Kalikasan: Dam nga ba ang Solusyon?

-CAPALONG BOYZ

I.
Anong senyales po ba yan?
Dam daw ang magpapayaman sa ating bayan…
Halika at makialam
Tinanong nyo na ba sa ating sarili,
Kung ano ba ang maidudulot na mabuti?
At pagkatapos ba nito, ano ang mangyayari?

Bakit di natin pagtuunan ng atensyon –
Ang kalikasan na nagbibigay ng lahat ng ginagamit mo ngayon.
Nagtatanong sa aking sarili…
Hanggang kailan lungkot ay mananatili,
at sa mga nagaganap na ‘to, anong sunod na mangyayari?

‘Pagkat ayaw ko nang maranasan ang ganito
Na ako’y umiiyak noong sa bayan natin ay may delubyo
Tama na’ yan, ang sigaw ng aking bibig!
At patuloy na lumalakas kaba sa aking dibdib.

Ngunit wala akong magawa, iba na talaga kung ang kalikasan
Na ang maningil sa ating mga pagpapabaya.
Ngayong mapanirang proyekto ay naka-amba,
Sa pangyayari na ito, karaniwang tao ba’y may mapapala?

Koro:
Pangarap ay abutin
Sana kayo ay magising
Sa mga nangyayari
Hindi dapat panatilihin
Sana po inyong pakingan
Awit pangkalikasan
Inawit ng kabataan
Para sa mga kababayan

II.
Nagdaan na ang ilang taon
Bakit naman baga gan’on?
Wala pa ring nagaganap na pagbabago,
Pangit pa ring sistema ang ating natatamo.

Masdan mo ang paligid
Tingnan mo at nakapinid.
Bagyo dito , bagyo dyan
Tagtuyot at Pagbaha…
Kagutuman at Pagka-uhaw…

Bakit ba nagkaganyan.
Lalong dapa sa kahirapan ang ating bayan.
Ano nga ba ang tunay na dahilan
Parusa mo na po ba ito oh Diyos Ama
Dahil kami’y nagpabaya,
Sa kalikasang sinisira,
Kaya ganito ang aming tinatamasa?
Pagkasira ng ating mundo,
Kaya po bang malunasan
‘Yan ang tanong naglalaro sa aming isipan.

Ulitin ang koro

III.
Dam na naglalakihan
Ay ating tutulan
‘Pagkat di naman iyan ang solusyon
Sa problemang ating nararanasan
Masakit po mang sabihin
Mga naiisip nyo’y mga ilusyon.

Pagkat kung iisipin,
Mayro’n naman tayong sapat na katubigan.
At ang proyektong dam ay magdadaan po lamang
Sa pagkakalakal ng dapat ay serbisyo ng tubig.
‘Wag po kayong makasarili
Isipin nyo rin po ang nakararami.
Malaking epekto sa mga kabuhayan
‘pag natuloy po ang ganyan
Minsan na kami kumain ng hapunan.

Pagkat wala nang pagkukunan
Ng aming kailangan.
Pagkain, Hangin, at Tubig na naggagaling sa kagubatan.
Papayag po ba tayo na dumating pa ang krisis?
Dahil sa maling desisyon,
Ang dating sagana tayo ay bigla sa atin ay ipagkakait.
Alam kong ‘di pa huli ang lahat…
Kumilos tayo bayan,
Iligtas ang kalikasan para sa atin ding lahat.

Ulitin ang Koro

*Isang rap na likha ng mga kabataang miyembro ng STEP-Sierra Madre sa Bgy. Capalong, Real, Quezon

This slideshow requires JavaScript.

Advertisements

Tulang ayaw Matapos

ni Rio Ejercito Monge

Sa wakas naka kain na ng binatog
Nasiyahan bagamat saglit lang
Lulan ng bus papalapit sa Norte
Byaheng ayaw huminto sa bawat kanto
Ng ala-ala ng mukha ng buhay
Nadaanan mga grasya at disgrasya sa daanan
Mga eskinitang ako ay nakipag habulan kay kamatayan
Katawang binakasan ng literal na pilat
Mga mayor na kalyeng minartsahan at pinasadahan ng daluyong ng pakikibaka sa lipunan
Rough road pa akyat sa sukal sa kanayunan
Habang nakapila pormasyon mga aninong wala ng pangalan ngayon
Ang hindi ko lang nasuutan ay ang tuwid na daan
Kahit anong pilit kong intindihin at aralin maging sipatin kami ay hindi nagkita ni nagkasalubong man lang
Mamaya maya makikiraan bangis ng aking kamusmusan
Nasagi
Nangggigiri
Yan ay hindi na ako
Iyan ay nakaraan
Kahit ano pang pa anyaya mo
Mababasa na lang kitang paskel sa kalye
Wala namang rason para umatras sa paghakbang
Susulong ka lang
Ahhhh
Hindi kita tatambayan
Dadaanan ka na lang at gagawing shorcut na din para maka tawid palabas sa susuungan
Ano mang sakyan sa pupuntahan makarating lang…
Maki angkas
Kobota
Animal na apat na paa
O maglakad
Tumakbo
Patungo duon
Saan man
Lagi lang pasulong
Sa mapa ng buhay na walang katapusan at hangganan
Ako ay sandaling huminto sa alon sa loob ng isip
Nagpatuloy…
Kumain ng binatog
At nahirinan..

