Muling Pag-uwi ni Gerald (Ang akalang huli na ay hindi pa pala)


Makulimlim ang kalangitan. Nagbabadya ang pagbuhos ng ulan sa kahabaan ng kalyeng Dimasalang, isang hapon  habang nasa byahe sa dyip tungong Taft Avenue sa isang establisyementong  inuman sa San Marcelino Street.

Nakaset kameng magkita ngayong araw ni Ka Saro.May tatlong buwan na rin nang huli kameng magkita ng kalihim ng kolektib namin sa Maynila. Panghuli nung All Leaders Assembly (ALA) ng teritoryo para paghandaan ang magiging pagkilos ng kilusan para sa SONA (State of the Nation Address) ni pangulong Aquino sa kongreso.

Kami sa Youth Sector (Y.S) ang nakatask na mag-ayos ng mga props at mga placards na gagamitin sa mob kaya magdamagan ang madaming kabataang miyembro sa opisina.

Pero tulad ng dati nagpapaliwanag muna si Ka Saro kung bakit mahalagang pakitunguhan ng lahat ang mag-show of f

Kung paanong kinapanabikan natin ang pag-alis, mas masidhi ang pananabik natin sa pag-uwi.

orce ng mga progresibong grupo sa labas ng kongreso habang nagso-SONA ang pangulo sa harap ng mga elegante at todo-pusturang mga elite sa loob ng kamara.

“Kung bakit kailangang naroon ang ating presensya mga kasama sa SONA, ay dahil higit dalawang taon na ang administrasyon ni P.NOY pero wala pa rin siyang malinaw na programa para sa mamamayan. Tuluy-tuloy at hindi pa rin nasasagot ang mga kaso ng  paglabag sa karapatang pantao sa nakaraang administrasyon hanggang kasalukuyan. Ang totoo ay wala ngang Human Rights Agenda ang administrasyong ito. Sa usaping pang-ekonomiya, malinaw ang pagsunod ng rehimeng ito sa neo-liberal na polisiya at kundisyon ng dayuhan sa kanyang Philippine Development Plan (PDP) na Public-Private Partnership (PPP),Open-Market Policies, Tax Incentives at holidays, physical projects na nakasentro sa imprastraktura na mga dayuhang negosyante ang makikinabang para higit na mapabilis ang kalakalan sa interes nila. Bukod pa sa pagsali sa mga Regional at International na alyansa tulad ng Trans-Pacific Partnership (TPP), Partnership for Growth, Visiting Forces Agreement sa Estados Unidos at Australia, at bilateral at multilateral economic partnerships na onerous o dayuhan lamang ang may pakinabang. ”

“Sa gitna nito ay mas papatinding bilang ng mahihirap na mga Pilipino ang higit na daraing sa kahirapan dahil parang siphoning sa pozo negro na sinisipsip ng dayuhang investors ang yaman ng bansa sa pamamagitan ng industriya ng mina, pagi-export ng mga raw materials para sa demand ng industriya ng mga mayayamang bansa, pagiging imbakan ng Pilipinas ng mga surplus products ng mga 1st world countries, at higit sa lahat ay human resource ng ating bayan para payamanin ang kanilang ekonomiya samantalang parang kahong walang laman ang sarili nating bayan sa pag-alis ng ating mga propesyunal at intelektuwal na kababayan. Hindi nga nakapagtataka kung bakit sa huling sarbey ng Social Weather Station nitong Marso, sinasabing 53.2% ng mga Pilipino ay nagsasabing dumaranas ng labis-labis na kahirapan. Mga kababayan nating kumikita lamang ng katumbas ng isang dolyar sa isang araw na hindi syempre sasapat sa pangangailang gastusin ng pamilya. Nililimusan tayo sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) pero hindi naman tinutugunan ng seryoso ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan sa trabaho, pagkain, pabahay at edukasyon.”

Wala pa rin talagang kupas sa analysis si Ka Saro. Natutulala at napapailing nalang ako habang nakangiting nakikinig sa kanya. Kung ang paniwalang ang paghithit ng usok ng sigarilyo ay nakakapagpahina ng memorya dahil sa nakakalasong kemikal na sangkap nito, kabaligtaran yata ang epekto nito kay Ka Saro.  Dahil habang humihithit sya ng yosi habang nagpapaliwanag, mas lalong madali sa kanya na mag-isip. Minsan nga nakasama ko sya sa isang political conference na kulob at airconditioned ang venue kaya hindi sya makapagyosi habang nagsasalita, doon ko siya nakitang nabubulol-bulol at walang konsentrasyon sa kanyang pananalita dahil walang yosi na nakasalpak sa kanyang bibig.

