Tatlong Kabanata sa Buhay-Eskwela ni Raffy Esguerra

I

Siya, si Raffy Esguerra, ay mula pa nung bata ay tinuruan na ng mga magulang na pahalagahan ang edukasyon. Sabi nga ng tatay nito na si Mang Ador na isang mason sa konstruksyon: ito lamang daw ang pupwedeng  maipamana nilang mag-asawa sa lima nilang anak.

Kaya naman nagsisikap si Raffy na makapasok sa eskwela araw-araw. Kahit pa anim na taon sa elementarya ay limang piso lang ang baon at saktong sopas lang ang mabibili para malamnan ang tiyan. Kapag may mga bayarin, ay maisasakripisyo ang pambili nya ng sopas para ipunin at ipambayad sa mga gastusin kaysa manghingi pa sa mga magulang.

Nasanay na silang magkakapatid sa pagresiklo ng mga lumang kwaderno para gamitin muli. Hindi nga mapagsisinungalingang resiklo lang ang kanilang mga kwaderno dahil magkakaiba ang kulay at desinyo ng mga papel. Pero hindi na mahalaga iyon para kay Raffy, Ang mahalaga ay makapasok sa eskwela, matuto at magamit ang edukasyon para mabago ang mahirap nilang buhay.

Ngayon ay nasa sekundarya na si Raffy sa Mataas na paaralang Elitista pero ang grado lang nya ang nagbago. Ganun pa rin ang kanyang baon sa pagpasok. Ang uniporme ay nilumang damit na bigay ng kapitbahay na nanay ng kababatang si Cesar. Kulay puti ang pang-itaas na polo at kulay khaki ang pantalon.

Sa recess, pinapangarap ng kanyang dila na makatikim naman ng ibang pagkain bukod sa lagi nang tig- limang pisong cheeppy at Richie sa kantina. Natatakam sya habang nakatingin sa kaklaseng si Vincent habang nagmimeryenda ng baon nyang chocolate cake na may sprinkled peanuts sa ibabaw.

 Siya lamang ang nagbabaon nito sa klase. Kapag wala namang pera ay tumatambay sya sa guardhouse para makipagkwentuhan sa guwardiyang sina Mang Bernie at  Mang Sator, para lang hindi obvious na sya lang ang walang kinakain sa oras ng recess.

Awang-awa sya sa sarili pero ang motibasyon na makatapos sa pag-aaral ang nagpapalakas ng kanyang loob.

Isang araw, nagbago ang tagpo sa recess nang ibenta ni Vincent ang baon nyang chocolate cake kay Raffy.

-Raffy sawa na ako dito sa baon ko. Ibibenta ko sana sayo ng limang piso.

-Hahh e nakakahiya naman alam ko hindi lang limang piso ang halaga nyan tol.

-Hindi sige limang piso nalang ito. Kulang lang kasi ang pera ko pambili ng monay-palaman-ice cream  kaya pinabayaran ko sayo.

 Tuwang-tuwa si Raffy. Hindi makapaniwala na sa wakas ay makakapagmeryenda na sya ng pinapangarap na pagkain. Hanggang dumating ang mga sigang kaklaseng sina Dexter at Roman.

-Hoy Raffy bakit mo kinakain yang baon ni Vincent? Ninakaw mo no? – sabi ni Roman

Nag-iisip syang itanggi na kay Vincent galing ang pagkain pero mapaghahalataan lamang syang nagsisinungaling.

-Hindi ko ito ninakaw binili ko ke Vincent.

Tyempong wala si Vincent para magpatunay na hindi nya ninakaw ang pagkain. Naroon sya sa  kantina  para bumili ng monay-palaman-icecream.

-Hindi, ninakaw mo yan. Magnanakaw ka!, sabad ni Dexter.

Nagpanting ang tenga  ni Raffy. Nagdilim ang kanyang paningin. Hindi isang beses na pinagsusuntok nya ang mukha ni Dexter habang kinuwelyuhan ng isang kamay para hindi makawala. Basag ang ilong ni Dexter. Hindi nakakilos sa pagkabigla si Roman. Nanlilisik ang mata sa galit ang batang si Raffy.

