sa Kaliwa River, Bgy. Laiban, Tanay, Rizal na may Watershed Area na 28, 000 ektarya, Reservoir Area na 2, 239 ektarya.

Tinatayang palilikasin ang may 3, 708 pamilya na may relokasyon sa San Ysiro, Antipolo City. Nakatakda naman ang pagpapagana nito (commissioning) sa taong 2027.

 

Kasaysayan ng Laiban Dam: Ang Pinagmulan – Hilahan sa Lubid ng Pagkabigo at Panunumbalik

Ang Laiban dam ay puting elepanteng proyekto na batbat ng kontrobersiya at korapsyon mula pa sa panahon noon. Hindi pa man napapakinabangan, gumastos na ang gobyerno ng Php 755 M mula nuong dekada ’70.8

Taong 1978 nang unang ihayag ng noo’y Pangulong Marcos ang balaking magtayo ng Dam sa Kaliwa River Basin na pangangasiwaan ng Manila Water Sewerage System (MWSS), upang matugunan ang lumalaking demand ng lumalaking populasyon sa Kamaynilaan, matapos pumalpak ang Marikina River Project sa ilalim ng Presidential Inter – Agency Committee for the Re-study of the Marikina River Project (PICOREM).11

Kinatangian ang dekada ’80 at ’90 ng malawakang pagtatayo ng mga dambuhalang dam sa maraming bansa sa Aprika, sa Asya gaya ng Malaysia, Pilipinas, Thailand, Tsina, at India gayundin sa Brazil, Guatemala, U.S.A, Canada ng timog at Hilagang Amerika, at maging sa Australia.

Pinangunahan ng IBRD (International Bank for Reconstruction and Development) o World Bank ang ebalwasyon (appraisal) ng tinawag nilang Manila Water Supply III Project (Laiban Dam Project) kung saan itinakda ang pagdadam sa Kaliwa River Basin bilang unang bahagi ng proyekto –  na ang tunguhin ay tayuan pa ng dam ang mga mayor na ilog ng Sierra Madre sa bahagi ng Rizal at Quezon.11

Sa pagitan ng 1982-1986, nagtuluy-tuloy ang konstruksyon ng mga 12 kilometrong kalsada patungong lugar ng dam (damsite), ng 9 metrong dayametro x 500 metrong tunnel ng Laiban Dam at mga pader ng dam, sa kabila ng pagtutol ng mga residente. Gumastos ang pamahalaan ng malaking halaga sa pagbili ng resettlement site ng mga mamamayang palilikasin mula dito sa San Ysiro, Antipolo City bilang relokasyon ng mga residenteng maapektuhan ng konstruksyon ng dam.11

Humupa ang konstruksyon ng proyekto nang maganap ang EDSA Revolution noong 1986.

Iniutos ng noo’y Pangulong Cory Aquino ang tuluyang pagtalikod sa mga nasabing proyekto upang bigyang pansin ang mas mahalaga umanong pagpapaunlad sa Angat Dam o Angat Water Supply Optimization Project (AWSOP) at sa Umiray-Angat Transbasin Project (UATP).

Sa panahon ng Administrasyong Ramos nang maisapribado ang MWSS at nahati sa dalawang    concessionaires:  Maynilad ng pamilyang Lopez (may-ari ng ABS-CBN) – sa silangan at  Manila Water ng mga Zobel de Ayala naman sa kanluran.10 Sa panahon ding ito, naisapribado ang National Power Corporation (NAPOCOR). Sa pag-ari ng pribadong sektor at pagiging monopolisado ng serbisyo ng tubig at kuryente, hindi maampat ang naging sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga ito bunga ng umano’y kakulangan sa suplay. Ang paulit-ulit na problemang ito ang naging dahilan upang makailangang ulit tangkaing buhayin ang pagpapagana (commissioning) sa Laiban Dam.

At mula sa inisyatiba ng gobyerno sa Laiban Dam, pumasok na rin ang mga local at dayuhang korporasyon para sa pagkukumpuni hanggang operasyon ng Laiban Dam. Unti-unting bumitiw ang gobyerno bilang solong may responsibilidad sa pagpondo nito bilang pagtalima sa  polisiyang neo-liberal sa maagang mukha ng Private-Public Partnership (PPP).