Kaya namiss ko din talaga ang kasama na ito. Paano bang hindi ko hanap-hanapin ang mga taong katulad nya, e sa dalawang buwan na nakapahinga ako, kung hindi pagbabasa ng mga libro o pakikipag-inuman sa mga kaklase ko nung high school na nakasentro lang sa kakulitan at pag-ibig ang kwentuhan; o paghahanap ng trabaho sa jobstreet para ma-applyan, na halata namang napipilitan lang ang isip kong gawin kaya hindi din natututukan, ay wala na yatang kapanapanabik o maaksyon na pangyayari na dumating sa akin.

Iba ang kwentuhan kapag kaharap si Ka Saro. Iba ang kwentuhan ng mga kasama. Iyong tipong nag-iinuman ng emperador lights kahit walang pulutan na parang ang alak pa ang siya tuloy nagiging sumsuman sa walang patid na paglalasing ng isipan sa mga pulitikal na napagdidibatehan o napagdidiskusyunan.

“Alam mo bang muntik nang magtagumpay sila Bonifacio sa maagang yugto palang ng rebolusyon laban sa mga Espanyol kung hindi dahil sa hindi pumutok na kwitis?”, ngingiti-ngiting pasimula ni Ka Saro.

“Alam ko na yan! Yan dapat ang signal sa mga katipunerong taga-Cavite na sumugod pa-Maynila pero dahil hindi nga napaputok nila Bonifacio dahil maulan nung gabi na yun ay hindi masindihan ang kwitis. Doon ngayon magsisimula ang iringan, dudahan at paksyon sa loob ng Katipunan.”, bibong sagot ni Kokoy na kakolektib namin.

“Tol Gerald, tahimik ata ah! May problema ba tol?”, usisa ni Grace sa akin.

Bigla naman akong natauhan pagkarinig ng pangalan ko, “ay wala tol naisip ko lang national election na pala sa sunod na taon. Umpisa na uli ng karnabal. Kaya may artificial boom ang ekonomiya dahil maglalabasan ng pera ang mga pulitiko na tatlong taon nilang pinag-ipunang nakawin sa kaban ng bayan para ipamudmod sa kampanya. Kakaiba yata ang pulitika ngayon sa atin dahil hindi mo matukoy kung sino ang oposisyon. Kahit pa nga sa hanay ng mga progresibo, may nakasawsaw sa mabangong pangalan ng administrasyon. At mahaba-habang panahon na ring nananaginip ag mamamayan na wasto at progresibo ang administrasyong ito kahit mahaba-habang panahon na rin siyang walang nagagawa sa pagresolba sa mga problema ng mamamayan. Kita mo nitong huli, sunud-sunod ang demolisyon, tanggalan sa trabaho, pagliit ng budyet para sa panlipunang serbisyo pero parang lasing ang mamamayang naniniwalang okay lang na ginagawa yun ng kasalukuyang administrasyon. Yan daw kasi ang demokrasya. Sa kabilang banda, magtutuluy-tuloy tayo sa pagdadala ng isyu ng masa at tuloy ang protesta pero parang minamasama ng marami ang pag-exercise natin n gating Right to Freedom of Expression.”

Magpapalawak pa ang usapan ng grupo mula doon, mapapatigil lamang sa paglagok sa pulutang emperador lights long neck na nasa gitna ng umpukan.

Maya-maya pa sa kalasingan, wala sa kontekstong sasabat si Arthur sa puputul-putol at mahinang boses nang “tama bok, sa bawat kalansing ng barya, may kaluluwang maliligtas sa purgatoryo.”

Sandaling mapapatahimik kaming mga nakarinig at magtitinginan sabay tatawa ng malakas at maghahagalpakan. “Tama na may lasing na sa atin. Disiplinahin natin ang sarili sapat na iyong isa.”, pagtatapos ni Ka Saro na tumayo na para magpaalam nang umalis.

