FADING

by Rio Ejercito Monge

The image kept vivid
In a second that erased
By droplets of tears
Coming deeply from a heart
Both aching and longingfading
For a lost friend
Long I had
Now Lost
Banners of Regretts
Written in catacomb
Engraved hoping
Not to its death
Said
Unknown
Kept
You are the half of me
A life inside given
To my half dead self
Gave light and reason
And passion to live life by
A defined meaning
Half of me was lost
When I saw you
When I felt you
Fading…

Advertisements

Patas sa sarili

ni Rio Ejercito Monge

Kung kayat sumilip sa walang bara sa mata na kalangitan
Matingkad na asul na kakambal ng dilim
Nakalatag ang mga bituin
Mga punong sing edad ng sigwa bago pa man ang EDSA Rev
Saksi sa Martial Law
Pamilyar na amoy ng damuhan at dahong natuyo
Gusto kong damahin ang paligid
Mabuhay na parang walang bukas

Guro

Ni Berlin Eranista

GURO

Sa nangangapa kong mundo, kayo ay dumating

Dala-dala’y karunungan sa aki’y ihahabilin

Ang layunin ay buksan ang puso ko at isipan

Sa aki’y ipadama ang inyong pagmamahal

 

Kayo ang guro sa aki’y nagmulat

Sa mga larangan ay tagapag-ingat

Ang bukas mong puso sa aki’y gumabay

Na siyang naging daan nitong kamulatan.

 

Ngunit nasaan ka ngayo’y nanganganib

Ang bayan kong paos sayo’y humihibik

Kahit na sandali sa’yong mga halik

Ang yakapin ako ng buong pag-ibig.

 

Upang ang bayan ko na tigmak ng luha

Muling makabangon sa pagkakadapa

Ikaw, aking guro pinakadakila

Muli kang tumindig sa unos at baha.

Sa Selebrasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

IWD

ANG PAKIKIBAKA NG KABABAIHAN ay HINDI NILULUMA at PINATATANDA ng PANAHON, BAGKOS ay PINALALAWIG at PINALALAKAS NG NAGPAPATULOY NITONG KASAYSAYAN.

Ang salinlahi ay nasa ubod ng iyong pagkatao
Handang mag alay ng buhay upang magluwal sa mundo
Ng supling na sa lipuna’y magtataguyod at bubuo


Ng sinimulang pakikibaka sa karapatan, paglaban sa karahasan
Tungo sa pagkakapantay-pantay
Magpatuloy at mabuhay ang kababaihan
KAISA KA sa pagpapalaya ng bayan!

 

Maligayang araw ng mga Kababaihan!

TANDAAN : HINDI KA BABAE LANG. KAISA KA!

PAGPUPUGAY SA ARAW NG KABABAIHAN!

Sa karsel

ni Sarah Jane D. Espiritu

Nakakulong sa apat na sulok
Hindi makawala, nakagapos
Sari-saring pakiramdam
Kilabot at pagkapanglaw

Sinag ng ilaw na aandap-andap
Larawan ng munting liwanag
Habang unti-unting pumipikit,
Bibig pumipinid
Sisinghap-singhap

Ah hindi na ‘ata kaya,
Hininga’y parang mapapatid
Kasabay ng paglagot
Sa tanikalang itinakda
Ng sistema’t dayuhang mapaniil!

Kaya’t ngayo’y pilit nilalagot
Ang lubid sa haligi ng pagkakanya-kanya
Upang mapakawalan
Ang sanlibu’t isang pag-asa!

Ah kunting tyaga pa at malapit na
Kunting pagsisikap at pagpapasiklab
Natatanaw ko na. . .

Sa wakas nabuksan ang hawla
Halina’t kumawala, Lumaya!

Sa duyan

ni Sarah Jane Espiritu

Kay sarap damhin, simoy ng hangin
habang dahan-dahang hinehele
ng huni ng mga ibon,
sinasamyo sariwang bulaklak sa paligid,
at wari’y musika sa pandinig
ang banayad na daloy ng batis…

oh sa duyan,
Sa duyan kasama ng aking mahal
Kung pwede lang huwag nang matapos ang sandali
At siya’y lumisan.

Sabay kaming uugoy paparoon pa sa malayo
At papalapit sa pagkamit ng mga pangako
Panatag, masaya at magkasama
Sa duyan ng pakikibaka.

At sa tuwina’y tagpuan ng kalakasa’t kahinaan
Puhunan sa pag-indayog ng pag-asa’t
Pagkilala sa lipunan.
Nang sa duloy mahimbing sa piling ng masang pinaglilingkuran.

Senobita*

 

Sa panahong uso ang angry birds, Ragnarok at DOTA;

Pinili mong maglaro ng tumbang – preso at piko.