Agosto 1998, sa ilalim ng Memorandum Order No. 10 ng noo’y Pangulong Estrada, iniutos ang agarang pagbalik ng nabinbing konstruksyon ng Laiban Dam na pangungunahan ng MWSS. Hinarang ito ng mga protesta at nakadagdag sa bumubulusok pababang approval at trust rating ni Estrada na dumulo sa pagpapatalsik sa kanya noong 2001.

Taong 2007, inaprubahan ng NEDA ang may kabuuang P48 bilyong utang sa China na kabilang sa kumprehensibong RP-China Agreement. Subalit kaagad ding babawiin ang balaking ito nang malantad ang mga bukol at tongpats ng mga pulitiko at kabakas sa mga proyekto ng RP- China Agreement gaya ng NBN-ZTE deal at North Rail Project.

Painut-inot, lumalabas pa rin sa mga balita mula 2009 hanggang 2011 ang naising itayo ang  Kaliwa at Laiban Dam subalit kaagad tinatapatan ito ng kabi-kabilang protesta ng mga mamamayan  kontra dito, tulad ng martsa ng higit 1, 000 dumagat sa ilalim ng Sakabinsa noong 2009 na  naghayag ng nagkakaisang tinig ng pagtutol ng mga katutubong aalisan ng lupang ninuno dahil sa mapanirang proyekto.

Huli itong nagkakahugis nang maghayag ang San Miguel Bulk Water Co. Inc (SMBWCI),8 na pag-aari ni Danding Cojuangco ng interes na pondohan ang konstruksyon at operasyong ng Laiban dam. Sa panahong ito, nasa sektor ng tubig at enerhiya ang interes sa negosyo ng mga Cojuangco. Subalit hindi nagkasundo si Danding at ang gobyerno sa gastos sa konstruksyon at resettlement ng mga residente, garantiya ng balik ng kapital at porsyentuhan sa kita.

Kaliwa at Laiban Dam: Dambuhalang Perwisyong Nakaabang

Tila pinirmahan na sa bakal ang tuluyang pagtatayo ng New Centennial Water Source Project – Kaliwa Dam kasunod ang Laiban Dam nang banggitin ito ni P.NOY sa kanyang State of the Nation Address (SONA) hulyo 28, 2015. Ito ay sa kabila ng lumiliit na interes ng mga gobyerno ng mga bansa sa daigdig sa operasyon ng dam bilang pinagkukunan ng tubig at enerhiya.

Sa Tsina na pangunahin at may pinakamaraming dam sa mundo, unti-unti nang pinapasabog ang mga dam para luminang ng iba pang pinagkukunang tubig at enerhiya. Matatandaang sa mga nagdaang bagyong tumama sa kanilang bansa tulad ng Ketsana (bagyong Ondoy sa Pilipinas), pinalala ng mga dam ang pinsala, nang dumaluyong sa mga kabayanan ang baha mula sa hindi makontrol na naipong tubig.

Sa Thailand, itinuturong dahilan ang Pak Mun Dam sa pagliit ng bilang ng mga isdang nabubuhay sa ilog. Hinaharangan nito ang paglalakbay ng maraming isda patungong upstream para makapangitlog bilang bahagi ng kanilang siklo ng pagpaparami. Naapektuhan din ang populasyon ng iba pang mga hayop dahil dito.5

Malaki ang epektong dulot ng mga reservoir sa ekolohikal na aspeto ng mga ilog. Ang panapanahong pagpapakawala at pagpapahinto ng daloy ng  tubig ay nakakasira sa topograpiya ng mga ilog at bundok. Dagdag pa, hinaharangan ng mga floodgates at turbina ng dam ang natural na daloy ng mga bato mula sa mataas na bahagi patungong mabababang lugar. Dahil dito, nagkakaroon na pagiging burak (siltation) at pagiging mahina ng mga river beds (sand bar erosion) katulad ng nangyari sa Glen Canyon Dam.5

Nagresulta naman sa matinding pagbaha ang Oaky River Dam sa Australia nang mag-aberya sa pagsara ang mga tarangkahan ng dam dahilan para hindi maampat ang paglabas ng tubig na nanalasa sa mga komunidad. Ganundin ang nangyari sa mga komunidad sa palibot ng Rocky Creek at Jerrara Creek Dam na nagresulta sa pagpapalikas ng mga residente. Habang kabi-kabila pa ang mga balita ng negatibong epekto ng dam sa mga bansang Canada, USA, Finland at iba pa.

