Youths Clamor for Genuine Rehabilitation Efforts for Sierra Madre

Infanta, Quezon –Four years after the implementation of Presidential Proclamation 413 by then President Benigno Simeon C. Aquino III, declaring September 26 of every year as Save Sierra Madre Day, the Sierra Mountain Range still faces threats due to various development aggression projects, says  Southern Tagalog for Environmental Development and Protection (STEP-Sierra Madre) – an environmental youth organization in Quezon, Rizal and Laguna; as they hold an Environmental Youth Summit on September 25 entitled SIERRA MADRE: NAGMAHAL, NASAKTAN, NAGPAPASAGIP SA MAMAMAYANG MAKAKALIKASAN.

While the group welcomes the move of the Department of Environment and Natural Resources to order a moratorium to some mining industry operations, “it is imperative to do the same to other destructive business ventures like forest-land conversion that paved way to making Sierra Madre as a spot to Eco-Tourism projects. Permits are still given to few big logging concessionaires those rampantly cutting trees even at the heart of the forested area, while Greening programs prioritize plants like rattan, jathropa, kamoteng-kahoy, yellow corn for bio-diesel, and  used as raw materials in lined with industries’ demands instead of planting native variety of trees,” Mark Almazan – chairperson of STEP-SM lamented.

A month ago, Sierra Madre as a seat for planned construction of big dams made it to the hot spot when four died and two other workers still missing when trapped inside the tunnel of the on-going building of Sumag River Diversion Project in General Nakar, Quezon on the onslaught of South Easterly Wind or Hanging Habagat.

Sumag Dam is designed to optimize the water supply for the Umiray-Angat Transbasin Project, while four more big dams are set to be built in the Kaliwa Transbasin namely: New Centennial Water Source- Kaliwa Dam, Agos Dam, Kanan Dam and Laiban Dam that are expected to enclose major river system in Rizal and Northern Quezon that are feared to endanger many lives to many residents and deprive free access to water and irrigation to agricultural lands in the area.

“Sierra Madre, like all other natural environment has its’ carrying capacity. And at this point, it already reached its limit,” says Almazan. “Thus, rehabilitation effort must be given priority instead of allowing more commercial ventures, even erroneous government projects like the exclusion of more than 10, 000 hectares of lands under Presidential Proclamation 196 from being a Protected Area – that led the way to the distribution of lands to more than 4, 000 CLOA holders that are supposedly small farmers and rebel returnees in Real, Quezon.”

“Unfortunately this became an effective route to concentrate the land to few big businessmen as the farmers have no capacity in the first place to cultivate the lands because it does not fall to agricultural land category as it is 18 slopes above sea level, added by Almazan.

“All these projects, made us think that our dreams preserving our shelter, our culture and securing our Ancestral Domain gets farther and farther, says Jhonny Azcarraga of Dunong at Dangal ng Makabagong Dumagat (DUMAGAT).

“Like the popular hugot memes Nagmahal, Nasaktan…, Sierra Madre loved us, without hesitation shared its bounty to the people that are dependent to her. But now, people are hurting her by extracting all the possible wealth that can get from her for profit at the expense of its’ destruction. Only us can patch things up, by exposing all these destructive activities and be part of a collective efforts toward achieving a sustainable and nature-friendly society”, ended by Almazan.###

Advertisements

Sierra Madre: Nagmahal, Nasaktan, Nagpapasagip sa Mamamayang Makakalikasan

NAGMAHAL. Ang Sierra Madre o inang kabundukan ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas. Binubuo ito ng higit 1, 400, 000 hektaryang kagubatan mula Bicol Region hanggang Cagayan. Tinitiyak nito ang balanseng biodiversity at tahanan ng higit 10, 000 species ng hayop at halaman (flora and fauna) gaya ng Rafflesia manillana at jade vine (Strongylodon macrobotrys, Red Lauan (Shorea negrosensis), White Lauan (Shorea contorta), Mayapis (Shorea palosapis), Bagtikan (Parashorea malaanonan), Tiaong (Shorea ovata) at Dungon (Heritiera sylvatica).

Matatagpuan dito ang 88 uri ng ibon, 53 dito ay matatagpuan lamang sa Pilipinas at 12 ay endemic  sa Luzon. Nandito din ang mga critically endangered na uri ng ibon at hayop gaya ng Philippine Eagle (Pithecophaga jefferyi), Philippine Hawk-eagle (Spizaetus philippensis), Philippine brown dear (Rusa marianna) na mas kilala sa tawag na (Cervus mariannus) at ang Philippine warty pig (Sus philippensis).

Hinihinga ng mga mamamayan ang malinis na hanging nagmumula sa  kagubatan ng Sierra Madre bilang natural na baga (lungs) ng ating daigdig. Dito umaasa ang libu-libong mamamayan mula sa tubig – inumin at  irigasyon para sa agrikultura, kagamitan sa paggawa ng mga bahay, muebles at handicrafts, pagkain, non-timber products gaya ng pag-uuway, honeybee, at yamang-mineral.

Nagsisilbing pananggalang ang Sierra Madre sa panahon ng kalamidad  laban sa malalakas na bagyo at kanlungan kapag may banta ng tsunami at storm surge sa mga komunidad malapit sa dagat.

Tintiyak ng Sierra Madre ang patuloy na daluyong (run-off) ng katubigan mula sa mga ilog patungo sa karagatan upang manatili ang natural na siklo ng tubig (water cycle), maiwasan ang paglubog ng mga kalupaan (subsidence), at maging sagana ang mga yamang tubig at ng ating karagatan.

NASAKTAN. Nanganganib na tuluyang masira ang Kabundukan ng Sierra Madre gawa ng samu’t saring mapanirang aktibidad ng tao. Gaya ng malaganap pa ring pagmimina sa Hilaga at Timog Sierra Madre. Pangatlo (3) na ngayon ang Pilipinas sa pinakamalaking pinagkukunan ng ginto sa buong mundo, pang-apat sa pagmimina ng copper, pang-lima sa nickel at pang-anim sa chromite.  Malaking bahagdan ng mga ito ay minimina sa kabundukan ng Sierra Madre, subalit malaking bahagdan din ng mga naninirahan dito ay hindi naman makatikim ng kaunlaran na pinapangako mula sa industriyang ito. Ang malubha, hindi na muling maipapanumbalik ang nawala nang mga gubat at  bundok.

Patuloy ang pagka-upaw ng kabundukan ng Sierra Madre. Ang Pilipinas ay isa mga bansang may pinakamabilis na pagkaubos ng kagubatan (deforestation) sa buong mundo. Sa katunayan, 20% na lamang ng ating forested area ang nalalabi.

Hindi nalalayo dito ang Sierra Madre, dulot ng malaganap pa ring pagkakaingin, pastulan at pagtotroso, at proyektong agribusiness o pagpapalit-gamit ng lupang kagubatan maging ng mga dating itinatanim na native varieties ng mga puno patungo sa pagpaprayoridad sa mga pananim na mapagkakakitaan/ maibibenta at magagamit sa negosyo  gaya ng  uway, jetropha (tuba-tuba), kamoteng-kahoy, atbp. –   na nagreresulta sa pagliit ng suplay ng reserbang tubig, kabi-kabilang landslides dulot ng paglambot ng lupa, at mga pagbaha.

