NAGMAHAL. Ang Sierra Madre o inang kabundukan ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas. Binubuo ito ng higit 1, 400, 000 hektaryang kagubatan mula Bicol Region hanggang Cagayan. Tinitiyak nito ang balanseng biodiversity at tahanan ng higit 10, 000 species ng hayop at halaman (flora and fauna) gaya ng Rafflesia manillana at jade vine (Strongylodon macrobotrys, Red Lauan (Shorea negrosensis), White Lauan (Shorea contorta), Mayapis (Shorea palosapis), Bagtikan (Parashorea malaanonan), Tiaong (Shorea ovata) at Dungon (Heritiera sylvatica).
Matatagpuan dito ang 88 uri ng ibon, 53 dito ay matatagpuan lamang sa Pilipinas at 12 ay endemic sa Luzon. Nandito din ang mga critically endangered na uri ng ibon at hayop gaya ng Philippine Eagle (Pithecophaga jefferyi), Philippine Hawk-eagle (Spizaetus philippensis), Philippine brown dear (Rusa marianna) na mas kilala sa tawag na (Cervus mariannus) at ang Philippine warty pig (Sus philippensis).
Hinihinga ng mga mamamayan ang malinis na hanging nagmumula sa kagubatan ng Sierra Madre bilang natural na baga (lungs) ng ating daigdig. Dito umaasa ang libu-libong mamamayan mula sa tubig – inumin at irigasyon para sa agrikultura, kagamitan sa paggawa ng mga bahay, muebles at handicrafts, pagkain, non-timber products gaya ng pag-uuway, honeybee, at yamang-mineral.
Nagsisilbing pananggalang ang Sierra Madre sa panahon ng kalamidad laban sa malalakas na bagyo at kanlungan kapag may banta ng tsunami at storm surge sa mga komunidad malapit sa dagat.
Tintiyak ng Sierra Madre ang patuloy na daluyong (run-off) ng katubigan mula sa mga ilog patungo sa karagatan upang manatili ang natural na siklo ng tubig (water cycle), maiwasan ang paglubog ng mga kalupaan (subsidence), at maging sagana ang mga yamang tubig at ng ating karagatan.
NASAKTAN. Nanganganib na tuluyang masira ang Kabundukan ng Sierra Madre gawa ng samu’t saring mapanirang aktibidad ng tao. Gaya ng malaganap pa ring pagmimina sa Hilaga at Timog Sierra Madre. Pangatlo (3) na ngayon ang Pilipinas sa pinakamalaking pinagkukunan ng ginto sa buong mundo, pang-apat sa pagmimina ng copper, pang-lima sa nickel at pang-anim sa chromite. Malaking bahagdan ng mga ito ay minimina sa kabundukan ng Sierra Madre, subalit malaking bahagdan din ng mga naninirahan dito ay hindi naman makatikim ng kaunlaran na pinapangako mula sa industriyang ito. Ang malubha, hindi na muling maipapanumbalik ang nawala nang mga gubat at bundok.
Patuloy ang pagka-upaw ng kabundukan ng Sierra Madre. Ang Pilipinas ay isa mga bansang may pinakamabilis na pagkaubos ng kagubatan (deforestation) sa buong mundo. Sa katunayan, 20% na lamang ng ating forested area ang nalalabi.
Hindi nalalayo dito ang Sierra Madre, dulot ng malaganap pa ring pagkakaingin, pastulan at pagtotroso, at proyektong agribusiness o pagpapalit-gamit ng lupang kagubatan maging ng mga dating itinatanim na native varieties ng mga puno patungo sa pagpaprayoridad sa mga pananim na mapagkakakitaan/ maibibenta at magagamit sa negosyo gaya ng uway, jetropha (tuba-tuba), kamoteng-kahoy, atbp. – na nagreresulta sa pagliit ng suplay ng reserbang tubig, kabi-kabilang landslides dulot ng paglambot ng lupa, at mga pagbaha.
Naging mabisang ruta ang Presidential Proclamation 196 sa bayan ng Real upang makonsentra sa iilang may interes sa kabundukan ng Sierra Madre ang pag-aari sa lupa, nang ipamahagi sa mga magsasaka ng pamahalaan partikular ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong 1992 – ang may 10, 193 hektaryang lupain bilang exclusion sa Presidential Proclamation 1636 sa higit 4, 415 CLOA beneficiaries (Certificate of Land Ownership Award).
Subalit dahil walang suportang serbisyo at sa katunayan ay higit sa 18 slopes ang taas ng lugar at hamak na masukal pa, walang kakayahan ang mga magsasaka na ikultiba at pangalagaan ang mga lupang ipinamahagi sa kanila. Dagdag pa ang ilang datos na umano’y ibinahagi ang lupa sa mga hindi lehitimong magsasaka o kaya naman ay nabahaginan pero hindi alam kung saan doon ang lupang nakapangalan sa kanila.
