Ang pagpapagupit sa panahon ng pagka-upaw

barberyaHindi pa nakakapaso ang sikat ng araw, alas-9 ng umaga, iika-ikang naglalakad palapit sa Deking’s Barbershop si Mang Poli para magpagupit. Malayo pa ay matatanaw na ang nakabungisngis na mukha  bilang babati sa kumpareng barbero na si Tata Deking na noo’y abala sa panggugupit.

“Pare mukhang madami kang kliyente ngayon a!”, bati ni Mang Poli. Sabay uupo sa bakanteng bangko.

“Oo pare, malapit na ang pasukan sa eskwela kaya isa-isa nang nagpapagupit ang mga bata. Magpapatabas ka ba pare?”, usisa ni Tata Deking. Ilang buwan na ring hindi nagpapadalaw sa barberya si Mang Poli. Palibasa’y numinipis na ang buhok at halos upaw na ang bumbunan kaya hindi na kailangan masyado ng maintenance.

Dati-rati ay isang beses sa isang buwan ay walang palyang magpapagupit ng buhok si Mang Poli kay Tata Deking. Sa barberya habang ginugupitan, madami silang napag-uusapan: mga usapang tiyak umiikot sa mga isyu ng pulitika, basketball at artista – ‘Ika nga ay PBA.

“Oo pa-trim lang pare.” Sabay hawi pataas sa manipis na nyang buhok. Madali ding bumalik sa bagsak na ayos ang ilang kumpol ng bangs. Nangintab sa repleksyon ng araw ang kanyang bunbunan. Nilibot nya ng sulyap ang mga kabataang nakapilang sunod na gugupitan upang mabawasan ang makakapal at buhaghag nilang buhok. Matapos manligid ng kanyang paningin ay napayuko ito at ilang saglit nanahimik.

Nangising nakatutok sa buhok ng batang lalaking ginupupitan si Tata Deking. Parang lumilikha ng ritmo at melodiya ang paulit-ulit na pagtabas ng matalas nyang gunting sa buhok ng kabataang ginugupitan; at sumasayaw sa hangin ang naputol na kumpol ng buhok, bago lumapag sa sahig.

SONA ni P.NOY at ang Pang-ulam na Tilapia

Natapos na sa wakas ang kanina’y walang humpay na pukpukan, paglalagari, pagbubuhat ng mabibigat na paintings at muebles; at pagsusukat ng mga tabla at kahoy na  gagamitin ng mga karpintero sa pagkukumpuni ng mga pasilidad sa kongreso bilang paghahanda sa ika-4 na SONA (State of the Nation Address) niSONA2013 pangulong Aquino sa lunes.

Isa si Mang Teban Dimaculangan sa mga manggagawang ngayon ay tahimik na nakasalpak ang puwitan sa sementong sahig sa holding area: nakalaan para sa pangulo pagdating nya sa panulukan ng kongreso bago pumunta sa plenaryo para isagawa ang tradisyunal na ulat sa mga mamamayan ng mga naisagawa at planong gawin sa bansa ng kasalukuyang administrasyon. Tulad ng iba pa nyang mga kasamahan, tahimik na pinagmamasdan ni Mang Teban ang kabuuan ng kanilang naging trabaho sa loob ng apat na araw. Para silang mga pintor na sinusuri ang kanilang mga obra. Sinisipat kung may kailangan pang ayusin para lalong mapaganda ang likhang sining.

Sa labas ng gusali ay nagpapahinga na lamang sa lilim ng mga puno ang mga inupahang manggagawa para i-trim ang mga damo at mga puno sa palibot ng kongreso. Kasama nila ang mga construction worker na tapos na ring palitadahan ng semento ang helipad na pagbabaan ng helicopter  ng pangulo, maging ang ilang sira sa kalsada sa loob ng compound.