Itinuturing ng International Commission on Dam na dambuhalang dam ang tulad ng Laiban, Kanan at NCWSP – Kaliwa dam dahil may taas itong higit sa 15 metro at may kapasidad mag-ipon ng higit sa 3 milyong kubikong metro ng tubig. Sa pagtataya ng World Commission on Dams, ang  malalaki at dambuhalang dam ay may mapanirang epekto sa kalikasan at sa kapaligirang malapit sa istruktura nito. Dagdag pa, hindi madali at matagal ang pagpapanumbalik ng sigla ng nasirang kapaligiran dulot ng dam gayong maliit naman ang pakinabang nito bilang pinagkukunan ng enerhiya, trabaho at suplay ng tubig.

Ang bultong reserba ng tubig na hinaharangan ng dam ay may kinalaman din sa mga posibleng paggalaw ng lupa dahil sa pabagu-bagong kantidad, libel at bigat iniipon nito – na nakakaapekto sa kredibilidad at tibay ng kalupaan. Nakalilikha din ang ganitong pangyayari ng methane – isang nakalalasong kemikal (green house gas) na pangunahing dahilan ng paglala ng pag-init ng klima ng daigdig (global warming).7

Nawalan namin ng kabahayan ang higit 1 milyong residenteng nasa saklaw ng konstruksyon ng dambuhalang Three Gorges Dam sa  Yangtze, Tsina na may 600 k.m reservoir area na isang plantang pinagkukunan ng kuryenteng hydro. Nagresulta ito sa pagkasira ng maraming makasaysayan at pangkulturang lugar ng mga mamamayang Tsino.

Sa buong mundo, tinatayang nasa 40-80 milyong tao ang nawalan ng panirahan at kabuhayan bilang resulta ng konstruksyon ng dam.9

Nananatiling mariin ang pagtutol ng mga mamamayan, progresibong organisasyon at mga makakalikasang grupo sa pagpapatayo at operasyon ng mga dam. Naging kabi-kabila ang mga organisasyong tumututol sa dam dahil lantad na ang mga perwisyo nito. Pinakamatingkad ang pagkakabuo ng International River Network na pagkakaisa ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang nasyon laban sa dam.9

 

Sa Pilipinas, matatandaang tubig na umawas sa limang (5) Dam ang kumitil at naglagay sa peligro sa buhay ng libong mamamayan ng Gitna at Hilagang Luzon noong manalasa ang bagyong Pepeng.

Nagpahirap sa mga magsasaka ang operasyon ng San Roque Dam sa Pangasinan sa kanilang malayang akses sa tubig para sa irigasyon ng mga sakahan.

Nutoryus naman sa pagpapalikas sa mga katutubo at local na mga residente ang konstruksyon at operasyon ng Matuno Dam sa Ifugao, Binga at Ambuklao Dam ng Benguet, Angat at Ipo Dam ng Bulacan, at Pantabangan Dam ng Nueva Ecija. Gayundin ang epekto sa mga katutubong Tumulandok sa kasalukuyang konstruksyon ng Jalaur Dam sa Visayas.

Hindi totoong kulang ang suplay ng tubig sapagkat 1, 540 Million Liters per Day (MLD) ang   natatapon at nasasayang dahil sa mga tagas at sirang tubo ng mga water concessionaires – Maynilad at Manila Waters, na ipinapasa naman ang gastos sa mga consumer na tinatawag na system loss fee. Ang resulta ay magiging suliranin pa nga ng mga residenteng nakatira sa mga probinsya tulad sa Hilagang Quezon, na libreng nakakakuha ng malinis na tubig mula sa mga bukal, ilog at tubig-kanlungan; ang pagkatuyo ng kanilang mga pinag-iigiban dahil sa pag-iipon ng tubig sa dam.

Noong 2004, sa pananalasa ng bagyong Winnie sa Hilagang Quezon, higit 1, 000 residente ang namatay dahil sa rumagasang tubig mula sa kabundukan ng Sierra Madre. Paano pa kaya kung matatayuan pa ito ng dam?

Napatunayan din ng mga siyentista ang kahinaan ng lupa sa lugar at lokasyon nitong nakatayo sa mismong Infanta fault (bahagi ng Philippine fault), West Marikina fault, East Marikina fault, Daraitan fault at Lenatin fault, na lalong maglalagay sa mga residente sa balag ng alanganin.

 

Ang Malubhang Kundisyon ng Sierra Madre

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang mabilis ang pagkaubos ng natitira nitong kagubatan. Sa katunayan, 20% na lamang ang natitirang kagubatan sa bansa mula sa 92% kagubatan noong 1576 sa panahon ng kolonyalismong Kastila.