Naging mabisang ruta ang Presidential Proclamation 196 sa bayan ng Real upang makonsentra sa iilang may interes sa kabundukan ng Sierra Madre ang pag-aari sa lupa, nang ipamahagi  sa mga magsasaka ng pamahalaan partikular ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong 1992 –  ang may 10, 193 hektaryang lupain bilang exclusion sa Presidential Proclamation 1636 sa higit 4, 415 CLOA beneficiaries (Certificate of Land Ownership Award).

Subalit dahil walang suportang serbisyo at sa katunayan ay higit sa 18 slopes ang taas ng lugar  at hamak na masukal pa, walang kakayahan ang mga magsasaka na ikultiba at pangalagaan ang mga lupang ipinamahagi sa kanila. Dagdag pa ang ilang datos na umano’y ibinahagi ang lupa sa mga hindi lehitimong magsasaka o kaya naman ay nabahaginan pero hindi alam kung saan doon ang lupang nakapangalan sa kanila.

Hindi nakapagtatakang dahil dito, naipagbili ang hindi iilang hektaryang lupain sa mga malalaking negosyante at korporasyon gaya ng 102.6262has. pag-aari ng  Nature’s Valley Corp. sa Kiloloron, ang ngayo’y Mahogany Plantation na pag-aari ni Don Pepe Tan ng CDO Meat Processing and Manufacturing Corp. at ang 69.5667 has. pag-aari ni Ignacio Gimenez sa Bgy. Llavac, Real, Quezon.

Naka-amba na rin ang pagtatalaga sa malawak na bahagi ng Sierra Madre para sa pagtatayo ng mga  proyektong eko-turismo gaya ng Commercial Resorts, Amusement Parks, lunsaran ng mga Military Exercises at subdibisyon bilang pamalit sa masikip at mataong komunidad sa Baguio at Metro Manila.

Hindi natitinag ang balaking itayo ang mga proyektong dambuhalang dam gaya ng Laiban Dam, New Centennial Water Source Project – Kaliwa Dam, Kanan Dam, Agos Dam at Sumag River Diversion Project kung saan namatay ang isang manggagawa nito at lima pang nawawala nang ma-trap sa tunnel ng ginagawang dam sa kasagsagan ng hanging habagat nitong Agosto na nagpataas sa libel ng tubig sa ilog  Sumag.

Ito ay sa kabila ng samu’t saring ibinabatong argumeto tungkol sa praktikalidad ng pagtatayo nito, isyu sa kaligtasan, pangmatagalang epekto (environmental Impacts) sa kalikasan, at mga paglabag sa batas gaya ng Protected Area System, Presidential Decree No. 1151 [Philippine Environmental Policy], Environmental Impact Satement System, Presidential Decree no. 1586; Wildlife Protection Act, Indigenous Peoples’ Rights Act, atbp.

Nanganganib ding maipagkait ang karapatan sa Lupang-Ninuno ng mga Dumagat at Remontados kung saan saklaw nila ang kabuuhan ng mga lokasyon kung saan itatayo ang mga dambuhalang dam.

Sumusugal ang pamahalaan sa pagtatayo ng mga bagong dambuhalang dam gayong 1,260 MLD (Million Liters per Day) lamang ang kailangan ng 13Milyong populasyon ng Metro Manila. Kayang-kaya itong punan ng mga dati nang nakatayong dam gaya ng Angat Dam na may kapasidad na 4,000 MLD dagdag pa kung irirehabilitate ang Wawa Dam.

NAGPAPASAGIP. Nasasaid at nauubos ang kakayahan at kapasidad (carrying capacity) ng Sierra Madre, ng anumang anyo ng kalikasan at ng mundo sa kabuuhan. Hinahalukay alang-alang sa tubo at kita ang mga kapatagan, ilog at dagat maging ang kailaliman ng ating mga kalupaan.

At ngayong nasimot na ang mga yaman sa mga sentrong-urban at mabababang lugar, nakatanaw ang mga negosyante sa mga gubat at bundok na huling tanggulan (last frontier) ng ating likas–yaman upang pigain ang anumang mapagkakakitaan mula dito.

Dinaranas at nakikita na natin ang mga pangyayaring magpapatotoo sa malubhang kundisyon ng Sierra Madre gaya ng malawakang mudslide/ landslide at pagbaha na kumitil sa libong mamamayan ng Hilagang Quezon noong 2004 sa pananalasa ng bagyong Winnie. Ang hindi malilimutang hagupit ng bagyong Ondoy na nagpatanaw sa kalbo nang Sierra Madre. At ang taun-taong malalakas na bagyo na nagdudulot ng malawakang pag-erode ng lupang bundok patungo sa mga low-lying area.

Panahon na upang muling maunawaan at pahalagahan ng bawat isa, na hindi tayo hiwalay na entidad sa kalikasan. Kung kaya’t ang pagkawala ng kalikasan ay hudyat ng pagkawala din ng buong sangkatauhan. Walang tunay na pag-unlad kung hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng likas-yaman at ang kaligtasan ng higit na nakararaming mamamayan.

Kung kaya higit kailanman, kinakailangan ang malawakang pagtugon ng lahat upang sagipin ang Sierra Madre mula sa nandarambong dito – para sa ating nabubuhay sa ngayon, para sa bagong henerasyon.

Isang hakbang pasulong ang programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagdideklara ng papapatigil sa pagmimina at ang mungkahing pagbubuo ng Sierra Madre Council upang magtiyak ng wastong pangangalaga sa kalikasan. Subalit, dapat pa ring maging mapagmatyag na hindi maging daan ito sa pagpapasok ng mga bagong proyektong pangnegosyo (commercial ventures) na makakasira din sa ating kalikasan.

Iligtas ang SIERRA MADRE mula sa mga mapanirang proyekto!

Tiyakin ang interes at kaligtasan ng Mamamayan bago ang Negosyo at Kapital!

Damdamin ng Bayan, Igalang! Dambuhalang Dam Tutulan!

Itatag ang Konseho ng Sierra Madre na may pantay na representasyon ng lahat ng sektor ng mga mamamayang nakatira dito!

Ipagbunyi ang Araw ng Pagsagip sa Sierra Madre!

STEP – Sierra Madre

September 2016sierra-madre-day

Ipagbunyi ang Encyclical Letter ng Papa tungkol sa Climate Change

Kapuri-puri ang pahayag nitong hunyo 2015 ni Pope Francis ng Romano Katolika sa kanyang Encyclical Letter (Laudato Si ) o dayalogo sa lahat ng mga tao tungkol sa ating nag-iisang tahanan – ang mundo. Malaki ang magiging impluwensya nito sa gaganaping United Nations Paris Climate Change Conference ngayong Nobyembre ng mga lider ng iba’t ibang bansa para pag-usapanang mga mekanismo upang tugunan at maka-angkop sa pagbabago ng klima ng daigidig.

pope
May limang (5) mayor na punto ang kanyang encyclical letter: Una, ang pagbabago ng klima ay totoo at patuloy pang lumalala. Malaking igpaw ang pagkilala ng simbahan sa pagbabago ng klima sa panahon ngayong marami sa mga konserbatibong siyentista, lider-simbahan at mga gobyerno na hindi totoo ang konsepto ng climate change. Pangalawa, kinilala ng papa ang tao bilang principal na nag-aambag (contributor) sa pagkasira ng daigdig. Ang papa bilang isang aral na kemiko (chemist), ay nagpapatotoo sa mga mapanirang aktibidad ng tao bilang dahilan ng pagkawasak ng kalikasan.

