Pangarap

ni Leni del Rosario

 

Sinusuong natin ang hirap.fish union.jpg

dahil nangarap tayo,

at patuloy pang mangangarap

nadarapa, nasusugatan,

nagsasakripisyo’t nalalagasan.

ngunit buo pa rin ang pag-asa, ang paglaban!

upang tuluyang

masilayan ang bukangliwayway

sa dulo ng karimlan.

 

dampian ng ngiti ang araw

at marahang kuyumin ang liwanag.

tanganan ang mga gintong silahis

na magbibigay tatag

sa digmaang

ipagwawagi ng mga

nilapastanga’t

binihag

ng balatkayong estadong

hungkag.

 

Advertisements

Guro

Ni Berlin Eranista

GURO

Sa nangangapa kong mundo, kayo ay dumating

Dala-dala’y karunungan sa aki’y ihahabilin

Ang layunin ay buksan ang puso ko at isipan

Sa aki’y ipadama ang inyong pagmamahal

 

Kayo ang guro sa aki’y nagmulat

Sa mga larangan ay tagapag-ingat

Ang bukas mong puso sa aki’y gumabay

Na siyang naging daan nitong kamulatan.

 

Ngunit nasaan ka ngayo’y nanganganib

Ang bayan kong paos sayo’y humihibik

Kahit na sandali sa’yong mga halik

Ang yakapin ako ng buong pag-ibig.

 

Upang ang bayan ko na tigmak ng luha

Muling makabangon sa pagkakadapa

Ikaw, aking guro pinakadakila

Muli kang tumindig sa unos at baha.

Sa Selebrasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

IWD

ANG PAKIKIBAKA NG KABABAIHAN ay HINDI NILULUMA at PINATATANDA ng PANAHON, BAGKOS ay PINALALAWIG at PINALALAKAS NG NAGPAPATULOY NITONG KASAYSAYAN.

Ang salinlahi ay nasa ubod ng iyong pagkatao
Handang mag alay ng buhay upang magluwal sa mundo
Ng supling na sa lipuna’y magtataguyod at bubuo


Ng sinimulang pakikibaka sa karapatan, paglaban sa karahasan
Tungo sa pagkakapantay-pantay
Magpatuloy at mabuhay ang kababaihan
KAISA KA sa pagpapalaya ng bayan!

 

Maligayang araw ng mga Kababaihan!

TANDAAN : HINDI KA BABAE LANG. KAISA KA!

PAGPUPUGAY SA ARAW NG KABABAIHAN!

Sa karsel

ni Sarah Jane D. Espiritu

Nakakulong sa apat na sulok
Hindi makawala, nakagapos
Sari-saring pakiramdam
Kilabot at pagkapanglaw

Sinag ng ilaw na aandap-andap
Larawan ng munting liwanag
Habang unti-unting pumipikit,
Bibig pumipinid
Sisinghap-singhap

Ah hindi na ‘ata kaya,
Hininga’y parang mapapatid
Kasabay ng paglagot
Sa tanikalang itinakda
Ng sistema’t dayuhang mapaniil!

Kaya’t ngayo’y pilit nilalagot
Ang lubid sa haligi ng pagkakanya-kanya
Upang mapakawalan
Ang sanlibu’t isang pag-asa!

Ah kunting tyaga pa at malapit na
Kunting pagsisikap at pagpapasiklab
Natatanaw ko na. . .

Sa wakas nabuksan ang hawla
Halina’t kumawala, Lumaya!

Sa duyan

ni Sarah Jane Espiritu

Kay sarap damhin, simoy ng hangin
habang dahan-dahang hinehele
ng huni ng mga ibon,
sinasamyo sariwang bulaklak sa paligid,
at wari’y musika sa pandinig
ang banayad na daloy ng batis…

oh sa duyan,
Sa duyan kasama ng aking mahal
Kung pwede lang huwag nang matapos ang sandali
At siya’y lumisan.

Sabay kaming uugoy paparoon pa sa malayo
At papalapit sa pagkamit ng mga pangako
Panatag, masaya at magkasama
Sa duyan ng pakikibaka.

At sa tuwina’y tagpuan ng kalakasa’t kahinaan
Puhunan sa pag-indayog ng pag-asa’t
Pagkilala sa lipunan.
Nang sa duloy mahimbing sa piling ng masang pinaglilingkuran.

Siklab

Ni Elmer Aresgado

Halika sa yungib ng nagdaan

Pagkiskisin ang dalawang bato ng kamalayan

ang diklap na malilikha’y puhunan

sa paglagablab ng pinagsamang lakas

ng aping mamamayang

tangan ang bunsol –

Magpapaningas sa tuyot nang kaayusan

hanggang matupok ng apoy

Mag-abo

itong lipunang ikinakalakal

ang liwanag

sa ganansya ng iilan.

Bahug

ni Pupong Florentino

 

 

Eat drink and be merry for tomorrow we shall die – Erasmus Desiderius

 

Nakakapaso,

Umaapaw sa sabaw,

Sumasayaw na usok sa hangin sumanib.

At kahit gutom ang tiyan,

 tumututol ang diwa

Sa karaniwan nang hain.

At ang sikmura’y kanina pa humihiyaw

Ng pagkain, pagkain, makakain…

Hustisya! Katarungan sa kumakalam na tiyan,

isip at damdamin!

 

Hinahalihaw ng ilang ulit na paroo’t parito ng sandok

ang talyasi ng pag-asa,

Nang may madakot kahit kapiranggot

na  hibla na lasa ng umento sa sahod,

makataong kundisyon sa paggawa,

serbisyong pangkalusugan, libreng edukasyon;

Pinalasa ng sangkutsang paminta, knorr cubes at luya

na martsa sa kalsada:

“Sahod, trabaho, pagkain at karapatan! Ipaglaban!”,  

Ibinahog sa ilang kutsarang kanin sa plastik na mangkok

waring palad na nakasahod na kapag kinuyom ay manununtok.

