Sierra Madre: Nagmahal, Nasaktan, Nagpapasagip sa Mamamayang Makakalikasan

NAGMAHAL. Ang Sierra Madre o inang kabundukan ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas. Binubuo ito ng higit 1, 400, 000 hektaryang kagubatan mula Bicol Region hanggang Cagayan. Tinitiyak nito ang balanseng biodiversity at tahanan ng higit 10, 000 species ng hayop at halaman (flora and fauna) gaya ng Rafflesia manillana at jade vine (Strongylodon macrobotrys, Red Lauan (Shorea negrosensis), White Lauan (Shorea contorta), Mayapis (Shorea palosapis), Bagtikan (Parashorea malaanonan), Tiaong (Shorea ovata) at Dungon (Heritiera sylvatica).

Matatagpuan dito ang 88 uri ng ibon, 53 dito ay matatagpuan lamang sa Pilipinas at 12 ay endemic  sa Luzon. Nandito din ang mga critically endangered na uri ng ibon at hayop gaya ng Philippine Eagle (Pithecophaga jefferyi), Philippine Hawk-eagle (Spizaetus philippensis), Philippine brown dear (Rusa marianna) na mas kilala sa tawag na (Cervus mariannus) at ang Philippine warty pig (Sus philippensis).

Hinihinga ng mga mamamayan ang malinis na hanging nagmumula sa  kagubatan ng Sierra Madre bilang natural na baga (lungs) ng ating daigdig. Dito umaasa ang libu-libong mamamayan mula sa tubig – inumin at  irigasyon para sa agrikultura, kagamitan sa paggawa ng mga bahay, muebles at handicrafts, pagkain, non-timber products gaya ng pag-uuway, honeybee, at yamang-mineral.

Nagsisilbing pananggalang ang Sierra Madre sa panahon ng kalamidad  laban sa malalakas na bagyo at kanlungan kapag may banta ng tsunami at storm surge sa mga komunidad malapit sa dagat.

Tintiyak ng Sierra Madre ang patuloy na daluyong (run-off) ng katubigan mula sa mga ilog patungo sa karagatan upang manatili ang natural na siklo ng tubig (water cycle), maiwasan ang paglubog ng mga kalupaan (subsidence), at maging sagana ang mga yamang tubig at ng ating karagatan.

NASAKTAN. Nanganganib na tuluyang masira ang Kabundukan ng Sierra Madre gawa ng samu’t saring mapanirang aktibidad ng tao. Gaya ng malaganap pa ring pagmimina sa Hilaga at Timog Sierra Madre. Pangatlo (3) na ngayon ang Pilipinas sa pinakamalaking pinagkukunan ng ginto sa buong mundo, pang-apat sa pagmimina ng copper, pang-lima sa nickel at pang-anim sa chromite.  Malaking bahagdan ng mga ito ay minimina sa kabundukan ng Sierra Madre, subalit malaking bahagdan din ng mga naninirahan dito ay hindi naman makatikim ng kaunlaran na pinapangako mula sa industriyang ito. Ang malubha, hindi na muling maipapanumbalik ang nawala nang mga gubat at  bundok.

Patuloy ang pagka-upaw ng kabundukan ng Sierra Madre. Ang Pilipinas ay isa mga bansang may pinakamabilis na pagkaubos ng kagubatan (deforestation) sa buong mundo. Sa katunayan, 20% na lamang ng ating forested area ang nalalabi.

Hindi nalalayo dito ang Sierra Madre, dulot ng malaganap pa ring pagkakaingin, pastulan at pagtotroso, at proyektong agribusiness o pagpapalit-gamit ng lupang kagubatan maging ng mga dating itinatanim na native varieties ng mga puno patungo sa pagpaprayoridad sa mga pananim na mapagkakakitaan/ maibibenta at magagamit sa negosyo  gaya ng  uway, jetropha (tuba-tuba), kamoteng-kahoy, atbp. –   na nagreresulta sa pagliit ng suplay ng reserbang tubig, kabi-kabilang landslides dulot ng paglambot ng lupa, at mga pagbaha.