Lahat sila kabilang si Mang Teban ay hinihintay na lamang iabot ng staff ang kanilang  suweldo mula sa ilang araw nilang pagtatrabaho. Ang sabi ng pareng Nilo ay P250 ang arawan nila sa trabaho. Ibig sabihin ay may P1,000 si Mang Teban na masusweldo.

Nililibot nya ang paningin sa karangyaan ng mga opisina ng mga lingkod-bayan na kanilang ibinoto. Hindi nya maiwasang ihambing sa kanilang komunidad sa Litex, na malapit lamang sa kongreso, na wala man lang halos pag-unlad sa paglipas ng ilang dekada. Nakikini-kinita nya ang mga eleganteng pustura ng mga VIPs at mga pulitiko na makikinig sa SONA sa lunes. Sa telebisyon, napapanuod nyang panahon ang SONA para magyabangan ang mga alta ciudad at mga lingkod-bayan ng kanilang magagarang kasuotan at mala- tropeyong asawa na kasabay nilang maglalakad sa red carpet papasok sa plenaryo.

Biglang sumagi sa isip nya ang paalala sa kanila kaninang umaga ng staff sa kongreso: “Sikapin ninyong matapos ang trabaho ngayong maghapon. Para bago lumubog ang araw ay makaalis na kayo dito. Ayaw ng Seargent at Arms na pakalat-kalat ang kung sinu-sino dito sa loob, baka makita ng mga congressman…. nakakahiya.”

Pero karaniwan na kay Mang Teban ang ganoong pananalita. Ibinaling na lamang nya ang atensyon sa kung paano gagastusin ang kanyang suweldo para sa pamilya. Lalakarin nya mula Batasan papuntang palengke ng Manggahan para bumili ng isang kilong tilapia- na ani Mike Enriquez sa balita ay sya nang poor man’s viand o pangmahirap na ulam. Naalala nya nung panahon ng yumaong Cory Aquino na ina ng kasalukuyang pangulo, hindi naman masyadong pinapansin ng mga mamimili ang tilapia dahil matabang ang karne o ‘di kaya ay lasang putik. Noon ay galunggong ang karaniwang ulam ng mga mahihirap,  pero ngayon: hindi na pangmahirap ang presyo nito  kaya tilapia nalang ang kapalit.

Pero maswerte pa rin kung may perang pambili ng tilapia. Madalas kasi hindi na makuha sa pagkakarpintero si Mang Teban dahil sa edad at lubhang marami na silang manggagawa sa konstruksyon sa kanilang lugar. Kaya sa mga araw na walang trabaho, magkakasya ang pamilya nya sa pag-uulam ng desabog o debomba.Desabog iyong kinurot na asin sa garapon saka isasabog sa kanin at debomba iyong winisik na toyo, patis o mantika ng baboy sa kanin. Ang mahalaga malamnan ang sikmura katwiran nila tutal baka bukas makakatyambang makahanap ng mangangailangan ng husay nya sa pagkukumpuni ng mga bahay kahit ilang araw lang.

Gaya ngayon. Mabuti at magso-SONA ang pangulo. Gagastos ng dalawangpung milyon ang kongreso para sa pagbisita ng pangulo sa kanilang tanggapan. May trabaho si Mang Teban. Ibig sabihin ay makakakain ng mainam ang kanyang pamilya.

Sa lunes, makikinig sya sa SONA. Baka sakaling may pangakong bibitawan ang pangulo na magiging kapaki-pakinabang sa kanya. Habang iniisip ni Mang Teban kung paano muling makakahanap ng trabaho para makaulit makaulam  ng tilapia ang kanyang pamilya.

Sumaboy ang gatas sa bahaging iyon ng kalye Antipolo

rilesPatuloy lang sa paglalakad ang ale habang binabaybay ang kalye ng Antipolo St., sa Sampaloc, Maynila. Malalim ang iniisip at mukhang ayaw paggambala mula sa sigawan ng mga tao sa paligid.