Umaambon na pala sa labas. May kalahating oras na din akong nasa jeep. Nakalampas na rin kame ng Dimasalang, ngayon ay binabaybay na namin ang underpass papuntang Quiapo. Kulang sampung minuto, nasa Normal  na ako para makipagkita kay Ka Saro. Binubuo ko ang mga pangungusap na magpapaliwanag at magdidepensa sa sarili kung tanungin ni Ka Saro kung bakit ako biglang nagpahinga at hindi na umugnay sa kolektib.

Binubuo ko sa isip na syempre dalawang bagay, personal at pulitikal. Usaping pulitikal sa puntong nakukulangan ako sa inaabot ng gawain nitong huli. Na-pressure ako sa pagsalo ng mga gawaing iniwan nila Grace at Kokoy. Pakiramdam ko masyadong malaking responsibilidad. Hindi pa ako handa.

Personal naman sa kabilang banda dahil sa paghihiwalay namin ni Mina. Hindi ako handa at ni sa hinagap hindi ko akalaing mangyayari at aabot kame sa ganoong problema. Ayaw kong ihiwalay sya sa tunay nyang pamilya at maging makasarili kaya mabuti na rin ang suportahan sya sa desisyon nya, kaya napag-isip kong tama na rin ang ganun. Makakatulong sa aming dalawa. Kahit pa ang kahulugan noon ay magiging distracted ako ng husto. At yun nga ang nangyari.

Kaya humantong ako sa pag-iisip na gusto ko nang magpahinga para makapag-isip-isip. Napagtanto kong normal lang ang mga pressures at stress sa tipo ng gawain natin, ang tanong lang ay kung paano natin napakitunguhan at na-explore ang mga problema para makahanap ng solusyon. Sa kaso ko, napadala nga pala ako sa mga pressures kaya natakot na akong humakbang at magsimula ng gawain.

Binabaybay na ng jeep na lulan ako ang Quezon Bridge paglampas ng simbahan ng Quiapo. Ngayon lang uli napansin ang kalangitan. Makulimlim pa rin ang kalawakan pero wala na ang makakapal na ulap. Sa malayong dako ng Intramuros sa kanan ay natatanaw ko mula sa bintana ng jeep ang isang malamlam na bahaghari. Napangiti ako, ilang taon na ring hindi ako nakakakita ng bahaghari. Mayroon pa rin palang nabubuong tulad nito sa Maynila o sadyang ngayon nalang talaga ako uli tumanaw sa malawak na kalangitan? Hindi ko na pansin ang mga taong kasakay na biglang nagtitinginan sa akin dahil bigla na lamang akong nangingiti sa pagkakaupo sa may kahabaang byahe na wala namang kausap o katabi.

Ilang saglit pa nga ay nakaabot na ang jeep sa Normal. Medyo nahirapan pa nga itong umahon sa pataas na bahagi ng Lagusnilad. At kung minamalas ka nga naman, pagkababang-pagkababa kasi ng jeep ay saka naman bumuhos ang malakas na ulan.

Nagred na ang nakaflash sa traffic light, tumakbo ako na nakapatong sa ulo ang dalawang kamay na para bang hindi na ako mababasa sa ganun. Basta ba iyon na ang agad kong reaksyon sa hindi inaasahang pagbuhos ng ulan.

Nagpatila muna ako at sumilong sa waiting shed sa labas ng Philippine Normal University (PNU). Pinapagpagan ang basang buhok at mga butil ng tubig sa dalawang braso. May limang minuto pa naman bago ang usapan namin ni Ka Saro sa isang inuman sa SanMar. Hindi pa rin nagbabadya ng paghina ang buhos ng ulan. Dumadami na rin kameng nakasilong sa waiting shed, kaya hindi sinasadyang nasagi ko ang braso ng isang dalagang malapit sa akin na nakatayo.

“Ka Saro d2 n aq s mlapit. Nagpa2tila lng ng ulan.”, txt ko kay Ka Saro nang 4:10 na ay malakas pa rin ang ulan. Namamasa sa namumuong hamog at anggi ng ulan ang screen ng cellphone kong hawak. Mas dumami pa sa dati ang nagsiksikan sa waiting shed. Na-conscious na nga ako dahil mas nagdikit na ang katawan namin ng dalagang nasagi ko kanina.