Naging mabisang ruta ang Presidential Proclamation 196 sa bayan ng Real upang makonsentra sa iilang may interes sa kabundukan ng Sierra Madre ang pag-aari sa lupa, nang ipamahagi  sa mga magsasaka ng pamahalaan partikular ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong 1992 –  ang may 10, 193 hektaryang lupain bilang exclusion sa Presidential Proclamation 1636 sa higit 4, 415 CLOA beneficiaries (Certificate of Land Ownership Award).

Subalit dahil walang suportang serbisyo at sa katunayan ay higit sa 18 slopes ang taas ng lugar  at hamak na masukal pa, walang kakayahan ang mga magsasaka na ikultiba at pangalagaan ang mga lupang ipinamahagi sa kanila. Dagdag pa ang ilang datos na umano’y ibinahagi ang lupa sa mga hindi lehitimong magsasaka o kaya naman ay nabahaginan pero hindi alam kung saan doon ang lupang nakapangalan sa kanila.

Hindi nakapagtatakang dahil dito, naipagbili ang hindi iilang hektaryang lupain sa mga malalaking negosyante at korporasyon gaya ng 102.6262has. pag-aari ng  Nature’s Valley Corp. sa Kiloloron, ang ngayo’y Mahogany Plantation na pag-aari ni Don Pepe Tan ng CDO Meat Processing and Manufacturing Corp. at ang 69.5667 has. pag-aari ni Ignacio Gimenez sa Bgy. Llavac, Real, Quezon.

Naka-amba na rin ang pagtatalaga sa malawak na bahagi ng Sierra Madre para sa pagtatayo ng mga  proyektong eko-turismo gaya ng Commercial Resorts, Amusement Parks, lunsaran ng mga Military Exercises at subdibisyon bilang pamalit sa masikip at mataong komunidad sa Baguio at Metro Manila.

Hindi natitinag ang balaking itayo ang mga proyektong dambuhalang dam gaya ng Laiban Dam, New Centennial Water Source Project – Kaliwa Dam, Kanan Dam, Agos Dam at Sumag River Diversion Project kung saan namatay ang isang manggagawa nito at lima pang nawawala nang ma-trap sa tunnel ng ginagawang dam sa kasagsagan ng hanging habagat nitong Agosto na nagpataas sa libel ng tubig sa ilog  Sumag.

Ito ay sa kabila ng samu’t saring ibinabatong argumeto tungkol sa praktikalidad ng pagtatayo nito, isyu sa kaligtasan, pangmatagalang epekto (environmental Impacts) sa kalikasan, at mga paglabag sa batas gaya ng Protected Area System, Presidential Decree No. 1151 [Philippine Environmental Policy], Environmental Impact Satement System, Presidential Decree no. 1586; Wildlife Protection Act, Indigenous Peoples’ Rights Act, atbp.

Nanganganib ding maipagkait ang karapatan sa Lupang-Ninuno ng mga Dumagat at Remontados kung saan saklaw nila ang kabuuhan ng mga lokasyon kung saan itatayo ang mga dambuhalang dam.

Sumusugal ang pamahalaan sa pagtatayo ng mga bagong dambuhalang dam gayong 1,260 MLD (Million Liters per Day) lamang ang kailangan ng 13Milyong populasyon ng Metro Manila. Kayang-kaya itong punan ng mga dati nang nakatayong dam gaya ng Angat Dam na may kapasidad na 4,000 MLD dagdag pa kung irirehabilitate ang Wawa Dam.

NAGPAPASAGIP. Nasasaid at nauubos ang kakayahan at kapasidad (carrying capacity) ng Sierra Madre, ng anumang anyo ng kalikasan at ng mundo sa kabuuhan. Hinahalukay alang-alang sa tubo at kita ang mga kapatagan, ilog at dagat maging ang kailaliman ng ating mga kalupaan.