Wala pang isang buwan nang iwanan nya sa probinsya ng Sorsogon ang kanyang nag-iisang anak na si Jane. Pinaalagaan nya muna ito sa kanyang ina habang siya’y nasa Maynila para mangatulong sa isang mayamang pamilya.

Awang-awa sya sa anak na lagi na lamang Am – tubig mula sa unang kulo ng sinaing na bigas, ang pinadidede buhat nang mabalo ang ale noong makagat ng cobra ang asawang manggagapas sa palayan.

Pangarap ng ale na bumili ng ilang lata ng gatas na Nestogen 1 para kay Jane sa unang sweldo para makabawi ang katawan ng bunso. Bukas ay linggo, day-off nya sa trabaho, pinayagan sya ng amo na makauwi sa kanila sa probinsya para madalaw ang anak kahit ilang oras lang. Aabangan nya ang unang byahe ng tren bandang alas-4 ng madaling -araw sa Tutuban, siguro’y mga alas-3 ay makakadating na sya sa kanila. Mga alas-7 siguro ang huling byahe ng tren kaya sasabay na sya dito para makadating ng madaling-araw sa bahay ng amo nang sa ganoon ay hindi naman madala sa pag-uwi nya isang beses sa isang buwan.

Sa isip-isip nya, mahabang panahon na rin ang apat na oras para mayakap at mahagkan ang anak. Maswerte na sya sa pagsulit sa apat na oras na iyon lalo pa at may ilang lata ng Nestogen syang maiiwan sa anak, sapat na siguro hanggang sa susunod na katapusan na may maiuuwi muli syang gatas.

Kaya pagkaabot ng amo ng kanyang sweldo, kinuwenta agad nya magkano ang gagastusin sa limang lata ng Nestogen 1 -P357 bawat isang 900 grams; pamasahe sa tren balikan – P400; iaabot sa nanay panggastos sa bahay – P500. Sa kwenta nya ay kulang P200 nalang ang matitira sa budyet  para sa personal naman nyang pangangailangan. Hindi na importante sa kanya iyon. Ang mahalaga ay makauwi, madalaw ang anak at  may maiabot sa nanay para sa gastusin sa bahay.

Naglalaro na sa isip nya ang magiging itsura ni Jane sa  ilang buwan na sunud-sunod na pag-inom ng masustansyang gatas. Nakikita nyang mataba, matalino at masiglang nag-lalaro ang masayahing anak na sasalubong sa kanya sa pinto tuwing dadating mula Maynila. Kung sabagay, tabain naman talaga noon pa si Jane kaya alam nyang magiging mabilis ang pagganda ng katawan nito. Hindi nya napansin ang kanyang paghagikhik na dahilan ng paglingon sa kanya ng mga nakasalubong na mga tao galing ng palengke ng Dapitan. Pero wala syang pakialam anuman ang isipin ng mga tao.

Patuloy lang sa paglalakad ang ale habang binabaybay ang kalye ng Antipolo St., sa Sampaloc, Maynila. Malalim ang iniisip at mukhang ayaw paggambala mula sa sigawan ng mga tao sa paligid.

“Ale andyan na ang tren!”

Ibinaba na ang barandilya para harangan ang pagtawid ng mga sasakyan. Sa ilang sandali ay mapapalitan ang mga dyip sa pagiging hari ng kalsada.

“Ale huwag kang tatawid andyan na ang tren!”

Maging ang maingay na sirena ng tren ay hindi nakagambala sa pangangarap ng ale.

Noong umaga na iyon, nahugasan ang maitim na kalsada sa parteng iyon ng Sampaloc at naging mabango ang amoy ng paligid mula sa sumaboy na gatas-pambata na kanina’y hawak ng ale, pasalubong sa kanyang anak. ###

Pamasahe

“Ma’ma para sa tabi!”, malumanay na sigaw ng ale sa drayber ng dyip na sinakyan nya. Alas-10 palang ng umaga, sapat ang oras para maihanda at mailuto pag-uwi sa bahay ang pinamiling pananghalian ng pamilya.