Pinapalala din ng pagbabago ng klima ang kahirapan ng maraming mamamayan, ayon sa papa. Epekto ng climate change ang nagpapadapa sa ekonomiya ng mga mahihirap na bansa gaya ng mga malalakas na bagyo, tagtuyot at kakapusan sa pagkain. Gayong, madali namang maka-angkop ang mga mayayamang bansa na may bentahe sa mga teknolohiya at pinansya.
Pang-apat, may pag-asa pang masolusyunan ang problema ng pagbabago ng klima.

Kailangan ang partisipasyon ng lahat. Panghuli, may papel ang bawat indibidwal subalit higit ang responsibilidad ng mga gobyerno ng iba’t ibang bansa sa paglalatag ng mga tugon para mapangalagaan ang kalikasan.

Malaking hakbang pasulong ang encyclical letter na ito ng papa. Krusyal ang papel ng simbahan para sa paghuhubog ng lipunang mapagkalinga sa kalikasan at nagtitiyak ng pantay ng hatian ng yaman ng daigdig para sa lahat ng mamamayan nang may regulasyon bilang pagkunsidera sa susunod na salinlahi. Nararapat lamang ang pagsangkot ng simbahan sa usapin ng pagtugon sa pagbabago ng klima.

Inspirasyon ito ng maraming mga makakalikasang organisasyon tulad ng STEP-Sierra Madre sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at panawagan para sa hustisyang pang-klima.

*Hulyo 2015

 

Dambuhalang Peligrong Proyektong Dam

Pinaka-esensyal na pangangailangan ng tao para mabuhay bukod sa pagkain, trabaho, at tahanan – ay ang tubig. Kung kaya sa panahon ng tag-salat, malaki itong biyaya subalit malaking lumbay naman sa panahon ng pagbaha.

Isa ang dam sa pinaka-lumang paraan ng pagkolekta, pagharang at pagkulong ng tubig upang pagkunan ng suplay para sa irigasyon, pangangailangang industriyal, domestik na konsumo sa araw-araw, aquaculture, at elektrisidad (hydropower). Kailangan ang dam upang matiyak na madaluyan ng tubig ang mga lugar na walang malapit na mapagkukunan o kaya naman ay matiyak na may sapat na suplay ng tubig ang mga komunidad sa panahon ng tagtuyot. 1

Nagsimula ang konsepto ng dam sa Mesopotamia sa gitnang-silangan na kumulekta ng tubig mula sa Ilog Tigris at Euphrates upang serbisyuhan ang mga mamamayan sa anumang panahon. Sa Emperyong Romano naman unang napasimulan ang konsepto ng mga malalaki at konkretong reservoir dams na nakakatiyak ng permanenteng suplay ng tubig para sa mga mamamayan sa syudad lalong higit sa panahon ng tagtuyot gaya ng Lake Homs Dam at Subiaco Dam. 1

Ang konsepto ng pagda-dam ay ang pagharang ng katubigan sa ibabaw o ilalim ng lupa (underground streams). Ang pangunahing tinutugunan ng dam ay ang pag-iipon at pamamahala ng tubig, samantalang ang mga dike (floodgates o levee) nito ay ginagamit upang harangan ang ragasa ng tubig sa mga mabababang lugar.2

Sa Pilipinas, mayroon nang 21 naitayong dam, 17 dito ang gumagana. Unang itinayo ang La Mesa dam noong panahon ng mga Amerikano sa layuning suplayan ang pangangailan sa tubig ng Metro Manila na sentro ng komersiyo at ekonomiya ng bansa. Naka-amba naman ngayon ang pagtatayo ng mas marami pang dam sa Visayas gaya ng Jalaur dam sa Capiz at Iloilo; sa Luzon ay ang Bulacan Bulk Water Supply Project sa Bulacan samantalang Sumag River Diversion Project, Kanan Dam, Agos Dam, New Centennial Water Source – Kaliwa Dam Project at Laiban Dam naman ang nakatakdang itayo sa kabundukan ng Sierra Madre sa bahagi ng Tanay, Rizal; Infanta at General, Nakar sa Quezon.

Dadagdag ang mga ito sa mga nauna nang naitayong dam sa Pilipinas: sa Luzon – Magat Dam (1.08 B cu. m / 540 MW) ng Cagayan, Matuno Dam ng Ifugao, Binga at Ambuklao Dam ng Benguet, San Roque Dam ng Pangasinan;   Bustos, Angat at Ipo Dam ng Bulacan, Casecnan at Pantabangan Dam ng Nueva Ecija, Lamesa Dam ng Quezon City, Wawa Dam ng Rizal, Calumpang at Caliraya Dam ng Laguna; Sa Visayas –  Bayungan Dam ng Bohol, Manangga Daam ng Cebu, Panay River Dam ng Panay; at Pulangi V ng Bukidnon, Lake Lanao,  Agusan Dam naman sa Mindanao.

 

Tulad ng Laiban dam, ang Chico dam ng Kalinga ay hindi napaganang proyekto dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubo at mga mamamayan.

Inaasahang magdadagdag ang Sumag River Diversion Project ng koleksyon ng tubig sa Umiray – Angat Transbasin Project, habang ang Kanan na isa ding Hydro-electric power plant ay inaasahang ikakabit naman sa Kaliwa Dam at Laiban Dam bilang magkakarugtong na mga proyektong mag-iipon sa katubigan ng Ilog Lenatin, Lumutan at Ilog Kaliwa.

Itatayo ang New Centennial Water Source –Kaliwa Dam Project, na may pondong 18.72php bilyon sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) at may kontratang Build-Operate and Transfer (BOT) mula sa pagpipinansya sa proyekto, pagdidesenyo at konstruksyon ng dam sa loob ng 25 taon at water conveyance system na may kapasidad pagdaluyan ng 2, 400 MLD bilang paghahanda sa dagdag na koleksyon ng tubig mula sa Laiban Dam na upstream ng Kaliwa Dam.

Inaasahang matatapos ang Kaliwa dam sa taong 2020 na magiging pangalawang pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila, pangalawa sa Angat dam sa Bulacan na 97% ng pangangailangan ng tubig ay dito nanggagaling sa kasalukuyan.