“Ok”, maiksing sagot ni Ka Saro. Nangiti ako, sa isip-isip ko, hindi pa rin nagbabago ang kasama- napakaiksi pa rin sumagot pero madaldal sa personal.

“Punta ka na dito bok. Takbuhin mo nalang”, maya-maya pa ay  nabasa kong txt sa akin ni Ka Saro. Nainip na siguro ang mama sa kahihintay. Hindi kasi nahuhuli ito sa usapan e. Kung minsan, 30 minutos bago ang oras ay naroon na ito sa tagpuan.

Kaya na rin namang suungin, mahina na ng kaunti ang ulan. Gaya nang dati ay nakapatong sa ulo ang dalawang kamay, parang kengkoy akong tumatakbo sa kahabaan ng Ayala Boulevard sa bangketa sa labas ng PNU papuntang SanMar.

“Kanina ka pa dito Ka Saro?, natatawa kong tanong kahit alam ko naman ang sagot. Malaki ang pinag-iba ng mukha ni Ka Saro ngayon. Ibang-iba sa hitsura nya nung huli kaming magkakasama noong ALA. Mas lalo siyang pumayat at nagging matulis ang mga shoulder blades sa kapayatan. Nanlalalim din ang kanyang pisngi at mga mata.

“Kamusta ka na? Ano nangyari sayo?, bungad na tanong ni Ka Saro. Nakakaloko pa rin ang ngiti nya at pungay ng mata habang nagsasalita. Nakakaloko, dahil hindi mo mabasa kung nang-aasar na ngiti, nagagalit, nalulungkot ba o masaya lang talaga.

Blanko. Naghahanap ako ng salitang ibubuka ng bibig pero walang lumalabas. Nakatingin lang ako kay Ka Saro pero natatawa ng bahagya, pigil…hanggang natawa na ako ng tuluyan.

“Ganoon talaga ka Saro, kahit ang pangulo ng bansa kailangan ng retreat kung minsan. Masuwerte nga lang si P.NOY dahil nagriretreat sa palasyo o mga beach o hindi kaya sa mga luxury suites sa ibang bansa. Ako kasi sa bahay lang, tapos hinagilap ang mga kabarkada noong hindi pa ako tibak, punta sa mga kamag-anak at nagjob-hunting. Ibang environment kumbaga. Maranasan lang”

“Oh anong napala mo?”, naroon pa rin ang nakakaloko nyang ngiti. Walang pinag-iba ang lukot ng mukha sa pagngisi nung nakikinig at ngayong nagsasalita.

Blanko.Hindi ako uli nagkapagsalita. Hindi gumana ang mga napagpraktisan kong mga depensa kanina habang nasa byahe.

Pumasok na kame sa isang maliit na karinderia na inuman na rin ng mga gustong maglasing. Pwede uminom dito kapag gabi na, bandang alas-6, malapit lang kasi sa mga Universities. Pero ngayon dahil sabado, alas-4 palang ay nagbibenta na sila ng alak.

Pumwesto kame  sa isang lamesa sa gilid ng pinto. Nakiramdam muna kung ayos na ang puwestong iyon para makapag-usap. Ilang saglit lang naglakad na papuntang counter si Ka Saro para mag-order.

May dalawang lamesang bakante sa pagitan ng isang grupo ng kalalakihan na nasa gilid namin na sinimulan na ang tagayan ng mucho (Redhorse Beer). May isang medyo chubby at kulot ang buhok na babae silang kasama. Mukhang girlfriend ng matabang may malaking tiyan na kalbong lalakeng katabi nya sa kanan.Ang ingay nila habang nagkakantahan sa videoke at nagkukwentuhan ng mga walang kakwenta-kwentang bagay tungkol sa isyu ng hiwalayan ni Dennis Trillo at Bianca King, ang naudlot na pag-iibigan ng Koreanang si Grace Lee at P.Noy na napunta sa mga daing nila sa trabaho sa city hall. Doon sa huli lang ako nagkaroon ng interes makinig. Mga kaswal na empleyado pala sila ng lokal na pamahalaan ng Maynila. Daing nila ay magpapasko na pero wala pa rin silang bonus at 13th Month pay na natatanggap. Delay pa ang kanilang sweldo ng dalawang buwan. Hindi napigilang napailing at napamura ng isa nilang kasama habang lumalagok ng isang baso ng beer. Straight na naitumba sa inis.