“Ale bayad mo muna!”, nakakunot noo’ng hiyaw ng drayber sa kanya. Nagulat ang ale sa sinabi ng drayber. Kanina lang nung kasasakay pa lamang nya ay nag-abot na kaagad sya ng otso pesos pamasahe sa drayber na ito. Tandang-tanda ng ale na nakapagbayad na sya dahil beinte na lamang na buo ang nasa bulsa nito. Imposible din namang hindi sya matandaan ng drayber dahil nasa likod lamang sya ng driver-seat nakaupo.

“Ale, manloloko ka ah. Siguro’y araw-araw mo ginagawa ito. Akin na’ng pasahepamasahe mo!”

Namula sa pagkapahiya ang ale. Sa tanang-buhay nya’y ngayon lang ito nangyari. “Ilang beses ba ako kailangang magbayad sa inyo ma’ma? Nagbayad na ako ah.”

“Manloloko ka ale. Siguro’y araw-araw mo ito ginagawa!”

“Huwag kang magsalita ng ganyan ma’ma, drayber ka pa naman. Baka makarma ka!” Nanliliit na sa pagkapahiya ang ale. Sinusulyapan nya ang isang lalakeng nakasaksi sa pag-abot nya ng pasahe kaninang kasasakay pa lamang nya sa dyip. Ngunit hindi ito umiimik o sumisenyas. Hindi siya ang nakasalang. Wala siyang pakialam.

“Ale alam ng drayber kung sino ang hindi pa nakakapagbayad! Manloloko ka ale!”

“Putris ka! Paano mo matatandaan lahat?” Puno ang ale ng hinanakit hanggang magsikip ang dibdib at pumusyaw ang kulay ng kanyang paligid.

Eksena sa Piketlayn

ImageAlas-10 ng umaga, pinunit ng mga ahitasyon ng mga manggagawa ng Digitel Employees Union ang katahimikan ng business district ng Makati sa tapat ng PLDT main office. Mas pinainit ang eksena ng nakabarikada at full- battle gear na pustura ng Men in Blue security officers at  Makati Police para harangan ang mga nagwiwelgang manggagawa na ang hawak ay mga plakard at mga bandila.

“Umalis na kayo dito. Labag sa batas ang ginagawa nyo. Nakakaistorbo kayo sa peace and order ng lugar na ito”, nakakunot noong utos sa bulto ng hepe ng pulis.

Hindi natinag sa sigaw ng hepe, nangibabaw sa sigawan ang hiyaw ng isang lider-manggagawa: “Hindi kame lumalabag sa batas.” Inilabas ang makapal na files ng mga papel: “ Heto ang supreme court decision! Sinasaad nito na dapat kameng pabalikin sa trabaho ng PLDT at pasimulan ang CBA (Collective Bargaining Agreement). Naroon sa building na yan ang mga lumalabag sa batas. Kung tunay kayong kawal ng batas ay sila Manny Pangilinan ang hulihin nyo. Hindi kame!”

Sumesenyas ng pagpapatigil ang hepe pero hindi napipi ang manggagawa.

“Kung hindi nyo susundin itong Supreme court order, ay sino pa ang lalapitan namin? Sa 25 kasong dininig sa korte ay naipanalo namin. Ano pa ba ang kailangan naming ipanalo? Saang antas ng labanan ba kailangan kame dalhin ng kaayusang ito?”

Sa gitna ng ahistasyon at girian, naglakad palayo sa bulto ang hepe at nag-utos sa 2nd in command officer: “bantayan nyo ang mga yan!”

Si ate Belinda sa Panahon ng Pangungulila

blackyKanina sa tanghalian ay ginimbal ako ng isang balita. Patay na si Blacky, Toti kahapon pa. Nasagasaan habang papatawid sa kalsada. Dama ko ang lungkot sa nanginginig na boses ni ate Belinda. Katrabaho ko sya sa isang Non-Government Organization at masasabi kong napaka-dedicated sa mga adbokasiya ng organisasyon kaya nawalan na ng panahon sa pakikipagrelasyon hanggang tuluyan nang hindi nakapagbuo ng sariling pamilya.