Sa yugtong nagdamit ang mga kabataan ng pang-anime;

Hinalukay mo ang baul ng mga nuno

at naggayak ka ng camisa de chino at barong tagalog,

At sinapinan ang iyong paa ng alpombra at rambo.

Upang hindi mawaglit ang pagkakakilanlan mo’t pagkatao.

Kung kailan lumikha ang marami ng sarili nilang mundo-

(Pinangalanang virtual world)

At natuto mula sa midya at edukasyong

ituring ang iba na kakumpetensya;

(Ang buhay ay isang karera, kamatayan ang ipapataw sa nahuli-

Madudugtungan ang buhay ng mauna)

Saka ka nakihalubilo’t nakipamuhay sa masa-

Inalam ang suliranin ng mga karaniwang tao.

Sa panahon ng pagbaklas sa mga border at restriksyon;

Sumalungat ka at nanawagan ng nasyunalismo’t

Pambansang industriyalisasyon.

Subalit inakala ng maraming kontra ka lamang sa pag-unlad

At pagbabago…

‘Pagkat ayaw mong maging bulag na tagasunod

ng kunsyumeristang mundo…

kung saan itinuturing ang tao bilang sangkap lamang sa komersyo:

walang laman at dugo…

Walang halaga ang isa, walang kaugnayan ang kabuuan sa paglikha.

Mas pinili mong labanan ang pang-aakit ng nagsasayaw

na liwanag sa gabi

at tinakpan ng kurtina ang tanawin ng paglalandian

ng mga balang sa may antenang bintana.

Sa gitna ng delubyo – naglakbay ka’t lumayo.

Hinanap ang mga kapwa mo senobita

Upang maghanda sa pagsalunga sa agos…

___

Ang Senobita ay isang uri ng ermitanyo noong 300A.D hanggang 500A.D sa Gitnang-Silangan hanggang Europa. Lumayo sila sa mga syudad at nanirahan sa ilang at mga yungib upang makalayo sa impluwensya ng makamundong hilig at gusto ng mga tao. Kakaiba silang mga ermitanyo dahil naniniwala sila sa konsepto ng pamumuno at organisasyon

Kasaysayan

ni Elmer Aresgado

 

Lagi nang dapat pinapahalagahan ang nakaraan

Hindi man lang sana malimot kahit minsan

Ang mga dahilan ng pag-iral ng kasalukuyan…

Magdudugtong, nakasugpong ang ngayon

At ang nakaraan…

Pinaslang si Bonifacio ng mga taksil sa kapatiran,

Ang dunong at rebolusyunaryong tapang ni Rizal

Ay binakla ng mga Amerikanong dayuhan,

Patuloy ang paghahanap ni Mabini sa kalayaan.

Walang patid ang utak ng himagsik na si Jacinto

Sa pag-aral ng estratehiya’t taktika sa labanan,

Alam na alam ni Goyo na hindi hadlang ang kabataan.

Huwag sanang mabantulot sa inis at galit sina Hildalgo at Luna,

At maging repleksyon ng pagkalma ang kanilang pinta.

May pagtinis ang sigaw nina Gabriela at Teresa Magbanua.

Subalit walang pagkapaos ang kanilang kahandaan

Sa digma…

Dama ko ang talim at talas ng panulat ni Marcelo Del Pilar at JOMAPA*,

Walang pagkagatol ang talumpati ni Jaena

Sa paanan ng Plaza Miranda at Mendiola-

“Mabuhay ay langit sa sariling bansa!

Hawakan ang pluma, patalasin ang diwa’t

Higpitan ang kapit sa bakal na disiplina!

Tubusin ang paglaya sa mga sugapa!”

Kahit sa harap ng libong truncheon, batuta, M16,

M14, kanyon at granada ng mga guardia.

Umaaalingangaw ang putok ng baril at komand

nina Sakay at Malvar –

Mula isang sindi ng liwanag magsisimula ang liyab.

Hindi na nga dapat malimot ang pagpugto sa hininga

kina GOMBURZA, Dagohoy at Datu Amal Pakpak,

‘Pagkat sa kamatayan napahalagahan natin ang mabuhay

At makipaglaban para mabuhay.

… at sa muling pagdagsa ng mga dayuhang militar:

Sa ating lupa…

Ang paglukob sa isip ng mamamayan…

Sa ating bayan…

Kailangang magpang-abot ang ngayon at nakaraan!

Babalikan natin ang kasaysayan sa paghahanap ng lunas

Sa krisis ng kasalukuyan – sa paghahanap sa kalayaan.

Dahil walang kalayaang ibinibigay.

Lagi nang ito’y ipinakikipaglaban mapugto man ang buhay!

___

*Jose Maria Panganiban