May katagalan na sa counter si Ka Saro. Nakilatis ko na nga ang bawat hilatsa ng hitsura ng grupong nag-iinuman sa malapit sa lamesa namin. Pero si Ka Saro na una nang nasa counter pero pumunta ng C.R (comfort room) ay bumalik muli sa counter.

Sa isip ko, baka naman masyadong maraming beer ang binili nya. Baka mahirapan akong makauwi sa kalasingan nyan. Tulad ng minsan niyaya akong uminom ng dati kong kakolektib sa kolehiyo na ngayon ay kabilang na sa pinakamalaking grupo na tinatawag na K.L o Kilusang Lie Low, sa isang inuman sa Sky Dome sa S.M North Edsa.Siguro ay may sampung SanMig Lights ang natumba ko. Sa sobra ngang kalasingan, hindi ko na alam paano ako nakauwi ng bahay. Basta nagising nalang ako na laslas na ang bulsa ng maong kong pantalon, wala na ang cellphone ko at pera at kita na ang kanang pisngi ng puwet ko dahil inabot na nalaslasan ang aking likuran.

Ayaw ko nang maulit yun! Pero ewan kung magiging masaya ako o malulungkot nang makita kong hindi bote ng alak ang dala ni Ka Saro pabalik ng lamesa kundi dalawang bote ng softdrinks na Cola. Napako ng ilang segundo ang tingin ko dun sa dalawang bote. Nagtaka siguro si Ka Saro pero hindi ko na yun napansin basta dun ako sa bote nakatingin. Pucha naman, nasa inumang lugar kame tapos softdrinks ang lalagukin namin?

“Ito nalang inumin natin, medyo nagmamadali din kasi ako Gerald e”, pamumutol ni Ka Saro sa pagkatulala ko sa dalawang bote ng softdrinks.

“Alam mo sa tingin ko naman hindi pulitikal ang problema mo e. Isa pa hindi talaga ako magpapayo sayo dahil wala ako sa awtoridad para gawin yun. Naka-leave ako bok. May isang buwan na. Baka sabihin mo lang na madaya ako kung magpapayo ako tapos malalaman mo nalang na nagpahinga na rin pala ako.”

Heto muli ako – blanko. Ano nga ba naman ang masasabi ko? Biglang-bigla ako sa binukas ni Ka Saro. Parang hindi ang Ka Saro ang kaharap ko na sa pagkakakilala ko ay isang political animal, walang emosyon at walang kaburgisang social life na alam. Buong buhay na yata nito ay umiikot sa kilusan. Sa pagkaka-alam ko nga simula dekada ’80 ay wala sa bokabularyo nito ang bakasyon, dalaw, pahinga, pasko, bagong taon, valentines day, mahal na araw, all souls day, o kung ano pa, lalong lalo na ang Valentines Day!. Katwiran nya – “alam niyo ang mga araw na yan ay ginawa ng sistema para gumastos ang mga tao at maampat ang pagkabulok ng kapitalismo. Imbes na sumabay tayo sa kaburgisang selebrasyon, mag-e.d nalang tayo.”

Ang kantyaw nga e, ang kalendaryo daw na meron siya sa bahay ay walang sabado at lingo dahil lahat ay araw para sa gawain. Kaya hindi in character ang kaharap kong Ka Saro na nagsasabing nakapahinga siya sa gawain kaya hindi niya ako mapapayuhan.

Nangingilid ang luha ng kasama, “kinailangan kong magpahinga sandali. May cancer ang anak ko. Hindi sa pinansyal na problema kundi ang presensya ko at suporta bilang ama ang kailangan ng anak ko. Buong buhay ko wala akong konsepto ng part-time sa gawain, walang bakasyon. Kinaya kong hindi sumaglit nung mamatay ang kapatid ko sa sakit na breast cancer. Pero iba ngayon. May cancer sa buto ang anak ko at kailangan andun ako sa buong proseso ng paggaling nya.”