Kaya naman ang mga alagang aso ay ganun na lamang kahalaga sa kanya. Ganun na lamang kasakit sa damdamin nya ang paglisan ng halos ituring na nyang sariling anak na si Blacky. Hindi ko alam paano ko papagaanin ang mabigat nyang damdamin. Shoot masamang kapalaran! Kailan lang ay kalaro ko pa ng habulan si Blacky sa opisina. Ngayon ay wala na sya. Maghahanda na ba kame ng programa para sa luksang parangal nya, para makatulong kameng dahan-dahan ay matanggap mo ang pagkawala ni Blacky?  Sino ang nakasagasa? Sana ay makarma sya.

Hindi nakasagot si ate Belinda. Nag-alala akong baka nasaktan ko siya. Loko ka Toti! Hindi ako maka-move-on sa pagkamatay ni Blacky. Noong isang buwan lang ay namatayan din ako ng isa pang alaga. Si browny.

Mas lalo akong nalungkot para kay ate Belinda. Kung ang mamatayan ng isang alaga ay masakit na, paano pa masusukat ang sakit na nararamdaman ng isang inang magkasunod na namatayan ng anak? Ate, ganun talaga. Minsan ay dumarating ang mga dagok sa buhay. Ang isipin nalang natin ay nasa mapayapa at tahimik nang lugar si Blacky. Doon ay masaya syang nakatingin at lagi kang binabantayan.

Blanko ang mata ni ate Belinda. Hindi ko mabasa ang emosyon nya.

Saka ate, isipin mong dakila ang aso mong si Blacky. Iyong sabi kong luksang parangal sa kanya, seryoso ako dun. Bayani si Blacky. Dalawang bagay ang nagawa nya: napamulat nya sa mga kapwa nya hayop na delikado tumawid sa kalsada. Pangalawa, nagpamulat sa mga pet-owner na huwag basta pabayaan sa kalsada ang mga alaga nila. Bayani si Blacky. Maihahanay sya kela Kabang, Saber the wonder dog, sa aso ni Rizal na si Verganza at sa Philippine Azkals!

Bahagya kong nabanaag ang kanyang pagngiti. Hindi ko alam kung dahil ba sa inihanay ko ang Philippine Azkals sa mga asong bayani o sa ideya na hindi nasayang ang pagkamatay ng aso nya?

Hindi lang ate Belinda. Maihahanay ang kanyang kabayanihan kela Rizal at Bonifacio! O baka hindi lang nasyon ang libel kundi internasyunal- kahanay nila Marx at Lenin, Bonaparte at Bolivar. Sapagkat siya si Blacky- the animal liberator! Magiging inspirasyon ang kanyang kwento sa paglakas ng pakikibaka ng mga hayop laban sa pagmamalupit, diskriminasyon at pagturing sa kanila bilang kalakal ng mga tao. Magiging isang sinding magtutuloy sa lagablab ng internasyunal na pakikibaka ng mga kahayupan, laban sa pananakit, pagpatay at paglalaro sa kanilang buhay ng mga tao. At sa tagumpay ay itatatag nila ang isang lipunang makahayop at may pagkakapantay-pantay.

Naputol ako sa pagsasalita ng tuluy-tuloy mula sa malakas na dagok sa aking batok ni ate Belinda. Napayuko sa napakatamlay na pananghalian kong instant pancit canton. Napag-isip-isip ko: mukhang kailangan kong sumabay sa pakikibakang iyon ng mga hayop. Salamat sa pagpapamulat mula sa pagpanaw ni Blacky!

_____

Paalam Norman! Salamat sa mga ala-ala.

Dalamhati’t pakikiramay sa naulilang si ate Derek.