Barya

Alas-7 ng umaga. Nag-aabang ako ng bus mula Mandaluyong pa-Nova. Tanging laman ng bulsa ko’y sampung-pisong barya. Sinasalat-salat ko ng mga daliri ng isang kamay ang bagol sa bulsa ko; sinasalat-salat ang nakaukit na mga mukha nina Mabini at ni Bonifacio.

 

Nag-iisa, walang kalansing ang barya sa aking bulsa. Ang kumakalampag ay ang kalam at hilab ng aking bituka na hindi man lang nasayaran ng mainit bago ako umalis. Walang almusal sa opisina ng Kilusan. Simot ang mga botelyang plastik ng kape at asukal. Siguro naman ay may kape sa bahay na pagdarausan ng talakayan sa isang komunidad sa Nova.

 

Pumara ang isang bus na pwede kong sakyan sa loading bay. Sinasalat pa rin ang bagol sa aking bulsa, nag-aagam-agam na sumakay ako. Ang sampung-piso sa aking bulsa ay kulang sa pamasahe hanggang Nova. Tatawaran ko ang konduktor kung papayag ito o ibabayad ang sampung-pisong barya kung hanggang saan ang abutin nito. Kadilakad na lang hanggang lugar na aking pupuntahan.

 

Maaga pa at kukonti pa ang pasahero. Pinili ko ang isa sa mga upuan sa tabi ng bintana sa dakong likuran ng bus. Mas madaling makiusap kung walang makakarinig na iba.  Hindi ako kaagad pinuntahan ng konduktor para singilin. Magdaragdag pa muna siguro ng mga pasahero bago magtiket at maningil.

 

Parang karo sa bagal ang takbo ng bus. At madalas na patigil-tigil upang mangahoy ng maagang mga pasahero. Isinandig ko ang aking ulo sa sandalan ng upuan. Pumikit. Naopuyat ako sa kababasa sa nilalaman ng pinakahuling isyu ng dyaryo ng Kilusan bilang paghahanda sa talakayan:

 

Ang standoof ng Pinas at China sa Scarborough Shoal. Ang pagpapalakas ng pwersang militar ng US sa Asya at ang Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement sa pagitan ng US at Pinas bilang angklahan nito. Ang pagpapatibay ng Senado sa State of Visiting Forces Agreement (SoVFA) sa Australia, ang pangunahing ayudante ng US sa bagong estratehiya nito sa Asya-Pasipiko…

 

Habang nagrirepaso para sa talakayan ang aking isip, tinighaw ko ang aking gutom sa mabangong amoy ng binusang mani ng isang ambulant vendor na umangkas para ilako ang paninda. At nanaginip na bumili ako ng isang botelya ng malamig na malamig na mineral water.

 

Bayan! Pagulantang akong nagising. Mabilis na sinalat ang sampung-pisong bagol sa aking bulsa. Naruon pa. Hindi ako tiniketan at siningil ng konduktor. Inilabas ko ang aking kamay na nakaipit na sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo ang sampung-pisong barya na tanging kayamanan ko sa araw na iyon.

Tumayo na kasabay ng nagtayuan ding mga pasahero para magsibaba. Hawak ko ang aking bagol kung sakaling sisitahin ako ng konduktor.

 

Ni hindi tumingin sa akin ang konduktor. Kahit pa palingap-lingap ako dito habang pababa na ng estribo. Nagulat pa ako nang humugong ang makina ng bus at muling umandar . Kasabay ng palatak ko ng Yes! biglang dumulas ang bagol sa pagitan ng dalawa kong daliri; nalaglag sa paanan ko, gumulong, at bago ko nahabol ay tuluy-tuloy na nahulog sa imburnal sa di-kinalayuan sa aking kinatatayuan.

 

 

Pamasahe

“Ma’ma para sa tabi!”, malumanay na sigaw ng ale sa drayber ng dyip na sinakyan nya. Alas-10 palang ng umaga, sapat ang oras para maihanda at mailuto pag-uwi sa bahay ang pinamiling pananghalian ng pamilya.