Nahimasmasan nalang sya nang nasa loob na sila ng principal’s office. Napansin nyang naroon na ang kanyang inang si Aleng Berta, ang advicer na si Ma’am Javier at kaklaseng si Roman. Si Dexter ay hinatid na ng nanay nito sa East Avenue Hospital para ipagamot.

Mas nakaagaw sa atensyon ni Raffy ang makapal na pulang lipstick ng principal na si Ma’am Sanchez, kaysa sa kung ano ang sinasabi nito:

-Iho, what you did is a big disgrace to this school. Hindi ito mapapalampas basta-basta. Misis ano bang itinuro nyong kagandahang asal dito sa anak nyo? Masyadong hurumintado! Alam nyo bang nabali ang ilong ng kaklase nya? Aba! How barbaric!

– Ma’am pagpasenysahan nyo na po ang anak ko. Gagawan nalang namin ng paraan na mabayaran ang pagpapagamot nung batang nasaktan ni Raffy.

-Aba’y dapat lang misis. Obligasyon nyo yun. Pero itong ginawa ng anak nyo ay expulsion from school ang katumbas nito. I’m sorry Raffy but you have to leave this school at mag-umpisa nang maghanap ng bagong mapapasukang eskwela. Kung simpleng parusa lang ang ipataw ko ay baka pamarisan ng iba.

Parang kasing dali lang ng kung paano binigkas ng principal ang kahulugan ng salitang iyon kay Raffy. Pagkagabi sa bahay ng pamilya Esguerra, mata lang ni Raffy ang walang latay sa inabot nyang pagdidisiplina sa amang si Mang Ador. Nangutang naman sa five-six si aleng Berta para may ipangbayad sa ospital sa nabaling ilong ang kaklaseng si Dexter.

Huminto ng dalawang taon sa pag-aaral si Raffy matapos noon. Pansamantala ay nagtrabahong kargador sa palengke sa Manggahan para makaipon at nang may maipambili ng gamit sa eskwela at pambaon sa araw-araw  sa susunod na pasukan.

II

Kinse anyos na ngayon si Raffy. Napagiiwanan na nga siya ng mga kababata na noo’y isang taon nalang at magtatapos na sa hayskul. Pero ano ba naman ang edad? Katwiran nya bale wala ang edad basta pursigidong makapagtapos sa eskwela.

Alam nyang wala syang kinabukasan sa pagkakargador sa palengke ng Manggahan kaya plano talaga nyang makabalik uli sa pag-aaral. Katwiran nya: kahit man lang makatapos ng hayskul ayos na. Paano ba naman ultimo  dyanitor o security guard, hinihingi nang requirement ay atleast high school graduate. Kaya kung hindi nakapag-aral, mas mailap sa tulad nya ang magandang trabaho.

Sa Mataas na Paaralang Represibo sya sumadya para tanungin kung pwede sya mag-enroll. Sa una ay alangan ang titser na tumanggap sa kard nya sa Mataas na Paaralan ng Elitista na nakastapled sa kard  nung elementarya nang makita ang  red remark sa unahan: Expelled.

-Bakit ka expelled sa dati mong school iho?

-e ma’am nakipag-away po ako sa kaklase ko. Pero ma’am pinagsisisihan ko na po yun. Pangako  hindi ko na uulitin pa.

Nakayuko lamang si Raffy habang nagsasalita. Nangingilid ang kanyang luha. Kung gaano katigas at kaangas ang asta nila sa palengke ay syang lambot ng boses nya ngayon habang nakikipag-usap sa titser.  

-Maipapangako mo ba na hindi magiging pasaway dito sa school?

-Opo ma’am magpapakabait na po ako.

At nakita naman ng gurong si Ma’am Cruz, na kalaunan ay naging tagapayo pa nila Raffy, ang pagiging sinsero sa pag-aaral ng estudyante.  Heto’t magdadalawang taon na nga ito sa pag-aaral. Isang linggo na lang ay matatapos na ang taong-pampanuruan. Tapos na ang mga periodical tests, naipasa nang lahat ng mga projects at ibinabalik ng mga estudyante ang mga pinahiram sa kanilang mga libro.