Tatlong kumpanya ang nagpasa ng kumpletong bid documents nitong Abril 6, 2015: Megawide Construction Corporation, Abeima at San Miguel Holdings Corporation – sa itinakdang araw ng pagpasa ng Pre-qualification documents na pinangasiwaan ng Prequalifications Bids and Awards Committee ng MWSS. Naging tatlo na lamang ito mula sa 8 interesadong kumpanya sa konstruksyon nito: Prime Metroline Holdings Inc., San Lorenzo Ruiz Builders and Developers Group, Obrascon Huarte Lain S.A., Abengoa Abeinsa Business Development, DM Consunji Inc., San Miguel Holdings Corp., Filinvest Development Corp., at  Megawide Construction Corp..

Itatayo ang dam sa Ilog Kaliwa ng Sitio Kiborosa, Bgy. Pagsangahan, Quezon. May taas itong 60 metro na concrete-faced rock-fill dam (buhos o concrete slab sa upstream face nito) – nagsisilbi nitong pader, na may kapasidad mag-ipon ng 600Milyong Litro ng Tubig kada araw (MLD). May saklaw na 9, 700 ektaryang Watershed Area at 113 ektaryang Reservoir Area. Kabilang sa pondo sa konstruksyon nito ang conveyance tunnel na idudugtong sa sunod na konstruksyon ng Laiban dam at  27.70 km. tunnel at Aqueducts patungo sa Modular Water Treatment Plant (WTP) – curing o paglilinis ng tubig upang maging angkop inumin – na pasilidad ng Manila Water Sewerage System (MWSS) sa Antipolo at Teresa, Rizal.

Inaasahang palilikasin ang may 1, 465 pamilya na maaapektuhan ng pagtatayo nito na pasisimulan ngayong taon (2015) hanggang 2020.

Matapos ang Kaliwa Dam ay saka pa lamang pasisimulan ang konstruksyon ng Laiban dam. Ang Laiban na may taas na 113 metro na concrete-faced rockfill dam na may kapasidad mag-ipon ng 1, 800 Milyong Litrong Tubig kada Araw (MLD) at elektrisidad (hydropower generation) na hanggang 49.50 Megawatts (MW) ay popondohan ng 25.60php bilyon sa ilalim pa rin ng Public-Private Partnership. Matatagpuan ito sa Kaliwa River, Bgy. Laiban, Tanay, Rizal na may Watershed Area na 28, 000 ektarya, Reservoir Area na 2, 239 ektarya.

Tinatayang palilikasin ang may 3, 708 pamilya na may relokasyon sa San Ysiro, Antipolo City. Nakatakda naman ang pagpapagana nito (commissioning) sa taong 2027.

 

Kasaysayan ng Laiban Dam: Ang Pinagmulan – Hilahan sa Lubid ng Pagkabigo at Panunumbalik

Ang Laiban dam ay puting elepanteng proyekto na batbat ng kontrobersiya at korapsyon mula pa sa panahon noon. Hindi pa man napapakinabangan, gumastos na ang gobyerno ng Php 755 M mula nuong dekada ’70.8

Taong 1978 nang unang ihayag ng noo’y Pangulong Marcos ang balaking magtayo ng Dam sa Kaliwa River Basin na pangangasiwaan ng Manila Water Sewerage System (MWSS), upang matugunan ang lumalaking demand ng lumalaking populasyon sa Kamaynilaan, matapos pumalpak ang Marikina River Project sa ilalim ng Presidential Inter – Agency Committee for the Re-study of the Marikina River Project (PICOREM).11

Kinatangian ang dekada ’80 at ’90 ng malawakang pagtatayo ng mga dambuhalang dam sa maraming bansa sa Aprika, sa Asya gaya ng Malaysia, Pilipinas, Thailand, Tsina, at India gayundin sa Brazil, Guatemala, U.S.A, Canada ng timog at Hilagang Amerika, at maging sa Australia.

Pinangunahan ng IBRD (International Bank for Reconstruction and Development) o World Bank ang ebalwasyon (appraisal) ng tinawag nilang Manila Water Supply III Project (Laiban Dam Project) kung saan itinakda ang pagdadam sa Kaliwa River Basin bilang unang bahagi ng proyekto –  na ang tunguhin ay tayuan pa ng dam ang mga mayor na ilog ng Sierra Madre sa bahagi ng Rizal at Quezon.11

Sa pagitan ng 1982-1986, nagtuluy-tuloy ang konstruksyon ng mga 12 kilometrong kalsada patungong lugar ng dam (damsite), ng 9 metrong dayametro x 500 metrong tunnel ng Laiban Dam at mga pader ng dam, sa kabila ng pagtutol ng mga residente. Gumastos ang pamahalaan ng malaking halaga sa pagbili ng resettlement site ng mga mamamayang palilikasin mula dito sa San Ysiro, Antipolo City bilang relokasyon ng mga residenteng maapektuhan ng konstruksyon ng dam.11

Humupa ang konstruksyon ng proyekto nang maganap ang EDSA Revolution noong 1986.

Iniutos ng noo’y Pangulong Cory Aquino ang tuluyang pagtalikod sa mga nasabing proyekto upang bigyang pansin ang mas mahalaga umanong pagpapaunlad sa Angat Dam o Angat Water Supply Optimization Project (AWSOP) at sa Umiray-Angat Transbasin Project (UATP).

Sa panahon ng Administrasyong Ramos nang maisapribado ang MWSS at nahati sa dalawang    concessionaires:  Maynilad ng pamilyang Lopez (may-ari ng ABS-CBN) – sa silangan at  Manila Water ng mga Zobel de Ayala naman sa kanluran.10 Sa panahon ding ito, naisapribado ang National Power Corporation (NAPOCOR). Sa pag-ari ng pribadong sektor at pagiging monopolisado ng serbisyo ng tubig at kuryente, hindi maampat ang naging sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga ito bunga ng umano’y kakulangan sa suplay. Ang paulit-ulit na problemang ito ang naging dahilan upang makailangang ulit tangkaing buhayin ang pagpapagana (commissioning) sa Laiban Dam.

At mula sa inisyatiba ng gobyerno sa Laiban Dam, pumasok na rin ang mga local at dayuhang korporasyon para sa pagkukumpuni hanggang operasyon ng Laiban Dam. Unti-unting bumitiw ang gobyerno bilang solong may responsibilidad sa pagpondo nito bilang pagtalima sa  polisiyang neo-liberal sa maagang mukha ng Private-Public Partnership (PPP).

Agosto 1998, sa ilalim ng Memorandum Order No. 10 ng noo’y Pangulong Estrada, iniutos ang agarang pagbalik ng nabinbing konstruksyon ng Laiban Dam na pangungunahan ng MWSS. Hinarang ito ng mga protesta at nakadagdag sa bumubulusok pababang approval at trust rating ni Estrada na dumulo sa pagpapatalsik sa kanya noong 2001.

Taong 2007, inaprubahan ng NEDA ang may kabuuang P48 bilyong utang sa China na kabilang sa kumprehensibong RP-China Agreement. Subalit kaagad ding babawiin ang balaking ito nang malantad ang mga bukol at tongpats ng mga pulitiko at kabakas sa mga proyekto ng RP- China Agreement gaya ng NBN-ZTE deal at North Rail Project.