At ngayong nasimot na ang mga yaman sa mga sentrong-urban at mabababang lugar, nakatanaw ang mga negosyante sa mga gubat at bundok na huling tanggulan (last frontier) ng ating likas–yaman upang pigain ang anumang mapagkakakitaan mula dito.

Dinaranas at nakikita na natin ang mga pangyayaring magpapatotoo sa malubhang kundisyon ng Sierra Madre gaya ng malawakang mudslide/ landslide at pagbaha na kumitil sa libong mamamayan ng Hilagang Quezon noong 2004 sa pananalasa ng bagyong Winnie. Ang hindi malilimutang hagupit ng bagyong Ondoy na nagpatanaw sa kalbo nang Sierra Madre. At ang taun-taong malalakas na bagyo na nagdudulot ng malawakang pag-erode ng lupang bundok patungo sa mga low-lying area.

Panahon na upang muling maunawaan at pahalagahan ng bawat isa, na hindi tayo hiwalay na entidad sa kalikasan. Kung kaya’t ang pagkawala ng kalikasan ay hudyat ng pagkawala din ng buong sangkatauhan. Walang tunay na pag-unlad kung hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng likas-yaman at ang kaligtasan ng higit na nakararaming mamamayan.

Kung kaya higit kailanman, kinakailangan ang malawakang pagtugon ng lahat upang sagipin ang Sierra Madre mula sa nandarambong dito – para sa ating nabubuhay sa ngayon, para sa bagong henerasyon.

Isang hakbang pasulong ang programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagdideklara ng papapatigil sa pagmimina at ang mungkahing pagbubuo ng Sierra Madre Council upang magtiyak ng wastong pangangalaga sa kalikasan. Subalit, dapat pa ring maging mapagmatyag na hindi maging daan ito sa pagpapasok ng mga bagong proyektong pangnegosyo (commercial ventures) na makakasira din sa ating kalikasan.

Iligtas ang SIERRA MADRE mula sa mga mapanirang proyekto!

Tiyakin ang interes at kaligtasan ng Mamamayan bago ang Negosyo at Kapital!

Damdamin ng Bayan, Igalang! Dambuhalang Dam Tutulan!

Itatag ang Konseho ng Sierra Madre na may pantay na representasyon ng lahat ng sektor ng mga mamamayang nakatira dito!

Ipagbunyi ang Araw ng Pagsagip sa Sierra Madre!

STEP – Sierra Madre

September 2016sierra-madre-day

Sulyap sa Kalikasan

dam

sining biswal ni Lance Galario

ni  Marisol Ungriano

Masaganang kalikasan dapat iniingatan
Kabuhayan ng karamihan ito ang pinagkukunan
Mga sariwang hangin ito ang pinagmulan
Luntiang kapaligiran kay gandang pagmasdan

Ngunit sa kasakiman ng pilipinong naturingan
Nabulag sa kayamanan nawalan ng paninindigan
Putol dito, mina doon ang pamamaraan
Kaya’t mayamang kalikasan nasira ng lubusan

Dating maunlad, ngayon ay napalitan
Limitado na kung turingan ang pinagkukunang yaman
Kawalan at kahirapan ganyan na ang lipunan
Walang malay na taong bayan ngayo’y naaapektuha’t napagbibintangan

Sino ang nagkasala sigaw ng mamamayan
Iringan sa pagitan ng maliit at makapangyarihan
Sino ang sino na dapat parusahan?
Mga mata’y imulat upang ating malaman

Ang mga kagubatan ano na ang kalagayan
Maaliwalas na hangin atin pa bang nararamdaman
Masaganang pamumuhay atin pa bang nararanasan
Nasaan ang katarungan hustisya pa ba’y makakamtan?