Tapos na ang mga leksyon ni Ma’am Cruz, alas-7 palang ng umaga, kaya magkukwento na lamang sya sa klase ng mga kasaysayan ng love story nilang mag-asawa, mga propesyon ng mga anak nya, saan sila magbabakasyon ngayong taon at kung anu-ano pang istorya na magiging interesante sa mga estudyante.

Sa haba ng kwento ni Ma’am Cruz ay dali-dali syang bumalik sa cubicle nya sa Faculty Room ng Filipino Department para kumain ng mainit na goto na pinakisuyong bilhin sa labas ng estudyanteng nakasalubong pabalik ng Faculty Room. Susunud-sunod sa kanya ang mga estudyanteng sina Raffy at Erik na buhat-buhat ng patpating braso ang tig-apat na dangkal na mga patung-patong na libro. Halos matakpan na ang mga mukha nila sa pagbubuhat. Pupungas-pungas silang dumating sa kwarto.

-Salamat Raffy at Erik! Pakilapag nalang sa gilid ng table ko.

-Yes Ma’am.

-Ah may isa pa pala akong ipapakisuyo mga iho. Pwede nyo ba ako kunan ng kutsara sa canteen para makain ko itong lugaw na almusal ko?Huwag kayong babalik ditto ng walang kutsarang dala ha.

Sa kantina, palibhasa’y patapos na ang klase ay tantyado na ng mga nangangasiwa at nagbibenta na sa ganitong mga araw na patapos na ang klase ay kakaunti nalang ang bumibiling estudyante at marami na ang lumiliban para magbakasyon.

Dumating sila Raffy na naka-lock pa ang kantina. Ang sabi ni ate Tess na nagbibenta ng samalamig ay bandang alas-10 pa daw ito magbubukas. Ang nakabukas palang ay ang stall na nagbibenta ng softdrinks  nina Ate Fe at ang bahagyang nakasiwang na school supplies store ni Ma’am Espiritu.

Bumalik sila sa Faculty Room ni Ma’am Cruz. Sinabi ritong sarado pa ang kantina kaya wala pang kutsara na mahihiram. Pero sa gutom at pagkayamot ng guro ay pasigaw na sinagot ang dalawang estudyante ng:

-Gumawa kayo ng paraan! Hindi pupwedeng wala! Huwag kayong magpapakita sa akin nang walang dalang kutsara. Maliwanag?!

Kandaripas sa paglabas ang dalawang binatilyo. Bumalik sa kantina, nagbakasakaling bukas na. Nang makitang sarado pa, nagtanong kina ate Tess kung mayroon silang pwedeng ipahiram na kutsara, pero wala. Papasok na sana sila sa klase nang matanaw na naroon na at nagtuturo ang Science teacher nilang si sir Roque. Pero naalala nila si Ma’am Cruz. Magagalit yun kung hindi pa rin sila bumalik na may dalang kutsara. Hindi Pwedeng pag-antayin pa nila ng matagal.

-Sa mga kaklase natin baka may pwede tayong hiraman, sabad ni Erik.

Tyenempuhan nilang lumabas si sir Roque na pinatawag sa Principal’s office saka sila pumasok sa klase para magtanong kung sino ang pwedeng magpahiram ng kutsara para magamit ni Ma’am Cruz.

Pero malas! Dahil patapos na nga ang klase ay hindi na rin nagdala ng baong kanin ang kanyang mga kaklaseng kung ordinaryong araw naman ay mayroon. Mas lalo silang nag-alala kung paano nila babalikan si Ma’am Cruz para sabihang wala silang kutsarang nahiraman.

Desperado. Bumalik sila sa kantina.

– Ang sabi ni Ma’am Cruz ay gawan natin ng paraan. Dahil walang kutsara gagawa tayo ng paraan. Tutal lugaw naman ang pagkain nya ay magagawan natin ng paraan. Iyon nga lamang dapat gawan nya rin ng paraan paano nya makakain ng mahusay ang pagkain nya. Kumuha tayo ng straw kay ate Tess, sabi ni Raffy.