Ibang-iba talaga ang Ka Saro. Hindi lang dahil nagsasalita sya tungkol sa leave kundi lalo dahil emosyunal siya ngayon. Hindi na matatago ang namumuong luha sa mga mata nya. Napapatingin sya sa labas ng bintana. Patuloy naman sa ingay at kantyawan ang mga katabi naming naglalasing sa iniinom nilang alak pero parang mas lasing pa sa kanila ang dalawang nakaupo sa lamesa namin.

Sabi nila, malalaman mo daw na lasing na ang mga manginginom kung nagsasabihan na ng mga problema at isa-isa na silang nagiiyakan. Iyong tipong mga bakulaw na mga mama pero nagngangawngawan sa pagtangis at paglalabas ng mga sama ng loob. Sa espiritu ng alak, nagiging normal ang abnormal na scenario sa mga machong lalake.

Sa ganung paliwanag tungkol sa kalasingan, mas lasing pa nga kame kaysa dun sa grupo sa kabilang lamesa. Naiiyak si Ka Saro habang nagkukwento, ako man ay naiiyak na rin. Mas malakas yata ang espiritu ng softdrinks kung makatama kaysa sa anupamang klase ng alak sa daigdig.

“Hindi naman ako makapag-part time nalang sa gawain. Dahil hindi ko alam ang konsepto na yun. Para kasing umiinom ng alak ang gawain sa kilusan. Kapag nalasing ka na ay makakalimutan mo na ang ibang bagay. Pangit man ikumpara sa alak ang isang mapagpalayang gampanin, pero sino ba ang nagpasama sa konsepto ng alak bilang simbolismo ng kasalanan o sin? Sa Gresya, itinuturo ang alak o wine bilang dahilan bakit malusog ang mga Griyego at may mahaba silang buhay. Dito sa atin, ginagamit ang alak para maging well bonded ang pamilya at kung minsan sa harap ng presensya ng alak nagkakabati ang mga magkaka-away. Kahit nga pari sa pagmimisa, nasa presensya ng alak sa pangangaral.”

“Kapag nalasing ka na sa mapagpalayang gawain, iyon na ang mundo mo. Iyon ang mundo mo dahil yun ang dapat gawin. Iyon ang pinaka-progresibong gawin. Ofcourse hindi ko sinasabing nung full-time ako ay napabayaan ko ang pamilya ko. Intact kame ng asawa ko kasama ang solong anak namin na si Jr. Iba lang talaga ngayon bok. Matter of life and death ang anak ko. At gusto ko naman kasama nya ako bawat sandali sa dinadaanan nyang digmaan ngayon.”

“Naiintindihan kita Ka Saro!”, sa haba ng nasabi ng kasama ay ito lang ang ganti ko. Hindi ko na napigilan ang pagdaloy ng luha sa aking pisngi. Ganun nga din si Ka Saro na punas ng punas ng panyo habang tuluy-tuloy lang sa kasiyahan ang mga tao sa kabilang lamesa. Pero nakakapansin na sa kalasingan namin ang dalawang babae sa counter na nagbubulungang nakatingin sa amin.

“Sa bahagi mo, para makabwelo ka Gerald, magsimula ka muna sa isang distrito. Tama na muna ang pag-iisip kay Mina. Pahinga muna sa ganoon. Pokus sa gawain kasama”, sabay tapik sa balikat ko ni Ka Saro. Pareho kame ngayong pupunas-punas ng luha. “Anuman ang problema o kailangan kontakin nyo lang ako. Itatawid ko lang ito pero hindi ako magtatagal. Balik tayo sa gawain kasama!”, pareho na kameng nakangiting patayo ni Ka Saro para magpaalamanan.

Maaga ang pag-agaw ng dilim sa liwanag sa  buwan ng Disyembre, nakabukas na ang mga lightposts sa labas. Tumila na ang ulan sa labas pero parang hindi gininaw ang paligid ng Maynila. Para ngang hindi dumaan ang ulan sa init ng temperatura.

Magaan ang pakiramdam ko pagkatapos ng usap namin ni Ka Saro. Kahit nung una, magaan sa loob kada pagkatapos ng pakikipagtalakayan kay Ka Saro.

Hindi pa rin ako nakakabalik ng Headquarters ng Y.S pero alam kong nakabalik na ako. Muli na akong nakabalik, sa inuuwian kong tahanan. ###

Leave a comment