Masamang katangia’y ibasurang tuluyan
Tiwalang taglay muling ipagtibay
Pagkakaisa’t, pagmamahalan nawa’y maging gabay
Upang mahal nating baya’y mapayapang tunay!
###

KAUNLARAN

Ni Mark t. Almazan

Naranasan mo na bang lumakad sa isang madilim na eskinita?na halos walang Makita? Nasubukan mo na bang mangibang bayan?na hindi alam ang patutunguhan?
Nagawa mo na bang kumapit sa patalim?
Dahil ang iyong mahal na anak ay nasa ospital at wala nang makain?

Natapatan naba ng halaga ang iyong prinsipyo?
Buhay at buhay ng iba,hindi dahil sa gusto mo kundi kailangan mo
Mayroon na nga sigurong halaga ang lahat ng bagay sa mundong ito,ultimo buhay ng iba ay isusuplong mo para matupad ang iyong gusto!

Nagawa mo na bang tumawa at matulog ng mahimbing sa kabila ng paghihirap ng iba?
Iyan ba ang sinasabing nakapag-aral? edukado?
May narating sa buhay?
Matapos mong pagkatiwalaan, s’ya ding maglalagay sayo sa kapahamakan?

Iyan ba ang kaularan? kaunlarang gusto ng lahat?
Ikaw kaibigan ko? iyan ba ang gusto mong kaunlaran?
Oo kaibigan magsaya kana, dahil bukas makalawa pantay na ang iyong mga paa at marahil nagpapakasasa sa kaunlarang sinasabi nila.

Kaunlaran ba ang pagkakaroon ng artipipisyal na karagatan sa bundok – na anila’y tutugon sa kakulangan sa tubig at elektrisidad? Kaunlaran?
Kaunlarang sa ati’y papatay at magdadala sa atin sa lagi nang peligro?
Anong kaunlaran ang magpapalayas sa libo-libong mamamayan sa kanilang panirahan at lupain-ninuno?

Kaunlaran na nga siguro ang paalisin sila sa kanilang linang at binubugta? Iyan ba nga siguro ang kaunlaran? Ang dalhin sa s’yudad ang mga magsasaka at mangingisda malayo sa kaliaksan ay siya nang kaunlaran. Sa syudad na siyang sementadong gubat!

Maghihintayn ka bang kumulubot?pumuti ang buhok?pati tumurik ang mata ,matamo lang ang kaunlaran?
Magpapaloko kaba sa mga taong mapaglinlang? At manghahamak hanggang sa masupil at maratay?

 

LANCE KATUTUBO

Hihintayin mo nalang ba na ika’y mahimlay sa banig ng karamdaman at halos walang magawa sa mga anak mong lipos dalita sa pagtratarbaho para lang may makain?
Bumangon ka kaibigan at sama sama nating tahakin ang kaliwanagan! Hanapin ang halimuyak ng tunay na kaunlaran. Kaunlarang kaginhawaan ng lahat at hindi ng iilan.

*Si Mark Almazan ay Chairperson ng STEP-Sierra Madre INHS Chapter sa Infanta, Quezon

Kwento, Kwenta

ni Sarah Jane Espiritu

Panay ka kwento

Wala namang kwenta

Yan tuloy sa kachichika

Naubos ang kita

Nabutas ang bulsa

Natira ay panutsa

Lumamlam ang mata

Sa uhaw at dusa

Kinalimutan din

Ng mga kakilala

Yamang kinamkam nila

Sayo kaya’y magbalik pa?

Kailan muling giginhawa

Ang kalagayang aba?

Sa sistema’t kulturang

Panay pasakit ang dala

Gamiting sandata ang iyong istorya

Gawing daluyan ng pag asa

Upang mamulat at madama

Ang lipunang makamasa!

