Sa pagkahawi ng mga Bituin

Ni Elmer Aresgado

Sa tuwing natitingala ko sa langit ang laktaw-laktaw na bituin
Dinadalaw ako ng masasayang mga gunita;
Ang kanyang mga halakhak,
Mga nakakadurog na litanya ng pagbabalikwas sa luklukan ng Mendiola,
Ang ilang gabing binuno sa tamis ng pagsuyo,
Umurong-sulong ang mga impit at mga bulong ng pagkaraos,
Napatingala sa diyos at nagpahayag ng pasasalamat
Sa natatanging katangian ng algoritmo ng nagtatagpong mga katawan.

At tulad ng mga bituin,
Nagkikislapan ang pag-asang magtatagal ang gayong ningning.
Umusal ng mga pangako at ipapanday na mga pangarap…
Masayang tinatanaw ng mga tala ang magkasiping na magkasintahan sa bubungan.
Umuukit sa gunita ang gayong larawan…
Nang biglang humawi ang ulap at tuluyang natakpan
Ang pagtatanghal ng mga bituin,
Mahabang dilim,
Napanglaw ang mga humahanga sa bituin,
Naglaho ang pag-ibig,
Naging mas matagal ang gabi…

Infanta, Quezon
6 – 11 – 15