Sa 800, 000 hektaryang kagubatan ng bansa, ang Sierra Madre ay may 400, 000 has. saklaw. Subalit sa pagtataya ng mga mananaliksik, ang Sierra Madre ay isa din sa pinakamabilis maubos na kagubatan sa kasalukuyan dahil sa iba’t ibang mga mapanirang aktibidad gaya ng pagmimina, legal at illegal na logging, forest conversion para gawing subdibisyon o panturismong atraksyon, atbp.

Nagbababala ang mga siyentista na may malaking kontribusyon ang dam sa pagkasira ng kalikasan dulot ng milyong punong pinuputol na nagresulta sa pagkasira ng biodiversity. Ang kabundukan ng Sierra Madre kung saan ito itinatayo ay nag-iisa na lamang na pinakamalaking rain forest sa bansa. Sumasaklaw sa 103 ektaryang protected mossy forest area at 2,479 ektaryang primary forest area at natural na tahanan ng 126 uri ng halaman, 53% nito ay pangkaraniwan lang sa Pilipinas kung saan 12 dito ay nabubuhay lang sa Luzon.

Marami sa mga taal (endemic) na mga halaman at hayop (flora ang fauna) sa Sierra Madre ay pinangangambaahan nang maubos dahil sa pagkasira ng kanilang natural na panirahan (habitat) dulot ng malawakang pagkakahoy (large-scale logging); dagdag pa ang pag-uuling at masaklaw na pagkakaingin ng mga karaniwang magsasaka at katutubong napilitang manirahan sa kabundukan dahil sa kawalan ng opurtunidad sa kabuhayan sa kapatagan;  at palit-gamit ng lupang-kagubatan (forest land conversion) para sa komersyal na silbi gaya ng pagmimina, pagtatayo ng mga subdibisyon, amusement park, larong military gaya ng Balikatan exercises na isang non-conventional warfare subalit gumagamit ng mga armas, bala at pamamaraan sa pagsasanay sa digma na mapanira sa kalikasan.

Sa bayan ng Heneral Nakar halimbawa, na saklaw ng pagtatayuan ng mga dam, tinatayang 45% ng primaryang kagubatan nito ay nawala na simula 1993 hanggang 2005 ayon sa Haribon Foundation.

Ang kalamidad na dala ng bagyong Winnie noong 2004, kung saan bumulusok sa mga mabababang lugar (low lying areas) ng Infanta, Real at ilang bahagi ng Heneral Nakar –  ang mga putol na puno at bultu-bultong lupa, ay patunay na sirang-sira na ang kagubatan ng Sierra Madre. Kung gayon, imbes na magtayo ng panibagong mapanirang proyekto tulad ng dam, kinakailangan ang rehabilitasyon ng kabundukan upang mapanumbalik ito sa dati at nang maiwasan ang mas malulubhang trahedyang posibleng mangyari sa hinaharap.

May hangganan ang kakayahan at kapasidad (carry and capacity) ng kalikasan at ng mundo sa kabuuan. Hinahalukay alang-alang sa tubo at kita ang mga kapatagan, ilog at dagat maging ang kailaliman ng ating mga kalupaan. At ngayong nasaid na ang tanang yaman sa mga mabababang lugar, nakatanaw ang mga negosyante sa mga gubat at bundok na huling tanggulan (last frontier) ng ating likas–yaman upang pigain ang anumang mapagkikitaan mula dito.

           

Mga DAMbuhalang Nilalabag ng Dam

Ang pagtatayo ng mga dambuhalang dam sa Sierra Madre ay paglabag sa Proclamation No. 1636 na nagdedeklara sa 46, 310 hektaryang lupaing sakop ng ancestral at public domain ng mga probinsya ng Bulacan, Rizal, Laguna at Quezon,  bilang National Park, Wildlife Sanctuary at Game Preserve at ng Presidential Proclamation No. 573 na nagdedeklara naman sa Kaliwa Watershed bilang Forest Reserve.

Ang mga kabundukan, kagubatan, at mga anyong-tubig ay kabilang naman sa mga Wealth of Commons o mga likas-yamang hindi dapat pag-arian at kontrolin ng pribadong sektor sapagkat dapat isinasaalang-alang ang pantay na akses ng lahat ng mamamayan sa mga natural na yaman ng bansa at matiyak na mamanahin ito ng susunod na salinlahi.