Mairaraos din ang pinag-isang seremonya:

Almusal, Tanghalian, hapunan, meryenda.

 

You are what you eat – ‘ika nila.

Mapalad kang pinapahalagahan ang bawat mumo’t

Butil ng inaning bigas ng magsasaka.

Mapalad kang ang kinakain mo’y hindi bunga ng pagsasamantala’t

Inumit mula sa hapag ng iba.

 

You are what you eat – turo nila.

Ipagdasal nating sa pagkain ng mga propitaryo-usurero-kumprador,

Masikmura nawa nila ang resulta ng partehang 70 – 30.

Hindi nawa sila mawalan ng gana sa isiping pinaghalong

pawis, libag, dahak, balakubak, dugo, luha

ng mga magsasaka-mangingisda-manggagawa;

ang luminang sa sagana nilang hain sa lamesa.

 

Matunawan nawa sila…

Matunawan sila sa larawang:

Si Harold  Mangingisda ay nag-uulam ng sardinas,

Si Tata Eking  Magsasaka ay bumibili ng maipang NFA rice.

 

Kahimanawari…

Makatulog sila ng mahimbing,

Makatulog sila sa kabila ng labis nilang kabusugan

Habang hindi maka-idlip ang yayat na paslit

Sa hilab ng tiyan at lamig ng madaling-araw.

 

We thank you Lord for the gifts

which we have received

from thy bounty…

 

Samantalang ang daang matuwid

Ay bubusugin ng pribatisasyon at pagbuyangyang

ng ating likas-yaman para sa dayuhan;

Palulusugin sa masabaw na mga pangako,

Lalaking tabang-hangin sa mga numero at datos ng sabi-sabing pag-unlad.

 

Mga kababayan,

Magsitayo  tayo

Sa pambansang pagkain ng Pilipinas

susyal ‘pagkat hindi maaaring kainin nang naka-kamay –

Ang noodles at lugaw!

 

_____

Alay sa mga kasama sa NORQUEZCOFA-PKMM at NAGSAMA Lamon Bay-PANGISDA – Timog Katagalugan

 

 

Kalbaryo ni Juan

Ni Leni del Rosario

 

Ramdam – hanggang sa kaibuturan

Ng iyong pagkatao ang talas

Ng pakong pilit na ibinabaon

Sa pagitan ng iyong butuhang palad

Habang nakadipa sa krus

Ng kalapastanganan at pang-aapi…

 

Ramdam – hanggang sa kaibuturan

Ng iyong pagkatao ang hapdi

Habang nakaputong ang koronang tinik

Sa iyong ulong dinadaluyan ng dugong

Humihilam sa mga matang

Hindi na maaninag ang pag-asa…

 

Ramdam,hanggang sa kaibuturan

Ng iyong pagkatao ang hinagpis

Habang nakangisi ang mga bwitre

At ulupong na nakatunghay

Sa iyong katawang halos pinanawan na

Ng ulirat…

 

Ramdam, hanggang sa kaibuturan

Ng iyong pagkatao ang sakit, hapdi

                                         at hinagpis;

Hindi mapalad ang mga inaapi

Habang partuloy sa pagkakapako

Sa bulok na sistemang sinadya;

Mapalad ang mga nagsasakripisyo,

Nakikibaka’t lumalaban — dahil kanila

Ang bukas, ang pinto ng Kalayaan.

                            ***

 

 

 

 

 

 

Huwag Mong Hayaan

Ni Leni del Rosario :

 

Huwag mong hayaang lapain

Ng sistemang hayok na hayok sa laman

Ang pag-asang nasa dulo

Ng masong tangan-tangan.

 

Huwag mong hayaang sipsipin

Ng sistemang uhaw na uhaw

                             ang sariwang dugong

Dumadaloy sa pag-asang

Bumubuhay sa dulo ng karit.

 

Huwag mong hayaang tuluyang mabulag

Ang nanlalabong diwa ng pag-asang

Binabagabag ng panimdim.

 

Huwag mong hayaang maupos

Ang pag-asang gustong humulagpos

Sa kamalayang tinortyur at namanhid

Sa doktrinang mapalad ang mga inaapi

(At kakamtin nila ang Langit.)

 

Huwag mong hayaang matuyot

Ang katas ng pag-asang

Ididilig sa punlang mag-uusbong

Ng pakikibakang magluluwal

Ng pantay na hustisya, karapatan

At malayang lipunan.

 

Huwag mong hayaan…

            Huwag mong hayaan.

 

                        ***

Kalayaang may Habing

ni Leni del Rosario

sa ating lipunan, kalayaan ba’y totoo?
kung mga gahaman ang nakaupo sa pwesto?
pinagsisilbihan malalaking imperyo.
buhay at karapatan, unti-unti naaabo.

kalayaa’y sadyang mailap.
hindi mabanaag sa likod ng ulap.
sa gitna ng laot, hindi maapuhap.
tulad ng buhangin, di makuyom sa palad.

kalayaan, ika’y isang hiyas.
batong dyamante ang iyong katulad.
sa pagdaan ng panahon, marami ang nangahas,
na masilayan ka sa labas ng rehas.

kalayaan, kailan kita mahahagkan?
ang iyong mga ngiti, kailan masisilayan?
katumbas man nito’y buhay at kamatayan
di kailanman titigil, hanggang mahimlay sa iyong kandungan.