Sa Faculty Room, hindi na maipinta sa gutom ang mukha ni Ma’am Cruz. Wala pa sa kwarto ang mga close nyang co-teachers. Naroon lang si Mrs. Ricaforte pero yun pa ang pinakaiinisan nyang kapwa guro. Minsan kasi silang nagkagalit at nagkasagutan sa loob ng eskwelahan dahil sa kontrobersya sa pagpili ng panalo sa pinaka-malinis at magarbong silid-aralan ng mga advisory class na pareho nilang hawak.

-Ma’am wala po talagang kutsara kaming nahiraman. Pero ma’am kung okay sa inyo nakaisip kame ng paraan na pwede nyong gamitin para makain nyo pa rin po ang almusal nyo. Mayroon po kame ditong straw.

Nanlaki ang mata ni Ma’am Cruz. Naglabasan ang mga ugat sa noo. Lalong nagpatikom sa nanggagalit nyang kamao ang ipit na hagikhik ni Ma’am Ricaforte sa likuran. Hinampas ng malakas ni Ma’am Cruz ang lamesa. Nagtalsikan ang mga natabig na librong nakapatong sa ibabaw nito. Nabasag ang flower vase. Natapon sa sahig ang lamang tubig. Napatayong parang wala sa sarili ang guro. Dinuduro at dinudutdot ang sentido ng estudyanteng si Raffy:

-Mga dayukdok kayo. Pinagluloko nyo ba ako mga kutang-lupa kayo? Ikaw Raffy bobo ka ba? Aanhin ko ang straw? Kung bakit ba ako pumayag na makapasok ka pa dito sa eskwelahan? e wala na nga palang pag-asa ang isang basagolerong tulad mo.

Nagulat sa narinig, dinampot ni Raffy ang maliit na radyo sa gilid at saka hinampas sa ulo ang kaharap na titser.

-tang-ina…Putang-ina nyo ma’am!!!

Nanginginig ang labi, nanlilisik ang mata ni Raffy kasabay ng walang patid na pag-agos ng luha sa kanyang pisngi.

 Tulad ng dati nawala sa sarili. Tulala nyang nakikita ang pagdatingan ng kung sinong mga tao. Hinayaan ang pagkaladkad sa kanya papuntang istasyon ng pulis ng guwardiyang si Mang Bernie.Isinakay sya sa multi-cab na dilaw ng eskwelahan. Nakita pa nyang binuhat ng may tatlong dyanitor ang walang malay at duguang si Ma’am Cruz.

Sa loob ng bilangguan sya natulog nung gabing iyon. Sa loob nya’y mabuti na iyon kasya sa labas na tiyak gulpi sarado muli ang aabutin nyang parusa sa tatay nyang si Mang Ador. Kinabukasan ay pinalaya sya dahil hindi nagtuloy ng reklamo ang gurong si Ma’am Cruz. Aminado din kasi sya sa kanyang pagkakamali at mga masasakit na nabitawang salita na nakapagpagalit sa batang si Raffy.

Gayunpaman, ibinaba na ang pasya ng mga panginoon sa magiging kapalaran ni Raffy. Nagdesisyon ang mga guro at prinsipal ng eskwelahan na huwag na syang papasukin. Ang buong DepEd Quezon City Division naman ay nagdesisyon nang huwag payagang maka-enroll si Raffy sa kahit anong eskwelahan sa lungsod. Sa ganun ay nakagawa ng kasaysayan ang batang si Raffy- ang estudyanteng blacklisted sa lahat ng eskwelahan sa Quezon City.

 

III

Alas-4 palang ng umaga, dudungaw-dungaw na sa bintana si Aleng Berta. Umaasang matanawan ang pag-uwi ng panganay na anak na lalakeng si Raffy. Mula sa araw na iyon ay  may anim na buwan na ring hindi umuuwi ang anak matapos ang pangyayari sa eskwelahan. Hindi nya maalala kung ilang beses na paghingi ng tawad at paninikluhod ang ginawa nya sa pamilya ni Ma’am Cruz para mapatawad ang anak sa nagawa nito sa guro. At mukhang may inani ang kanyang ginawa. Nagsimba pa siya sa Quiapo nang marinig na hindi na magtutuloy ng demanda si Ma’am Cruz sa kanyang anak na si Raffy. Mas mainam pang hindi nalang magtuloy ng pag-aaral ang anak kaysa magtuloy sa eskwela ngunit patuloy namang mamatahin dahil sa mga nakakabit nang records niya sa eskwela.