Ang konstruksyon ng dam ay nasa mismong lupaing ninuno ng mga kapatid nating Remontado at Dumagat sa Quezon at Rizal. Dito malalim na nakaugat ang kanilang kultura, mga tradisyon at maging ang kanilang kabuhayang karaniwan ay nakaasa sa biyaya ng kalikasan. Sa pagtatayo ng mga dam, lubos na maaapektuhan ang malaya nilang pagsunod at pagpraktis ng kanilang kinagisnan at karapatang mamuhay ng maayos sa kanilang lupang-ninuno.

Sa katunayan, nanganganib pang mapalikas ang mga katutubo sa kanilang lugar panirahan. Sa gayon, nilalabag ng pagtatayo ng dam ang ika-9 na Prinsipyo ng Guiding Principles sa Internal Displacement ng United Nations Commission on Human Rights at General Assembly (1998) na nagbibigay responsibilidad sa Estado bilang may mahalagang tungkulin sa pagtitiyak sa karapatan ng mga katutubo laban sa sapilitang pagpapalikas sa kanilang lupaing ninuno.

Hindi nirerespeto ng proyektong ito ang nakasaad sa IPRA (Indegenoues Peoles’ Rights Act) RA 8371 na dapat magkaroon muna ng Free Prior Informed Concent (FPIC) ang mga katutubo sa mga proyektong itatayo sa kanilang lugar. Hanggang ngayon ay walang naitakdang konsultasyon sa mga katutubong Remontado-Dumagat tungkol sa proyekto.

Panghuli, nilalabag nito ang artikulo 11 at 12 ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR) na nagsasaad na ang mga Estado ay kinakailangang magpatupad ng mga pamamaraan at programa upang tiyaking may sapat at malinis na tubig ang lahat at maging ang susunod na salinlahi. Subalit sa pagkakaroon ng dam, sinasaid nito ang yamang tubig sa kasalukuyan upang punan ang luho ng mayayaman at tangkilikin ang demand ng mga negosyante para sa kanilang makasariling negosyo, dahilan upang mapagkaitan ang susunod na salinlahi.

 

Ang Tagong Motibasyon ng Konstruksyon ng Dam

Ang basehan ng pagtatayo ng dam ay ang espekulasyong magkakaroon ng kakulangan (scarcity) na 5, 200 MLD sa suplay ng tubig sa Kamaynilaan simula 2015. Dagdag sa tubig, ang higit sa 5,000 Megawatts kakulangan sa kuryente sa taon ding ito.

Sa Philippine Development Plan ni P.Noy idenisenyong konsentrahan ang Gitnang Luzon ng samu’t saring planta sa paglilikha (generate) ng kuryente tulad ng plantang coal. Habang ang papel ng Timog Katagalugan partikular ng Rizal at Quezon, ay pagkunan ng suplay ng tubig at kuryenteng hydropower para suplayan pa din ang demand at pangangailangan ng kamaynilaan – na nakadisenyo sa ngayon bilang sentrong atraksyon sa Asya para sa eko-turismo, pasugalan (casino), at ng mga Business Process Outsourcing (BPO). Habang patuloy naman ang maluhong pamumuhay (lifestyle) ng mga mayayaman sa eksklusibong subdibisyon sa walang patumanggang paggamit ng tubig para sa kanilang mga swimming pool, jacuzzi, at mga artipisyal na hardin sa sentrong urban.

Sa datos ng MWSS, ang average na kunsumo ng tubig bawat araw ng kada indibidwal sa Kamaynilaan ay 50 litro. Sa kasalukuyan ay may 13 Milyong populasyon sa NCR. Kung isusuma ang araw-araw na kunsumo ng kabuuang populasyon, lumalabas na 650 MLD lamang ang kabuuang demand o pangangailangan ng tubig.

Pinalalaki ang demand para dito ng mga sakahan at agrikultural na produksyon sa Bulacan at ilang bahagi ng Central Luzon, subalit higit na malaki ang kunsumo ng mga negosyong panturismo gaya ng hotel, amusement parks, pasugalan (casino gaya ng Solaire, Resort’s World), golf courses, malls, economic free zones na pinapatakbo ng mga Multi-nasyunal at Trans-nasyunal na kumpanya at iba pang commercial establishments.