*kay Jonas at Aswang, para ang kwento nyo ay magkaroon ng kwenta, mag-organisa at makibaka…

Sa duyan

ni Sarah Jane Espiritu

Kay sarap damhin,

simoy ng hangin

habang dahan-dahang hinehele

ng huni ng mga ibon,

sinasamyo sariwang bulaklak sa paligid,

at wari’y musika sa pandinig

ang banayad na daloy ng batis…

oh sa duyan,

Sa duyan kasama ng aking mahal

Kung pwede lang huwag nang matapos ang sandali

At siya’y lumisan.

Sabay kaming uugoy paparoon pa sa malayo

At papalapit sa pagkamit ng mga pangako

Panatag, masaya at magkasama

Sa duyan ng pakikibaka.

At sa tuwina’y tagpuan ng kalakasa’t kahinaan

Puhunan sa pag-indayog ng pag-asa’t

Pagkilala sa lipunan.

Nang sa duloy mahimbing

sa piling ng masang pinaglilingkuran.

*kay Norman

Hamburger ni Sadam

Ni Elmer Aresgado

Sa tapat ng Seconds’ Burger Stand, mapapansin ang ilang gabing pagbisita ni Sadam – isang batang badjao ng Bagong Tuklas o “Sitio Badjao” – isang floating village sa Barangay Dalahican, Lucena City, Quezon. Namimilog at parang bituin na nagkikislapan ang kanyang mga mata habang minamasdan ang iba’t ibang klase ng hamburger na pagpipilian ng mga may kapasidad bumili.

Nananariwa sa isip ni Sadam ang patalastas sa telebisyon ng kanilang kapitbahay- si Sarah Estrella- sikat na artista at modelo ng maraming patalastas ng pagkain, habang nakapikit at nakangiting nilalasap ang jum burger ng sikat na fast food chain na Honeybee burger. Nangingilid sa kanyang labi ang labis na mayonnaise, keso at coleslaw.

Malaki ang impluwesya ng napanuod ng bata sa kanyang konsepto ng kasiyahan. Sa isip niya, mararanasan lamang sa wakas ang tunay na kaligayahan kapag natikman ng tao ang sarap ng burger tulad ng kung gaanong laki ng saya ang naramdaman ni Sarah Estrella sa pagkain nito sa kanyang patalastas.

Ngunit hindi siya basta makakahingi sa kanyang mga magulang ng pambili ng burger dahil kulang pa sa badyet sa pagkain ang benta ng mga huling isda sa pamalakaya ng tatay niyang si Mang Rodolfo na kabilang sa mga maliliit na mangingisda ng Tayabas Bay. Simula kasi nang maglipana ang mga buli-buli, pangulong, putok (dynamite fishing) at lason (cyanide fishing) sa bahaging ito ng Probinsya ng Quezon; lalo nang lumiit ang bilang ng huli ng mga mangingisda.

Dagdag pang alalahanin ngayon ng tatay nya iyong sabing pagdagsa pa ng mga dayuhang mamalakaya at higit pang dami ng mga commercial fishers dahil sa epekto ng pag-amyenda ng batas sa pangisdaan.

Subalit hindi nawala sa pangarap na isang araw ay makakain ng hamburger at maranasan ang sensasyong naramdaman ng artistang si Sarah Estrella sa pagkain nito. Buo ang kanyang pasya na pagsisikapang makatikim din nito at nang mabawasan ang ilang kakulangan ng para sa kanya ay ganap na pagpapakatao.

Ilang araw na pagtatapik at paghampas sa tambol na gawa sa tatlong magkaka-ibang sukat na tubo na PVC at paggawa ng pi’to mula sa maliit na kawayan ang ginawa ni Sadam para makalikom ng halagang ibibigay sa magulang pandagdag sa gastusin sa bahay at ipon pambili ng hamburger na tulad sa kinain ni Sarah. Animo ay isang disk jockey sa isang sikat na club ang ritmo ng salimbayang hampas at pi’to na nalikha ni Sadam habang nakaupo sa mga istribo ng dyip mula Capitolyo patungong Gulang-gulang, mula Domoit patungong bayan at mula Bayan-Capitolyo patungong Red V.