Hindi nakapagtatakang dahil dito, naipagbili ang hindi iilang hektaryang lupain sa mga malalaking negosyante at korporasyon gaya ng 102.6262has. pag-aari ng Nature’s Valley Corp. sa Kiloloron, ang ngayo’y Mahogany Plantation na pag-aari ni Don Pepe Tan ng CDO Meat Processing and Manufacturing Corp. at ang 69.5667 has. pag-aari ni Ignacio Gimenez sa Bgy. Llavac, Real, Quezon.
Naka-amba na rin ang pagtatalaga sa malawak na bahagi ng Sierra Madre para sa pagtatayo ng mga proyektong eko-turismo gaya ng Commercial Resorts, Amusement Parks, lunsaran ng mga Military Exercises at subdibisyon bilang pamalit sa masikip at mataong komunidad sa Baguio at Metro Manila.
Hindi natitinag ang balaking itayo ang mga proyektong dambuhalang dam gaya ng Laiban Dam, New Centennial Water Source Project – Kaliwa Dam, Kanan Dam, Agos Dam at Sumag River Diversion Project kung saan namatay ang isang manggagawa nito at lima pang nawawala nang ma-trap sa tunnel ng ginagawang dam sa kasagsagan ng hanging habagat nitong Agosto na nagpataas sa libel ng tubig sa ilog Sumag.
Ito ay sa kabila ng samu’t saring ibinabatong argumeto tungkol sa praktikalidad ng pagtatayo nito, isyu sa kaligtasan, pangmatagalang epekto (environmental Impacts) sa kalikasan, at mga paglabag sa batas gaya ng Protected Area System, Presidential Decree No. 1151 [Philippine Environmental Policy], Environmental Impact Satement System, Presidential Decree no. 1586; Wildlife Protection Act, Indigenous Peoples’ Rights Act, atbp.
Nanganganib ding maipagkait ang karapatan sa Lupang-Ninuno ng mga Dumagat at Remontados kung saan saklaw nila ang kabuuhan ng mga lokasyon kung saan itatayo ang mga dambuhalang dam.
Sumusugal ang pamahalaan sa pagtatayo ng mga bagong dambuhalang dam gayong 1,260 MLD (Million Liters per Day) lamang ang kailangan ng 13Milyong populasyon ng Metro Manila. Kayang-kaya itong punan ng mga dati nang nakatayong dam gaya ng Angat Dam na may kapasidad na 4,000 MLD dagdag pa kung irirehabilitate ang Wawa Dam.
NAGPAPASAGIP. Nasasaid at nauubos ang kakayahan at kapasidad (carrying capacity) ng Sierra Madre, ng anumang anyo ng kalikasan at ng mundo sa kabuuhan. Hinahalukay alang-alang sa tubo at kita ang mga kapatagan, ilog at dagat maging ang kailaliman ng ating mga kalupaan.
At ngayong nasimot na ang mga yaman sa mga sentrong-urban at mabababang lugar, nakatanaw ang mga negosyante sa mga gubat at bundok na huling tanggulan (last frontier) ng ating likas–yaman upang pigain ang anumang mapagkakakitaan mula dito.
Dinaranas at nakikita na natin ang mga pangyayaring magpapatotoo sa malubhang kundisyon ng Sierra Madre gaya ng malawakang mudslide/ landslide at pagbaha na kumitil sa libong mamamayan ng Hilagang Quezon noong 2004 sa pananalasa ng bagyong Winnie. Ang hindi malilimutang hagupit ng bagyong Ondoy na nagpatanaw sa kalbo nang Sierra Madre. At ang taun-taong malalakas na bagyo na nagdudulot ng malawakang pag-erode ng lupang bundok patungo sa mga low-lying area.
Panahon na upang muling maunawaan at pahalagahan ng bawat isa, na hindi tayo hiwalay na entidad sa kalikasan. Kung kaya’t ang pagkawala ng kalikasan ay hudyat ng pagkawala din ng buong sangkatauhan. Walang tunay na pag-unlad kung hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng likas-yaman at ang kaligtasan ng higit na nakararaming mamamayan.
Kung kaya higit kailanman, kinakailangan ang malawakang pagtugon ng lahat upang sagipin ang Sierra Madre mula sa nandarambong dito – para sa ating nabubuhay sa ngayon, para sa bagong henerasyon.
Isang hakbang pasulong ang programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagdideklara ng papapatigil sa pagmimina at ang mungkahing pagbubuo ng Sierra Madre Council upang magtiyak ng wastong pangangalaga sa kalikasan. Subalit, dapat pa ring maging mapagmatyag na hindi maging daan ito sa pagpapasok ng mga bagong proyektong pangnegosyo (commercial ventures) na makakasira din sa ating kalikasan.
Iligtas ang SIERRA MADRE mula sa mga mapanirang proyekto!
Tiyakin ang interes at kaligtasan ng Mamamayan bago ang Negosyo at Kapital!
Damdamin ng Bayan, Igalang! Dambuhalang Dam Tutulan!
Itatag ang Konseho ng Sierra Madre na may pantay na representasyon ng lahat ng sektor ng mga mamamayang nakatira dito!
Ipagbunyi ang Araw ng Pagsagip sa Sierra Madre!
STEP – Sierra Madre
September 2016
You must be logged in to post a comment.