Kung gayon, pribado at mga negosyante ang pangunahing makikinabang sa pagkakaroon ng mga bagong pagkukunang suplay ng tubig; mga negosyong pinatatakbo at pag-aari ng dayuhan at malalaking lokal na kapitalista na nagpapasok lang ng maliit na buwis sa kabang-bayan dahil sa pagkakaroon ng mga tax holidays pero bultu-bulto kumikita at inilalabas ng bansa ang kanilang limpak-limpak na kita.12

 

Kakulangan sa Tubig: Hindi Dambuhalang Dam ang Tugon 

Sapat ang kasalukuyang suplay ng tubig sa Kamaynilaan. Nasa pangangasiwa ng MWSS at pribadong concessionaires at ang walang habas na paggamit ng mga negosyo ng tubig, ang problema.Tanging 1,260 MLD lamang ang kailangan ng Metro Manila sa kabuuan, gayong ang kapasidad ng Angat Dam ay 4,000 MLD. Sa katunayan, kahit sa panahon ng El Nino ang pinakamababang inabot ng Angat Dam ay 3000 MLD. Mas makatwiran at mas makakatipid pa ang gobyerno kung aayusin na lamang ang Wawa Dam (pareho ang kapasidad ng Wawa at Laiban Dam) sa Rodriguez, Rizal kaysa magtayo ng panibagong dam.

Wala ring kasiguruhan ang mga mamamayan ng Quezon at Rizal sa pang-ekonomiyang kaunlarang hatid ng dam gaya ng matagalang trabaho, kuryente, sapat ng suplay ng tubig; sapagkat malinaw sa disenyo ng mga dam na ito na ang Kamaynilaan ang pangunahin nitong susuplayan. Ang pangangailangan ng trabaho para sa lokal na mga residente ay para lamang sa yugto ng konstruksyon. Magiging minimal na ang demand para sa karaniwang manggagawa sa panahong gumagana na ang mga ito dahil mas kinakailangan ang mga ekspertong inhenyero, arkitekto at siyentista para sa pagmamaneho ng paggana ng dam.

Kung pasisimulan ang mga community-based o maliliit na dam na tiyak napapanumbalik (renewable) at sustenable para sa pangangailangan ng tubig at kuryente ng lokal na populasyon, malilimita ang dumi (wastes) na malilikha at matitiyak nating may likas-yaman pang magagamit ang susunod na salinlahi.

 

Damdamin ng Bayan, Igalang Dambuhalang Dam Tutulan!

Tubid ay Serbisyo, Huwag Gawing Negosyo!

Isaalang-alang ang buhay at kaligtasan, imbes na ang negosyo’t kapital!

Bituin

Ni Elmer Aresgado

 

Sa tuwing natatanaw ko

Ang

laktaw-laktaw

na

mga

bituin

Nakikita ko ang kalupitan ng ala-ala.

Naroon sa bawat kislap

Ang masasayang gunitang

Unti-unting hinaharangan ng ulap.

At sa wari ko’y namatay ang mga bituin

Nang wala nang mamasdan

Ang mga matang

Humahanga,

Nangangarap,

Umiibig

Sa minsang dumating at naangkin

Ng balintataw kawangis

ng

bituin.

 

6-19-15

Infanta, Quezon

 

Sa pagkahawi ng mga Bituin

Ni Elmer Aresgado

Sa tuwing natitingala ko sa langit ang laktaw-laktaw na bituin
Dinadalaw ako ng masasayang mga gunita;
Ang kanyang mga halakhak,
Mga nakakadurog na litanya ng pagbabalikwas sa luklukan ng Mendiola,
Ang ilang gabing binuno sa tamis ng pagsuyo,
Umurong-sulong ang mga impit at mga bulong ng pagkaraos,
Napatingala sa diyos at nagpahayag ng pasasalamat
Sa natatanging katangian ng algoritmo ng nagtatagpong mga katawan.

At tulad ng mga bituin,
Nagkikislapan ang pag-asang magtatagal ang gayong ningning.
Umusal ng mga pangako at ipapanday na mga pangarap…
Masayang tinatanaw ng mga tala ang magkasiping na magkasintahan sa bubungan.
Umuukit sa gunita ang gayong larawan…
Nang biglang humawi ang ulap at tuluyang natakpan
Ang pagtatanghal ng mga bituin,
Mahabang dilim,
Napanglaw ang mga humahanga sa bituin,
Naglaho ang pag-ibig,
Naging mas matagal ang gabi…

Infanta, Quezon
6 – 11 – 15