At sa wakas ngayong gabi ang katuparan ng kanyang pangarap. Nakaharap siyang muli sa tapat ng Seconds’ Burger Stand. Hindi sa Honeybee Burger, dahil ayaw siyang papasukin ng masungit na guwardiya dahil bawal daw mamalimos sa loob. Ayaw niya rin naman doon at baka magkasakit siya sa kakaibang lamig na hatid ng aircon.

Ilang minuto niyang masusing pinagmasdan ang iba’t ibang klase ng tinda doon (ordinary hamburger, cheese burger, ham and cheese burger, footlong sandwich, cheesedog sandwich, egg sandwich, double cheese and double burger patty, etc.). Gaya nang dati, namimilog at kumikislap sa pananabik ang kanyang mga mata. Naglalaway ang kanyang dila at nangingilid sa kanyang labi. Kinikilatis niya nang husto ang pinakasulit at pinakamasarap na hamburger na bibilhin.

Isa-isang nagtitinginan kay Sadam ang mga bumibili. Ang iba’y umalis agad nang makitang may madungis, madilaw at bilad sa araw na buhok, at laylay ang damit na bata sa paligid. Baka anila agawan sila o manghingi ng kanilang pagkain.

“Hoy Boy bibili ka ba? Kung hindi ay bawal mamalimos dito! Natatakot mo pati ang mga customer namin”, sigaw ng crew ng burger stand.
Biglang napatid ang ngiti ni Sadam at lumisan ang kislap ng kanyang mga mata. Unti-unti siyang humakbang palapit sa crew at inilalahad ng musmos niyang palad ang ilang baryang kayamanan.

“May bur-ger po bang ha-la-gang tat-long li-mang pi-so (kinse)?
Napatawa ang nakaupong lalakeng kustomer sa gilid.
“Hindi pala marunong magbasa.”
Hagalpak ng tawa ang crew.
“Pwede na ang isang hamburger sa kinse.”
Hagalpak muli.

At naghintay siyang maluto ang order. Ito ang pinakamahabang patlang na oras sa pakiwari ni Sadam. Nakamasid pa rin sa kanya ang iba pang mga kostumer.

Naaalala niya si Sarah Estrella habang kumakain ng Honeybee Jum burger…

Ang pandidiri at ismid ng mga pasahero ng dyip habang siya’y nagkukonsyerto…

Ang nakakapanliit na tawa ng lalakeng kustomer at crew ng Seconds’ burger…

Ang pangaral ng magulang na kumikitil sa kanyang kaisa-isang pangarap na makakain ng hamburger dahil wala siyang ipambibili…

“Psst! Heto ang order mo!”, tawag sa kanya ng crew.
Pagkaabot, binuklat ni Sadam ang hating tinapay. Sa loob nito ay napakatamlay tingnan ang napakanipis na burger patty, dalawang ikot ng ketsap at isang pahid ng mayonaise.

Umupo siya sa basang gutter ng kalsada. Minamasdan ang inabot sa kanyang pagkain. Hindi n’ya pansin ang nagdaraang mga tao, ugong ng mga tricycle sa pag-aagawan ng mga pasahero, tawaran ng mga tindera at mamimili sa palengke – sa pinaka-abalang oras sa hapon sa Dalahican. Sumubo ng kaunting bahagi at maya-maya pa’y umagos ang walang patid na luha.

Sa matao, madilim at basang bahaging iyon ng Dalahican, makikita si Sadam na umiiyak habang kumakain ng burger… Humahalo ang tumutulong sipon sa kinakain niyang tinapay habang impit ang sigaw ng pagmumura sa crew at kostumer ng Seconds’ burger, ang mga pasahero ng dyip, ang Honey Jum burger at si Sarah Estrella, sa maagang pag-agaw ng kanyang kamusmusan at maagap na pagpapatanaw sa kanya sa kabangisan ng lipunan.