Painut-inot, lumalabas pa rin sa mga balita mula 2009 hanggang 2011 ang naising itayo ang  Kaliwa at Laiban Dam subalit kaagad tinatapatan ito ng kabi-kabilang protesta ng mga mamamayan  kontra dito, tulad ng martsa ng higit 1, 000 dumagat sa ilalim ng Sakabinsa noong 2009 na  naghayag ng nagkakaisang tinig ng pagtutol ng mga katutubong aalisan ng lupang ninuno dahil sa mapanirang proyekto.

Huli itong nagkakahugis nang maghayag ang San Miguel Bulk Water Co. Inc (SMBWCI),8 na pag-aari ni Danding Cojuangco ng interes na pondohan ang konstruksyon at operasyong ng Laiban dam. Sa panahong ito, nasa sektor ng tubig at enerhiya ang interes sa negosyo ng mga Cojuangco. Subalit hindi nagkasundo si Danding at ang gobyerno sa gastos sa konstruksyon at resettlement ng mga residente, garantiya ng balik ng kapital at porsyentuhan sa kita.

Kaliwa at Laiban Dam: Dambuhalang Perwisyong Nakaabang

Tila pinirmahan na sa bakal ang tuluyang pagtatayo ng New Centennial Water Source Project – Kaliwa Dam kasunod ang Laiban Dam nang banggitin ito ni P.NOY sa kanyang State of the Nation Address (SONA) hulyo 28, 2015. Ito ay sa kabila ng lumiliit na interes ng mga gobyerno ng mga bansa sa daigdig sa operasyon ng dam bilang pinagkukunan ng tubig at enerhiya.

Sa Tsina na pangunahin at may pinakamaraming dam sa mundo, unti-unti nang pinapasabog ang mga dam para luminang ng iba pang pinagkukunang tubig at enerhiya. Matatandaang sa mga nagdaang bagyong tumama sa kanilang bansa tulad ng Ketsana (bagyong Ondoy sa Pilipinas), pinalala ng mga dam ang pinsala, nang dumaluyong sa mga kabayanan ang baha mula sa hindi makontrol na naipong tubig.

Sa Thailand, itinuturong dahilan ang Pak Mun Dam sa pagliit ng bilang ng mga isdang nabubuhay sa ilog. Hinaharangan nito ang paglalakbay ng maraming isda patungong upstream para makapangitlog bilang bahagi ng kanilang siklo ng pagpaparami. Naapektuhan din ang populasyon ng iba pang mga hayop dahil dito.5

Malaki ang epektong dulot ng mga reservoir sa ekolohikal na aspeto ng mga ilog. Ang panapanahong pagpapakawala at pagpapahinto ng daloy ng  tubig ay nakakasira sa topograpiya ng mga ilog at bundok. Dagdag pa, hinaharangan ng mga floodgates at turbina ng dam ang natural na daloy ng mga bato mula sa mataas na bahagi patungong mabababang lugar. Dahil dito, nagkakaroon na pagiging burak (siltation) at pagiging mahina ng mga river beds (sand bar erosion) katulad ng nangyari sa Glen Canyon Dam.5

Nagresulta naman sa matinding pagbaha ang Oaky River Dam sa Australia nang mag-aberya sa pagsara ang mga tarangkahan ng dam dahilan para hindi maampat ang paglabas ng tubig na nanalasa sa mga komunidad. Ganundin ang nangyari sa mga komunidad sa palibot ng Rocky Creek at Jerrara Creek Dam na nagresulta sa pagpapalikas ng mga residente. Habang kabi-kabila pa ang mga balita ng negatibong epekto ng dam sa mga bansang Canada, USA, Finland at iba pa.

Itinuturing ng International Commission on Dam na dambuhalang dam ang tulad ng Laiban, Kanan at NCWSP – Kaliwa dam dahil may taas itong higit sa 15 metro at may kapasidad mag-ipon ng higit sa 3 milyong kubikong metro ng tubig. Sa pagtataya ng World Commission on Dams, ang  malalaki at dambuhalang dam ay may mapanirang epekto sa kalikasan at sa kapaligirang malapit sa istruktura nito. Dagdag pa, hindi madali at matagal ang pagpapanumbalik ng sigla ng nasirang kapaligiran dulot ng dam gayong maliit naman ang pakinabang nito bilang pinagkukunan ng enerhiya, trabaho at suplay ng tubig.

Ang bultong reserba ng tubig na hinaharangan ng dam ay may kinalaman din sa mga posibleng paggalaw ng lupa dahil sa pabagu-bagong kantidad, libel at bigat iniipon nito – na nakakaapekto sa kredibilidad at tibay ng kalupaan. Nakalilikha din ang ganitong pangyayari ng methane – isang nakalalasong kemikal (green house gas) na pangunahing dahilan ng paglala ng pag-init ng klima ng daigdig (global warming).7

Nawalan namin ng kabahayan ang higit 1 milyong residenteng nasa saklaw ng konstruksyon ng dambuhalang Three Gorges Dam sa  Yangtze, Tsina na may 600 k.m reservoir area na isang plantang pinagkukunan ng kuryenteng hydro. Nagresulta ito sa pagkasira ng maraming makasaysayan at pangkulturang lugar ng mga mamamayang Tsino.

Sa buong mundo, tinatayang nasa 40-80 milyong tao ang nawalan ng panirahan at kabuhayan bilang resulta ng konstruksyon ng dam.9

Nananatiling mariin ang pagtutol ng mga mamamayan, progresibong organisasyon at mga makakalikasang grupo sa pagpapatayo at operasyon ng mga dam. Naging kabi-kabila ang mga organisasyong tumututol sa dam dahil lantad na ang mga perwisyo nito. Pinakamatingkad ang pagkakabuo ng International River Network na pagkakaisa ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang nasyon laban sa dam.9

 

Sa Pilipinas, matatandaang tubig na umawas sa limang (5) Dam ang kumitil at naglagay sa peligro sa buhay ng libong mamamayan ng Gitna at Hilagang Luzon noong manalasa ang bagyong Pepeng.

Nagpahirap sa mga magsasaka ang operasyon ng San Roque Dam sa Pangasinan sa kanilang malayang akses sa tubig para sa irigasyon ng mga sakahan.

Nutoryus naman sa pagpapalikas sa mga katutubo at local na mga residente ang konstruksyon at operasyon ng Matuno Dam sa Ifugao, Binga at Ambuklao Dam ng Benguet, Angat at Ipo Dam ng Bulacan, at Pantabangan Dam ng Nueva Ecija. Gayundin ang epekto sa mga katutubong Tumulandok sa kasalukuyang konstruksyon ng Jalaur Dam sa Visayas.

Hindi totoong kulang ang suplay ng tubig sapagkat 1, 540 Million Liters per Day (MLD) ang   natatapon at nasasayang dahil sa mga tagas at sirang tubo ng mga water concessionaires – Maynilad at Manila Waters, na ipinapasa naman ang gastos sa mga consumer na tinatawag na system loss fee. Ang resulta ay magiging suliranin pa nga ng mga residenteng nakatira sa mga probinsya tulad sa Hilagang Quezon, na libreng nakakakuha ng malinis na tubig mula sa mga bukal, ilog at tubig-kanlungan; ang pagkatuyo ng kanilang mga pinag-iigiban dahil sa pag-iipon ng tubig sa dam.