 

Matapos nito’y hindi din miminsan na makakarinig sya ng mga bulung-bulungan sa mga kapitbahay at nasasalubong sa kalsada na nakakaalam sa nangyaring gulong kinasangkutan ng anak sa eskwelahan; na nagpapamukha sa kanyang wala syang kwentang ina dahil hindi nya naturuan ng disiplina ang anak. Ilang ulit na bang ipinamukha sa kanya ng iba na wala siyang kwentang ina? Dahil kahit ang pinakanirirespetong guro ay nagawang saktan ng anak na katumbas agad sa mapanghusga nilang pagtingin na hindi ito nakapagtataka sa isang siguro ay marahas at bayolenteng pamilya.

Si Raffy, mula nang matigil sa eskwela at tuluyan nang lumayas sa bahay ay nagpalipat-lipat na ng matutuluyan at pinagkukunan ng kabuhayan. Minsan sa trak ng gulay sa palengke natutulog matapos ang pagkakargador, minsan sa dyip ng tatay ng kaklase nya noon matapos nyang magback-rider sa buong maghapon, o kung minsan sa bangketa matapos magbarker boy sa terminal ng  Jordan plains.

Sa ganitong yugto ng buhay natutunan nyang wala siyang aasahan kundi ang kanyang sarili. Ang kailangan sa araw-araw aniya ay diskarte at lakas ng loob. Gusto niyang magpakita sa pamilya at umuwi ng bahay pero ano pa mang mukhang ipapakita nya sa kanila? Para sa kanya hindi lamang nya binigo ang mga magulang sa pag-aaral nya kundi sinira nya din ang pangalan ng kanyang mga magulang.

Iisa lamang ang iniisip ni Raffy bago sya umuwi ng bahay. Uuwi lamang sya kung may baon na siyang diploma. Naaalala nyang lagi ang pangaral ng tatay na kailangan nilang pahalagahan ang edukasyon kaya magsikap sa pag-aaral. TIyak nyang mawawala ang lahat ng sama ng loob ng mga magulang kung malaman nilang nakapagtapos pa rin sya ng hayskul sa kabila ng mga kabiguan.  

Kaya nang makaipon ng limang libo mula sa anim na buwang paglalagalag, muling sumadya si Raffy sa paaralan. Alam nyang blacklisted sya sa buong lungsod Quezon nang sabihan sya ng dating kaklaseng nakasakay sa dyip na sya ang backrider. Nakabalik din naman sya sa dating eskwelahan para kunin ang records nya kaya nakumpirma nyang tama ang balitang nakagawa sya ng kasaysayan. Sa Colonial High School  sa Kalookan sya sumadya para mag-inquire.

-Ma’am pwede po ba akong mag-aral dito?

-Nasaan ang mga records mo?

Kinabahan si Raffy. Nag-alalang baka maka-apekto sa pagtanggap sa kanya ang tila isang pilat na bahagi na ng kanyang karera bilang estudyante- ang pagiging kick-out student.

-Tatanggapin ka namin dito pero babantayan ka namin ng husto dahil sa bad records mo sa mga nauna mong pinasukang eskwelahan.Kapag nakagawa ka ng isang kalokohan ay papaalisin ka namin agad. Naintindihan mo iho?

Nakahinga sya ng maluwag. Maipagpapatuloy nya na rin ang pag-aaral.

Kaya sa dedikasyon nyang makatapos, mas sinipagan nya ang pagkayod para kumita ng perang pangtustos sa gastusin sa eskwela. Sa umaga ay estudyante, sa gabi ay nagbibenta ng balut o kaya naman ay backrider sa mga pampasaherong dyip.

Kailangang nyang makaipon ng isang daang piso sa isang araw para makapasok: P70 para sa pamasahe balikan mula Fairview papuntang 7th Avenue sa Kalookan, P30 ang pagkakasyahin para sa kanyang almusal, meryenda at tanghalian.