“Ale bayad mo muna!”, nakakunot noo’ng hiyaw ng drayber sa kanya. Nagulat ang ale sa sinabi ng drayber. Kanina lang nung kasasakay pa lamang nya ay nag-abot na kaagad sya ng otso pesos pamasahe sa drayber na ito. Tandang-tanda ng ale na nakapagbayad na sya dahil beinte na lamang na buo ang nasa bulsa nito. Imposible din namang hindi sya matandaan ng drayber dahil nasa likod lamang sya ng driver-seat nakaupo.

“Ale, manloloko ka ah. Siguro’y araw-araw mo ginagawa ito. Akin na’ng pasahepamasahe mo!”

Namula sa pagkapahiya ang ale. Sa tanang-buhay nya’y ngayon lang ito nangyari. “Ilang beses ba ako kailangang magbayad sa inyo ma’ma? Nagbayad na ako ah.”

“Manloloko ka ale. Siguro’y araw-araw mo ito ginagawa!”

“Huwag kang magsalita ng ganyan ma’ma, drayber ka pa naman. Baka makarma ka!” Nanliliit na sa pagkapahiya ang ale. Sinusulyapan nya ang isang lalakeng nakasaksi sa pag-abot nya ng pasahe kaninang kasasakay pa lamang nya sa dyip. Ngunit hindi ito umiimik o sumisenyas. Hindi siya ang nakasalang. Wala siyang pakialam.

“Ale alam ng drayber kung sino ang hindi pa nakakapagbayad! Manloloko ka ale!”

“Putris ka! Paano mo matatandaan lahat?” Puno ang ale ng hinanakit hanggang magsikip ang dibdib at pumusyaw ang kulay ng kanyang paligid.

Biyahe

Nakadungaw ang aking paningin sa bintana ng sasakyang lulan kami. Mahaba-habang biyahe din ang pupuntahan namin sa isang bayan sa Zambales. Kaya naging katuwaan ko ang magmasid sa magagandang tanawin sa berdeng paligid- mga puno damuhan at malapad na taniman ng palay at tubuhan. Ikinatutuwa ko ring pagmasdan ang malinaw na kalangitan at matatayog na mga ulap.
Hay! Ang gaan sa pakiramdam! Napakapresko sa paningin ang ganitong larawan. Napakalayo nga sa karaniwang imahe ng kamaynilaan – matatayog na gusali, higanteng mga billboard na humaharang sa mga ulap, naggigitgitang mga sasakyan sa walang patid na sikip ng trapiko, at nagmamadaling bulto ng mga tao.
Nagtataka nga lamang ako dahil parang kami lang ni Mang Gusting, ang pinakamatanda sa grupo at direktor ng aming teatro, ang interesadong pagmasdan ang paligid. Ang mga kasama kasi naming mga kabataan galing ng syudad ay mas piniling matulog o kaya ay makipagkwentuhan sa may tatlong oras na biyahe.
Hindi kaya sila nasasabik namnamin ng kanilang mga mata ang bihirang tanawin sa labas? Hindi ba nila ikinatutuwa ang lumikha ng iba’t ibang imahe mula sa kumpol ng mga ulap?
Heto nga’t sa malayo, nabuo ko ang imahe sa aking isip ang kulumpon ng ulap na tila isang asong poodle na maputing-maputii na para bang nakalundag sa bundok para masalo ang Frisbee plate.
Naisip kong may dala nga pala akong kamera. Napakaganda makuhanan ng litrato ang ganitong mga larawan. Para sa akin, kailangang makunan ito ng larawan dahil mabilis ang paggalaw ng mga bagay dala ng ika nga’y modernisasyon. Baka ilang sandali pa ay kakainin na rin ng paatras na pag-unlad ang tanawing ito at tuluyan na lamang maging ala-ala.
Mula dito ay nagkapagpasya akong hindi matutulog o aabalahin ang sarili sa ibang gawain sa may tatlong oras naming biyahe.
Kailangang tumatak sa aking diwa ang panginginain sa damuhan ng mga kalabaw at baka. Sa pagtanaw ko sa mga nagliliparang mga migratory birds, ay para naring kasabay nila akong lumilipad sa himpapawid. Lumilipad at payapa ang isip!
Samantalang ang kabundukang tanaw sa malayo ay para na ring nangungusap at nagpapa-abot ng pagbati.
Sayang nga lamang at kami na lamang ni Mang Gusting ang nakakakapagpahalaga sa biyahe namin ito.
Sa biyaheng ito, hindi ako matutulog. Maalala ko man lang na bahagi pa rin ako ng mundo at may dapat na saysay ang bawat gawin para sa ikapagpapanatili ng mga tanawing ito.