Noong 2004, sa pananalasa ng bagyong Winnie sa Hilagang Quezon, higit 1, 000 residente ang namatay dahil sa rumagasang tubig mula sa kabundukan ng Sierra Madre. Paano pa kaya kung matatayuan pa ito ng dam?

Napatunayan din ng mga siyentista ang kahinaan ng lupa sa lugar at lokasyon nitong nakatayo sa mismong Infanta fault (bahagi ng Philippine fault), West Marikina fault, East Marikina fault, Daraitan fault at Lenatin fault, na lalong maglalagay sa mga residente sa balag ng alanganin.

 

Ang Malubhang Kundisyon ng Sierra Madre

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang mabilis ang pagkaubos ng natitira nitong kagubatan. Sa katunayan, 20% na lamang ang natitirang kagubatan sa bansa mula sa 92% kagubatan noong 1576 sa panahon ng kolonyalismong Kastila.

Sa 800, 000 hektaryang kagubatan ng bansa, ang Sierra Madre ay may 400, 000 has. saklaw. Subalit sa pagtataya ng mga mananaliksik, ang Sierra Madre ay isa din sa pinakamabilis maubos na kagubatan sa kasalukuyan dahil sa iba’t ibang mga mapanirang aktibidad gaya ng pagmimina, legal at illegal na logging, forest conversion para gawing subdibisyon o panturismong atraksyon, atbp.

Nagbababala ang mga siyentista na may malaking kontribusyon ang dam sa pagkasira ng kalikasan dulot ng milyong punong pinuputol na nagresulta sa pagkasira ng biodiversity. Ang kabundukan ng Sierra Madre kung saan ito itinatayo ay nag-iisa na lamang na pinakamalaking rain forest sa bansa. Sumasaklaw sa 103 ektaryang protected mossy forest area at 2,479 ektaryang primary forest area at natural na tahanan ng 126 uri ng halaman, 53% nito ay pangkaraniwan lang sa Pilipinas kung saan 12 dito ay nabubuhay lang sa Luzon.

Marami sa mga taal (endemic) na mga halaman at hayop (flora ang fauna) sa Sierra Madre ay pinangangambaahan nang maubos dahil sa pagkasira ng kanilang natural na panirahan (habitat) dulot ng malawakang pagkakahoy (large-scale logging); dagdag pa ang pag-uuling at masaklaw na pagkakaingin ng mga karaniwang magsasaka at katutubong napilitang manirahan sa kabundukan dahil sa kawalan ng opurtunidad sa kabuhayan sa kapatagan;  at palit-gamit ng lupang-kagubatan (forest land conversion) para sa komersyal na silbi gaya ng pagmimina, pagtatayo ng mga subdibisyon, amusement park, larong military gaya ng Balikatan exercises na isang non-conventional warfare subalit gumagamit ng mga armas, bala at pamamaraan sa pagsasanay sa digma na mapanira sa kalikasan.

Sa bayan ng Heneral Nakar halimbawa, na saklaw ng pagtatayuan ng mga dam, tinatayang 45% ng primaryang kagubatan nito ay nawala na simula 1993 hanggang 2005 ayon sa Haribon Foundation.

Ang kalamidad na dala ng bagyong Winnie noong 2004, kung saan bumulusok sa mga mabababang lugar (low lying areas) ng Infanta, Real at ilang bahagi ng Heneral Nakar –  ang mga putol na puno at bultu-bultong lupa, ay patunay na sirang-sira na ang kagubatan ng Sierra Madre. Kung gayon, imbes na magtayo ng panibagong mapanirang proyekto tulad ng dam, kinakailangan ang rehabilitasyon ng kabundukan upang mapanumbalik ito sa dati at nang maiwasan ang mas malulubhang trahedyang posibleng mangyari sa hinaharap.

May hangganan ang kakayahan at kapasidad (carry and capacity) ng kalikasan at ng mundo sa kabuuan. Hinahalukay alang-alang sa tubo at kita ang mga kapatagan, ilog at dagat maging ang kailaliman ng ating mga kalupaan. At ngayong nasaid na ang tanang yaman sa mga mabababang lugar, nakatanaw ang mga negosyante sa mga gubat at bundok na huling tanggulan (last frontier) ng ating likas–yaman upang pigain ang anumang mapagkikitaan mula dito.

           

Mga DAMbuhalang Nilalabag ng Dam

Ang pagtatayo ng mga dambuhalang dam sa Sierra Madre ay paglabag sa Proclamation No. 1636 na nagdedeklara sa 46, 310 hektaryang lupaing sakop ng ancestral at public domain ng mga probinsya ng Bulacan, Rizal, Laguna at Quezon,  bilang National Park, Wildlife Sanctuary at Game Preserve at ng Presidential Proclamation No. 573 na nagdedeklara naman sa Kaliwa Watershed bilang Forest Reserve.

Ang mga kabundukan, kagubatan, at mga anyong-tubig ay kabilang naman sa mga Wealth of Commons o mga likas-yamang hindi dapat pag-arian at kontrolin ng pribadong sektor sapagkat dapat isinasaalang-alang ang pantay na akses ng lahat ng mamamayan sa mga natural na yaman ng bansa at matiyak na mamanahin ito ng susunod na salinlahi.

Ang konstruksyon ng dam ay nasa mismong lupaing ninuno ng mga kapatid nating Remontado at Dumagat sa Quezon at Rizal. Dito malalim na nakaugat ang kanilang kultura, mga tradisyon at maging ang kanilang kabuhayang karaniwan ay nakaasa sa biyaya ng kalikasan. Sa pagtatayo ng mga dam, lubos na maaapektuhan ang malaya nilang pagsunod at pagpraktis ng kanilang kinagisnan at karapatang mamuhay ng maayos sa kanilang lupang-ninuno.

Sa katunayan, nanganganib pang mapalikas ang mga katutubo sa kanilang lugar panirahan. Sa gayon, nilalabag ng pagtatayo ng dam ang ika-9 na Prinsipyo ng Guiding Principles sa Internal Displacement ng United Nations Commission on Human Rights at General Assembly (1998) na nagbibigay responsibilidad sa Estado bilang may mahalagang tungkulin sa pagtitiyak sa karapatan ng mga katutubo laban sa sapilitang pagpapalikas sa kanilang lupaing ninuno.

Hindi nirerespeto ng proyektong ito ang nakasaad sa IPRA (Indegenoues Peoles’ Rights Act) RA 8371 na dapat magkaroon muna ng Free Prior Informed Concent (FPIC) ang mga katutubo sa mga proyektong itatayo sa kanilang lugar. Hanggang ngayon ay walang naitakdang konsultasyon sa mga katutubong Remontado-Dumagat tungkol sa proyekto.