Sa klase, kung dati ay nasa gitnang sections si Raffy, (hindi sa cream sections pero hindi din sa mga lower sections) ngayon ay isinaksak sya sa mga pinakamahinang klase sa paaralan. Para silang mga sardinas, sa bilang na 68 mag-aaral, na pinagkakasya sa isang masikip, mainit at puno ng vandalism na silid-aralan.

Inumpisahan ni Raffy ang mga unang buwan ng pasukan sa pagiging bibong estudyante palibhasa ay aral sa praktikal na buhay; pala-recite, pasado sa mga quizzes, hindi lumiliban at magalang sa mga guro. 

Pero sa kalagitnaan ng semestre ay kakakitaan si Raffy ng pananamlay.

-Walang hiya naman tol, paano tayo gaganahan mag-aral kung laging wala ang mga guro natin? Nasa lowest section na nga tayo, kulang pa ang atensyon ng mga guro na binibigay sa atin. Ang mga mahuhusay na guro ay pinagtuturo sa mga dati nang matatalinong mga estudyante sa higher sections. Kulang ang mga librong pinapahiram sa atin. Sira-sira at kulang ang mga upuan samantalang kumpleto sa kagamitan ang mga estudyante sa II-Diamond.

Hindi mababanaagan ng pagtataka ang mukha ng kaklaseng si Raymond.

-Ano pang ipinoprotesta mo pre? Sabi naman sayo magbilyar nalang tayo e.

Pero parang hangin na walang narinig si Raffy. Nagtuloy lamang ito sa kanyang litanya.

-Para tayong nasa sistemang Caste. Ang mga guro at principal ang pinakamataas at batas sa paaralan, kasunod ang mga matatalinong mag-aaral tapos sa pinakababa tayong mga lower sections ang mga untouchables o pinakamarumi at walang pag-asang mga tao sa paaralan. Narinig mo ba ang sabi sa atin nung student teacher sa Araling Panlipunan ni Ma’am Reyes? Lagi tayong sini-sino at pinapangaralan- mag-aral tayo ng mabuti, huwag daw magsayang ng buhay. E loko sya, sino ba sya para payuhan tayo? Ka-year-level lang din natin sya ah! Nasa higher section nga lang. Kapareho na nya magsalita ang mga guro nating lagi tayong pinapahiya na kesyo tamad daw tayo at bulakbol sa pag-aaral.

-e kung gusto mo upakan natin yun sa labasan mamaya?!

Natatawang iniwanan na lamang ni Raffy ang kanyang kausap. Pero sa loob nya ay nabuo ang isang balak. Naalala nya ang pagpapasipa sa kanya ng una nyang eskwelahan dahil sa pagbali sa ilong ng kamag-aral, naalala nya ang duguang ulo ni Ma’am Cruz na hinampas nya ng radyo at ang kanilang kalagayan sa kasalukuyang paaralan. Nabuo sa isip nyang tila may isang kaayusang binuo para magkaroon ng hatian, kakulangan ng pagkatuto ng marami habang mas mahuhusay ang iilan, may mga awtoridad na hindi basta pwedeng sagutin at pangatwiranan.

Napagtanto niyang wala itong pinag-iba sa karanasan nya sa paghahanapbuhay sa labas ng paaralan: sa pagkakargador nya sa palengke, backrider at barker sa mga dyip at pagbibenta ng balut hanggang madaling araw.

Bumalik sa silid-aralan si Raffy na may inuusal na mga salitang magbabago sa kanyang motibasyon sa pag-aaral…

-Walang hiya! Ngayon ko lang nakita! Kailangan atang mag-aral ang mga nagtuturo. Kailangang maunang magkaroon ng edukasyon ang mismong nangangaral ng edukasyon. Sa pagkakataong ito ay kailangan ko nang kumibo. Hindi ko lang kasalanan kung bakit nakagawa ako ng mga mali sa pag-aaral. Diniin ako ng sirkumstansya para magawa ko ang mga yun.  Babaguhin ko ang sistema at hahanapin ang tunay na klase ng pag-aaral. Kung saan ang pagkatuto ay tunay at serbisyong itinuturing na karapatan. ###

 

Maikling Kwento ni Elmer Aresgado