Panghuli, nilalabag nito ang artikulo 11 at 12 ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR) na nagsasaad na ang mga Estado ay kinakailangang magpatupad ng mga pamamaraan at programa upang tiyaking may sapat at malinis na tubig ang lahat at maging ang susunod na salinlahi. Subalit sa pagkakaroon ng dam, sinasaid nito ang yamang tubig sa kasalukuyan upang punan ang luho ng mayayaman at tangkilikin ang demand ng mga negosyante para sa kanilang makasariling negosyo, dahilan upang mapagkaitan ang susunod na salinlahi.

 

Ang Tagong Motibasyon ng Konstruksyon ng Dam

Ang basehan ng pagtatayo ng dam ay ang espekulasyong magkakaroon ng kakulangan (scarcity) na 5, 200 MLD sa suplay ng tubig sa Kamaynilaan simula 2015. Dagdag sa tubig, ang higit sa 5,000 Megawatts kakulangan sa kuryente sa taon ding ito.

Sa Philippine Development Plan ni P.Noy idenisenyong konsentrahan ang Gitnang Luzon ng samu’t saring planta sa paglilikha (generate) ng kuryente tulad ng plantang coal. Habang ang papel ng Timog Katagalugan partikular ng Rizal at Quezon, ay pagkunan ng suplay ng tubig at kuryenteng hydropower para suplayan pa din ang demand at pangangailangan ng kamaynilaan – na nakadisenyo sa ngayon bilang sentrong atraksyon sa Asya para sa eko-turismo, pasugalan (casino), at ng mga Business Process Outsourcing (BPO). Habang patuloy naman ang maluhong pamumuhay (lifestyle) ng mga mayayaman sa eksklusibong subdibisyon sa walang patumanggang paggamit ng tubig para sa kanilang mga swimming pool, jacuzzi, at mga artipisyal na hardin sa sentrong urban.

Sa datos ng MWSS, ang average na kunsumo ng tubig bawat araw ng kada indibidwal sa Kamaynilaan ay 50 litro. Sa kasalukuyan ay may 13 Milyong populasyon sa NCR. Kung isusuma ang araw-araw na kunsumo ng kabuuang populasyon, lumalabas na 650 MLD lamang ang kabuuang demand o pangangailangan ng tubig.

Pinalalaki ang demand para dito ng mga sakahan at agrikultural na produksyon sa Bulacan at ilang bahagi ng Central Luzon, subalit higit na malaki ang kunsumo ng mga negosyong panturismo gaya ng hotel, amusement parks, pasugalan (casino gaya ng Solaire, Resort’s World), golf courses, malls, economic free zones na pinapatakbo ng mga Multi-nasyunal at Trans-nasyunal na kumpanya at iba pang commercial establishments.

Kung gayon, pribado at mga negosyante ang pangunahing makikinabang sa pagkakaroon ng mga bagong pagkukunang suplay ng tubig; mga negosyong pinatatakbo at pag-aari ng dayuhan at malalaking lokal na kapitalista na nagpapasok lang ng maliit na buwis sa kabang-bayan dahil sa pagkakaroon ng mga tax holidays pero bultu-bulto kumikita at inilalabas ng bansa ang kanilang limpak-limpak na kita.12

 

Kakulangan sa Tubig: Hindi Dambuhalang Dam ang Tugon 

Sapat ang kasalukuyang suplay ng tubig sa Kamaynilaan. Nasa pangangasiwa ng MWSS at pribadong concessionaires at ang walang habas na paggamit ng mga negosyo ng tubig, ang problema.Tanging 1,260 MLD lamang ang kailangan ng Metro Manila sa kabuuan, gayong ang kapasidad ng Angat Dam ay 4,000 MLD. Sa katunayan, kahit sa panahon ng El Nino ang pinakamababang inabot ng Angat Dam ay 3000 MLD. Mas makatwiran at mas makakatipid pa ang gobyerno kung aayusin na lamang ang Wawa Dam (pareho ang kapasidad ng Wawa at Laiban Dam) sa Rodriguez, Rizal kaysa magtayo ng panibagong dam.

Wala ring kasiguruhan ang mga mamamayan ng Quezon at Rizal sa pang-ekonomiyang kaunlarang hatid ng dam gaya ng matagalang trabaho, kuryente, sapat ng suplay ng tubig; sapagkat malinaw sa disenyo ng mga dam na ito na ang Kamaynilaan ang pangunahin nitong susuplayan. Ang pangangailangan ng trabaho para sa lokal na mga residente ay para lamang sa yugto ng konstruksyon. Magiging minimal na ang demand para sa karaniwang manggagawa sa panahong gumagana na ang mga ito dahil mas kinakailangan ang mga ekspertong inhenyero, arkitekto at siyentista para sa pagmamaneho ng paggana ng dam.

Kung pasisimulan ang mga community-based o maliliit na dam na tiyak napapanumbalik (renewable) at sustenable para sa pangangailangan ng tubig at kuryente ng lokal na populasyon, malilimita ang dumi (wastes) na malilikha at matitiyak nating may likas-yaman pang magagamit ang susunod na salinlahi.

 

Damdamin ng Bayan, Igalang Dambuhalang Dam Tutulan!

Tubid ay Serbisyo, Huwag Gawing Negosyo!

Isaalang-alang ang buhay at kaligtasan, imbes na ang negosyo’t kapital!

Pahayag ng NAGSAMMA Lamon Bay para sa Talakayan ng Mamamayan 2016:

Patuloy na dumaranas ng labis na kahirapan ang mga maliliit na mangingisda sa bahagi ng Tayabas Bay at Lamon Bay. Ang tanang yamang-dagat ng dating saganang karagatan ay pinangangambahang tuluyan nang masaid dahil sa patuloy at walang habas na operasyon ng mga iligal na pamalakaya (putok, lason, sudsod, buli-buli atbp.) at pagpasok ng mga komersyal na pamalakaya sa loob ng 15 kilometrong municipal waters na itinatakda ng naunang batas Pangisdaan RA 8550.

Sa pagpasok ng mga malalaking pamalakayang pangisda sa municipal waters, dagdag pa ang hindi masawatang iligal at mapanirang pangingisda, higit na lumiit ang huli at kita ng mga maliliit na mangingisda sa dalawang bay. Samantalang walang malinaw na mga patakaran na sumasaklaw sa mga pagtatayo ng mga fish cages at fishpens at maging mga fishpond at nagsisiksikan sa iilang aquaculture sa probinsya – na nagresulta sa pagkasira ng kapaligiran, pagkalason ng katubigan at pagpapalikas sa mga residente sa mga komunidad.

Ito’y hindi iba sa kalagayan ng mga mangingisda sa buong bansa.
Naging isang malaking parikala na ang mga mamamayan sa Hilagang Quezon (Real, Infanta at Nakar) at maging ng mga residente ng Gitnang Quezon na tone-toneladang nag-iimport ng isda mula Navotas at sa ibang bansa upang matugunan ang maliit na suplay sa pamilihan sa probinsya. Nangyayari ito dahil walang local na bagsakan center at storage facilities na magtitiyak ng kasapatan ng supply ng isda kahit pa sa panahon ng amihanin.

Pinatunayan ng mga pangyayaring ito ang kakapusan ng batas pangisdaan 8550 at ang kainutilan ng mga ahensya ng pamahalaan sa serysong pangangalaga sa ating pangisdaan. Walang naging mahusay na mekanismo para sa implementasyon at enforcement ng batas. Walang kakayahan at kapasidad ang Marina, coast guard, at bantay-dagat sa pagtitiyak ng kaayusan sa pangisdaan.

Kamakailan lamang ay inamyendahan ang ilang probisyon ng RA 8550 o batas pangisdaan sa Pilipinas upang maging RA 10654. Matatandaang maraming mga mangingisda sa Manila Bay ang nagpahayag ng pagtutol (komersyanteng mangingisda) dito dahil pangunahin umano nitong tinutulugsa ang mga komersyal na pamalakaya at sa kabilang banda ay madulas na pagpayag sa pagpasok ng mga dayuhang pamalakaya.

Kinikilala namin ang mga progresibong laman ng Batas pangisdaan RA 10654, na seryosong masawata ang mga iligal na pamalakaya. Subalit ang implementasyon nito ay dapat na matiyak sa lalong medaling panahon. At tiyaking kaisa ang mga maliliit na mangingisda sa pagpapatupad nito.

Gayunpaman, ang mga mangingisda sa ng Hilagang Quezon at Central Quezon ay laging walang katiyakan sa kanilang mga tahanan, sa samu’t saring dahilan gaya ng epekto ng mga kalamidad at pagbabago ng klima, apektado din ang aming mga komunidad ng mga land grabbing ng maimpluwensyang mga tao, kung hindi man ay biktima ng mga demolisyon dahil sa mga proyekto ng mga gobyerno na nagresulta ng sapilitang pagpapalipat sa mga mangingisda palayo sa dagat na pinagkukunan ng kabuhayan.

Dahil dito, hinihingi ng pagkakataon na maitulak patungong batas ang fisherfolk settlement para sa mangingisda, at ito ay pangunahing dapat na tinitiyak ng pamahalaan bilang serbisyo sa mga mangingisda na malaking bilang ng populasyon ng bansa.

Sa eleksyon na ito, ang mga mangingisda ay hindi na lamang mananahimik sa gitna ng dilim. Kami ay papalaot sa lunday ng pagkikibakang electoral upang iluklok ang mga alternatibong lider na tunay na magsisilbi sa mga mangingisda – na asin ng lipunang Pilipino.

NAGSAMMA LAMON BAY (Nagkakaisang Samahan ng Maliliit na Mangingisda sa Lamon Bay)
Pebrero 15, 2016

Pahayag ng NAGSAKKA para sa Talakayan ng mga Batayang Sektor para sa Eleksyon 2016:

IMG_3331Kababaihan: sinasabing kalahati ng langit. Tagapagluwal ng susunod na salinlahi at tagapagtiyak ng dinamikong siklo ng lipunan.

Subalit ang pandarahas, pananakit at diskriminasyong narararanasan ng mga kababaihan sa Timog Katagalugan ay repleksyon ng patuloy na suliraning dinaranas kahit pa sa modernong panahon. Ang pyudal na pagtingin sa kababaihan bilang materyal na pag-aari ng lalake ay malalim pa ring naka-ugat sa kanayunan lalo’t higit sa ating rehiyon.
Sa katunayan ayon sa UN Women, 1 sa bawat 3 babae ang biktima ng sekswal, pisikal at emosyunal na pandarahas sa bawat isang minuto. Gayunpaman, itinuturing na pribadong usapin ng pamilya, kung gayon hindi dapat panghimasukan ng kahit na mismong mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DSWD at Pamahalaang Barangay, ang nangangalandakang pagmamalupit sa babae.

Malalim pa ring nakaugat sa kultura, ang mga piyestahan kung saan sentro ng aliw ang mga babae sa mga pasayaw, at iba pang kasiyahan. Sa maagang yugto, ang mga kadalagahan ay nauuwi sa maagang pag-aasawa dahil sa kakulangan ng mga paaralan sa primaryang edukasyon at napakamahal na edukasyon sa tersaryo. Dagdag pa ang kawalan ng bakanteng trabaho na sana’y mag-iempleyo sa lumolobong populasyon sa kanayunan.
Kung kaya, papalaki din ang mga kababaihang nauuwi sa mga anti-sosyal na gawain tulad ng prostitusyon sa pinaka-malubhang anyo gaya ng palit-bigas (kapag panahong wala pang ani sa sakahan), palit-sardinas (kapag panahong amihanin sa pasipiko at hindi makalaot ang mga asawang mangingisda) o kaya ay isang pilsen ng alak upang masikmura ang lahat ng ito at makalimot.

Kababaihan ang pinaka-bulnerableng sektor na pumapasan sa bigat at epekto ng pagbabago ng klima at mga kalamidad na dumaan sa ating distrito gaya ng trahedya noong 2004 sa Hilagang Quezon, bagyong Glenda noong 2014, bagyong Lando at Nona nitong huling kwarto ng 2015 na kumitil sa mag-iina sa Bgy. Tanauan, Real, Quezon.
Malaking bahagi naman ng ating lokal na ekonomiya ay umaasa sa agrikultura. Higit sa 60% ng manggagawa dito ay mga babae. Sa pangisdaan sila ang tinatawag na indirect fisherfolk o iyong nagpoproseso ng mga huling isda para gawing tuyo o daing at ibenta ito sa pamilihan. Sa sakahan sila ang mga kasama sa pagtatalok, paggagapas, pangangasiwa (paggagamas, pagpapawi ng mga peste, at pagbabudget). Gayunpaman, pagdating sa partehan ang mga babae ay hindi ibinibilang na kabahagi ng kabuuang kita.

Isang mayor na gampanin naming mga kababaihan ang pagtitiyak ng kaayusan ng mga tahanan, pag-aalaga ng mga anak, at tagapag-pamayapa ng komunidad – malaking ambag namin ito sa ating lipunan. Kami man ay manggagawa rin o tinatawag na household workers! Kung kaya ang mga batayang serbisyo at seguro tulad ng SSS, serbisyong pangkalusugan, at kasiguruhan laban sa pandarahas at anumang porma ng diskriminasyon ay dapat na magarantiyan ng pamahalaan.

Sa eleksyong ito, ang mga kababaihan sa kanayunan sa ilalim ng NAGSAKKA ay kaisa sa adbokasiyang putulin na ang mahabang pamamayagpag ng tradisyunal, korap, pyudal at pribadong patronahe na sistema sa pulitika. Bahagi kami sa pagsusulong ng bago at alternatibong pulitika ng mga tunay na progresibo at tapat na mga lider na magsisilbing boses ng mamamayan sa malinis na pamamahala. Tinatanaw naming isang hakbang pasulong ang pagsangkot ng kababaihan upang angkinin at bawiin ang dangal at dignidad ng babae mula sa isang lipunang ang lalake ang siyang naghahari.

Mabuhay ang kababaihan!

NAGSAKKA (Nagkakaisang Samahan ng mga Kababaihan sa Kanayunan)
Pebrero 15, 2016